Kabanata 14
Kalimutan ang Ating Sarili sa Paglilingkod sa Iba
“Nawa’y mapadalisay ng tunay na kahulugan ng ebanghelyo ang ating puso nang matanto natin na ang ating buhay, na bigay sa atin ng ating Diyos Ama, ay dapat gamitin sa paglilingkod sa iba.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Nahirapan ang binatang si Elder Gordon B. Hinckley sa mga unang linggo niya bilang full-time missionary sa England. May sakit siya nang dumating siya, at paulit-ulit na hindi tinanggap ang ebanghelyong ipinapangaral niya. Sa mahirap na panahong iyon, nabiyayaan siya ng tinawag niya kalaunan na kanyang “araw ng pagpapasiya”—isang karanasang nakaimpluwensya sa kanyang paglilingkod sa buong buhay niya.
“Pinanghinaan ako ng loob,” paggunita niya. “Sinulatan ko ang mabait kong ama at sinabi ko na parang sinasayang ko ang oras ko at pera niya. Siya ang aking ama at stake president, at siya ay isang matalino at inspiradong tao. Sinulatan niya ako ng napakaikling liham na nagsasabing, ‘Mahal kong Gordon, natanggap ko ang huling sulat mo. Isa lang ang maipapayo ko: kalimutan mo ang iyong sarili at magtrabaho ka.’ Maaga pa noong umagang iyon sa scripture class namin nabasa namin ng kompanyon ko ang mga salitang ito ng Panginoon: ‘Sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.’ (Marcos 8:35.)
“Ang mga salitang iyon ng Panginoon, na sinundan ng sulat ng aking ama na nagpapayo na kalimutan ko ang aking sarili at magtrabaho ako, ay tumimo sa aking kaluluwa. Hawak ang sulat ng aking ama, pumasok ako sa aming silid sa bahay na nasa 15 Wadham Road, kung saan kami nakatira, at lumuhod ako at nangako sa Panginoon. Nakipagtipan ako na sisikapin kong kalimutan ang aking sarili at magtutuon ako sa paglilingkod sa Kanya.
“Ang araw na iyon noong Hulyo 1933 ang aking araw ng pagpapasiya. Isang bagong liwanag ang dumating sa aking buhay at bagong kagalakan sa aking puso.”1
Ang liwanag na iyon ay hindi kailanman nawala sa buhay ni Gordon B. Hinckley. Mula nang araw na iyon, inilaan niya ang kanyang sarili sa Panginoon para sa paglilingkod sa iba. Sa libing ni Pangulong Hinckley, inilista ni Pangulong Henry B. Eyring ang ilan sa mga kontribusyon ni Pangulong Hinckley: pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo, pagtatayo ng mas maliliit na templo para pabilisin ang gawain sa templo, pagpapasimula ng Perpetual Education Fund, at pagtatayo ng Conference Center. Pagkatapos ay sinabi Niya:
“Ang kanyang personal na pamana ay higit pa sa maikling listahang iyon at sa kakayahan kong maglarawan. Ngunit kahit paano ay may isang bagay na karaniwan sa kanyang mga nagawa. Palaging naroon ang mga ito upang biyayaan ng oportunidad ang mga indibiduwal. At inisip niya palagi ang mga taong halos walang oportunidad, ang karaniwang taong nahihirapang kayanin ang mga paghihirap sa buhay sa araw-araw at ang hamon na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi lang niya minsang itinuro ang kanyang daliri sa aking dibdib nang magmungkahi ako at sinabi niyang, ‘Hal, naalala mo ba ang taong nahihirapan?’”2
“Nais kong tumayo at magtrabaho,” sabi ni Pangulong Hinckley. “Nais kong harapin ang bawat araw na may matibay na pagpapasiya at layunin. Nais kong gamitin ang bawat oras na gising ako sa panghihikayat, pagbabasbas ng mga taong may mabibigat na pasanin, pagpapalakas ng pananampalataya at patotoo.”3
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ang ating buhay ay kaloob ng Diyos at dapat gamitin sa paglilingkod sa iba.
Napakaraming … mahirap at malinaw na nagdarahop sa iba’t ibang panig ng mundo, napakaraming rebelyon at kasamaan, napakaraming imoralidad at kalaswaan, napakaraming mag-asawang naghiwalay at wasak na pamilya, napakaraming malungkot na tao na nawawalan ng pag-asa, napakaraming problema sa lahat ng dako.
Kaya nga nakikiusap ako sa inyo. Nakikiusap ako sa inyo na sa lahat ng natatanggap ninyo ay magbigay rin kayo upang gumanda ang mundo.4
Kung pagagandahin natin ang mundo, kailangang baguhin ng pagmamahal ang puso ng mga tao. Magagawa iyan kapag kinalimutan natin ang ating sarili upang mahalin ang Diyos at ang iba, at gawin natin ito nang buong puso, buong kaluluwa, at buong isipan.
Ipinahayag ng Panginoon sa panahong ito, “Kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo.” (D at T 88:67.)
Kapag minahal at pinasalamatan natin ang Diyos, kapag pinaglingkuran natin siya nang nakatuon ang mata sa kanyang kaluwalhatian, mawawala sa atin ang kadiliman ng kasalanan, ang kadiliman ng kasakiman, ang kadiliman ng kapalaluan. Magkakaroon tayo ng ibayong pagmamahal sa ating Amang Walang Hanggan at sa kanyang Pinakamamahal na Anak, na ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Magkakaroon tayo ng higit na pagpapahalaga sa paglilingkod sa ating kapwa, at hindi na natin gaanong iisipin ang ating sarili at mas tutulong tayo sa iba.
Ang alituntuning ito ng pagmamahal ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.5
Kung sasabihin natin na sinasamba at sinusunod natin ang Panginoon, hindi ba kailangan nating sikaping tularan ang kanyang buhay na puno ng paglilingkod? Walang sinuman sa atin ang may karapatang magsabi na ang buhay natin ay sa atin. Ang ating buhay ay kaloob ng Diyos. Naparito tayo sa daigdig hindi dahil sa sarili nating kagustuhan. Lumilisan tayo hindi sa sarili nating kagustuhan. Bilang ang ating mga araw hindi ayon sa ating kagustuhan, kundi alinsunod sa kalooban ng Diyos.
Ginagamit ng marami sa atin ang ating buhay na parang sariling pag-aari natin ito. Nasa atin ang pagpapasiya kung gusto nating sayangin ito. Ngunit iyan ay hindi pagiging tapat sa isang dakila at sagradong pagtitiwala. Malinaw na sinabi ng Panginoon, “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.” (Marcos 8:35.)6
Mahal na mga kapatid, malaki ang hamon. Ang mga oportunidad ay nasa buong paligid natin. Gusto ng Diyos na gawin natin ang Kanyang gawain—at gawin ito nang may sigla at saya. Ang gawaing iyon, tulad ng paliwanag Niya, ay “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.” (D at T 81:5.)
Maglingkod sa mga nangangailangan. Aliwin ang mga namimighati. Bisitahin ang balo at ulila sa ama sa kanilang pagdadalamhati. Pakainin ang nangangailangan, damitan ang hubad, bigyan ng kanlungan ang mga walang tirahan. Gawin ang ginawa ng Panginoon, na “naglilibot na gumagawa ng mabuti.” (Mga Gawa 10:38.)7
Ang mensahe ko sa inyo ngayon … ay magpasiya kayong maglaan ng kaunti ninyong panahon, habang ipinaplano ninyo ang gawain ninyo sa buhay, sa mga taong may problema at nangangailangan, nang hindi naghihintay ng kapalit. Kailangan ang inyong mga kasanayan, anuman ang mga iyon. Pasisiglahin ng pagtulong ninyo ang isang taong nagdurusa. Ang inyong matatag na tinig ay magpapalakas ng loob sa ilan na maaaring gusto nang sumuko. Mababago ng inyong mga kasanayan ang buhay, sa kagila-gilalas at kamangha-manghang paraan, ng mga taong nangangailangan. Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi kayo, sino?8
Nawa’y mapadalisay ng tunay na kahulugan ng ebanghelyo ang ating puso nang matanto natin na ang ating buhay, na bigay sa atin ng ating Diyos Ama, ay dapat gamitin sa paglilingkod sa iba.
Kung maglilingkod tayo sa gayong paraan, ang ating mga araw ay mapupuspos ng kagalakan at kaligayahan. Ang mas mahalaga, ilalaan ang mga ito sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo at sa ikapagpapala ng lahat ng buhay na naaantig natin.9
2
Paglilingkod ang pinakamabisang lunas sa pagkaawa sa sarili, kasakiman, kawalang-pag-asa, at kalungkutan.
Naaalala ko ang pagbisita ko sa kampus ng kolehiyo kung saan ko narinig ang karaniwan at palasak na reklamo ng mga kabataan: mga reklamo tungkol sa mga problema sa eskuwela—na para bang pabigat ito sa halip na isang pagkakataong tumanggap ng kaalaman ng mundo—mga reklamo tungkol sa tirahan at pagkain. …
Pinayuhan ko ang mga kabataang iyon na kung napakabigat ng mga problema sa paaralan, kung gusto nilang magreklamo tungkol sa kanilang tirahan at pagkain, may imumungkahi akong lunas sa kanilang mga problema. Iminungkahi ko na itabi nila ang kanilang aklat nang ilang oras, lisanin ang kanilang silid, at bisitahin ang isang matandang nalulumbay, o isang maysakit at pinanghihinaan ng loob. Sa kabuuan, nalaman ko na kung nagrereklamo tayo sa buhay, ito ay dahil sarili lang natin ang ating iniisip.
Sa loob ng maraming taon may karatula sa dingding ng isang pagawaan ng sapatos na lagi kong pinupuntahan. Sabi roon, “Nagreklamo ako dahil wala akong sapatos hanggang sa makita ko ang isang lalaki na walang mga paa.” Ang pinakamabisang lunas sa pagkaawa sa sarili ay kalimutan ang ating sarili sa paglilingkod sa iba.10
Naniniwala ako na para sa karamihan sa atin ang pinakamabisang lunas sa kalumbayan ay pagtatrabaho at paglilingkod alang-alang sa iba. Hindi ko sinasabing huwag pansinin ang inyong mga problema, ngunit hindi ako mag-aatubiling sabihin na marami pang iba na mas mabibigat ang problema kaysa sa inyo. Tumulong na paglingkuran sila, tulungan sila, hikayatin sila. Napakaraming batang lalaki at babae na bumabagsak sa paaralan dahil kulang sa pansin at panghihikayat. Napakaraming matatandang nagdurusa at nalulumbay at natatakot na mabibigyan ng kaunting pag-asa at sigla kung kakausapin lang ninyo sila. …
Napakaraming taong nasaktan at nangangailangan ng isang mabuting Samaritano na magbebenda ng kanilang mga sugat at aakayin sila sa paglakad. Ang munting kabaitan ay maaaring maghatid ng malaking pagpapala sa isang taong naliligalig at ng tamis ng damdamin sa taong nakikipagkaibigan sa kanya.11
Napakarami ng mga taong ang mga pasanin ay kaya ninyong pagaanin. Mayroong mga walang tirahan, may mga nagugutom, may mga dukha sa buong paligid natin. May matatanda na nag-iisa sa mga rest home o institusyon para sa matatanda. May mga batang may kapansanan, at mga kabataang gumagamit ng droga, at mga maysakit at hindi na makalabas ng bahay na humihiling ng mabuting salita. Kung hindi kayo ang gagawa nito, sino?
Ang pinakamabisang lunas para sa pag-aalala na alam ko ay pagtatrabaho. Ang pinakamabisang lunas sa kawalan ng pag-asa ay paglilingkod. Ang pinakamabisang lunas sa kapaguran ay ang hamon na tulungan ang isang taong mas pagod.12
Bakit masaya ang mga missionary? Dahil kinalilimutan nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa iba.
Bakit masaya ang mga taong nagtatrabaho sa mga templo? Dahil ang paggawa nila nang may pagmamahal ay tunay na nakaayon sa dakila at nagliligtas na gawain ng Tagapagligtas ng sangkatauhan. Hindi sila humihiling ni umaasang pasalamatan sa kanilang ginagawa. Kadalasan, wala silang anumang nalalaman tungkol sa taong pinaglilingkuran nila maliban sa pangalan nito.13
Ipakita ang mga dakilang hangarin na nasa kaibuturan ng puso ninyo upang tulungang mapanatag, masuportahan, at mapatatag ang iba. Kapag ginawa ninyo ito, mawawala sa inyo ang nakapipinsalang epekto ng kasakiman, at mapapalitan ito ng magiliw at napakagandang damdamin na tila hindi darating sa ibang paraan.14
3
Kapag tinulungan natin ang iba, natatagpuan natin ang ating tunay na sarili.
Isang Linggo ng umaga ilang taon na ang nakararaan, nasa bahay ako ng isang stake president sa munting bayan sa Idaho. Bago magdasal sa umaga, sama-samang nagbabasa ang pamilya ng ilang talata sa banal na kasulatan. Kasama rito ang mga salita ni Jesus ayon sa nakatala sa Juan 12:24: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa: nguni’t kung mamatay, ay nagbubunga ng marami.”
Walang alinlangan na tinutukoy ng Panginoon ang kanyang darating na kamatayan, na ipinapahayag na maliban kung mamatay siya ang kanyang misyon sa buhay ay magiging walang kabuluhan. Ngunit nakikita ko na may iba pang kahulugan ang mga salitang ito. Sa tingin ko sinasabi ng Panginoon sa bawat isa sa atin na maliban kung kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba, ang ating buhay ay halos walang tunay na layunin, sapagkat pagpapatuloy niya, “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.” (Juan 12:25.) O, tulad ng nakatala sa Lucas, “Sinumang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; datapuwa’t ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon.” (Lucas 17:33.) Sa madaling salita, siya na nabubuhay para lamang sa kanyang sarili ay nalalanta at namamatay, samantalang siya na kinalilimutan ang sarili sa paglilingkod sa iba ay lumalago at namumukadkad sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Nang umagang iyon sa stake conference, ang pangulo kung saan ako nakitira ay ini-release pagkaraan ng labintatlong taon ng tapat na paglilingkod. Naroon ang saganang pagbuhos ng pagmamahal at pasasalamat, hindi dahil mayaman siya, hindi dahil sa katayuan niya sa komunidad ng mga negosyante, kundi dahil sa di-makasariling malaking paglilingkod na ibinigay niya. Hindi iniisip ang sariling kapakanan, naglakbay siya nang libu-libong milya sa lahat ng uri ng panahon. Literal siyang nakagugol ng libu-libong oras para sa kapakanan ng iba. Kinaligtaan niya ang kanyang personal na mga problema para tulungan ang mga taong nangangailangan ng kanyang tulong. At sa paggawa nito sumigla siya at naging dakila sa mata ng mga taong pinaglingkuran niya.15
Ilang taon na ang nakalilipas nabasa ko ang kuwento tungkol sa isang dalagang nagpunta sa isang lugar sa lalawigan at nagturo sa paaralan. May isang batang babae sa klase niya na bumagsak na dati at babagsak ulit. Hindi nakakabasa ang estudyante. Nagmula siya sa isang pamilyang walang pera para dalhin siya sa mas malaking lungsod para masuri kung may problema siya na maaaring lunasan. Nauunawaan na maaaring may problema sa mata ang bata, inasikaso ng bata pang guro ang pagdadala sa estudyante, para ipasuri ang mga mata nito, at ang guro ang sasagot sa gastusin. Natuklasan ang isang kapansanan na maaaring itama sa paggamit ng salamin. Di-nagtagal isang bagong mundo ang nabuksan sa estudyante. Sa unang pagkakataon sa buhay niya, nakita niya nang malinaw ang mga salitang nasa kanyang harapan. Maliit ang suweldo ng gurong iyon sa pampublikong paaralan, ngunit sa kaunting mayroon siya, tumulong siya na lubusang nagpabago sa buhay ng estudyanteng babagsak, at sa paggawa nito natagpuan niya ang isang bagong aspeto sa kanyang sariling buhay.16
Kapag naglingkod kayo nang gayon, isang bagong aspeto ang madaragdag sa inyong buhay. Magkakaroon kayo ng mga bago at masisiglang kasamahan. Magkakaroon kayo ng mga kaibigan at mabuting pakikipag-ugnayan sa mga tao. Madaragdagan ang inyong kaalaman at pang-unawa at karunungan, at ang kakayahan ninyong gumawa.17
Pinatototohanan ko na kapag tumulong ang bawat isa sa inyo sa iba, masusumpungan ninyo ang tunay ninyong pagkatao at mapagpapala ninyo nang husto ang mundong ginagalawan ninyo.18
4
Ang Simbahan ay naglalaan ng maraming pagkakataon para sa di-makasariling paglilingkod.
Mga kapatid, hindi kayo kailanman magiging masaya kung sarili lang ninyo ang inyong iniisip. Kalimutan ang sarili sa pinakamabuting mithiin sa mundo—ang mithiin ng Panginoon. Ang gawain ng mga korum, at ng mga auxiliary organization, gawain sa templo, gawaing pangkapakanan, gawaing misyonero. Pagpapalain ninyo ang sarili ninyong buhay kapag pinagpala ninyo ang buhay ng iba.19
Wala nang iba pang gawain sa buong daigdig na puno ng kaligayahan tulad ng gawaing ito. Natatangi ang kaligayahang ito. Galing ito sa paglilingkod sa iba. Ito’y tunay. Ito’y kakaiba. Ito’y kahanga-hanga.20
Hayaang maging mabuti ninyong kaibigan ang Simbahan. Hayaan itong maging dakila ninyong kasama. Maglingkod saanman kayo tawaging maglingkod. Gawin ang ipinagagawa sa inyo. Bawat tungkuling hawak ninyo ay magdaragdag sa inyong kakayahan. Naglingkod na ako sa maraming katungkulan sa dakilang organisasyong ito. Bawat paglilingkod ay naghatid ng sarili nitong gantimpala.
Ito … ay mangangailangan ng inyong di-makasariling debosyon, ng inyong matibay na katapatan at pananampalataya. Kayo ay maglilingkod sa maraming tungkulin bago makumpleto ang buhay ninyo. Ang ilan sa mga ito ay maaaring tila maliit, ngunit walang maliit o di-mahalagang tungkulin sa Simbahang ito. Bawat tungkulin ay mahalaga. Bawat tungkulin ay kailangan sa ikasusulong ng gawain. Huwag maliitin ang isang tungkulin sa Simbahan. …
Bigyan ng puwang ang Simbahan sa inyong buhay. Hayaang umunlad ang inyong kaalaman tungkol sa doktrina nito. Hayaang maragdagan ang inyong pang-unawa sa organisasyon nito. Hayaang mag-ibayo nang husto ang inyong pagmamahal sa mga walang-hanggang katotohanan nito.
Maaari kayong hilingan ng Simbahan na magsakripisyo. Maaari kayong hilingan nitong ibigay ang lahat ng maihahandog ninyo. Walang mawawala sa inyo sa paggawa nito, dahil matutuklasan ninyo na ang paglilingkod na ibinigay ninyo ay magbibigay sa inyo ng pagpapapala habang kayo ay nabubuhay. Ang Simbahan ay malaking imbakan ng walang-hanggang katotohanan. Tanggapin ito at humawak nang mahigpit dito.21
Gusto ba ninyong lumigaya? Kalimutan ang inyong sarili at makibahagi sa dakilang mithiing ito. Ibigay ang inyong pagsisikap sa pagtulong sa mga tao. Magkaroon ng diwa ng pagpapatawad sa inyong puso sa sinumang nakasakit sa inyong damdamin. Umasa sa Panginoon at mabuhay at sikaping pasiglahin at paglingkuran ang Kanyang mga anak. Mararanasan ninyo ang kaligayahang hindi pa ninyo naranasan kailanman kung gagawin ninyo ito. Hindi mahalaga kung gaano na kayo katanda, gaano kayo kabata, o kahit anupaman. Mapapasigla ninyo ang mga tao at matutulungan ninyo sila. Alam ng Langit na napakaraming tao sa mundong ito na nangangailangan ng tulong. Napakarami nila. Alisin natin ang nakasasama at makasariling pag-uugali sa ating buhay, mga kapatid, at lalong manindigan at tumulong sa paglilingkod sa iba. … Lalong manindigan, lalong tumulong, pasiglahin ang mga tuhod na mahihina, itaas ang mga bisig na nakababa. Ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kalimutan ang inyong sarili.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Itinuro ni Pangulong Hinckley na ang ating buhay ay kaloob ng Diyos, na dapat gamitin sa paglilingkod sa iba (tingnan sa bahagi 1). Paano natin magagawang paraan ng pamumuhay ang paglilingkod sa iba? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ituon ang mata sa kaluwalhatian ng Diyos? Paano kayo napagpala ng paglilingkod ng iba?
-
Bakit tayo tinutulungan ng paglilingkod na madaig ang awa sa sarili, pagkamakasarili, at kalumbayan? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano kayo napasaya ng paglilingkod? Habang binabasa ninyo ang mga paglalarawan ni Pangulong Hinckley sa mga taong nangangailangan, alamin kung paano kayo makapaglilingkod at ang inyong pamilya.
-
Bakit tayo tinutulungan ng paglimot sa ating sarili sa paglilingkod sa iba na “[matagpuan] ang ating tunay na sarili”? (Tingnan sa bahagi 3.) Ano ang matututuhan natin mula sa mga kuwento sa bahagi 3?
-
Ipinayo ni Pangulong Hinckley, “Kalimutan ang sarili sa pinakamabuting mithiin sa mundo—ang mithiin ng Panginoon” (bahagi 4). Anong mga pagpapala ang naidulot sa inyong buhay ng paglilingkod sa Simbahan?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan
Mateo 20:25–28; 25:34–40; Juan 13:35; Mosias 2:16–18; 18:8–9; D at T 64:33
Tulong sa Pag-aaral
“Sa pag-aaral mo, pansining mabuti ang mga ideya na dumarating sa iyong isipan at damdamin na [dumarating sa] puso mo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Isiping itala ang mga impresyong natatanggap mo, kahit parang wala itong kaugnayan sa mga salitang binabasa mo. Maaaring ang mga ito mismo ang nais ng Panginoon na matutuhan mo.