Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon


Kabanata 16

Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon

“Sa isang mundong humihina ang pananampalataya, ang Aklat ni Mormon ay [isang] makapangyarihang saksi sa kabanalan ng Panginoon.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Noong binata pa si Gordon B. Hinckley, ipinakita niya ang huwaran ng pag-aaral ng banal na kasulatan. “Bilang misyonero, nagbabasa ako noon ng ilang kabanata ng Aklat ni Mormon gabi-gabi bago matulog,” sabi niya, “at nagkaroon ng pananalig sa puso ko na hindi na kailanman nawala: na ito ang salita ng Diyos, na ipinanumbalik sa lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Maykapal, na isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo.”1

Ang kanyang kaalaman at patotoo sa Aklat ni Mormon ay nakaimpluwensya sa maraming tao pagkatapos ng kanyang misyon, nang maging empleyado siya sa Radio, Publicity, and Mission Literature Committee ng Simbahan. Inatasan siyang sumulat ng mga script para sa isang serye sa radyo na pinamagatang A New Witness for Christ. Binigyang-buhay ng serye ang mga talata sa Aklat ni Mormon para sa mga tagapakinig sa radyo. Noong panahong iyon, sinabi niya sa isang kasamahan: “Lagi kong naiisip na magagawa natin ang pinakamainam nating gawain kapag naging interesado ang mga tao sa Aklat ni Mormon at babasahin nila ito. At pagkatapos ay patototohanan ng Espiritu ang kabanalan nito.”2

Sa kanyang buong paglilingkod, binigyang-diin ni Pangulong Hinckley ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Noong Agosto 2005, bilang Pangulo ng Simbahan, hinamon niya ang mga Banal sa mga Huling Araw na basahin ang buong aklat bago matapos ang taon. Inihayag niya kalaunan: “Kamangha-mangha na napakaraming nahikayat na gawin ito. Lahat ng nagbasa ay pinagpala sa kanyang pagsisikap. Nang ituon nila ang kanilang sarili sa karagdagang saksing ito ng ating Manunubos, sumigla ang kanilang puso at naantig ang kanilang espiritu.”3

lalaking nagbabasa ng aklat

“Ang katibayan ng katotohanan [ng Aklat ni Mormon] at katumpakan nito ay nasa mga pahina mismo ng aklat na ito. Kailangang basahin ng tao ang [aklat] para malaman niya ang katotohanan nito.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Kasama ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.

Sinabi noon ng Tagapagligtas, na sa mga bibig ng dalawa o mahigit pang saksi ay mapagtitibay ang lahat ng bagay.4

Ang Biblia ay tipan ng Lumang Daigdig, ang Aklat ni Mormon naman ay tipan ng Bagong Daigdig. Ang mga ito ay magkatuwang sa paghahayag na si Jesus ang Anak ng Ama.5

Ang Aklat ni Mormon … ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya na isinilang sa Betlehem ng Judea at namatay sa bundok ng Kalbaryo. Sa isang mundong humihina ang pananampalataya, ang Aklat ni Mormon ay isa pang makapangyarihang saksi sa kabanalan ng Panginoon. Sa pambungad pa lamang nito, na isinulat ng isang propetang nabuhay sa lupain ng Amerika isa at kalahating milenyo na ang nakararaan, malinaw na nakasulat dito na ito ay “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.”6

Wala nang mas mahalaga pa kaysa mapatibay sa ating sariling buhay ang matatag na pananalig na si Jesus ang Cristo. … At, mga kapatid, iyan ang layunin ng paglabas ng kamangha-mangha at kahanga-hangang aklat na ito.7

2

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari tayong tumanggap ng patotoo sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon.

Nabasa ko ang Aklat ni Mormon, na isinalin [ni Joseph Smith] sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Nakatanggap ako ng patotoo at saksi sa banal na pinagmulan ng sagradong talaang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.8

Ang pinagmulan nito ay mahimala; kapag naikuwento sa unang pagkakataon ang kasaysayan ng pinagmulan nito sa isang taong di-pamilyar dito, halos hindi ito kapani-paniwala. Ngunit narito ang aklat para damhin at hawakan at basahin. Walang sinumang makasasalungat sa katotohanan nito. Lahat ng pagsisikap na ipaliwanag ang pinagmulan nito, maliban sa isinaad ni Joseph Smith, ay nagpapahayag ng kakulangan.9

Ang katibayan ng katotohanan nito, ng katumpakan nito sa daigdig na mapaghanap ng ebidensya, ay hindi matatagpuan sa arkeolohiya o antropolohiya, bagama’t makatutulong ito sa ilan. Hindi ito matatagpuan sa pagsasaliksik ng salita o pagsusuri ng kasaysayan, bagama’t makapagpapatunay ang mga ito. Ang katibayan ng katotohanan at katumpakan nito ay nasa mga pahina mismo ng aklat na ito. Kailangang basahin ng tao ang [aklat] para malaman niya ang katotohanan nito. Ito’y aklat ng Diyos. Maaaring mag-alinlangan ang mga makatwirang tao tungkol sa pinagmulan nito; ngunit ang mga nagbasa nito nang may panalangin ay nalaman sa di-maipaliwanag na paraan na ito’y totoo, na naglalaman ito ng salita ng Diyos, na nakasaad dito ang nakapagliligtas na mga katotohanan ng walang hanggang ebanghelyo, na ito’y “lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos … sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo.”10

Isinulat [ni Moroni] ang kanyang huling pahayag sa aklat na ipinangalan sa kanya at tinapos ang talaan ng mga Nephita. Isinulat niya nang may lubos na katiyakan na kalaunan ay lalabas sa liwanag ang kanyang talaan. …

Sa huling kabanata ng mga isinulat niya, nagpatotoo siya tungkol sa talaan ng kanyang mga tao at may katiyakang nangako na ang mga yaong magbabasa nito ay malalaman ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo [tingnan sa Moroni 10:3–5].

Wala nang ibang aklat na naglalaman ng gayong pangako. Kung wala nang ibang isinulat si Moroni, ang pangakong ito sa kanyang huling patotoo ay magpapakilala sa kanya magpakailanman bilang isang mahusay na saksi ng walang-hanggang katotohanan. Sapagkat, sinabi niya, “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).11

3

Ang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay humahantong sa paniniwala sa iba pang mga katotohanan.

Tuwing hinihikayat natin ang iba na basahin ang Aklat ni Mormon, iyon ay para sa kanilang ikabubuti. Kung babasahin nila ito nang may panalangin at may tunay na hangarin na malaman ang katotohanan, malalaman nila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang aklat ay totoo.

Dadaloy mula sa kaalamang iyan ang paniniwala sa katotohanan ng marami pang bagay. Sapagkat kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, ang Diyos kung gayon ay buhay. Maraming patotoo sa mga pahina nito tungkol sa sagradong katotohanan na ang ating Ama ay totoo, na siya ay buhay, na mahal niya ang kanyang mga anak at hangad ang kanilang kaligayahan.

Kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, si Jesus kung gayon ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, isinilang kay Maria, “isang birhen, pinakamaganda … sa lahat ng iba pang birhen” (tingnan sa 1 Ne. 11:13–21), sapagkat pinatototohanan ito ng aklat sa isang paglalahad na hindi nahigitan ng lahat ng panitikan.

Kung totoo ang Aklat ni Mormon, totoo kung gayon na si Jesus ang ating Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. …

Kung totoo ang Aklat ni Mormon, si Joseph Smith ay isang Propeta ng Diyos, sapagkat siya ang naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para dalhin sa liwanag ang patotoong ito tungkol sa kabanalan ng ating Panginoon.

Kung totoo ang aklat na ito, [ang Pangulo ng Simbahan] ay isang propeta, sapagkat hawak niya ang lahat ng susi, kaloob, kapangyarihan, at awtoridad na hinawakan ni Propetang Joseph, na nagpasimula ng gawaing ito sa mga huling araw.

Kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, ang Simbahan ay totoo, sapagkat narito ang awtoridad ding iyon na nagdala sa liwanag ng sagradong talaang ito at nakikita ito sa atin ngayon. Ito’y panunumbalik ng Simbahang itinatag ng Tagapagligtas sa Palestina. Ito’y panunumbalik ng Simbahang itinatag ng Tagapagligtas nang bisitahin niya ang kontinente [ng Amerika] tulad ng nakasaad sa sagradong talaang ito.

Kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, ang Biblia ay totoo. Ang Biblia ang tipan ng Lumang Daigdig; ang Aklat ni Mormon ang tipan ng Bagong Daigdig. Ang isa ay talaan ni Juda; ang isa naman ay talaan ni Jose, at nagsama sila sa kamay ng Panginoon bilang katuparan ng propesiya ni Ezekiel. (Tingnan sa Ezek. 37:19.) Magkasamang ipinahahayag ng mga ito ang pagiging Hari ng Manunubos ng daigdig at ang katunayan ng kanyang kaharian.12

4

Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng mga turo na makatutulong sa atin na mahanap ang mga solusyon sa mga problema ng lipunan ngayon.

[Ang Aklat ni Mormon] ay isang tala tungkol sa mga bansang nabuhay noong unang panahon. Ngunit sa mga paglalarawan nito ng mga problema ng lipunan ngayon, napapanahon ito tulad ng mga pahayagan sa umaga at ito ay mas malinaw, nagpapasigla, at nagbibigay-inspirasyon hinggil sa mga solusyon sa mga problemang iyon.13

Binubuksan ko ang mga pahina nito at binabasa ko, at ang salitang gamit nito ay maganda at nakasisigla. Ang sinaunang talaan kung saan nagmula ang pagsasalin nito ay lumabas mula sa pagkakabaon sa lupa bilang isang tinig na nagmumula sa alabok. Dumating ito bilang patotoo tungkol sa mga henerasyon ng kalalakihan at kababaihan na namuhay dito sa lupa, na nakibaka sa paghihirap, na nakipag-away at nakipaglaban, na sa iba’t ibang pagkakataon ay ipinamuhay ang banal na batas at umunlad at sa iba pang pagkakataon ay tumalikod nang lubusan sa kanilang Diyos at nalipol.14

Alam ko na wala nang iba pang nakasulat na naglalarawan nang gayon kalinaw tungkol sa malungkot na kahihinatnan ng mga lipunang tumatahak sa mga landas na taliwas sa mga utos ng Diyos. Ang mga pahina ay nagsasaad ng kasaysayan ng dalawang magkaibang sibilisasyon na nanirahan sa Kanlurang Panig ng Daigdig [Western Hemisphere]. Bawat isa ay nagsimula bilang isang maliit na bansa, na ang mga tao ay namuhay nang may takot sa Panginoon. Bawat isa ay umunlad, ngunit sa pag-unlad ay lumaganap ang kasamaan. Nagpadaig ang mga tao sa mga panlilinlang ng mga mapaghangad at tusong mga lider na nagpataw sa kanila ng mabibigat na buwis, na nag-udyok na sundin sila para sa pangakong wala namang kabuluhan, na sumang-ayon sa kasamaan at imoralidad at naghikayat sa kanila na gawin ito, na umakay sa kanila sa kakila-kilabot na mga digmaang nauwi sa kamatayan ng milyun-milyon at sa pagkalipol ng dalawang malalaking sibilisasyon sa dalawang magkaibang panahon.

Wala nang ibang nasusulat na tipan ang malinaw na nagpapakita ng katotohanan na kapag ang mga tao at bansa ay namuhay nang may takot sa Diyos at sumusunod sa kanyang mga utos, sila ay sasagana at uunlad, ngunit kapag binalewala nila siya at ang kanyang salita, darating ang pagkabulok na hahantong sa kahinaan at kamatayan, maliban kung mapigil ng kabutihan. Ang Aklat ni Mormon ay isang katibayan ng kawikaan sa Lumang Tipan, “Ang katuwiran ay nagbubunyi ng bansa: nguni’t ang kasalanan ay kakutyaan sa alinmang bayan.” (Kaw. 14:34.)15

5

Ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang baguhin ang ating buhay at pananaw.

Noong Agosto 1830, bilang mangangaral ng isang simbahan, naglakbay si Parley Parker Pratt mula Ohio patungong silangang New York. Sa Newark, sa tabi ng Erie Canal, iniwan niya ang bangka at naglakad nang sampung milya [16 na kilometro] papasok ng bayan, kung saan niya nakilala ang isang Baptist na deacon na nagngangalang Hamlin, na nagkuwento sa kanya “tungkol sa isang aklat, isang KAKAIBANG AKLAT, isang LUBHANG KAKAIBANG AKLAT! … Ang aklat na ito, sabi niya, ay sinasabing orihinal na nakasulat sa mga laminang ginto o tanso, ng isang sangay ng mga lipi ni Israel; at natuklasan at isinalin ng isang binata malapit sa Palmyra, sa Estado ng New York, sa tulong ng mga pangitain, o ng pagmiministeryo ng mga anghel. Tinanong ko siya kung paano o saan maaaring makuha ang aklat. Nangako siya na mababasa ko iyon, sa bahay niya kinabukasan. … Kinaumagahan ay nagpunta ako sa bahay niya, kung saan, sa unang pagkakataon, nakita ng aking mga mata ang ‘AKLAT NI MORMON’—ang aklat na iyon na napakahalaga sa lahat ng mga aklat … na siyang pangunahing kasangkapan, sa mga kamay ng Diyos, na gagabay sa buong buhay ko sa hinaharap.

Nagbabasa si Parley P. Pratt

Malaki ang naging impluwensya ng Aklat ni Mormon kay Parley P. Pratt, na kalaunan ay naging isang Apostol.

“Sabik ko itong binuksan, at binasa ang pahina ng pamagat nito. Pagkatapos ay binasa ko ang patotoo ng ilang saksi na may kinalaman sa pamamaraan ng pagkatagpo at pagsasalin dito. Pagkatapos nito ay sinimulan kong basahin nang sunud-sunod ang mga nilalaman nito. Maghapon akong nagbasa; hindi ako makakain, dahil mas gusto kong magbasa kaysa kumain; hindi ako makatulog sa gabi, dahil mas gusto kong magbasa kaysa matulog.

“Habang nagbabasa ako, napasaakin ang Espiritu ng Panginoon, at nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo, na kasinglinaw at kasingpayak ng pagkaunawa at pagkaalam ng tao na siya ay buhay.” (Autobiography of Parley P. Pratt, ika-3 ed., Salt Lake City: Deseret Aklat Co., 1938, mga pahina 36–37.)

Dalawampu’t tatlong taong gulang noon si Parley Pratt. Napakalaki ng epekto sa kanya ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon kaya hindi nagtagal ay nabinyagan siya sa Simbahan at naging isa sa mga pinakamahusay at maimpluwensyang miyembro nito. …

Hindi lamang si Parley Pratt ang nagkaroon ng natatanging karanasan sa Aklat ni Mormon. Nang maipamahagi at mabasa ang mga unang edisyon ng aklat, naantig ang daan-daang matatapat na lalaki at babae kaya’t iniwan nila ang lahat ng ari-arian nila, at sa sumunod na mga taon, hindi lang iilan ang nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa patotoong nasa puso nila tungkol sa katotohanan ng kahanga-hangang aklat na ito.

Ngayon … mas marami nang nagbabasa nito kaysa sa alinmang panahon sa kasaysayan nito. … Ang paanyaya nito ay walang hanggan tulad ng katotohanan, na pangkalahatan dahil ito ay para sa buong sangkatauhan.16

Naimpluwensyahan [ng Aklat ni Mormon] sa kabutihan ang buhay ng milyun-milyon na mapanalanging binasa at pinagnilayan ang mga salita nito. Hayaan ninyo akong magkuwento tungkol sa gayong tao. …

Isa siyang negosyante, na matagumpay sa kanyang mga gawain. Sa kanyang mga paglalakbay ay nakilala niya ang dalawa sa mga missionary natin. Sinubukan nilang makipag-appointment para turuan siya. Sa una ay iniwasan niya sila, ngunit sa huli’y pumayag siyang makinig. Tinanggap niya nang bahagya ang kanilang sinabi. Nakumbinsi ang kanyang isipan na totoo ang sinabi nila, ngunit wala siyang madama sa kanyang puso.

Nagpasiya siyang basahin ang Aklat ni Mormon. Sinabi niya na bihasa na siya sa mga bagay ng mundo, na hindi siya iyakin. Ngunit nang basahin niya ang aklat, dumaloy ang luha sa kanyang mga pisngi. May ginawa ito sa kanya. Muli niya itong binasa at nadama niya ulit iyon. Ang pagbabago ng isipan ay naging pagbabago ng puso.

Nagbago ang kanyang pamumuhay, nagbago ang kanyang pananaw. Ibinuhos niya ang kanyang sarili sa gawain ng Panginoon. Ngayo’y may mataas at banal na tungkulin na siya na natutuhan niyang mahalin.17

May [isa pa] akong ikukuwento tungkol sa Aklat ni Mormon. Narinig ko ang kuwento ng isang lalaking banker sa California. Sinabi niya na ang kanyang secretary ay naninigarilyo, palaging naninigarilyo. Sugapa siya sa paninigarilyo. Hindi niya ito maitigil. Itinanong nito sa kanya isang araw, “Paano kaya ako titigil sa paninigarilyo?”

Kinuha ng lalaki sa kanyang mesa ang isang kopya ng Aklat ni Mormon at iniabot ito sa kanya. Sinabi niya, “Ngayon, basahin mo ito.”

Sinabi ng sekretarya niya na, “Sige, babasahin ko ito.”

Bumalik siya makalipas ang dalawang araw at nagsabing, “200 pahina na ang nabasa ko, at hindi ko nakita ang salitang paninigarilyo kahit saan. Hindi ko nakita ang salitang tabako kahit saan. Walang nabanggit tungkol dito.”

Sabi niya, “Magbasa ka pa.”

Kaya bumalik siya makalipas ang dalawa pang araw at nagsabing, “200 pahina pa ang nabasa ko—walang binanggit tungkol sa paninigarilyo, nikotina, o anumang may kaugnayan sa tabako.”

Sabi ng lalaki, “Magbasa ka pa.”

Bumalik siya makalipas ang tatlo o apat pang araw. Sabi nito, “Nabasa ko na ang buong aklat. Wala akong nabasa tungkol sa tabako kahit saan; wala akong nabasa tungkol sa paninigarilyo kahit saan. Pero,” sabi nito, “nang basahin ko ang aklat na iyon, may nadama akong impluwensya, at lakas kahit paano, na pumawi sa hangarin kong manigarilyo, at napakaganda niyon.”18

Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa isang sulat na natanggap namin. … Isang lalaki ang sumulat, at nagsabing, “Nakabilanggo ako sa isang federal prison. Kamakailan ay nakita ko ang isang kopya ng Aklat ni Mormon sa aklatan sa bilangguan. Binasa ko ito, at nang mabasa ko ang panaghoy ni Mormon sa pagbagsak ng kanyang mga tao—‘O kayong mga kaaya-aya, paano kayo napalihis sa mga landas ng Panginoon! O kayong mga kaaya-aya, paanong itinatwa ninyo si Jesus, na nakatayong bukas ang mga bisig upang kayo ay tanggapin! Masdan, kung hindi ninyo ginawa ito, hindi sana kayo nangabagsak’ (Morm. 6:17–18)—Pakiramdam ko’y ako ang kausap ni Mormon. Puwede ba akong makahingi ng isang kopya ng aklat na iyan?”

Pinadalhan namin siya ng kopya. Kalaunan, pumasok siya sa opisina ko na isa nang taong nagbago. Naantig siya sa diwa ng Aklat ni Mormon at ngayon ay isa nang matagumpay na lalaki, nagbagong-buhay, naghahanapbuhay nang tapat para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya.

Ganyan ang kapangyarihan ng aklat na ito sa buhay ng mga taong mapanalangin itong binabasa.

Mga kapatid, walang pag-aalinlangan kong ipinapangako sa inyo na kung mapanalangin ninyong babasahin ang Aklat ni Mormon, kahit ilang beses na ninyo ito nabasa, higit ninyong madarama ang Espiritu ng Panginoon. Lalo kayong magiging determinadong sundin ang kanyang mga utos, at lalong lalakas ang inyong patotoo na totoong buhay ang Anak ng Diyos.19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit natin kailangan ang Aklat ni Mormon? Ano ang ilang talata sa Aklat ni Mormon na nagpalakas sa inyong patotoo tungkol kay Jesucristo? Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa Aklat ni Mormon at Biblia na “nagtutulungan” sa pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mas mahalaga ang pangako sa Moroni 10:3–5 kaysa pisikal na ebidensya ng Aklat ni Mormon? (Tingnan sa bahagi 2.) Ano ang naging mga karanasan ninyo sa pangakong ito?

  • Kapag nirebyu ninyo ang bahagi 3, pansinin ang mga katotohanang maaari nating malaman kapag may patotoo tayo tungkol sa Aklat ni Mormon. Paano pinatototohanan ng Aklat ni Mormon ang mga katotohanang ito?

  • Pag-isipan ang ilan sa “mga problema ng lipunan ngayon” (bahagi 4). Sa anong mga paraan tayo matutulungan ng Aklat ni Mormon na makahanap ng mga solusyon sa mga problemang iyon? Ano ang ilang talata sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa mga personal ninyong problema?

  • Pagnilayan ang mga kuwento sa bahagi 5. Kung may magtanong sa inyo tungkol sa Aklat ni Mormon, ano ang masasabi ninyo tungkol sa kung paano ito nakaimpluwensya sa inyong buhay?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

Isaias 29:9–18; 1 Nephi 13:35–41; 2 Nephi 29:6–9; Moroni 10:27–29; D at T 20:8–12; 42:12–13

Tulong sa Pag-aaral

“Nagpapasalamat ako na nabigyang-diin ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Umaasa ako na magiging mas kasiya-siya ito para sa inyo kaysa isipin ninyo na isang tungkulin lamang ito; na sa halip ay mapamahal sa inyo ang salita ng Diyos. Ipinapangako ko na kapag nagbasa kayo, maliliwanagan ang inyong isipan at sisigla ang inyong espiritu. Sa una ay tila napakahirap, ngunit magiging napakagandang karanasan iyan na may mga pananaw at mga salita tungkol sa mga bagay na banal” (Gordon B. Hinckley, “The Light within You,” Ensign, Mayo 1995, 99).

Mga Tala

  1. “Gifts to Bring Home from the Mission Field,” New Era, Mar. 2007, 2.

  2. Sa Sheri L. Dew, Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley (1996), 100.

  3. “Puspusin ng Kabanalan ang Iyong mga Iniisip nang Walang Humpay,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 116.

  4. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Hulyo 1998, 2.

  5. “Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 82.

  6. “Ang Sagisag ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Abr. 2005, 4; sinipi mula sa pahina ng pamagat sa Aklat ni Mormon.

  7. “Excerpts from Recent Addresses by President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Hulyo 1997, 72.

  8. “Believe His Prophets,” Ensign, Mayo 1992, 51.

  9. “An Angel from on High, the Long, Long Silence Broke,” Ensign, Nob. 1979, 7.

  10. “Apat na Batong Panulok ng Pananampalataya,” Liahona, Peb. 2004, 6; sinipi mula sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.

  11. Sa Heroes from the Book of Mormon (1995), 198.

  12. “The Power of the Book of Mormon,” Ensign, Hunyo 1988, 6.

  13. “The Power of the Book of Mormon,” 4.

  14. “Apat na Batong Panulok ng Pananampalataya,” 5.

  15. “The Power of the Book of Mormon,” 5.

  16. “The Power of the Book of Mormon,” 2, 4.

  17. Mormon Should Mean ‘More Good,’” Ensign, Nob. 1990, 52.

  18. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2: 2000–2004 (2005), 402–3.

  19. “The Power of the Book of Mormon,” 6.