Kabanata 12
Pagsunod: Ipamuhay Lamang ang Ebanghelyo
“Simple lang ang landas ng ebanghelyo. … Magpakumbaba at maging masunurin.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Noong mga 14 na taong gulang si Gordon B. Hinckley, may naranasan siya sa Salt Lake Tabernacle na nagtulak sa kanya na gumawa ng isang mahalagang desisyon. Ikinuwento niya kalaunan:
“[Narinig] kong ikuwento ni Pangulong Heber J. Grant ang karanasan niya sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon noong bata pa siya. Binanggit niya si Nephi at ang malaking impluwensya nito sa kanyang buhay. Pagkatapos, sa tinig na tumataginting sa paniniwalang hinding-hindi ko malilimutan, sinabi niya ang magagandang salitang iyon ni Nephi: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila’ (1 Ne. 3:7).
“Sumapuso ko sa pagkakataong iyon ang isang desisyon na sikaping gawin ang iniutos ng Panginoon.”1
Laging nasa puso ni Gordon B. Hinckley ang desisyong iyon. Makalipas ang mga taon, noong siya ang Pangulo ng Simbahan, narinig sa kanyang mga turo ang mensaheng narinig niya noong binatilyo siya. Nang magsalita siya sa isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang regional conference, sinabi niya:
“Marami nang [tagapagbalita] na nag-interbyu sa akin. Ang isang bagay na sinasabi nila ay, ‘Ano ngayon ang magiging tema ninyo bilang pangulo?’ Sinasabi ko lang na, ‘Ang tema pa rin na narinig kong inulit sa Simbahang ito ng mga pangulo ng Simbahan at mga apostol noon pa man: Ipamuhay lamang ang ebanghelyo, at lahat ng gagawa nito ay makakatanggap sa kanyang puso ng matatag na pananalig sa katotohanan na kanyang ipinamumuhay.’”2
Sa kanyang unang pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, inilabas ni Pangulong Hinckley ang isang panawagan para sa lahat na lalo pang sikaping ipamuhay ang ebanghelyo:
“Ngayon, mga kapatid ko, panahon na para lalo tayong manindigan, na lalo pang lawakan ang ating pananaw at pang-unawa sa dakilang misyon sa milenyo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngayon tayo kailangang maging malakas. Ngayon tayo kailangang sumulong nang walang pag-aalinlangan, dahil alam na alam na natin ang kahulugan, lawak, at kahalagahan ng ating misyon. Panahon na para gawin ang tama anuman ang maging bunga nito. Panahon na para ipakitang sinusunod natin ang mga utos. Panahon na para tulungan nang buong kabaitan at pagmamahal ang mga naliligalig at ang mga nangangapa sa dilim at nagdurusa. Panahon na para isaalang-alang ang iba at maging mabuti, disente at mapitagan sa bawat isa sa lahat ng ating mga pakikitungo. Sa madaling salita, maging higit na katulad ni Cristo.”3
Patuloy na binigyang-diin ni Pangulong Hinckley ang mensaheng ito. Makalipas ang sampung taon inulit niya ang mga salitang ito sa pangkalahatang kumperensya at sinundan ng pagsasabing, “Kayo ang huhusga kung gaano na kalayo ang ating narating sa pagsasakatuparan ng paanyayang ibinigay 10 taon na ang nakalilipas.”4
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Tayo ay pinagtipanang mga tao, at malaki ang mga obligasyong kaakibat ng tipang iyon.
Tayo ay pinagtipanang mga tao, at iyan ay isang napakatinding bagay. Nang ipanumbalik ang gawaing ito at itakda ng Panginoon ang mga layunin para sa panunumbalik na iyon, sinabi Niya na ang isang dahilan ng panunumbalik ay para muling maitatag ang Kanyang walang-hanggang tipan. Ang tipang iyon … ay ginawa sa pagitan nina Abraham at Jehova nang gumawa ng dakila at taimtim na pangako ang makapangyarihang Jehova kay Abraham. Sinabi Niya na ang kanyang binhi ay magiging tulad ng buhangin sa dalampasigan, na lahat ng bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya. Ginawa Niya ang tipang ito sa kanya, na Siya ay magiging kanilang Diyos at sila ay magiging Kanyang mga tao. … May itinatag doon noon na isang ugnayan na walang hanggan ang ibubunga sa buhay na walang hanggan ng lahat ng papasok sa tipang ito. Kagila-gilalas ang mga implikasyon nito: kung kikilos tayo ayon sa nararapat ikilos ng mga anak ng Diyos, Siya ay magiging ating Diyos upang pagpalain tayo, mahalin tayo, patnubayan tayo, tulungan tayo.
Ngayon, sa dispensasyong ito, ang walang-hanggang tipang iyan ay napagtibay. Katunayan, ginawa natin ang tipang iyan nang binyagan tayo. Naging bahagi tayo ng Kanyang banal na pamilya, tulad ng dati. Lahat ng anak ng Diyos ay Kanyang pamilya, ngunit sa isang partikular at kahanga-hangang paraan may espesyal na ugnayan ang Diyos at ang Kanyang mga anak sa tipan. At nang maging miyembro tayo ng Simbahan, … naging bahagi tayo ng pinagtipanang mga tao; at tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento, ginagawa natin ito hindi lamang sa pag-alaala sa sakripisyo ng Anak ng Diyos, na nagbigay ng Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin, kundi tataglayin din natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at nangangako tayong susundin ang Kanyang mga utos at nangangako Siya sa atin na bibiyayaan Niya tayo ng Kanyang Banal na Espiritu.
Tayo ay mga pinagtipanang tao, at malaki ang mga obligasyong kaakibat ng tipang iyon. Hindi tayo maaaring maging mga karaniwang tao. Kailangan tayong maging mas mabubuting tao. Kailangan tayong maging mas matatag pa. Kailangan tayong maging mas mabuti, mas mabait, mas mapagbigay, mas magalang, mas maalalahanin, mas matulungin sa iba.5
Tayo ay mga tao na tinaglay sa ating sarili ang sagradong tipan at ang pangalan ng Panginoong Jesucristo. Sikapin natin na lalo pang sundin ang mga kautusan, na mamuhay ayon sa paraang iniutos sa atin ng Panginoon.6
2
Inaasahan ng Panginoon na ipamumuhay natin ang lahat ng aspeto ng ebanghelyo.
Nabubuhay tayo sa panahong puno ng kompromiso at pagsasawalang-kibo. Sa mga sitwasyong kinahaharap natin araw-araw, alam natin kung ano ang tama, ngunit dahil sa pamimilit ng ating mga kabarkada at sa nakalilinlang na mga bulong ng mga taong nanghihikayat sa atin, nagpapatangay tayo. Nakikipagkompromiso tayo. Nagsasawalang-kibo tayo. Nagpapatangay tayo, at ikinahihiya natin ang ating sarili. … Kailangan tayong magkaroon ng lakas na sundin ang ating pinaniniwalaan.7
Simple lang ang landas ng ebanghelyo. Ang ilan sa mga kailangang gawin ay maaaring karaniwan at hindi kailangan sa tingin ninyo. Huwag ninyong bale-walain ang mga ito. Magpakumbaba at maging masunurin. Ipinapangako ko na ang mga resultang kasunod nito ay magiging kahanga-hanga sa paningin at kasiya-siyang maranasan.8
Ang matinding pakiusap ko ay na sikapin natin na lalo pang maging marapat sa kabanalan na nasa ating kalooban. Makagagawa pa tayo nang higit na mabuti kaysa sa ginagawa na natin. Maaari tayong maging mas mabait kaysa rati. Kung lagi nating tatandaan na banal ang ating pinagmulan, na totoong Ama natin ang Diyos at magkakapatid ang mga tao, tayo ay magiging mas maunawain, mas mabait, mas magsisikap na pasiglahin at tulungan at suportahan ang mga nasa paligid natin. Hindi na tayo gaanong susunod sa mga bagay na malinaw na hindi tama [para sa] atin.9
Ang kinabibilangan ninyong relihiyon ay ipinamumuhay nang pitong araw sa isang linggo, hindi lamang tuwing Linggo. … Iyo’y sa lahat ng panahon—dalawampu’t apat na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo, 365 araw sa isang taon.10
Inaasahan ng Panginoon na aayusin natin ang ating buhay, na ipamumuhay natin ang lahat ng aspeto ng ebanghelyo.11
3
Ibubuhos ng Diyos ang mga pagpapala sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga utos.
Sinabi ng Panginoon kay Elijah na magtago sa batis ng Cherith, na doon ay makakainom siya sa batis, at na pakakainin siya ng mga uwak. Nakatala sa banal na kasulatan ang simple at kahanga-hangang pahayag tungkol kay Elijah: “Sa gayo’y naparoon siya at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon” (I Mga Hari 17:5).
Hindi siya nakipagtalo. Hindi siya nagdahilan. Hindi siya nagduda. Basta “naparoon [si Elijah] at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon.” At siya ay naligtas mula sa kakila-kilabot na mga kalamidad na dinanas ng mga taong nangutya at nakipagtalo at nagduda.12
Ang buong kuwento ng Aklat ni Mormon ay isang kuwento tungkol sa mga tao na, nang sila ay mabubuti, nang sambahin nila si Jesucristo, sila ay umunlad sa lupain at labis at saganang pinagpala ng Panginoon; at nang sila ay magkasala at mangaligaw ng landas at malimutan nila ang kanilang Diyos, naghirap sila at dumanas ng digmaan at kaguluhan. Ang inyong kaligtasan, inyong kapayapaan, inyong kaunlaran ay nasa pagsunod sa mga utos ng Maykapal.13
“Patuloy na sundin ang aking mga kautusan, at isang putong ng kabutihan ang iyong matatanggap.” [D at T 25:15.] Iyan ang pangako ng Panginoon kay Emma Hale Smith. Ito ang pangako ng Panginoon sa bawat isa sa inyo. Ang kaligayahan ay nasa pagsunod sa mga kautusan. Para sa isang Banal sa mga Huling Araw … kalungkutan lamang ang idudulot ng pagsuway sa mga kautusang iyon. At para sa bawat susunod sa mga ito, may pangakong isang putong … ng kabutihan at walang-hanggang katotohanan.14
Ang tunay na kalayaan ay nasa pagsunod sa mga payo ng Diyos. Sinabi noong unang panahon na “ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag.” (Kaw. 6:23.)
Ang ebanghelyo ay hindi isang pilosopiya ng pagsupil, tulad ng turing dito ng marami. Ito ay isang plano ng kalayaan na dumidisiplina sa pagnanasa at gumagabay sa pag-uugali. Ang mga bunga nito ay matamis at ang mga gantimpala nito ay sagana. …
“Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.” (Gal. 5:1.)
“Kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan.” (II Cor. 3:17.)15
Ang ating kaligtasan ay nasa pagsisisi. Ang ating lakas ay nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. … Tumatag tayo laban sa kasamaan, kapwa sa tahanan at sa ibang lugar. Mamuhay tayo nang marapat sa mga pagpapala ng langit, baguhin ang ating buhay kung kailangan at umasa sa Kanya, na Ama nating lahat.16
Wala tayong dapat ikatakot. Ang Diyos ang namamahala. Siya ang mananaig para sa ikabubuti ng gawaing ito. Magbubuhos Siya ng mga pagpapala sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga utos. Iyan ang Kanyang pangako. Walang makapag-aalinlangan sa kakayahan Niyang tuparin ang pangakong iyan.17
4
Itinuturo ng mga pinuno ng Simbahan ang daan at inaanyayahan ang mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo.
May mga nagsasabi, “Hindi ako didiktahan ng Simbahan kung paano iisipin ito, o iyon, o iba pa, o kung paano mabuhay.”
Hindi nga, tugon ko, hindi didiktahan ng Simbahan ang sinuman kung paano mag-isip o ano ang gagawin. Ituturo ng Simbahan ang paraan at aanyayahan ang bawat miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo at tamasahin ang mga biyayang nagmumula sa gayong pamumuhay. Hindi didiktahan ng Simbahan ang sinuman, ngunit magpapayo ito, maghihikayat, maghihimok, at aasa sa katapatan ng mga miyembro nito.
Noong nasa kolehiyo pa ako, sinabi kong minsan sa tatay ko na palagay ko’y lumalampas na ang mga Pangkalahatang Awtoridad sa karapatan nila kapag may sinasabi sila tungkol sa isang bagay. Si Itay ay napakatalino at mabuting tao. Ang sabi niya, “Tinatagubilinan tayo ng Pangulo ng Simbahan at sinusuportahan ko siya bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, at susundin ko ang payo niya.”
Nakapaglingkod ako … sa mga pangkalahatang konseho ng Simbahang ito sa loob ng [maraming] taon. … Nais kong magpatotoo sa inyo na bagama’t nakadalo na ako sa libu-libong pulong kung saan tinalakay ang mga patakaran at programa ng Simbahan, wala pa akong dinaluhan na hindi hinangad ang patnubay ng Panginoon ni hinangad ninuman sa dumalo na magmungkahi o gumawa ng anumang makapipinsala o pipilit sa sinuman.18
Sinasabi ko sa bawat isa at sa lahat na kami [na nakaupo sa mga pangkalahatang kapulungan ng Simbahan] ay walang personal na agenda. Ang tanging mayroon kami ay ang agenda ng Panginoon. May mga namimintas kapag nagpapahayag kami ng isang payo o babala. Dapat ninyong malaman na ang aming mga pagsamo ay hindi udyok ng anumang makasariling hangarin. Dapat ninyong malaman na ang aming mga babala ay may katuturan at dahilan. Dapat ninyong malaman na ang mga desisyong magsalita tungkol sa iba’t ibang bagay ay hindi ipinapasiya nang hindi muna pinag-iisipan, tinatalakay, at ipinagdarasal. Dapat ninyong malaman na ang tanging layunin namin ay tulungan ang bawat isa sa inyo sa inyong mga problema, paghihirap, pamilya, at buhay. … Wala kaming hangad na ituro ang anuman maliban sa ituturo ng Panginoon. …
Responsibilidad namin na gawin ang ipinahayag ni Ezekiel: “Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sangbahayan ni Israel: kaya’t pakinggan mo ang salita sa aking bibig, at ipanguna mo sa kanila sa ganang akin.” (Ezek. 3:17.)
Wala kaming makasariling hangarin sa alinman dito, maliban sa mithiing ang ating mga kapatid ay lumigaya, na magkaroon ng kapayapaan at pagmamahalan sa kanilang tahanan, na biyayaan sila ng kapangyarihan ng Maykapal sa iba’t iba nilang gawain sa kabutihan.19
Laging ipinaaalam ng Diyos, sa kanyang paraan, ang kanyang kalooban hinggil sa kanyang mga tao. Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pinuno ng simbahang ito ay hinding-hindi tayo pagagawin ng anumang bagay na hindi natin kayang gawin sa tulong ng Panginoon. Maaari tayong makaramdam ng kakulangan. Maaaring hindi natin gusto o hindi akma sa ating mga ideya ang ipinagagawa sa atin. Ngunit kung susubukan natin nang may pananampalataya at panalangin at pagpapasiya, magagawa natin ito.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang kaligayahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kapayapaan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pagsulong ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-unlad ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang walang-hanggang kaligtasan at kadakilaan ng mga taong ito ay nasa pagsunod sa mga payo ng priesthood ng Diyos.20
5
Ang maliliit na desisyon ay maaaring magbunga ng napakalaki.
Maaari kong ilarawan ang isang alituntunin … na kung susundin ay lubhang magpapaibayo sa posibilidad na magiging tama ang ating mga desisyon, at dahil dito ay magiging napakalaki ng ating pagsulong at kaligayahan sa buhay. Ang dakilang alituntuning ito ay manatiling sumasampalataya. …
Hindi ko maidedetalye sa inyo kung paano pagpasiyahan ang lahat ng bagay. Ngunit maipapangako ko na kung magpapasiya kayo ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo at sa mga turo ng Simbahan, at kung mananatili kayong sumasampalataya, ang inyong buhay ay magbubunga ng malaking kabutihan at daranas kayo ng kaligayahan at tagumpay.21
Maraming taon na ang nakararaan nagtrabaho ako sa isang riles ng tren. … Mga panahon iyon na halos lahat ay sumasakay ng tren. Isang umaga tinawagan ako ng counterpart ko sa Newark, New Jersey. Sabi niya, “Dumating na ang tren numero ganoon-ganito, pero wala ang bagon ng mga bagahe nito. Nawala sa kung saan ang bagahe ng 300 pasahero, at galit sila.”
Agad akong nagpunta para alamin kung saan ito maaaring napunta. Nalaman ko na ito ay naisakay at naibiyahe ito nang wasto sa tren sa Oakland, California. Nailipat ito sa riles namin sa Salt Lake City [at kalaunan ay dumating sa] St. Louis. Naroon iyon at isasakay sa isa pang tren na maghahatid dito sa Newark, New Jersey. Ngunit ginalaw ng isang hindi nag-iingat na switchman sa St. Louis yard ang isang maliit na piraso ng bakal na tatlong pulgada [7.5 sentimetro] lang ang laki, isang switch point, pagkatapos ay hinatak ang pingga [lever] para ihiwalay ang bagon. Natuklasan namin na isang bagon ng mga bagahe na pag-aari ng Newark, New Jersey, ang nasa New Orleans, Louisiana—1,500 milya [2,400 kilometro] mula sa destinasyon nito. Ang tatlong-pulgadang paggalaw lang ng switch sa St. Louis yard ng isang walang-ingat na empleyado ay naging sanhi para mapunta ito sa maling direksyon, at napalayo ito nang husto mula sa tunay nitong destinasyon. Ganyan ang nangyayari sa ating buhay. Sa halip na sumunod sa tamang landas, hinahatak tayo ng maling ideya sa ibang direksyon. Ang paglayo mula sa ating orihinal na destinasyon ay maaaring sanhi ng napakaliit na bagay na ginawa natin, ngunit, kung ipagpapatuloy, ang napakaliit na ginawa nating iyon ay nagiging malaking agwat at napapalayo tayo mula sa nais nating patunguhan. … Ang maliliit na bagay na ginagawa natin ang gumagawa ng malaking kaibhan sa ating buhay.22
Isang araw kumapit ako sa tarangkahan ng isang malaking sakahan. Inangat ko ang trangka at binuksan ang tarangkahan. Bahagyang-bahagya ang galaw ng mga bisagra kaya halos hindi ito marinig. Ngunit may malaking arko sa kabilang dulo ng tarangkahan na labing-anim na talampakan ang luwang. Kapag sa galaw ng mga bisagra ka lang tumingin, hindi mo maiisip ang malaking paggalaw na sumunod dahil sa bahagyang galaw na iyon.
Gayon din sa mga desisyon natin sa buhay. Ang kaunting ideya, kaunting salita, kaunting pagkilos ay maaaring magbunga nang napakalaki.23
6
Sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo, pinalalakas natin ang Simbahan at tinutulungang lumago ang gawain ng Diyos sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mapapalakas ninyo [ang Simbahan] sa paraan ng pamumuhay ninyo. Gawing espada at kalasag ninyo ang ebanghelyo. …
… Kamangha-mangha ang hinaharap habang ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang maluwalhating gawain, na iniimpluwensyahan sa kabutihan ang lahat ng tatanggap at mamumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo.24
Nakikita ko ang napakagandang hinaharap sa isang mundong walang-katiyakan. Kung maninindigan tayo sa ating mga pinahahalagahan, kung sasalig tayo sa ating pamana, kung susundin natin ang Panginoon, kung ipamumuhay lang natin ang ebanghelyo, pagpapalain tayo sa kahanga-hanga at napakagandang paraan. Kikilalanin tayo bilang mga kakaibang tao na nakatagpo ng susi tungo sa natatanging kaligayahan.25
Dapat ipasiya ng bawat lalaki at babae at bata na mas pagbutihin at mas patatagin at mas palakasin ang gawain ng Panginoon kaysa noon. Ang kalidad ng ating buhay ang gumagawa ng kaibhan. Ang ating pasiyang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo ang gumagawa ng kaibhan. Ito ay nasa pasiya na ng bawat tao. Kung magdarasal tayong lahat, lubhang lalakas ang Simbahan. At gayon din ito sa bawat alituntunin ng ebanghelyo. Maging bahagi tayo ng dakila at sumusulong na layuning ito na lumalaganap sa buong daigdig. Hindi tayo maaaring huminto; kailangan tayong sumulong. Kailangan nating gawin ito. Ang personal na paniniwala na nananahan sa puso ng bawat isa sa atin ang tunay na lakas ng Simbahan. Kung wala ito, kakunti lang ang nasa atin; kung mayroon tayo nito, nasa atin na ang lahat.26
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo, saanman kayo naroon bilang mga miyembro ng simbahang ito, na manindigan at sumulong nang may awit sa puso, sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo, pagmamahal sa Panginoon, at pagtatayo ng kaharian. Sama-sama tayong magpatuloy sa gawain at manatiling sumasampalataya, at ang Maykapal ang ating lakas.27
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Bakit tayo, bilang pinagtipanang mga tao ng Panginoon, ay “hindi maaaring maging mga ordinaryong tao”? (Tingnan sa bahagi 1.) Ano ang ilang paraan na nakaimpluwensya ang mga tipang ginawa ninyo sa Diyos sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay?
-
Itinuro ni Pangulong Hinckley na “kailangan tayong magkaroon ng lakas na sundin ang ating mga pinaniniwalaan” (bahagi 2). Paano ba natin ikinukompromiso kung minsan ang ating mga paniniwala? Paano natin mapapalakas ang ating sarili laban sa tukso?
-
Ano ang mga aplikasyong ibinigay sa atin ng pagkukuwento ni Pangulong Hinckley tungkol kay Elijah? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano kayo tutugon sa isang tao na ang pakiramdam ay napakahigpit ng mga kautusan? Paano ninyo nakita na ang pagsunod sa mga kautusan ay naghahatid ng kalayaan, kaligtasan, at kapayapaan?
-
Rebyuhin ang paliwanag ni Pangulong Hinckley kung paano magbigay ng payo at mga babala ang mga pinuno ng Simbahan (tingnan sa bahagi 4). Paano kayo napagpala sa pagsunod sa payo ng mga pinuno ng Simbahan?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kuwento ni Pangulong Hinckley tungkol sa nawalang bagon ng mga bagahe? (Tingnan sa bahagi 5.) Bakit nakagagawa ng malaking kaibhan sa ating buhay ang maliliit na desisyon o pagkilos? Anong maliit na desisyon ang nakagawa na ng malaking kaibhan sa inyong buhay? Paano natin mas makikilala ang maliliit na paglihis na maaaring maglayo sa atin sa landas ng Diyos?
-
Paano tayo matutulungan ng pamumuhay ng ebanghelyo na makayanan ang mga kawalang-katiyakan sa mundo? (Tingnan sa bahagi 6.) Paano mapapasimple ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ang ating buhay? Isipin kung paano ninyo mas aktibong mapapatatag ang Simbahan at matutulungang umunlad ang gawain ng Diyos sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan
Deuteronomio 4:39–40; Sa Mga Hebreo 5:8–9; D at T 64:33–34; 93:26–28; 98:22; Abraham 3:24–26; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3
Tulong sa Pag-aaral
“Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (Henry B. Eyring, “Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).