Kabanata 3
Pagkakaroon ng Masayang Pag-uugali at Magandang Pananaw
“Maniwala. Maging masaya. Huwag panghinaan ng loob. Magiging maayos ang lahat.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Madalas sabihin ng ina ni Pangulong Gordon B. Hinckley na si Ada Bitner Hinckley, na “ang pagiging masayahin at palangiti ay nakakapagpalakas ng loob ng isang tao sa halos alinmang kamalasan at pananagutan ng bawat tao ang kanyang sariling kaligayahan.”1 Ang kanyang ama, si Bryant S. Hinckley, ay “likas na may magandang pananaw.”2 Paggunita ni Pangulong Hinckley, “Noong bata pa ako at madaling mamintas, sinasabi ng tatay ko: ‘Ang mga mang-uuyam ay hindi nag-aambag, ang mga mapamintas ay walang nalilikha, ang mga mapagduda ay walang natatamo.’”3 Dahil sa impluwensya ng payo at halimbawa ng kanyang mga magulang, ang batang si Gordon Hinckley ay natutong mamuhay nang may magandang pananaw at pananampalataya.
Bilang misyonero sa England, si Elder Hinckley ay nagsikap na mabuti upang sundin ang payo ng kanyang mga magulang. Siya at ang kanyang mga kompanyon ay nagkakamayan tuwing umaga at nagsasabi sa isa’t isa, “Kay inam ng buhay.”4 Makalipas ang halos 70 taon, iminungkahi niya na sundin ng isang grupo ng mga missionary sa Pilipinas ang gayon ding gawain. “Kahapon ay isang napakagandang araw sa buhay ko,” sabi niya sa kanila. “Bawat araw ay napakagandang araw sa buhay ko. Umaasa ako na bawat araw ay napakagandang araw sa inyong buhay—sa bawat isa sa inyo. Umaasa ako na nakakapaghanda kayo sa umaga at kakamayan ang inyong kompanyon at sasabihing, ‘Brother (Sister), kay inam ng buhay. Tayo na at masiyahan sa araw na ito.’ At sa pag-uwi ninyo sa gabi, umaasa akong masasabi ninyo sa isa’t isa, ‘Ang ganda ng maghapon. Nasiyahan tayo. Mayroon tayong natulungan habang nasa daan. … Magpa-follow up tayo sa kanila at mananalangin at aasa na pupunta sila sa Simbahan.’ Dapat maging maganda ang bawat araw sa misyon.”5
Ang payong ito ay halimbawa ng pagharap ni Pangulong Hinckley sa buhay. Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na obserbasyon kay Pangulong Hinckley at sa kanyang asawang si Marjorie: “Hindi nila sinasayang ang oras nila sa pagninilay sa nakaraan o pag-aalala tungkol sa hinaharap. At sila ay masigasig sa kabila ng kagipitan.”6 Si Elder Jeffrey R. Holland, na nasa Korum ng Labindalawa rin, ay nagsabing: “‘Magiging maayos ang lahat’ ang maaaring paulit-ulit na katiyakang ibinibigay ni Pangulong Hinckley sa pamilya, mga kaibigan, at kasamahan. ‘Patuloy na magsikap,’ ang sinasabi niya. ‘Maniwala. Maging masaya. Huwag panghinaan ng loob. Magiging maayos ang lahat.’”7
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Kahit maraming taong negatibo at puro kabiguan ang nakikita, maaari nating madama ang diwa ng kaligayahan at magandang pananaw.
Malala na ang negatibong kaisipan sa lupain. Laganap na ito sa halos lahat ng dako. Palagi tayong hinahapagan ng di-nagbabago at maasim na pagkain ng panlalait sa pagkatao, pamimintas, paninira sa isa’t isa. …
Narito ako … na sumasamo na itigil na natin ang paghahanap sa mga unos at lubusang tamasahin ang sikat ng araw. Iminumungkahi kong magtuon tayo sa positibo. Hinihiling ko na hanapin pa natin ang kabutihan, na pigilan ang ating mga pang-iinsulto at pangungutya, na mas bigyan pa natin ng papuri ang kabanalan at pagsisikap.
Hindi ko sinasabing mawala ang lahat ng kritisismo. May pag-unlad sa pagtutuwid. May lakas na nagmumula sa pagsisisi. Matalino ang lalaki o babae na, nang ituro ng iba ang nagawa nilang mga pagkakamali, ay binago ang kanyang buhay. Hindi ko sinasabing maging matamis ang lahat ng ating usapan. Ang matalinong pagpapahayag na taimtim at tapat ay isang kasanayang dapat hangarin at linangin. Ang iminumungkahi at hinihiling ko ay iwasan natin ang pagiging negatibo na lubhang laganap sa ating lipunan at hanapin ang kahanga-hangang kabutihan sa lupain at panahon na ating ginagalawan, na magsalita tayo tungkol sa kabutihan ng isa’t isa sa halip na magsalita tayo tungkol sa pagkakamali ng isa’t isa, na palitan ng magandang pananaw ang mga negatibong kaisipan. Hayaang palitan ng pananampalataya ang ating mga pangamba.8
Nasa atin ang bawat dahilan upang maging maganda ang pananaw sa mundong ito. Nakapaligid ang trahedya, totoo iyan. Laganap ang mga problema, totoo iyan. Ngunit … hindi ninyo magagawa, hindi ninyo gagawing, sumalig sa negatibong kaisipan o pagiging mapaghinala. Magkaroon ng magandang pananaw, gumawa nang may pananampalataya, at mangyayari ang mga bagay-bagay.9
Huwag panghinaan ng loob. Huwag sumuko. Hanapin ang sikat ng araw sa likod ng mga ulap. Sa bandang huli ay magkakaroon kayo ng mga oportunidad. Huwag hayaan ang mga taong palaisip ng masama na ilagay sa panganib ang mga posibleng magawa mo.10
Sikaping maging masayahin. Sikaping magkaroon ng magandang pananaw. Lumakad nang may pananampalataya, nagagalak sa kagandahan ng kalikasan, sa kabutihan ng mga taong mahal ninyo, sa patotoo na nasa inyong puso hinggil sa bagay na banal.11
Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan. Magiging mas magaan ang paraan, magiging mas kaunti ang mga pangamba, ang mga paghaharap ay hindi gaanong mahirap kung magiging masayahin tayo sa tuwina.12
2
Sa halip na isipin lagi ang ating mga problema, maaari nating hayaan ang diwa ng pasasalamat ang gumabay at magpala sa atin.
Tayo ay talagang pinagpala! Talagang dapat tayong magpasalamat! … Sikaping taglayin ang diwa ng pasasalamat para sa mga pagpapala ng buhay at sa kagila-gilalas na mga kaloob at pribilehiyong natatamasa ng bawat isa sa atin. Sinabi ng Panginoon na ang maamo ay mamanahin ang lupa. (Tingnan sa Mat. 5:5.) Hindi ko maikakaila ang interpretasyon na ang kaamuan ay nagpapahiwatig ng diwa ng pasasalamat na kabaligtaran ng ugaling kaya nating mag-isa (na hindi kailangan ang tulong ng iba), ng pagkilala sa isang kapangyarihang higit pa sa sarili, ng pagkilala sa Diyos, at pagtanggap sa kanyang mga utos. Ito ang simula ng karunungan. Lumakad nang may pasasalamat sa harapan niya na nagkakaloob ng buhay at ng bawat mabuting kaloob.13
Walang higit na mabuting panahon sa kasaysayan ng mundo para manirahan sa mundo kaysa sa panahong ito. Dapat lubos na ipagpasalamat ng bawat isa sa atin na nabubuhay tayo sa kahanga-hangang panahong ito taglay ang lahat ng kagila-gilalas na mga pagpapalang natanggap natin.14
Kapag naiisip ko ang mga kamangha-manghang bagay na nangyari sa aking panahon—na higit pa kaysa buong kasaysayan ng sangkatauhan—ako ay puspos ng pagpipitagan at pasasalamat. Naiisip ko ang sasakyan at eroplano, mga computer, fax machine, e-mail, at Internet. Lahat ng ito ay mahimala at kahanga-hanga. Naiisip ko ang malalaking hakbang na nagawa sa medisina at sanitasyon o kalinisan. … At sa lahat ng ito ay naganap ang panunumbalik ng dalisay na ebanghelyo ni Jesucristo. Ikaw at ako ay bahagi ng himala at hiwaga ng dakilang adhikain at kaharian na lumalaganap sa mundo at nagpapala sa buhay ng mga taong naaabot nito. Talagang napakalaki ng pasasalamat ko.15
Nabubuhay tayo sa kaganapan ng mga panahon. Tandaan ninyo ang katagang iyan. Tandaan ninyo ang salitang kaganapan. Nangangahulugan ito ng lahat [ng] mabuti na sama-samang natipon [mula sa] nakaraan at ipinanumbalik sa lupa sa huling dispensasyong ito.
Ang puso ko … ay puno ng pasasalamat sa Makapangyarihang Diyos. Sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang Anak, na siyang Diyos ng mundong ito, tayo ay lubos na pinagpala. Damang-dama ko ang mga titik ng ating himno, “Kilalanin ang bawat isa. Mga pagpapalang kaloob sa ’yo” (Mga Himno, blg. 147).16
Taglay ang pasasalamat sa ating puso, huwag nating isipin palagi ang ilang problema natin. Sa halip ay bilangin natin ang ating mga pagpapala at sa diwa ng pasasalamat, na nahihikayat ng malaking pananampalataya, humayo upang itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa.17
Hayaang ang diwa ng pasasalamat ang gumabay at magpala sa inyong mga araw at gabi. Isagawa ito. Makikita ninyo na kamangha-mangha ang mga ibubunga nito.18
3
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng dahilan para magalak.
Sinabi ng Panginoon: “Dahil dito, pasiglahin ang iyong puso at magalak, at tuparin ang mga tipan na iyong ginawa” [D at T 25:13]. Naniniwala ako na sinasabi niya sa bawat isa sa atin na maging masaya. Ang ebanghelyo ay bagay na dapat ikagalak. Binibigyan tayo nito ng dahilan para magalak.19
Huwag kalimutan kailanman kung sino ka. … Ikaw ay tunay na anak ng Diyos. … Siya ang iyong Amang Walang Hanggan. Mahal ka Niya. … Nais Niyang maging maligaya ang Kanyang mga anak. Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan. Ang paglabag ay hindi kailanman kaligayahan. Ang pagsuway ay hindi kailanman kaligayahan. Ang daan tungo sa kaligayahan ay matatagpuan sa plano ng ating Ama sa Langit at sa pagsunod sa mga utos ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo.20
Anuman ang inyong paraan noon sa paggawa ng mga bagay, mayroon akong hamon sa inyo … na iayon ang inyong buhay sa mga turo ng ebanghelyo, na tingnan ang Simbahang ito nang may pagmamahal at paggalang at pagpapahalaga bilang ina ng inyong pananampalataya, na mamuhay bilang isang halimbawa ng magagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa paghahatid ng kaligayahan sa isang tao.21
Ang pagsisisi ay isa sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ang pagpapatawad ay tanda ng kabanalan. Mayroon kang pag-asa. Ang inyong buhay ay nasa hinaharap, at maaari itong mapuspos ng kaligayahan, kahit ang nakalipas ay nabahiran ng kasalanan. Ito ay gawain ng pagliligtas at pagtulong sa mga tao sa kanilang mga problema. Ito ang layunin ng ebanghelyo.22
Nakilala ko ang napakaraming tao na palaging nagrereklamo tungkol sa bigat ng kanilang mga responsibilidad. Talagang matindi ang nakagigipit na mga sitwasyon. Napakarami, sobrang dami ng gagawin. May mga pasaning pinansyal pa na karagdagan sa lahat ng mga kagipitang ito, at sa lahat ng ito tayo ay mahilig magreklamo, madalas itong mangyari sa tahanan, kadalasan sa publiko. Ibahin ang inyong pag-iisip. Ang ebanghelyo ay mabuting balita. Ang tao ay gayon upang magkaroon siya ng kagalakan [tingnan sa 2 Nephi 2:25]. Maging masaya! Hayaang mabakas ang kaligayahang iyan sa inyong mukha at magsalita sa pamamagitan ng inyong mga patotoo. Asahan ninyo ang mga problema. Maaaring paminsan-minsan ay may mga trahedya. Ngunit nagniningning sa kabila nito ang pagsamo ng Panginoon:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:28–30.)
Nasisiyahan ako sa mga salitang ito ni Jenkins Lloyd Jones na ginupit ko mula sa isang column sa Deseret News ilang taon na ang nakararaan. Ipinapasa ko ang mga ito sa inyo. … Sabi niya:
“Sinumang nangangarap na ang kaligayahan ay karaniwan ay mag-aaksaya ng maraming oras sa pagsigaw na pinagkaitan siya nito.
“Karamihan sa mga pagpalo sa bola ng golf ay hindi nahuhulog sa butas. Karamihan sa karne ng baka ay mahirap nguyain. Karamihan sa mga bata ay lumalaki bilang pangkaraniwang mga tao. Karamihan sa matatagumpay na pagsasama ng mag-asawa ay nangangailangan ng mataas na antas ng pagpaparaya sa isa’t isa. Maraming trabaho ang mas madalas na nakababagot kaysa nakasisiya. …
“Ang buhay ay parang paglalakbay noon na sakay ng tren—naaantala, naaabala, mausok, maalikabok, mabato ang daan, at maalog, na kakikitaan paminsan-minsan ng magagandang tanawin at biglaang pagbilis ng takbo.
“Ang dapat lang gawin sa sitwasyong ito ay pasalamatan ang Panginoon sa pagpayag na makasakay kayo.” (Deseret News, 12 Hunyo 1973.)
Inuulit ko, mga kapatid, ang dapat lang gawin ay pasalamatan ang Panginoon sa pagpayag na makasakay kayo; at sa totoo lang, hindi ba’t napakagandang biyahe nito? Masiyahan dito! Tumawa tungkol ito! Umawit ng tungkol dito! Alalahanin ang mga salita ng manunulat ng Mga Kawikaan:
“Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni’t ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.” (Mga Kawikaan 17:22.)23
Hayaang magkaroon kahit paano ng kaligayahan sa inyong buhay. Hayaang magkaroon ng kasiyahan at kaligayahan, ng kaunting pagpapatawa, ng kakayahang tumawa paminsan-minsan sa mga bagay na katawa-tawa.24
Sa buong pamumuhay ay magkaroon ng pagsasaya at pagtatawanan. Ang buhay ay dapat tamasahin, hindi pinagtitiisan lamang.25
4
Ang ebanghelyo ay mensahe ng tagumpay na dapat tanggapin nang buong sigla, pagmamahal, at magandang pananaw.
Nakatayo ako rito ngayon bilang taong may magandang pananaw hinggil sa gawain ng Panginoon. Hindi ako maniniwalang itinatag ng Diyos ang kanyang gawain sa lupa upang mabigo ito. Hindi ako maniniwalang humihina ito. Alam ko na lumalakas ito. … Simple at taimtim ang pananampalataya ko na magtatagumpay ang matuwid at mananaig ang katotohanan.26
Noon pa man ay nakatawag na ng pansin ko ang kuwento tungkol kina Caleb at Josue at ng iba pang mga espiya o tiktik ng Israel. Pinamunuan ni Moises ang mga anak ni Israel papunta sa ilang. Sa ikalawang taon ng kanilang paggala-gala, pumili siya ng kinatawan mula sa bawat isa sa labindalawang lipi para siyasatin ang lupain ng Canaan at bumalik para mag-ulat hinggil sa mga kabuhayan at mga mamamayan nito. Si Caleb ang kumatawan sa lipi ni Juda, si Josue sa lipi ni Ephraim. Silang labindalawa ay nagpunta sa lupain ng Canaan. Napag-alaman nila na sagana ito. Apatnapung araw silang nawala. Sila ay nagbalik na may dalang “mga naunang nahinog na ubas” bilang patunay ng kasaganaan ng lupain (Blg. 13:20).
Humarap sila kina Moises at Aaron at sa buong kongregasyon ng mga anak ni Israel at ganito ang sinabi nila hinggil sa lupain ng Canaan, “Tunay na binubukalan [ang Canaan] ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon” (t. 27).
Ngunit sampu sa mga espiya o tiktik ang biktima ng sarili nilang mga pag-aalinlangan at pangamba. Negatibo ang ibinigay nilang report tungkol sa bilang at pangangatawan ng mga Cananeo. Sinabi nila na “sila’y malakas kay sa atin” (t. 31). Ikinumpara nila ang kanilang sarili na parang mga tipaklong kumpara sa mga higanteng nakita nila sa lupain. Sila ay mga biktima ng sarili nilang pangamba.
Pagkatapos ay tumayo sina Josue at Caleb sa harapan ng mga tao at sinabing, “Ang lupain, na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain.
“Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao’y lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
“Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon; sapagka’t sila’y tinapay sa atin: ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila” (14:7–9).
Nguni’t ang mga tao ay mas handang maniwala sa sampung mapag-alinlangan kaysa maniwala kina Caleb at Josue.
Pagkatapos ay ipinahayag ng Panginoon na ang mga anak ni Israel ay dapat magpagala-gala sa ilang sa loob ng apatnapung taon hanggang sa lumipas ang henerasyon ng mga taong lumakad nang may pag-aalinlangan at takot. Nakatala sa mga banal na kasulatan na “ang mga taong yaon na nagsipaghatid ng masamang balita ng lupain, ay nangamatay sa salot sa harap ng Panginoon.
“Nguni’t si Josue … at Caleb … , ay naiwang buhay sa mga taong yaon na nagsiparoong tumiktik ng lupain” (tt. 37–38). Sila lang sa grupo ang natirang buhay matapos ang apat na dekadang iyon ng paggala at nagkaroon ng pribilehiyong makapasok sa lupang pangako na iniulat nila sa positibong paraan.
Nakikita natin ang ilan sa paligid natin na walang interes hinggil sa hinaharap ng gawaing ito, na walang pakialam, na nagsasalita tungkol sa mga limitasyon, na nagpapahayag ng takot, na nag-uukol ng kanilang panahon sa paghuhukay at pagsusulat tungkol sa itinuturing nilang mga kahinaan na sa katunayan ay hindi naman mahalaga. Taglay ang pag-aalinlangan hinggil sa nakaraan nito, wala silang pananaw ukol sa hinaharap nito.
Gaya nga ng sabi noong unang panahon, “Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama” (Kaw. 29:18). Walang puwang sa gawaing ito ang mga taong naniniwala lamang sa ebanghelyo ng kapahamakan at kalungkutan. Ang ebanghelyo ay mabuting balita. Ito ay mensahe ng pagtatagumpay. Ito ay adhikaing dapat tanggapin nang may sigla.
Hindi sinabi ng Panginoon na hindi magkakaroon ng mga suliranin. Ang ating mga tao ay dumanas na ng bawat uri ng paghihirap tulad ng mga taong kumalaban sa gawaing ito. Ngunit nakita ang pananampalataya sa kabila ng lahat ng kanilang kalungkutan. Patuloy ang pagsulong ng gawaing ito at hindi ito kailanman humakbang nang paatras mula nang simulan ito. …
… Ito ang gawain ng Maykapal. Nakasalalay sa atin kung susulong tayo bilang mga indibiduwal. Ngunit hinding-hindi mabibigo ang Simbahan na sumulong. …
Nang kunin ng Panginoon si Moises, sinabi Niya kay Josue, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon” (Jos. 1:9). Ito ang Kanyang gawain. Huwag itong kalimutan kailanman. Tanggapin ito nang may sigla at pagmamahal.27
5
Taglay ang kaalaman na lahat tayo ay anak ng Diyos, maaari tayong lalo pang manindigan, taasan pa ang pamantayan, at lalo pang bumuti.
Nakakalungkot na nagiging ugali ng mga tao sa ating mundo ngayon na siraan ang isa’t isa. Hindi ba ninyo alam na halos hindi kailangang gamitin ang isipan para gumawa ng mga mensahe na maaaring makasakit sa iba? Subukan ang kabaligtaran niyon. Subukan nating purihin ang iba. …
Nakakalungkot din na marami sa ating lipunan ang nagiging ugali na ang maliitin ang ating sarili. Maaaring ang tingin natin sa ibang tao ay sigurado na sila sa kanilang sarili, pero ang totoo karamihan sa atin ay nakadarama ng kahinaan. Ang mahalaga ay huwag itong sabihin sa inyong sarili. … Ang mahalaga ay gawin ang pinakamainam sa lahat sa abot-kaya natin.
Huwag sayangin ang inyong oras sa pagkaawa sa sarili. Huwag maliitin ang inyong sarili. Huwag kalimutan na kayo’y anak ng Diyos. Kayo ay may banal na pribilehiyo. May likas na pagkatao ng Diyos sa inyong kalooban.28
Kinakanta natin ang, “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189). Hindi lang ito imahinasyon, isang imahinasyon ng makata—iyan ang buhay na katotohanan. Mayroong kabanalan sa loob ng bawat isa sa atin na kailangang linangin, na kailangang pumaibabaw, na kailangang maipahayag. Kayong mga ama at ina, ituro sa inyong mga anak na sila, sa literal na paraan, ay mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Wala nang mas dakilang katotohanan sa buong mundo maliban diyan—na isiping mayroong kabanalan sa ating kalooban.29
Maniwala sa iyong sarili. Maniwala sa kakayahan ninyong gawin ang malalaki at mabubuting bagay. Maniwala na walang bundok na napakataas na hindi ninyo kayang akyatin. Maniwala na walang bagyo na napakalakas na hindi ninyo kayang malampasan. … Kayo ay anak ng Diyos, na walang hanggan ang kakayahan.30
Lalo pang manindigan, taasan pa ang pamantayan, lalo pang bumuti. Magsikap pang lalo. Magiging mas maligaya kayo. Makakadama kayo ng panibagong kasiyahan, ng panibagong kagalakan sa inyong puso.31
Siyempre magkakaroon ng ilang problema sa inyong buhay. May mga paghihirap na dadaigin. Ngunit hindi magtatagal ang mga ito. Hindi kayo pababayaan [ng Diyos]. …
Tingnan ang positibo. Dapat ninyong malaman na nakamasid Siya sa inyo, na naririnig Niya ang inyong mga dalangin at sasagutin ang mga ito, na mahal Niya kayo at ipapakita ang pagmamahal na iyon.32
Maraming matatamis at disente at magagandang bagay na mapagsasaligan. Tayo ay nakikibahagi sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ibig sabihin ng ebanghelyo ay “mabuting balita!” Ang mensahe ng Panginoon ay tungkol sa pag-asa at kaligtasan! Ang tinig ng Panginoon ay tinig ng mabuting balita! Ang gawain ng Panginoon ay gawaing maluwalhati ang katuparan!
Sa madilim at nakababagabag na sandali sinabi ng Panginoon sa mga mahal niya: “Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27.)
Ang mga dakilang salitang ito ng pagtitiwala ay tanglaw sa bawat isa sa atin. Sa kanya ay talagang maaari tayong magtiwala. Sapagkat Siya at ang kanyang mga pangako ay hindi mabibigo kailanman.33
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Isipin ang payo ni Pangulong Hinckley na “pakahanapin” ang kabutihan at “sikaping maging masayahin at magkaroon ng magandang pananaw” (bahagi 1). Bakit kailangan natin ang payong ito ngayon? Paano natin uugaliing maging masayahin?
-
Sinabi ni Pangulong Hinckley na “kamangha-manghang mga resulta” ang darating kapag “hinayaan natin ang diwa ng pasasalamat ang gumabay sa [atin]” (bahagi 2). Sa palagay ninyo bakit dumarating ang “kamangha-manghang mga resultang” ito? Paano kayo pinagpapala kapag nasa inyo ang diwa ng pasasalamat?
-
Ano ang inyong mga ideya tungkol sa analohiya ng buhay na “gaya ng paglalakbay noon na sakay ng tren”? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano naiimpluwensyahan ng “mabuting balita” ng ebanghelyo ang pagtahak ninyo sa paglalakbay na iyon?
-
Paano sa palagay ninyo naaangkop sa ating buhay ang kuwento tungkol kina Caleb at Josue? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang nakita ninyong mga halimbawa ng masiglang pagtanggap ng tao sa ebanghelyo? Kung tayo ay pinanghihinaan ng loob, paano tayo muling magkakaroon ng magandang pananaw? Anong mga karanasan ang nakadagdag sa inyong magandang pananaw tungkol sa gawain ng Panginoon?
-
Sa palagay ninyo bakit may ugali tayong maliitin ang iba at ang ating sarili? Paano natin maaalis ang ugaling ito? Ano ang maaari nating gawin, bilang mga indibiduwal at pamilya, para tulungan ang iba na “lalo pang manindigan” at “taasan pa ang pamantayan”? (Tingnan sa bahagi 5.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Juan 16:33; Mga Taga Filipos 4:13; Mosias 2:41; Alma 34:38; Eter 12:4; D at T 19:38–39; 128:19–23
Tulong sa Pag-aaral
“Ang paggawa ayon sa iyong natutuhan ay magdudulot ng karagdagan at matatag na kaalaman (tingnan sa Juan 7:17)” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Isiping itanong sa inyong sarili kung paano ninyo maipamumuhay ang mga turo ng ebanghelyo sa tahanan, sa trabaho, at sa inyong mga responsibilidad sa Simbahan.