Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Ang Mahalagang Kaloob na Patotoo


Kabanata 9

Ang Mahalagang Kaloob na Patotoo

“Iba’t iba ang ating mga wika. Nabubuhay tayo sa iba’t ibang sitwasyon. Ngunit iisang patotoo ang itinitibok ng puso ng bawat isa sa atin.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

“Ang pinakaunang alaala ko tungkol sa espirituwal na damdamin,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “ay noong mga limang taong gulang ako, isang batang musmos. Umiiyak ako dahil masakit ang tainga ko. … Naghanda ng isang supot ng asin ang nanay ko at pinainitan ito sa kalan. Marahang ipinatong ni Itay ang kanyang mga kamay sa ulo ko at binigyan ako ng basbas, na itinataboy ang sakit at karamdaman sa pamamagitan ng awtoridad ng banal na priesthood at sa pangalan ni Jesucristo. Pagkatapos ay magiliw niya akong kinarga at itinapat ang supot ng mainit na asin sa aking tainga. Nabawasan ang sakit at napawi ito. Nakatulog ako sa ligtas na yakap ng aking ama. Habang nakakatulog ako, nasa isipan ko pa rin ang mga salita ng ibinigay niyang basbas. Iyan ang pinakaunang alaala ko ng paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pangalan ng Panginoon.

“Kalaunan noong aking kabataan, ako at ang kapatid kong lalaki ay natulog sa isang kuwartong hindi pinainitan sa taglamig. … Bago mahiga sa mainit na kama, lumuhod kami para magdasal. Mga pahayag iyon ng simpleng pasasalamat. … Naaalala kong nagmamadali akong nahiga sa kama matapos kong sabihin ang amen, na hinihila ang kumot hanggang sa leeg ko, at iniisip ang katatapos ko lang na pakikipag-usap sa aking Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Anak. Wala akong masyadong alam noon sa ebanghelyo. Ngunit may nadama akong kapayapaan at seguridad sa pakikipag-usap sa kalangitan at sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. …

“Lumakas ang patotoong iyon sa puso ko bilang missionary nang basahin ko ang Bagong Tipan at ang Aklat ni Mormon, na dagdag na patotoo tungkol sa Kanya. Ang kaalamang iyan ang naging pundasyon ng aking buhay, na nakasalig sa sinagot na mga panalangin noong kabataan ko. Mula noon ay mas lumago pa ang aking pananampalataya. Ako ay naging Kanyang Apostol, itinalagang gawin ang Kanyang kalooban at ituro ang Kanyang salita. Ako ay naging Kanyang saksi sa mundo.”1

Panginoong Jesucristo

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nagkakaisa tayo sa ating patotoo kay Jesucristo.

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Patotoo ang malaking kalakasan ng Simbahan at pinagmumulan ng pananampalataya at pagiging aktibo.

Naging isang malaking pamilya tayo na nakakalat sa iba’t ibang panig ng malawak na mundong ito. Iba’t iba ang ating mga wika. Nabubuhay tayo sa iba’t ibang sitwasyon. Ngunit iisang patotoo ang itinitibok ng puso ng bawat isa sa atin: Alam natin na ang Diyos ay buhay at Siya ang namamahala sa Kanyang banal na gawain. Alam nating si Jesus ang ating Manunubos, na namumuno sa Simbahang ito na nagtataglay ng Kanyang pangalan. Alam natin na si Joseph Smith ay isang propeta na namumuno sa simbahan sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Alam natin na ang priesthood ay ipinanumbalik sa kanyang ulo at na ito ay naipasa sa atin sa panahong ito nang walang patid. Alam natin na ang Aklat ni Mormon ay isang tunay na tipan tungkol sa katotohanan at kabanalan ng Panginoong Jesucristo.2

Ang bagay na ito na tinatawag nating patotoo ang matinding lakas ng Simbahan. Ito ang pinagmumulan ng pananampalataya at pagiging aktibo. … Ito ay tunay at makapangyarihang gaya ng anumang puwersa sa lupa. Inilarawan ito ng Panginoon nang kinausap Niya si Nicodemo at sinabing, “Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni’t hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon, gayon ang bawa’t ipinanganak ng Espiritu” (Juan 3:8). Ang bagay na ito na tinatawag nating patotoo ay mahirap ilarawan, ngunit malinaw ang mga bunga nito. Ito’y ang Banal na Espiritu na nagpapatotoo sa pamamagitan natin.3

2

Ang patotoo ay tahimik, nakahihikayat na tinig na sumusuporta sa atin habang tayo ay lumalakad nang may pananampalataya at nagtutulak sa atin na kumilos.

Ang personal na patotoo ang nagpapabago ng pamumuhay ng mga tao sa pagsapi nila sa Simbahang ito. Ito ang elemento na humihikayat sa mga miyembro na talikuran ang lahat sa paglilingkod sa Panginoon. Ito ang tahimik, nakahihikayat na tinig na sumusuporta nang walang hinto sa mga taong lumalakad nang may pananampalataya sa mga huling sandali ng kanilang buhay.

Ito ay mahiwaga at kagila-gilalas na bagay, isang kaloob ng Diyos sa tao. Hindi nito tinitingnan ang kayamanan o kahirapan kapag tinawag ang isang tao na maglingkod. Ang patotoong ito na inihahatid sa puso ng ating mga tao ay humihikayat sa pagganap ng tungkulin. Ito ay matatagpuan sa bata at matanda. Ito ay matatagpuan sa estudyante sa seminary, sa missionary, sa bishop at stake president, sa mission president, sa miyembro ng Relief Society, sa bawat General Authority. Ito ay naririnig mula sa mga miyembro mismo. Ito ang pinakadiwa ng gawaing ito. Ito ang nagsusulong sa gawain ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo. Ito ang nagtutulak na kumilos. Hinihingi nito na gawin natin ang ipinagagawa sa atin. Kaakibat nito ang katiyakan na ang buhay ay may layunin, na may ilang bagay na mas mahalaga kaysa sa iba, na tayo ay nasa walang hanggang paglalakbay, na tayo ay mananagot sa Diyos. …

Ang elementong ito, na medyo mahina noong una, ang nagtutulak sa bawat investigator na magbalik-loob. Ito ang nagtutulak sa bawat nabinyagan tungo sa seguridad sa pananampalataya. …

Saanman iorganisa ang Simbahan ay dama ang kapangyarihan nito. Tumatayo tayo at sinasabing alam natin. … Ang simpleng katotohanan ay na talagang alam natin na buhay ang Diyos, na si Jesus ay ang Cristo, at na ito ang kanilang layunin at kanilang kaharian. Ang mga salita ay simple; ang pagpapahayag ay nagmumula sa puso. Ito ay kumikilos saanman inorganisa ang Simbahan, saanman mayroong mga missionary na nagtuturo ng ebanghelyo, saanman may mga miyembro na nagbabahagi ng kanilang pananampalataya.

Ito ay isang bagay na hindi mapapabulaanan. Maaaring banggitin ng mga katunggali ang mga banal na kasulatan at walang tigil na makipagtalo ukol sa doktrina. Sila ay maaaring matalino at nakahihikayat. Ngunit kapag sinabi ng isang tao na, “Alam ko,” wala nang pagtatalunan pa. Maaaring hindi ito tanggapin, pero sino ang kakalaban o makapagkakaila sa banayad na tinig ng kaluluwa na nagsasalita nang buong katatagan?4

“Liwanag sa ating buhay”

Si [David Castañeda], ang kanyang asawa, si Tomasa, at kanilang mga anak ay nakatira sa munting lumang rantso malapit sa Torreón [sa Mexico]. Mayroon silang 30 manok, 2 baboy, at 1 payat na kabayo. Ang mga manok ay nakakapangitlog na pangkain nila at paraan ito para kumita nang kaunti paminsan-minsan. Nabuhay sila sa kahirapan. Pagkatapos ay tinawag sila ng mga missionary. Sabi ni Sister Castañeda, “Tinulungan kami ng mga Elder na makita at maunawaan ang tunay na situwasyon at tinulungan kaming maunawaan ang kailangan naming gawin sa buhay. Wala kaming alam tungkol kay Jesucristo. Wala kaming alam noon tungkol sa Diyos hanggang sa dumating sila.”

Dalawang taon lang siyang nakapag-aral, ang kanyang asawa ay hindi nakapag-aral. Tinuruan sila ng mga elder, at nabinyagan sila kalaunan. … Unti-unti nilang itinayo ang isang maunlad na negosyo kung saan nagtrabaho ang ama at kanyang limang anak na lalaki. Sa simpleng pananampalataya nagbayad sila ng kanilang ikapu. Nagtiwala sila sa Panginoon. Ipinamuhay nila ang ebanghelyo. Naglingkod sila saanman sila tawaging maglingkod. Apat sa kanilang mga anak na lalaki at tatlo sa kanilang mga anak na babae ang nagmisyon. … Tinuya sila ng kanilang mga kritiko. Ang kanilang sagot ay patotoo sa kapangyarihan ng Panginoon sa kanilang buhay.

Mga 200 sa kanilang pamilya at mga kaibigan ang sumapi sa Simbahan dahil sa kanilang impluwensya. Mahigit 30 mga anak na lalaki at babae ng pamilya at mga kaibigan ang nakapagmisyon. Ibinigay nila bilang donasyon ang lupain na kinatatayuan ngayon ng isang chapel.

Ang mga bata, na nasa hustong kaisipan na ngayon, at ang mga magulang ay naghahalinhinan sa pagpunta sa Mexico City bawat buwan, para sa gawain sa templo. Sila ay tumatayo bilang buhay na patotoo ng dakilang kapangyarihan ng gawaing ito ng Panginoon para tulungan at baguhin ang mga tao. Ito ay kahalintulad ng libu-libo sa buong mundo na dumaranas ng himala ng Mormonismo sa pagdating ng patotoo sa kabanalan ng gawain sa kanilang buhay.5

“Totoo, di ba? Kung gayon, ano pa ang mahalaga?”

Nakilala ko ang isang opisyal sa navy mula sa isang malayong bansa, isang matalinong binata na dinala sa Estados Unidos para sa advanced training. Ang ilan sa mga kasamahan niya sa United States Navy, na ang pag-uugali ay hinangaan niya, ay ibinahagi sa kanya ang kanilang paniniwala sa relihiyon nang hilingin niya ito. Siya ay hindi Kristiyano, pero interesado siya. Sinabi nila sa kanya ang tungkol sa Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Jesucristo, na isinilang sa Betlehem, na nagbuwis ng kanyang buhay para sa sangkatauhan. Sinabi nila sa kanya ang tungkol sa pagpapakita ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at ng Panginoon sa batang si Joseph Smith. Binanggit nila ang tungkol sa mga makabagong propeta. Itinuro nila sa kanya ang ebanghelyo ng Panginoon. Inantig ng Espiritu ang kanyang puso, at nabinyagan siya.

Ipinakilala siya sa akin bago siya bumalik sa kanyang inang bayan. Pinag-usapan namin ang mga ito, at sinabi ko sa kaniya: “Hindi Kristiyano ang mga kababayan mo. Ano ang mangyayari sa pag-uwi mo na isa ka nang Kristiyano, at, lalo pa’t, isang Kristiyanong Mormon?”

Nabakas ang lungkot sa kanyang mukha, at sumagot siya, “Malulungkot po ang pamilya ko. Maaari nila akong itakwil at ituring na patay na. Tungkol naman sa hinaharap at trabaho ko, maaaring ipagkait sa akin ang lahat ng oportunidad.”

Nagtanong ako, “Handa ka bang gawin ang gayon kalaking sakripisyo para sa ebanghelyo?”

Ang kanyang mga mata, na basa ng mga luha, ay nagningning sa kanyang guwapong kayumangging mukha nang sumagot siya, “Totoo ito, di po ba?”

“Nahihiya sa ginawa kong pagtatanong, sumagot ako, “Oo, totoo ito.”

Na sinagot niya ng, “Kung gayon, may iba pa po bang mas mahalaga?”

Ito ang gusto kong iwanan sa inyo na mga tanong: “Ito ay totoo, hindi ba? Kung gayon ano pa ang talagang mahalaga?”6

Isang bagong pananaw sa buhay

Minsan akong nakinig sa mga karanasan ng isang inhinyero na kamakailan lang sumapi sa Simbahan. Tumawag ang mga missionary sa kanyang tahanan, at pinapasok sila ng kanyang asawa. Sabik ang asawang babae sa pagtugon sa kanilang mensahe, samantalang nadarama ng lalaki na napipilitan lamang siya. Isang gabi ipinahiwatig ng asawang babae na gusto niyang mabinyagan. Biglang nagalit ang lalaki. Hindi ba niya alam kung ano ang ibig sabihin nito? Ito ay mangangahulugan ng panahon. Mangangahulugan ito ang pagbabayad ng ikapu. Mangangahulugan ito ng pag-iwas sa kanilang mga kaibigan. Mangangahulugan ito ng hindi na paninigarilyo. Ibinato niya ang kanyang amerikana at lumabas nang gabing iyon, at sa pag-alis ay isinara nang malakas ang pinto. Naglakad-lakad siya sa kalsada, nagsasalita ng masama sa kanyang asawa, nagsasalita ng masama sa mga missionary, nagsasalita ng masama sa sarili niya sa pagpayag na magturo sa kanila. Nang mapagod na siya medyo napawi na ang galit niya, at kahit paano ay nadama niya ang diwa ng panalangin. Nagdasal siya habang naglalakad. Nagsumamo siya sa Diyos na sagutin ang kanyang mga tanong. At pagkatapos ay dumating ang isang impresyon, napakalinaw, halos parang sinabi ng tinig ang mga salitang, “Ito ay totoo.”

“Ito ay totoo,” ang paulit-ulit niyang sinabi sa kanyang sarili. “Ito ay totoo.” May kapayapaan siyang nadama. Habang naglalakad siya pauwi, ang mga restriksyon, ang mga hinihingi, na labis niyang ikinagalit ay nagsimulang ituring na mga oportunidad. Nang buksan niya ang pinto, natagpuan niya ang kanyang asawa na nakaluhod at nagdarasal.

… Sa harap ng kongregasyon na pinagsabihan niya tungkol dito, binanggit niya ang kagalakang nadama nila sa kanilang buhay. Ang ikapu ay hindi isang problema. Ang pagbabahagi ng kanilang ari-arian sa Diyos, na nagbigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay tila kakaunti. Ang panahon sa paglilingkod ay hindi problema. Kailangan lang dito ng kaunting ingat sa pagbabadyet ng oras sa buong linggo. Ang responsibilidad ay hindi problema. Nagdulot ito ng pag-unlad at bagong pananaw sa buhay. At pagkatapos ang taong ito na matalino at bihasa sa kanyang larangan, ang engineer na ito na sanay sa pagharap sa tunay na pangyayari sa pisikal na mundo na ating ginagalawan, ay nagbigay ng taimtim na patotoo habang basa ng luha ang mga mata dahil sa mga himalang dumating sa kanyang buhay.7

lalaking nagdarasal

“Sino ang kakalaban o makapagkakaila sa banayad na tinig ng kaibuturan ng kaluluwa na nagsasalita nang buong katatagan?”

“Ang pinakamahalagang bagay sa aking buhay”

Ilang taon na ang nakalipas isang matalino at napaka-edukadong dalaga ang nagsalita sa Berchtesgaden, Germany, sa isang kumperensya ng mga tauhang militar na mga miyembro ng Simbahan. Naroon ako noon at narinig ko siya. Siya ay major sa army, doktor, na lubhang iginagalang na espesyalista sa kanyang larangan. Sabi niya:

“Higit sa anupaman sa mundo gusto kong maglingkod sa Diyos. Ngunit kahit ano ang gawin ko hindi ko siya matagpuan. Ang himala ng lahat ng ito ay natagpuan niya ako. Isang Sabado ng hapon noong Setyembre 1969 naroon ako sa bahay ko sa Berkeley, California, at narinig kong tumunog ang aking doorbell. Naroon at nakatayo ang dalawang binata, na nakasuot ng amerikana, puting polo at kurbata. Maayos ang pagkasuklay ng kanilang buhok. Talagang humanga ako sa kanila kaya sinabi ko: ‘Hindi ko alam kung ano ang itinitinda ninyo, pero bibilhin ko ito.’ Sabi ng isa sa mga binata: ‘Hindi po kami nagtitinda ng anuman. Kami po ay mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at gusto po namin kayong makausap.’ Pinapasok ko sila, at nagsalita sila tungkol sa kanilang pananampalataya.

“Doon nagsimula ang aking patotoo. Hindi mailarawan ng mga salita ang pagpapasalamat ko sa pribilehiyo at karangalan na maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dahil sa kagalakan at kapayapaang hatid ng masayang ebanghelyong ito sa puso ko ay para akong nasa langit kahit nasa lupa ako. Ang patotoo ko sa gawaing ito ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko, isang kaloob mula sa aking Ama sa Langit, na walang katapusan kong ipagpapasalamat.”8

Nangyayari din ito sa daan-daang libong tao sa maraming lupain—mga lalaki at babae na nagsanay at may kakayahan, na nasa negosyo at mga propesyon, matitigas ang ulo, praktikal [na mga tao] na gumagawa ng mga gawain ng mundo, at sa puso nila ay nag-aalab ang tahimik na patotoo na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na ang gawaing ito ay banal, na ito ay ipinanumbalik sa lupa para pagpalain ang lahat ng makikibahagi sa mga oportunidad nito.9

3

Bawat isa sa atin ay maaaring magkaroon ng patotoo sa katunayan ng Diyos at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak at sa panunumbalik ng Kanilang gawain.

Ang pagsaksing ito, ang patotoong ito, ay maaaring ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kaloob ng Diyos. Ito ay isang kaloob mula sa langit kapag ginawa ng tao ang tamang paraan para makamit ito. Ito ang pagkakataon, ito ang responsibilidad ng bawat lalaki at babae sa Simbahang ito na magkaroon ng sariling pananalig sa katotohanan ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw at sa mga namumuno dito, maging ang buhay na Diyos at ang Panginoong Jesucristo.

Itinuro ni Jesus ang daan para magkaroon ng gayong patotoo nang sabihin Niyang: “Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

“Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:16–17).

Lumalago ang ating pananampalataya at kaalaman kapag naglilingkod tayo, kapag nag-aaral tayo, kapag nananalangin tayo.

Nang pinakain ni Jesus ang 5,000 nakilala nila at nanggilalas sila sa himalang ginawa Niya. Ang ilan ay bumalik muli. Sa mga taong ito ay itinuro Niya ang doktrina ng Kanyang kabanalan, ng Kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Pinagsabihan niya sila na hindi sila interesado sa doktrina kundi sa halip ay nais lamang nilang bigyang-kasiyahan ang pagkagutom ng kanilang mga katawan. Ang ilan, nang marinig Siya at ang Kanyang doktrina, ay nagsabing, “Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?” (Juan 6:60). Sino ang maniniwala sa itinuturo ng lalaking ito?

“Dahil dito’y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.

“Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa [palagay ko nang may kalungkutan], Ibig baga ninyong magsialis din naman?

“Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

“At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Cristo, ang Banal ng Dios” (Juan 6:66–69).

Ito ang malaking katanungan, at ang sagot dito, na kailangang harapin nating lahat. Kung hindi sa Iyo, kung gayon “Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Cristo, ang Banal ng Dios.”

Ang pananalig na ito, ang tahimik na katiyakan sa kalooban na ito tungkol sa katotohanan ng buhay na Diyos, sa kabanalan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, sa panunumbalik ng kanilang gawain sa panahong ito, at sa maluwalhating pagpapatunay na kasunod nito na nagiging pundasyon ng ating pananampalataya. Ito ay nagiging ating patotoo.

… Kamakailan lang ay galing ako sa Palmyra, New York [malapit sa lugar kung saan natanggap ni Joseph Smith ang Unang Pangitain]. Ukol sa mga pangyayaring naganap sa lugar na iyon, ang isa ay makapagsasabing: “[Dalawang bagay lang] nangyari nga ito o hindi. Hindi maaaring kapwa tama ang mga ideyang ito.”

At ang tinig ng pananampalataya ay bumubulong: “Nangyari ang lahat ng ito. Nangyari ito tulad ng sinabi niya na nangyari ito.”

Sa di-kalayuan ay ang Burol ng Cumorah. Mula roon ay lumitaw ang sinaunang talaan na pinagmulan ng salin ng Aklat ni Mormon. Kailangang tanggapin o tanggihan ng tao ang banal nitong pinagmulan. Sa pagsasaalang-alang na mabuti sa ebidensya ay dapat masabi ng bawat lalaki at babae na nagbasa nito nang may pananampalataya na, “Ito ay totoo.”

At ganito rin dapat sa iba pang mga elemento ng mahimalang bagay na ito na tinatawag nating panunumbalik ng sinaunang ebanghelyo, ng sinaunang priesthood, at ng sinaunang Simbahan.

Ang patotoong ito ngayon, tulad noon pa man, ay isang pahayag, isang tahasang paggiit sa nalalaman nating katotohanan.10

4

Dapat tayong mamuhay ayon sa ating patotoo at ibahagi ito sa iba.

Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Magingat ka sa iyong sarili”—pakinggan ninyo ito—“at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka’t sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo” (I Kay Timoteo 4:16). Napakagandang tagubilin na ibinigay ni Pablo sa binatang si Timoteo.

At sinabi pa niya: “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan” (II Kay Timoteo 1:7). Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng katakutan, kundi ng kapangyarihan—ang kapangyarihan ng mensahe; at ng pagmamahal—pagmamahal sa mga tao, pagmamahal sa anumang maiaalay natin; maayos na kaisipan—ang simple at madaling unawaing mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

“Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon” (II Kay Timoteo 1:8). Huwag kailanman, mga kapatid, ikahiya ang patotoo sa ating Panginoon. … Narito ang isang dakilang utos, isang utos na ibinigay sa atin: “Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan, at ng pagmamahal, at ng kahusayan. Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon.”11

Ito ang banal na gawain ng Diyos. Ito ang Kanyang Simbahan at kaharian. Ang pangitain na naganap sa Sagradong Kakahuyan ay tulad ng sinabi ni Joseph. Tunay na nauunawaan ng puso ko ang kahalagahan ng nangyari doon. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Nagpapatotoo ito sa Panginoong Jesucristo. Naipanumbalik na ang Kanyang priesthood at nasa atin ito. Ang mga susi ng priesthood na iyon, na nagmula sa makalangit na mga nilalang, ay ginagamit para sa ating walang hanggang pagpapala. Gayon ang ating patotoo—ang sa inyo at sa akin—isang patotoo na kailangan nating ipamuhay at kailangan nating ibahagi sa iba. Iniiwan ko ang patotoong ito, aking basbas, at pagmamahal sa bawat isa sa inyo at ang aking paanyaya na patuloy na maging bahagi ng dakilang himalang ito sa mga huling araw, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa paanong paraan nakaaambag ang inyong personal na patotoo sa pagtatag ng Simbahan? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Binibigyang-diin ni Pangulong Hinckley na ang patotoo ay sumusuporta sa atin at “nagtutulak sa [atin] na kumilos” (bahagi 2). Paano kayo natulungan ng inyong patotoo? Paano nakaimpluwensya ang inyong patotoo sa inyong mga kilos? Anong mga personal na pagsasabuhay ang magagawa ninyo mula sa mga kuwento sa bahagi 2?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pangulong Hinckley tungkol sa pagkakaroon ng patotoo? (Tingnan sa bahagi 3.) Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo para makamit ang inyong patotoo? Ano ang magagawa natin para mapalakas ang ating mga patotoo?

  • Sa palagay ninyo bakit lumalakas ang ating patotoo kapag ibinabahagi natin ito? Paano ninyo nadaig ang damdamin ng pagkatakot sa pagbabahagi ng inyong patotoo? Paano kayo napagpapala ng mga patotoo ng ibang tao? (Tingnan sa bahagi 4.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

I Mga Taga Corinto 12:3; I Ni Pedro 3:15; Alma 5:43–46; 32:26–30; Moroni 10:3–5; D at T 8:2–3; 80:3–5

Tulong sa Pagtuturo

“Habang nakikilala at nauunawaan ninyo ang bawat tao, magiging lalong handa kayong ituro ang mga aralin na nangungusap sa kani-kanyang kalagayan. Ang pag-unawang ito ay makatutulong sa inyo na makahanap ng mga paraan upang matulungan ang bawat tao na makilahok sa mga talakayan at iba pang gawain sa pagkatuto” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 42).

Mga Tala

  1. “Ang aking Patotoo,” Ensign, Mayo 2000, 70–71.

  2. “Listen by the Power of the Spirit,” Ensign, Nob. 1996, 5.

  3. “Testimony,” Ensign, Mayo 1998, 69.

  4. “Testimony,” 69–70.

  5. “Testimony,” 70.

  6. “It’s True, Isn’t It?” Ensign, Hulyo 1993, 2.

  7. “It’s True, Isn’t It?” 5.

  8. “It’s True, Isn’t It?” 6.

  9. “It’s True, Isn’t It?” 5.

  10. “Testimony,” 70–71.

  11. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Tomo 2: 2000–2004 (2005), 369.

  12. “A Perfect Brightness of Hope: To New Members of the Church,” Ensign, Okt. 2006, 5.