Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Magpatuloy sa Napakahalagang Proseso ng Pag-aaral


Kabanata 17

Magpatuloy sa Napakahalagang Proseso ng Pag-aaral

“Kailangan tayong patuloy na umunlad. Kailangan tayong patuloy na matuto. Iniutos ng Diyos na patuloy nating dagdagan ang ating kaalaman.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

“Gustung-gusto kong matuto,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley. “Sinasamantala ko ang anumang pagkakataon upang magtamo ng kaalaman. Talagang naniniwala ako at masigla akong sumusuporta, sa buong buhay ko, sa pagtatamo ng edukasyon—para sa sarili ko at para sa iba. … Sa aking pananaw, ang pag-aaral ay isang bagay na kapwa praktikal at espirituwal.”1

Namangha ang mga kapwa tagapaglingkod ni Pangulong Hinckley sa pamunuan ng Simbahan sa galing niyang magtamo ng kaalaman at iangkop ito sa kanyang gawain. Sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Noon lang ako nakakita ng isang tao na maaaring maging maalam tungkol sa napakaraming bagay sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikipag-ugnayan sa mga tao. Kapag may nakasama siya sa hapunan, aalis siya nang may nalamang isang bagay na alam ng taong iyon.” Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, na miyembro rin ng Korum ng Labindalawa: “Kakaiba si Pangulong Hinckley dahil naaalala niya ang nabasa niya at pinipili ang mga nais niyang matandaan. Marami siyang pinagkunan ng kanyang katalinuhan. Maaari niyang gamitin ang nalalaman niya para makagawa ng mahuhusay na desisyon.”2

Sa habambuhay niyang mga pagsisikap na matuto at mapahusay ang kanyang sarili, tinularan ni Pangulong Hinckley ang halimbawa ng kanyang mga magulang. Ikinuwento niya ang sumusunod na salaysay kung paano masigasig na nag-aral ang kanyang amang si Bryant S. Hinckley:

“Noong nasa ganitong edad siya, retirado na siya. Pero aktibo pa rin siya. Simple pero komportable ang bahay na tinirhan niya sa bukid. May halamanan siya sa paligid at masaya siyang namimigay ng bunga. May damuhan at mga palumpong at puno sa bakuran ng bahay niya. Bato ang pader nito na mga dalawang talampakan ang taas na inihihiwalay ang isang lebel sa isa pa. Kapag maganda ang panahon ay nauupo siya sa ibabaw ng pader, suot ang isang lumang sumbrero para matakpan ang kanyang mga mata mula sa init ng araw. Kapag binibisita namin siya, umuupo ako sa tabi niya. Sa kaunting paghihikayat ay magkukuwento siya tungkol sa buhay niya. …

“Isa siyang guro. Isa siyang matagumpay na negosyante. Pinamunuan niya ang pinakamalaking stake sa Simbahan na may mahigit 15,000 miyembro. Naglingkod siya bilang mission president at sa maraming iba pang katungkulan. At ngayo’y retirado na siya, at nakaupo siya sa ibabaw ng pader. Isa siyang kahanga-hangang mambabasa na may napakagandang aklatan. Isa siyang mahusay na tagapagsalita at manunulat. Halos hanggang mamatay siya, bago siya maging 94 anyos, siya ay nagbasa at nagsulat at pinagnilayan ang kaalamang napasakanya.

“Natuklasan ko na kapag nakaupo siya sa ibabaw ng pader, ilang oras sa isang araw na mainit, pinagninilayan niya ang mga bagay na nabasa niya sa kanyang aklatan.

“Palagay ko ay tumanda siya nang maayos at mahusay. Mayroon siyang mga aklat na naglalaman ng napakahahalagang ideya ng mga dakilang lalaki at babae sa lahat ng panahon. Hindi siya tumigil na matuto kailanman, at habang nakaupo sa ibabaw ng pader ay pinag-iisipan niya nang malalim ang nabasa niya sa nakaraang gabi. …

“… Bakit ko ikinukuwento sa inyo ang isang matandang lalaki at ang pader na inupuan niya? Ikinukuwento ko ito sa inyo dahil palagay ko ay may aral iyon para sa ating lahat. Hindi tayo dapat tumigil na matuto. Naniniwala tayo sa walang-hanggang pag-unlad at na ang buhay na ito ay bahagi ng kawalang-hanggan na kailangang pakinabangan hanggang sa huling sandali.”3

isang babae na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

“Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Nais ng Panginoon na turuan natin ang ating sarili para umunlad ang bawat isa sa atin at makapag-ambag tayo sa lipunan.

Kasapi kayo sa isang simbahan na nagtuturo ng kahalagahan ng edukasyon. Inutusan kayo ng Panginoon na turuan ang inyong isipan at inyong puso at inyong mga kamay. Sinabi ng Panginoon, “Masigasig kayong magturo … ng mga bagay maging sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na nangyayari, mga bagay na malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa; ang mga digmaan at ang mga bumabagabag sa mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa mga kaharian—upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay” (D at T 88:78–80).4

Tayong mga kasapi ng Simbahang ito ay binigyan ng Panginoon ng isang kagila-gilalas na pangako. Sabi Niya: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).

Napakaganda ng pahayag na iyan. Isa ito sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan. Binabanggit dito ang paglago, ang pag-unlad, ang paglalakbay tungo sa pagiging diyos. Kaugnay nito ang mga dakilang pagpapahayag na ito: “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan” (D at T 93:36); “Kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating” (D at T 130:19). …

Napakalaking hamon ang matatagpuan sa napakagandang pahayag na ito. Kailangan tayong patuloy na umunlad. Kailangan tayong patuloy na matuto. Iniutos ng Diyos na patuloy nating dagdagan ang ating kaalaman. …

… Sinabi ng Panginoon sa inyo at sa akin: “Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya. … Isaayos ang inyong sarili. … Tumigil sa pagiging tamad” (D at T 88:118–119, 124).5

Nais ng Panginoon na turuan ninyo ang inyong isipan at mga kamay, anuman ang napili ninyong larangan. Maging ito’y pagkukumpuni ng mga refrigerator, o ang gawain ng bihasang siruhano, kailangan ninyong turuan ang inyong sarili. Hangarin ang pinakamainam na pag-aaral na inyong makukuha. Maging manggagawa na may integridad sa mundo na nasa inyong harapan. … Maghahatid kayo ng karangalan sa Simbahan at pagpapalain kayong mabuti dahil sa pagsasanay at kaalamang iyon.

Wala talagang alinlangan na malaki ang magagawa ng edukasyon. Huwag sayangin ang inyong buhay. Kung ganito ang gagawin ninyo, paulit-ulit ninyong pagdurusahan ang bunga nito.6

Hindi sapat ang mabuhay lang. Kailangang ihanda ng bawat isa ang ating sarili na gumawa ng isang bagay na makabuluhan sa lipunan—ang magtamo ng higit na liwanag, upang makatulong ang ating sariling liwanag sa pagtanglaw sa madilim na mundo. At nagiging posible ito sa pamamagitan ng pag-aaral, pagtuturo sa ating sarili, pag-unlad at paglago kapwa sa isipan at sa espiritu.7

babae na binabasahan ang isang bata

“Maagang ilantad ang mga bata sa mga aklat.”

2

Gamit ang pagpaplano at pagdisiplina sa sarili, maaaring lumikha ang mga magulang ng isang kapaligiran ng pagkatuto sa kanilang tahanan.

Napakaganda at napakasayang masdan ang mga batang umuunlad at humuhusay ang kaisipan. Lubos akong nagpapasalamat sa malaking kabutihang nagawa ng telebisyon. Pero kinukondena ko rin ang maraming nasasayang na oras at pagkakataon sa panonood ng mga bata oras-oras sa ilang tahanan, sa mga programang hindi nagbibigay ng kaalaman ni nagpapalakas.

Noong bata pa ako nakatira kami sa isang malaking lumang bahay. May isang silid doon na tinatawag na aklatan. Mayroon doong isang matibay na mesa at magandang lampara, tatlo o apat na komportableng upuan na may magandang ilawan, at mga aklat sa mga lalagyan na nakahilera sa dingding. Maraming aklat doon—na tinipon ng aking ama at ina sa loob ng maraming taon.

Hindi kami pinilit na basahin ang mga iyon kailanman, ngunit nakalagay ang mga iyon kung saan madali namin iyong makukuha kahit kailan namin gusto.

Tahimik sa silid na iyon. Naunawaan ng lahat na isang lugar iyon para mag-aral.

Mayroon ding mga magasin—mga magasin ng Simbahan at dalawa o tatlong iba pang mabubuting magasin. Mayroong mga aklat ng kasaysayan at panitikan, mga aklat sa mga paksang teknikal, mga diksyunaryo, isang set ng mga encyclopedia, at isang atlas ng mundo. Walang telebisyon, mangyari pa, noong panahong iyon. Nagkaroon ng radyo habang lumalaki ako. Ngunit naroon ang isang lugar, isang lugar na matututo ka. Hindi ko kayo kukumbinsihin na kami ay mahuhusay na iskolar. Ngunit lantad kami sa magandang panitikan, mahuhusay na ideya mula sa matatalinong mag-isip, at sa mga salita ng kalalakihan at kababaihan na nag-isip nang malalim at magaganda ang isinulat.

Napakarami sa mga tahanan natin ngayon ang maaaring walang aklatan. Karamihan sa mga pamilya ay walang lugar sa bahay nila para dito. Ngunit kung paplanuhin, maaaring may isang sulok, may isang lugar na mapupuntahan ninyo na malayo sa mga ingay sa ating paligid kung saan maaari kayong umupo at magbasa at mag-isip. Magandang magkaroon ng isang desk o mesa, kahit simple lang ito, na naroon ang mga pamantayang aklat ng Simbahan, ilang magagandang aklat, mga magasin na inilathala ng Simbahan, at iba pang mga bagay na nararapat nating basahin.

Maagang ilantad ang mga bata sa mga aklat. Ang ina na hindi binabasahan ang kanyang maliliit na anak ay hindi mabuti ang ginagawa sa kanila at sa kanyang sarili. Kailangan ng panahon, oo, maraming panahon. Kailangan ng disiplina sa sarili. Kailangang ayusin at planuhin ang iskedyul sa maghapon. At hindi kayo maiinip kailanman kapag nakita ninyo na unti-unting naiintindihan ng isipan ng mga bata ang mga tauhan, mga salita, at mga ideya. Maaari ninyong maibigan ang pagbabasa ng magagandang babasahin, na mas kapaki-pakinabang ang mga pangmatagalang epekto kaysa maraming iba pang aktibidad na pinag-uukulan ng panahon ng mga bata. …

Mga magulang, … hayaan ninyong malantad ang inyong mga anak sa magagandang isipan, magagandang ideya, walang-hanggang katotohanan, at mga bagay na magpapatatag at maghihikayat sa kabutihan. … Sikaping lumikha ng kapaligiran para sa pag-aaral sa inyong tahanan at sa pag-unlad na idudulot niyon.8

3

Ang edukasyon ay lumilikha ng oportunidad para sa mga kabataan at young adult.

Magandang pagkakataon ito para sa inyong mga kabataan, ang napakagandang panahong ito na mabuhay sa mundo. Nabubuhay kayo sa pinakadakilang panahon sa lahat. Lantad kayo sa lahat ng karunungan ng lahat ng nabuhay sa lupa, na nakapaloob sa mga kurso kung saan maaari kayong magtamo ng kaalaman sa loob ng maikling panahon, kaalamang pinaghirapang matutuhan ng mga tao sa nakaraang mga siglo. Huwag ninyong hamakin ang inyong sarili. Huwag ninyong palagpasin ang malaking pagkakataong ito. Tamuhin ito, pagsikapan ito, mag-aral na mabuti.9

Napakahalaga na pag-aralan ninyong mga kabataang lalaki at babae ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. … Edukasyon ang susi na magbubukas sa pintuan ng mga oportunidad para sa inyo. Sulit itong pagsakripisyuhan. Sulit itong pagsikapan, at kung tuturuan ninyo ang inyong isipan at mga kamay, malaki ang maiaambag ninyo sa lipunang inyong ginagalawan, at magiging marangal na halimbawa kayo sa Simbahang inyong kinasasapian. Mahal kong mga kabataan, samantalahin ang bawat pagkakataong makapag-aral hangga’t kaya ninyo, at kayong mga ama at ina, hikayatin ang inyong mga anak na magtamo ng edukasyong magpapala sa kanilang buhay.10

Marahil wala kayong pera para pag-aralan ang gusto ninyo. Gamitin nang husto ang pera ninyo para pag-aralan ang gusto ninyo, at samantalahin ang mga scholarship, grant, at pautang na kakayanin ninyong bayaran.11

Hindi ko panghihimasukan kung ano ang gusto ninyo basta’t marangal iyon. Isang mekaniko, kantero, tubero, electrician, doktor, abugado, negosyante, huwag lang magnanakaw. Ngunit anuman kayo, humanap ng pagkakataong magsanay para dito at samantalahin nang husto ang pagkakataong iyon. Gagantimpalaan kayo ng lipunan ayon sa inyong kahalagahan na nakikita sa inyo. Ngayon ang magandang panahon para maghanda ang bawat isa sa inyo. Kung kailangang magsakripisyo, magsakripisyo kayo. Ang sakripisyong iyon ang magiging pinakamagandang magagawa ninyo, sapagkat mapapakinabangan ninyo ito habambuhay.12

Hinihimok ko ang bawat isa sa inyong mga kabataang babae na pag-aralan ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. Kakailanganin ninyo ito sa mundong inyong gagalawan. Napakahirap ng buhay. … Nagbabago na ang mundo, at napakahalagang ihanda ang ating sarili na makasabay sa pagbabagong iyon. Ngunit may kabutihan namang hatid ang lahat ng ito. Walang ibang henerasyon sa buong kasaysayan na nagbigay ng napakaraming oportunidad sa kababaihan. Dapat ninyong unahing mithiin na maging masaya ang pagsasama ninyong mag-asawa, na nabuklod sa templo ng Panginoon, at sundan ito ng pagkakaroon ng mabuting pamilya. Mas maihahanda kayo ng edukasyon sa pagsasakatuparan ng mga mithiing iyon.13

Napakalaki ng mga responsibilidad ng kababaihan sa Simbahan at maging sa komunidad na tugma at umaayon sa pag-aasawa, pagiging ina, at pagpapalaki ng mabubuti at mahuhusay na anak.14

Ngayon ang lahat ng oportunidad ay bukas na sa kababaihan. Walang anumang bagay na hindi ninyo magagawa kung itutuon ninyo ang inyong isipan dito. Maaari ninyong isama sa pangarap ninyo ang larawan ng isang babae na naglilingkod sa lipunan at gumagawa ng malaking kontribusyon sa lipunan kung saan siya magiging kabahagi.15

Nagpapasalamat ako na binibigyan na ng oportunidad ang kababaihan [tulad ng kalalakihan] na mag-aral para sa siyensya, mga propesyon, at bawat aspeto ng kaalaman ng tao. May karapatan kayong tulad ng kalalakihan sa Espiritu ni Cristo, na nagbibigay ng kaliwanagan sa bawat lalaki at babaeng isinisilang sa mundo. (Tingnan sa D at T 84:46.) Itakda ang inyong mga prayoridad pagdating sa pag-aasawa at pamilya, ngunit kumuha rin ng mga kursong hahantong sa kasiya-siyang gawain at makabuluhang trabaho sakaling hindi kayo mag-asawa, o magbibigay sa inyo ng seguridad at katuparan sakaling mag-asawa kayo.16

Haharap kayo [mga kabataang lalaki] sa malalaking hamon sa hinaharap. Papasok kayo sa mundong masidhi ang labanan. Kailangan ninyong pag-aralan ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. Tinagubilinan tayo ng Panginoon tungkol sa kahalagahan ng edukasyon. Gagawin kayo nitong karapat-dapat para sa mas malalaking oportunidad. Ihahanda kayo nito na makagawa ng isang bagay na makabuluhan sa malawak na mundo ng oportunidad na naghihintay sa inyo. Kung makakapag-aral kayo sa kolehiyo at iyan ang pangarap ninyo, gawin ninyo iyan. Kung wala kayong hangad na mag-aral sa kolehiyo, mag-aral sa isang vocational o business school para mahasa ang inyong mga kasanayan at maragdagan ang inyong kakayahan.17

Sana’y ituring ninyo [mga kabataan] na isang malaking pagpapala ang oportunidad na makapag-aral. Alam kong nakakapagod. Alam kong mahirap. Alam kong pinanghihinaan kayo ng loob kung minsan. Alam kong nagtataka kayo kung bakit ninyo ginagawa iyon kung minsan. Ngunit magpatuloy, magtiyaga, at patuloy na matuto. Hindi ninyo ito pagsisisihan kailanman habang nabubuhay kayo at ituturing ito bilang isang malaking pagpapala.18

4

Ang pagtuturo sa espiritu ay kasinghalaga, kung hindi man, mas mahalaga kaysa pagtuturo sa isipan.

Namangha ako sa malalaking kaalamang makikita sa ating panahon. Ngayon lamang nagkaroon ng napakaraming taong naturuan sa karunungan ng mundo. Napakaganda nito—ang matinding pagtuturo sa malaking porsiyento ng mga kabataan sa mundo, na nagkikita-kita araw-araw sa klase upang magtamo ng kaalaman mula sa lahat ng karunungan ng tao.

Ang lawak ng kaalamang iyan ay nakamamangha. Kasama na riyan ang tungkol sa mga bituin sa sansinukob, heolohiya ng mundo, kasaysayan ng mga bansa, kultura at wika ng mga tao, pamamalakad ng mga pamahalaan, mga batas ng komersiyo, paggalaw ng mga atom, pagkilos ng katawan, at kababalaghan ng isipan.

Sa gayon kalaking kaalamang matatamo, maiisip ng isang tao na maaaring malapit nang maging perpekto ang mundo. Subalit laging ipinaaalam sa atin ang kabilang panig ng pahayag na ito—ang sakit ng lipunan, ang mga alitan at problemang naghahatid ng kalungkutan sa buhay ng milyun-milyong tao.

Bawat araw lalo nating nalalaman ang katotohanan na ang buhay ay higit pa sa siyensya at matematika, higit pa sa kasaysayan at panitikan. Kailangan ng isa pang pagtuturo, na kung wala ay hahantong lamang sa pagkawasak ng sekular na kaalaman. Tinutukoy ko ang pagtuturo sa puso, sa budhi, sa pagkatao, sa espiritu—mga aspeto ng ating personalidad na hindi maipaliwanag na magpapaalam nang may katiyakan kung ano tayo at kung ano ang ginagawa natin sa ating mga kaugnayan sa isa’t isa.

… Noong naglilingkod ako sa England bilang missionary, nagpunta ako sa London Central YMCA. Palagay ko matagal nang nawala ang lumang gusaling iyon, ngunit hinding-hindi ko malilimutan ang mga salitang nakaharap sa mga bisita sa bulwagan pagpasok nila. Mga salita iyon ni Solomon: “Sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.” (Kaw. 4:7.)

Pag-unawa sa ano? Pag-unawa sa ating sarili, sa mga layunin ng buhay, sa ating kaugnayan sa Diyos, na ating Ama, sa mga banal na alituntuning bigay ng Diyos na napakatagal nang nakapaglaan ng tunay na lakas sa pag-unlad ng tao! …

Habang patuloy tayo sa ating sekular na pag-aaral, idagdag din natin sa ating buhay ang pagtataglay ng Espiritu. Kung gagawin natin ito, bibiyayaan tayo ng Diyos ng kapayapaang iyon at ng mga pagpapalang sa Kanya lamang nagmumula.19

Jesucristo

“Sa lahat ng ating pag-aaral, kailangan nating hangarin ang kaalamang ukol sa Panginoon.”

Sinabi ni Jesus: “Magaral kayo sa akin. … Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mat. 11:29–30.)

Gusto kong imungkahi na sundin natin ang utos na iyan na ibinigay ng Anak ng Diyos. Sa lahat ng ating pag-aaral, matuto rin tayo sa kanya. Sa lahat ng ating pag-aaral, kailangan nating hangarin ang kaalaman ng Panginoon. Daragdagan ng kaalamang iyan ang ating sekular na pag-aaral sa napakagandang paraan at bibigyan tayo ng katangian at kaganapan sa buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.20

Hinihikayat ko kayo na huwag kalimutan kailanman na ang pagtuturo sa espiritu ay kasinghalaga, kung hindi man, mas mahalaga kaysa pagtuturo sa isipan.21

Sumusulong ang ating magandang programang pang-edukasyon sa Simbahan. Ang pagtuturo sa mga estudyante sa pamamagitan ng seminary at institute program ay patuloy na pinalalawak at pinagbubuti. … Alam ninyong mga nakinabang sa programang ito ang napakalaking kahalagahan nito. Hinihimok namin ang lahat ng makikinabang dito na samantalahin ito. Hindi kami nag-aatubiling mangako na madaragdagan ang inyong kaalaman tungkol sa ebanghelyo, lalakas ang inyong pananampalataya, at magkakaroon kayo ng mabubuting kaibigan.22

Taglayin natin sa ating sarili ang pangalan ng Panginoon at pagkatapos ay humayo tayo nang may pananampalataya na ibinabahagi ang mga bagay na makabuluhan na makakaapekto sa buhay ng sangkatauhan at maghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa mundo. Kailangan ng mundo ang isang henerasyon ng marurunong at maimpluwensyang kalalakihan at kababaihan na totoong maninindigan at magpapahayag nang may katapatan at walang pag-aatubili na ang Diyos ay buhay at na si Jesus ang Cristo.23

5

Gaano man tayo tumanda, maaari tayong magtamo ng kaalaman, magtipon ng karunungan, at patuloy na umunlad.

Kamangha-manghang bagay ang matuto, kung saan ang natipong kaalaman sa buong kasaysayan ay nabuod at nasala upang sa maikling panahon ay matutuhan natin ang kaalamang matagal na pinag-aralan, sinaliksik, at sinubok noon.

Ang edukasyon ay mahalaga sa pagbabago kung kailan nagiging kapaki-pakinabang at makabuluhan ang kaalamang mahirap unawain. Isang bagay ito na kailangang patuloy na gawin. Gaano man tayo tumanda, maaari tayong magtamo ng kaalaman at maaari nating gamitin ito. Maaari tayong magtipon ng karunungan at makinabang mula rito. Maaari tayong maaliw sa himala ng pagbabasa at pagkalantad sa sining at magdagdag sa pagpapala at kaganapan ng buhay. Habang tumatanda ako, mas nasisiyahan akong basahin ang mga salita ng mga mahuhusay na manunulat, noon at ngayon, at pagnilayan ang kanilang isinulat.24

Walang sinuman sa atin … ang may sapat na kaalaman. Ang pag-aaral ay isang prosesong walang-katapusan. Kailangan nating basahin, obserbahan, unawain, at pagnilayan ang mga bagay na pinag-aaralan ng ating isipan. … Naniniwala ako sa pagpapahusay. Naniniwala ako sa pag-unlad. …

Patuloy na umunlad, mga kapatid, tatlumpung taong gulang man kayo o pitumpu. Ang inyong kasipagan sa paggawa nito ay mas nagpapabilis sa paglipas ng mga taon nang hindi ninyo namamalayan, ngunit mapupuspos ang mga ito ng magiliw at napakalaking kasiyahang magpapaganda sa inyong buhay at magdaragdag ng kakayahan sa inyong pagtuturo.25

Katabing-katabi [ng Brigham Young University sa Provo, Utah] sa silangan ang isang bundok. Alam ko na [maraming] tumitingin sa bundok na iyon at iniisip na, “Kung puwede ko lang akyatin ang tuktok niyon, nakakatuwa sigurong makita ang lambak sa kabilang panig.” Ngunit natuklasan na ninyo na mga nakaakyat na roon na ang lambak ay isa lamang maliit at medyo mababaw na lubak, at na sa banda pa roon ay maraming iba pang mas matataas na bundok na aakyatin.

Sana’y ganito rin ang pakiramdam ninyo. … Malalaman ninyo na bagama’t ang inyong karanasan sa pag-aaral [ay maaaring] naging malaki, may mas malalaking oportunidad at hamon pang darating. Lakihan ang inyong imbakan ng impormasyon, dagdagan ang inyong kaalaman, ipagpatuloy ang makabuluhang pag-aaral.26

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit mahalagang “magtamo ng higit na liwanag” sa pamamagitan ng edukasyon? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano tayo matutulungan ng pag-aaral na umunlad? Paano tayo matutulungan ng pag-aaral na “[matanglawan ang] madilim na mundo”?

  • Rebyuhin ang salaysay ni Pangulong Hinckley kung paano lumikha ang kanyang mga magulang ng isang kapaligiran para sa pag-aaral sa kanilang tahanan (tingnan sa bahagi 2). Paano natin matutulungan ang mga bata na mahalin ang pag-aaral? Paano natin matutulungan ang mga bata na hangaring matuto mula sa mga sanggunian at materyal na nagbibigay-liwanag at naggaganyak sa kabutihan?

  • Paano “lilikha ng oportunidad” ang edukasyon para sa mga kabataan at young adult? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano makahahanap ng paraan ang mga kabataan at young adult para masamantala ang mga oportunidad na mag-aral?

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang kahulugan ng pariralang “pagtuturo sa espiritu”? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano natin matuturuan ang puso, pagkatao, at espiritu? Sa inyong buhay, paano pinupunuan ng espirituwal at sekular na pag-aaral ang isa’t isa?

  • Bakit tayo dapat patuloy na matuto habambuhay? (Tingnan sa bahagi 5.) Paano natin patuloy na mamahalin ang pag-aaral habambuhay? Ano ang natutuhan ninyo kamakailan na naging napakahalaga sa inyo?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 1:5; II Ni Pedro 1:1–8; 2 Nephi 9:28–29; 28:29–30; D at T 6:7; 90:15; 131:6; 136:32–33

Tulong sa Pagtuturo

Ang isang ideyang maghihikayat ng talakayan tungkol sa mga turo ni Pangulong Hinckley ay hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa personal na pag-aaral nila ng kabanata (tingnan sa mga pahina viii-x sa aklat na ito para sa iba pang mga ideya).

Mga Tala

  1. Standing for Something: Ten Neglected Virtues That Will Heal Our Hearts and Homes (2000), 59.

  2. Sa Sheri L. Dew, Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley (1996), 449–50.

  3. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 1: 1995–1999 (2005), 406–7.

  4. “Payo at Panalangin ng Isang Propeta para sa Kabataan,” Liahona, Abr. 2001, 34.

  5. “A Conversation with Single Adults,” Ensign, Mar. 1997, 62.

  6. “Payo at Panalangin ng Isang Propeta para sa Kabataan,” 35.

  7. Standing for Something, 67.

  8. “The Environment of Our Homes,” Ensign, Hunyo 1985, 4–5.

  9. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 171–72.

  10. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Hunyo 1999, 4.

  11. “Manatili sa Mataas na Landas,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 113.

  12. Teachings of Gordon B. Hinckley, 172–73.

  13. “Stand True and Faithful,” Ensign, Mayo 1996, 92.

  14. “Youth Is the Season,” New Era, Set. 1988, 47.

  15. “Paano Ako Magiging Katulad ng Babaing Pinapangarap ko?” Liahona, Hulyo 2001, 115.

  16. “Ten Gifts from the Lord,” Ensign, Nob. 1985, 89.

  17. “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 49–50.

  18. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 1, 370.

  19. “With All Thy Getting Get Understanding,” Ensign, Ago. 1988, 2, 5.

  20. “With All Thy Getting Get Understanding,” 5.

  21. Sa “President Hinckley Visits New Zealand, Australia, and Mexico,” Ensign, Ago. 1997, 77.

  22. “The Miracle Made Possible by Faith,” Ensign, Mayo 1984, 47.

  23. “With All Thy Getting Get Understanding,” 5.

  24. “I Believe,” Ensign, Ago. 1992, 4.

  25. Teachings of Gordon B. Hinckley, 298–99.

  26. Teachings of Gordon B. Hinckley, 299.