Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo—sa Pagsikat ng Umagang Maningning


Kabanata 1

Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo—sa Pagsikat ng Umagang Maningning

“Ang maluwalhating ebanghelyong ito ay pinasimulan ng pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Buong buhay niya, si Pangulong Gordon B. Hinckley ay kinakitaan ng matinding paggalang sa mga tao at lugar na may kinalaman sa panunumbalik ng ebanghelyo. Nakadama siya ng espesyal na pasasalamat kay Joseph Smith at sa papel na kanyang ginampanan sa Panunumbalik, at binanggit niya ang “tumitinding hangarin na magpatotoo tungkol sa kabanalan ng Panginoon at tungkol sa misyon ni Propetang Joseph Smith.”1

Noong 1935, habang naglalakbay si Gordon pauwi mula sa kanyang misyon sa England, siya at ang iba pang pauwing mga missionary ay bumisita sa Sagradong Kakahuyan at sa Burol ng Cumorah. Tumigil din sila sa Carthage Jail, kung saan pinaslang sina Propetang Joseph at Hyrum Smith. Sila ay naglakad sa maalikabok na lansangan ng Nauvoo, kung saan ang ipinatapon na mga Banal ay ginawang magandang lungsod ang isang latian. Walang duda na sa paggunita sa mga pagsubok at tagumpay ng mga Banal noon natuon ang isipan ni Gordon habang naroon siya sa mga lugar na ito at habang patuloy siyang naglakbay pakanluran sa rutang dinaanan ng mga pioneer papuntang Salt Lake City.

Si Gordon B. Hinckley ay bumalik sa mga sagradong pook ng Panunumbalik nang mas maraming beses nang sumunod na mga dekada. Sa Debosyonal sa Pasko ng Unang Panguluhan noong Disyembre 3, 2000, ibinahagi niya ang personal na karanasang ito sa pagbisita sa Sagradong Kakahuyan:

“Ilang taon na ang nakalipas naatasan akong pamunuan ang Rochester New York Stake conference. Sa araw ng Sabado sinabi ko sa mga kapatid na kasama ko, ‘Gumising tayo nang maaga, sa araw ng Linggo, at pumunta tayo sa Sagradong Kakahuyan bago idaos ang kumperensya.’ Pumayag silang lahat. Dahil dito, maagang-maaga sa araw ng Sabbath sa tagsibol na iyon, ang mission president, stake president, regional representative, at ako ay nagpunta sa Palmyra at naglakad papunta sa kakahuyan. Walang ibang naroon. Napakatahimik at maganda. Umulan nang malakas sa gabi. Ang munting mga bagong dahon ay umusbong sa mga puno.

“Marahan kaming nag-usap-usap. Lumuhod kami sa mamasa-masang lupa at nanalangin. Wala kaming narinig na tinig. Hindi kami nakakita ng pangitain. Ngunit sa hindi maipaliwanag na paraan sinabi sa aming isipan, sa bawat isa sa amin, na oo, dito iyon nangyari tulad ng sinabi ni Joseph. Dito ang Diyos Amang Walang Hanggan at Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo, ay nagpakita sa 14-na taong gulang na batang lalaki at nakipag-usap sa kanya. Ang kanilang walang kapantay na liwanag ay napasakanya, at tinuruan siya kung ano ang dapat niyang gawin.

“Sa dakilang pagkakataong iyon, hinawi ng Unang Pangitain ang tabing na nagbigay-daan sa panunumbalik sa mundo ng Simbahan ni Cristo. Lumabas ito mula sa ilang ng kadiliman, mula sa kawalan ng pag-asa ng nagdaang mga panahon tungo sa maluwalhating bukang-liwayway ng bagong araw. Sumunod ang Aklat ni Mormon bilang isa pang saksi ng Panginoong Jesucristo. Ang Kanyang kabanal-banalang priesthood ay ipinanumbalik mula sa mga kamay ng mga taong mayhawak nito noong unang panahon. Ang mga susi at kapangyarihan ay ipinagkaloob sa Propeta at sa kanyang mga kasamahan. Ang sinaunang Simbahan ay nasa lupa nang muli kaakibat ang lahat ng mga pagpapala, kapangyarihan, doktrina, susi, at alituntunin ng mga naunang dispensasyon. Ito ang Simbahan [ni Cristo]. Taglay nito ang Kanyang pangalan. Ito ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng Kanyang priesthood. Walang ibang pangalan sa silong ng langit kung saan maliligtas ang tao. Si Joseph Smith … ay naging Kanyang dakilang tagapagpatunay.”2

Unang Pangitain

Ang Unang Pangitain ang nagpasimula sa “huling kabanata ng kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa kalalakihan at kababaihan sa mundo.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Kasunod ng pagkamatay ng Tagapagligtas, ang Simbahan na Kanyang itinayo ay nag-apostasiya.

Si [Jesucristo] ang pinakamahalagang tao sa kasaysayan ng sangkatauhan, ang pinakatampok sa mga panahon ng lahat ng tao.

Bago Siya namatay, inordenan Niya ang Kanyang mga Apostol. Nakapagpatuloy sila sa gawain sa loob ng ilang panahon. Ang Kanyang Simbahan ay naitayo nang maayos.3

Kasunod ng pagkamatay ng Tagapagligtas, ang Simbahan na Kanyang itinayo ay nag-apostasiya. Natupad ang mga salita ni Isaias, na nagsabing, “Ang lupa naman ay nadumihan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka’t kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan” (Isaias 24:5).4

Ang liham ni Pablo ay nanawagan ng kalakasan sa mga tagasunod ni Cristo, upang hindi sila mahulog sa mga landas ng masama. Ngunit sa huli ay nanaig ang diwa ng apostasiya.5

Dumating at lumipas ang mga siglo. Isang ulap ng kadiliman ang bumalot sa mundo. Inilarawan ito ni Isaias: “Sapagkat, narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan” (Isa. 60: 2).

Ito ay panahon ng pandarambong at pagdurusa, na makikilala sa mahaba at madugong labanan. … Panahon ito ng kawalan ng pag-asa, panahon ng mga panginoon at mga alipin.

Ang unang isanlibong taon ay lumipas, at nagsimula ang pangalawang milenyo. Ang unang mga siglo ng milenyong ito ay katulad din ng sa mga nauna. Iyon ay panahon na puno ng takot at pagdurusa.6

2

Ang Renaissance at Repormasyon ay nakatulong sa paghahanda ng daan para sa panunumbalik ng ebanghelyo.

Kahit paano, sa mahabang panahong iyon ng kadiliman, isang kandila ang sinindihan. Ang panahon ng Renaissance ay naghatid ng pamumukadkad o pag-unlad ng pag-aaral, sining, at agham. Nagsimula ang isang kilusan ng matatapang na kalalakihan at kababaihan na nakatingin sa kalangitan bilang pagkilala sa Diyos at sa Kanyang banal na Anak. Tinatawag natin itong Repormasyon.7

Kumilos ang mga repormista para mabago ang simbahang [Kristiyano], mga lalaking gaya nina Luther, Melanchthon, Hus, Zwingli, at Tyndale. Sila ay mga lalaking matatapang, ang ilan sa kanila ay dumanas ng malupit na kamatayan dahil sa kanilang mga paniniwala. Ang Protestantismo ay isinilang na sumisigaw ng repormasyon o pagbabago. Nang hindi maisakatuparan ang repormasyong iyon, ang mga repormista ay bumuo ng sarili nilang mga simbahan. Ginawa nila ito nang walang awtoridad ng priesthood. Ang tanging hangad nila ay makahanap ng munting lugar kung saan sila makasasamba sa Diyos ayon sa inaakala nilang tamang pagsamba sa Kanya.

Habang pinupukaw ng malaking kaguluhang ito ang iba’t ibang panig ng mundo ng mga Kristiyano, kumikilos din ang puwersa ng pulitika. At dumating ang American Revolutionary War, na naging sanhi ng pagsilang ng isang bansa na ang Konstitusyon ay nagsasaad na hindi dapat impluwensyahan ng pamahalaan ang mga bagay na nauukol sa relihiyon. Sumapit ang bukang-liwayway, isang napakaluwalhating araw. Dito ay wala nang simbahan na konektado sa pamahalaan. Walang relihiyon na mas pinapaboran kaysa sa iba.

Pagkaraan ng maraming siglo ng kadiliman at sakit at hirap, dumating na ang tamang panahon para sa panunumbalik ng ebanghelyo. Binanggit ng mga sinaunang propeta ang araw na pinakahihintay.

Lahat ng kasaysayan ng nakaraan ay nakatuon sa panahong ito. Ang mga siglo taglay ang lahat ng kanilang dusa at lahat ng kanilang pag-asa ay nagsidating at lumisan na. Ipinasiya ng Pinakamakapangyarihang Hukom ng mga bansa, ang Diyos na Buhay, na dumating na ang panahon na sinabi ng mga propeta. Nakinita ni Daniel ang isang bato na natibag mula sa bundok hindi ng mga kamay at naging isang malaking bundok at napuspos ang buong mundo [tingnan sa Daniel 2:35, 44].8

3

Ang Pagpapanumbalik ay nagsimula sa pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith.

Matapos ang maraming henerasyon sa mundo—marami sa mga ito ay puno ng labanan, poot, kadiliman, at kasamaan—dumating ang dakila, bagong araw ng Panunumbalik. Ang maluwalhating ebanghelyong ito ay nagsimula nang magpakita ang Ama at ang Anak sa batang si Joseph.9

Tunay na kagila-gilalas ang pangitaing iyon noong taong 1820 nang manalangin si Joseph sa kakahuyan at nagpakita sa kanya kapwa ang Ama at ang Anak. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa kanya, tinatawag siya sa kanyang pangalan, at nagsabi, habang itinuturo ang isa, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Wala pang ganitong pangyayari noon. Dahil dito mapapaisip ang isang tao kung bakit napakahalaga na magpakita kapwa ang Ama at Anak. Palagay ko ito ay dahil sa pinasisimulan nila ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, ang huling dispensasyon ng ebanghelyo, kung kailan sama-samang matitipon ang mga elemento ng lahat ng mga naunang dispensasyon. Ito ang magiging huling kabanata sa mga mahabang kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa kalalakihan at kababaihan sa mundo.10

Bawat pag-angkin na ginagawa natin hinggil sa banal na awtoridad, bawat katotohanan na ating iniaalok hinggil sa katunayan ng gawaing ito, ang lahat ng ito ay nagmula o nag-ugat sa Unang Pangitain ng batang propeta. Kung wala ito wala tayong masyadong masasabi. Ito ang humawi sa tabing o nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan nangako ang Diyos na ipanunumbalik Niya ang lahat ng kapangyarihan, ang mga kaloob, ang mga pagpapala, ng lahat ng naunang mga dispensasyon.11

4

Ipinanumbalik ang awtoridad at mga susi ng priesthood.

estatuwa ng panunumbalik ng priesthood

Ang awtoridad at mga susi ng Melchizedek Priesthood ay ipinanumbalik sa lupa bilang bahagi ng Panunumbalik.

Sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood, ang nabuhay na muling si Juan Bautista ay ipinatong ang kanyang mga kamay sa uluhan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery at sinabing, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na mayhawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (D at T 13:1).12

Sinundan ito ng pagdalaw nina Pedro, Santiago, at Juan, na mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, na nagkaloob kina Joseph at Oliver Cowdery ng Melchizedek Priesthood, na tinanggap ng mga Apostol na ito sa kamay mismo ng Panginoon.13

Tatlo sa mga Apostol ng Tagapagligtas—sina Pedro, Santiago, at Juan—ay nagpakita kina Joseph at Oliver “sa ilang” sa tabi ng Ilog ng Susquehanna (tingnan sa D at T 128:20). Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa ulo nina Joseph at Oliver at iginawad sa kanila ang banal na awtoridad. …

Kaya kong tuntunin ang aking priesthood o pagkasaserdote nang direkta sa pangyayaring ito. Ganito iyon: Ako ay inordenan ni David O. McKay; na inordenan ni Joseph F. Smith; na inordenan ni Brigham Young; na inordenan ng Tatlong Saksi; na inordenan nina Joseph Smith Jr., at Oliver Cowdery; na inordenan nina Pedro, Santiago, at Juan; na inordenan ng Panginoong Jesucristo.

Dumating din ito sa [bawat may hawak ng Melchizedek Priesthood]. Bawat isa sa inyo mga kapatid na maytaglay ng priesthood na ito ay tumanggap din ng direktang linya mula sa pagkakaloob na ginawa nina Pedro, Santiago, at Juan.14

5

Sa pamamagitan ni Joseph Smith, inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan na ipinagkaiba natin sa ibang mga simbahan.

Hayaan ninyong banggitin ko ang ilan sa maraming doktrina at kaugalian na ipinagkaiba natin sa lahat ng iba pang mga simbahan, at lahat ng ito ay dumating sa pamamagitan ng paghahayag sa batang Propeta. Pamilyar kayo sa mga ito, ngunit marapat lang na ulitin at pag-isipan ang mga ito.

Ang Panguluhang Diyos

Una sa lahat … ang pagpapakita ng Diyos mismo at ng Pinakamamahal Niyang Anak, ang muling nabuhay na Panginoong Jesucristo. Ang dakilang pangitaing ito, sa palagay ko, ang pinakadakilang pangyayari mula sa kapanganakan, buhay, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon sa kalagitnaan ng panahon.

Wala tayong tala ng iba pang pangyayaring papantay rito.

Maraming siglong nagtipon ang mga tao at pinagtalunan ang likas na katangian ng Diyos. Tinipon ni Constantino ang mga iskolar ng iba’t ibang grupo sa Nicaea noong taong 325. Matapos ang matinding pagdedebate nang dalawang buwan, nagkasundo sila sa isang kahulugan na naging pahayag ng doktrina ng mga Kristiyano sa maraming henerasyon tungkol sa Panguluhang Diyos.

Inaanyayahan ko kayong basahin ang kahulugang iyon at ihambing ito sa pahayag ng batang si Joseph. Sinabi lang niya na nakatayo ang Diyos sa harapan niya at kinausap siya. Nakikita Siya at naririnig ni Joseph. Siya ay kawangis ng tao, isang katauhang may katawan. Katabi Niya ang nabuhay na mag-uling Panginoon, hiwalay na katauhan, na ipinakilala Niya bilang Pinakamamahal Niyang Anak na kumausap din kay Joseph.

Naniniwala ako na sa maikling oras ng pambihirang pangitaing iyon maraming nalaman si Joseph tungkol sa Diyos kaysa lahat ng iskolar at ministro noon.

Sa banal na paghahayag na ito napagtibay nang walang duda ang katotohanan ng literal na Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo.

Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos, na itinago sa daigdig nang maraming siglo, ang una at dakilang bagay na inihayag ng Diyos sa Kanyang piniling tagapaglingkod.15

Ang Aklat ni Mormon bilang kasama ng Biblia sa pagpapatotoo

ipinintang larawan, Isang Pastol

“Ang Aklat ni Mormon … ay nagsasalita gaya ng isang tinig mula sa alabok sa pagpapatotoo sa Anak ng Diyos.”

Susunod kong babanggitin ang isa pang napakahalagang bagay na inihayag ng Diyos.

Tanggap ng daigdig ng mga Kristiyano ang Biblia bilang salita ng Diyos. Karamihan ay walang ideya kung paano ito napasaatin.

Katatapos ko lang basahin ang kalalathalang aklat ng isang bantog na iskolar. Maliwanag sa impormasyon niya na maraming aklat sa Biblia ang pinagsama-sama sa hindi sistematikong paraan. Sa ilang pagkakataon, hindi agad nailabas ang mga isinulat hanggang sa matapos ang mga pangyayaring inilarawan. Dahil dito maitatanong natin, “Totoo ba ang Biblia? Salita ba talaga ito ng Diyos?”

Ang sagot nati’y oo, basta’t ito ay naisalin nang wasto. Binigyang inspirasyon ng Panginoon ang paggawa ng Biblia. Pero hindi na ito nag-iisa ngayon. May isa pang saksi sa makabuluhan at mahalagang mga katotohanang naroon.

Ipinahayag sa banal na kasulatan na, “sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa’t salita” (II Mga Taga Corinto 13:1).

Ang Aklat ni Mormon ay lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Nagsasalita ito bilang isang tinig mula sa alabok sa pagpapatotoo sa Anak ng Diyos. Ikinukuwento nito ang Kanyang kapanganakan, ministeryo, Pagkapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli, at pagpapakita sa mabubuti sa lupaing Masagana sa Amerika.

Nahahawakan ito, nababasa, nasusubukan. Naglalaman ito ng pangako tungkol sa banal nitong pinagmulan. Milyun-milyon ang sumubok sa pangakong ito at natuklasang ito ay totoo at sagradong tala. …

Ang Biblia ay tipan ng Lumang Daigdig, ang Aklat ni Mormon naman ay tipan ng Bagong Daigdig. Sabay nilang ipinapahayag na si Jesus ang Anak ng Ama. …

Ang sagradong aklat na ito, na lumabas bilang paghahayag ng Maykapal, ay tunay na isa pang tipan ng kabanalan ng ating Panginoon.16

Awtoridad ng priesthood at organisasyon ng Simbahan

Ang priesthood ay awtoridad para kumilos sa pangalan ng Diyos. … May nabasa akong aklat kamakailan. Tungkol ito sa Apostasiya ng sinaunang Simbahan. Kung nawala ang awtoridad ng Simbahang ito, paano ito ipanunumbalik?

Isang lugar lang ang maaaring pagmulan ng awtoridad ng priesthood, at yaon ay mula sa langit. Ipinagkaloob ito ng mga nagtataglay nito nang narito sa lupa ang Tagapagligtas. …

Kayganda ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo na nagbigay-daan sa pagtatatag ng Simbahan noong taong 1830. … Ang pangalan mismo ng Simbahan ay inihayag. Kaninong Simbahan ito? Kay Joseph Smith ba? Kay Oliver Cowdery kaya? Hindi, ito ang Simbahan ni Jesucristo na ipinanumbalik sa mundo sa mga huling araw na ito.17

Ang pamilya

Isa pang dakila at natatanging paghahayag na ibinigay sa Propeta ay ang plano para sa walang-hanggang buhay ng pamilya.

Ang pamilya ay likha ng Maykapal. Kinakatawan nito ang pinakasagrado sa lahat ng ugnayan. Kinakatawan nito ang pinakamabigat sa lahat ng gawain. Pangunahing organisasyon ito ng lipunan.

Sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang Propeta lumabas ang doktrina at awtoridad na nagbubuklod sa mga pamilya hindi lang sa buhay na ito, kundi sa kawalang-hanggan.18

Ang kawalang-malay ng mga batang paslit

Ang kawalang-malay ng mga batang paslit ay isa pang paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph. Nakagawian na ang pagbibinyag sa mga sanggol para pawiin ang mga epekto ng sinasabing kasalanan daw nina Eva at Adan. Sa ilalim ng doktrina ng Pagpapanumbalik, ang binyag ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. Nagiging tipan ito sa pagitan ng Diyos at ng tao. Isinasagawa ito pagsapit sa gulang ng pananagutan, kung kailan may sapat na isip na ang mga tao para makilala ang tama sa mali. Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog, ang simbolo ng pagkamatay at paglilibing kay Jesucristo at pagbangon Niya sa Pagkabuhay na Mag-uli.19

Kaligtasan para sa mga patay

Babanggit ako ng isa pang inihayag na katotohanan. Sinabi sa atin na hindi nagtatangi ng mga tao ang Diyos, gayunpaman, wala akong alam na iba pang simbahan na may ginagawa para matanggap ng mga namatay ang lahat ng biyayang ibinibigay sa mga buhay. Ang dakilang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ay kakaiba sa Simbahang ito. … Pareho ang oportunidad ng mga patay at mga buhay. Muli, kayluwalhati at kayganda ng kundisyong ginawa ng Maykapal sa pamamagitan ng paghahayag Niya sa Kanyang Propeta.20

Ang kalikasan, layunin, at potensyal ng mga anak ng Diyos

Ang walang-hanggang kalikasan ng tao ay inihayag. Tayo ay mga anak ng Diyos. Ang Diyos ang Ama ng ating mga espiritu. Nabuhay tayo bago pa man tayo isinilang. May personalidad tayo. Isinilang tayo sa buhay na ito sa ilalim ng banal na plano. Narito tayo para subukin ang ating pagkamarapat, na kumikilos gamit ang kalayaang pumili na bigay sa atin ng Diyos. Kapag namatay tayo patuloy tayong mabubuhay. Ang walang-hanggang buhay natin ay binubuo ng tatlong yugto: una, ang ating buhay bago tayo isinilang; ikalawa, ang ating buhay sa mundo; at ikatlo, ang kabilang-buhay. Pagkamatay natin lilisanin natin ang mundong ito at dadaan sa lambong papasok sa kahariang karapat-dapat nating pasukin. Kakaiba rin ito, natatangi, at mahalagang doktrina ng Simbahang ito na ipinarating sa pamamagitan ng paghahayag.21

Makabagong paghahayag

Narito ang maikling buod ng napakaraming ipinagkaloob na kaalaman at awtoridad mula sa Diyos sa Kanyang Propeta. … May isa pa akong kailangang banggitin. Ito ang alituntunin ng makabagong paghahayag. Ang mga saligan ng pananampalataya na isinulat ng Propeta ay nagsasaad:

“Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

Ang lumalaking simbahan, na lumalaganap sa buong mundo sa mahirap na panahong ito, ay nangangailangan ng palagiang paghahayag mula sa trono ng langit upang magabayan at maisulong.

Sa dalangin at masigasig na paghahangad sa kalooban ng Panginoon, pinatototohanan namin na tumatanggap kami ng mga tagubilin, dumarating ang paghahayag, at pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pagtahak nito sa landas na kahahantungan nito.

Sa matatag na pundasyon ng banal na tungkulin ni Propetang Joseph at sa mga paghahayag ng Diyos, na dumating sa pamamagitan niya, tayo ay sumusulong.22

Bilang ika-15 sa linya mula kay Joseph Smith at taglay ang balabal ng propeta na napasa kanya, ipinahahayag ko ang taimtim kong patotoo na ang salaysay ni Propetang Joseph [tungkol sa mga pangyayari sa Panunumbalik] ay totoo, na ang Ama … ay nagpatotoo sa kabanalan ng Kanyang Anak, na tinagubilinan ng Anak ang batang propeta, at na sinundan ito ng maraming pangyayari na humantong sa organisasyon ng “tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” [D at T 1:30].23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit kinailangan ng mga tao sa mundo na ang Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo ay maipanumbalik? (Tingnan sa bahagi 1.) Ano ang ilang paraan na inihanda ng Panginoon ang daan para sa panunumbalik ng ebanghelyo? (Tingnan sa bahagi 2.)

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hinckley tungkol sa Unang Pangitain (tingnan sa bahagi 3). Paano nakaimpluwensya sa inyo ang inyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain?

  • Bakit mahalaga na ang priesthood ay ipanumbalik ng mga sugo ng langit? (Tingnan sa bahagi 4.) Bakit mahalaga na matunton ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kanilang awtoridad ng priesthood kay Jesucristo?

  • Sa bahagi 5, basahing muli ang buod ng ilan sa mga katotohanang dumating sa pamamagitan ng paghahayag kay Propetang Joseph Smith. Paano napagpala ng mga katotohanang ito ang inyong buhay? Paano natin matutulungan ang mga bata na maunawaan at pahalagahan ang mga katotohanang ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Isaias 2:1–3; Ang Mga Gawa 3:19–21; Apocalipsis 14:6–7; 2 Nephi 25:17–18; D at T 128:19–21

Tulong sa Pag-aaral

“Ang pag-aaral mo ng ebanghelyo ay napakaepektibo kapag tinuturuan ka sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Palaging simulan ang pag-aaral mo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pananalangin na tulungan ka ng Espiritu Santo na matuto” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 20).

Mga Tala

  1. Sa Sheri L. Dew, Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley (1996), 326.

  2. “My Redeemer Lives,” Ensign, Peb. 2001, 72.

  3. “At the Summit of the Ages,” Ensign, Nob. 1999, 73.

  4. “Ang Batong Natibag sa Bundok,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 84.

  5. “Ang Pagsikat ng Umagang Maningning,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 82.

  6. “At the Summit of the Ages,” 73.

  7. “Ang Pagsikat ng Umagang Maningning,” 82–83.

  8. “At the Summit of the Ages,” 73.

  9. “Ang Pagsikat ng Umagang Maningning,” 83.

  10. “Ang Batong Natibag sa Bundok,” 84.

  11. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 226.

  12. “Ang mga Bagay na Nalalaman Ko,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 84.

  13. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 82.

  14. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2: 2000–2004 (2005), 411.

  15. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 80–81.

  16. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 81–82.

  17. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 82.

  18. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 82.

  19. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 82.

  20. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 82.

  21. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 83.

  22. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” 83.

  23. “Special Witnesses of Christ,” Ensign, Abr. 2001, 20–21.