Pambungad
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan kayong higit na mapalapit sa inyong Ama sa Langit at mapalalim ang inyong pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga aklat sa seryeng ito, makakakolekta kayo ng mga reperensyang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga aklat na ito ay nilayong magamit sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa araw ng Linggo. Matutulungan din kayo nitong maghanda ng mga lesson para sa family home evening, maghanda ng iba pang mga lesson o mensahe, at sagutin ang mga tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan.
Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Marso 12, 1995, hanggang Enero 27, 2008.
Personal na Pag-aaral
Sa pag-aaral ninyo ng mga turo ni Pangulong Gordon B. Hinckley, mapanalanging hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Matutulungan kayo ng mga tanong sa dulo ng bawat kabanata na pagbulayan, unawain, at ipamuhay ang mga turo ni Pangulong Hinckley. Ang sumusunod na mga ideya ay maaari ding makatulong:
-
Isulat ang mga kaisipan at damdaming dumarating sa inyo mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral kayo.
-
Salungguhitan ang mga talatang gusto ninyong matandaan. Isiping isaulo ang mga talatang ito o isulat ang mga ito sa inyong mga banal na kasulatan sa tabi ng kaugnay na mga talata.
-
Basahin ang kabanata o talata nang mahigit isang beses para mas maunawaan ninyo ito.
-
Itanong sa inyong sarili ang tulad ng “Paano nadaragdagan ng mga turo ni Pangulong Hinckley ang pagkaunawa ko sa mga alituntunin ng ebanghelyo?” o “Ano ang nais ng Panginoon na matutuhan ko mula sa mga turong ito? Ano ang nais Niyang gawin ko?”
-
Itanong sa sarili kung paano kayo matutulungan ng mga turo sa aklat na ito sa inyong personal na mga pagsubok at alalahanin.
-
Ibahagi ang natutuhan ninyo sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
Pagtuturo mula sa Aklat na Ito
Ang sumusunod na mga patnubay ay matutulungan kayong magturo mula sa aklat na ito, sa bahay man o sa simbahan.
Maghandang Magturo
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Pag-aralan ang kabanata upang magkaroon kayo ng pananalig sa pag-unawa ninyo sa mga turo ni Pangulong Hinckley, at mapanalanging piliin ang mga turo na sa pakiramdam ninyo ay makakatulong.
Maaari ninyong hikayatin ang mga tinuturuan ninyo na pag-aralan nila mismo ang kabanata at pagtuunang mabuti ang bahaging “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” sa dulo ng kabanata.
Maghikayat ng Talakayan tungkol sa mga Turo ni Pangulong Hinckley
Kapag nagturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang mga iniisip, magtanong, magpatotoo, at turuan ang isa’t isa. Kapag aktibo silang nakibahagi, magiging mas handa silang matuto at tumanggap ng personal na paghahayag.
Hayaang magpatuloy ang magagandang talakayan sa halip na sikaping talakayin ang lahat ng turo. Gabayan ang mga talakayan para matulungan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga turo ni Pangulong Hinckley at matuklasan ang mga paraan na maiaangkop nila ang mga turong iyon sa kanilang buhay.
Ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata ay mahalaga para maghikayat ng talakayan. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong lalo na para sa mga tinuturuan ninyo. Ang iba pang mga ideya para maghikayat ng talakayan ay nakalahad sa ibaba:
-
Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata.
-
Magtalaga ng mga piling tanong na nasa dulo ng kabanata sa mga indibiduwal o maliliit na grupo. Ipahanap sa mga miyembro ng klase ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila ang kanilang mga ideya at kuru-kuro.
-
Sama-samang basahin ang ilan sa mga turo ni Pangulong Hinckley sa kabanata. Magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang mga karanasan na may kaugnayan sa mga turong iyon.
-
Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Anyayahan silang magtipon sa mga grupong may dalawa o tatlong miyembro na magkakapareho ang piniling bahagi at ipatalakay ang kanilang natutuhan.
Maghikayat ng Pagsasabuhay at Pagbabahagi
Ang mga turo ni Pangulong Hinckley ay magiging lubos na makahulugan kapag ipinamuhay ito ng mga indibidwal at ibinahagi ito sa iba. Maaari ninyong gamitin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga ideya:
-
Tanungin ang mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang mga turo ni Pangulong Hinckley sa kanilang mga responsibilidad sa tahanan, sa Simbahan, at sa iba pang sitwasyon.
-
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga karanasan nila sa pagsunod sa payo ni Pangulong Hinckley.
-
Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa mga turo ni Pangulong Hinckley sa mga kapamilya at kaibigan.
Tapusin ang Talakayan
Ibuod nang maikli ang lesson o ipabuod ito sa isa o dalawang miyembro ng klase. Patotohanan ang mga turong natalakay ninyo, at hikayatin ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang natutuhan nila. Maaari din ninyong anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang patotoo.
Impormasyon tungkol sa mga Pinagkunang Materyal
Ang mga turo sa aklat na ito ay tuwirang sinipi mula sa mga sermon, artikulo, at panayam ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ang mga siping nagmula sa mga lathalain ay pinanatili sa orihinal na bantas, baybay, pagpapalaki ng mga titik, at ayos ng talata maliban kung kinailangan itong baguhin ng editor o itama ang maling baybay para mas madali itong basahin. Dahil pinanatili ang mga sipi sa orihinal nito, maaari kayong makapansin ng kaunting pagkakaiba-iba ng istilo sa teksto. Halimbawa, ang mga panghalip na tumutukoy sa Diyos ay ginamitan ng maliliit na titik sa ilang sipi at malalaking titik naman sa iba.
Madalas gamitin ni Pangulong Hinckley ang mga katagang mga tao, tao, at sangkatauhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Madalas din niyang gamitin ang mga panghalip na siya, niya, at kanya para tukuyin ang dalawang kasarian. Ang mga pananalitang ito ay karaniwan sa kanyang panahon.