Kabanata 20
Makisalamuha sa mga Taong Iba ang Pananampalataya
“Tulungan natin ang kalalakihan at kababaihang may mabuting kalooban, anuman ang pinaniniwalaan nilang relihiyon at saanman sila nakatira.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Sa pagsasalita sa isang kumperensya ng mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon noong Nobyembre 1994, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Iba’t iba ang mga doktrinang pinaniniwalaan natin. Batid ang pagkakaiba-iba ng ating mga relihiyon, palagay ko’y nagkakaisa tayo sa kamalayan sa mga kasamaan at problema ng mundo at ng lipunang ating ginagalawan, at sa malaking responsibilidad at pagkakataon nating magkaisa sa paninindigan sa mga katangiang iyon sa pampubliko at pribadong buhay na nagpapamalas ng kabanalan at moralidad, paggalang sa lahat ng lalaki at babae bilang mga anak ng Diyos, pangangailangang gumalang at magbigay-pitagan sa ating mga pakikipag-ugnayan, at pangangalaga sa pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan na itinakda ng Diyos.
“… Lahat tayo ay may hangaring tulungan ang mga maralita, pasiglahin ang mga namimighati, aluin, bigyan ng pag-asa, at tulungan ang lahat ng may problema at pasakit sa anumang kadahilanan.
“Alam natin na kailangang lunasan ang mga problema ng lipunan at halinhan o palitan ng magandang pananaw at pananampalataya ang mga negatibong pananaw sa ating panahon. Kailangan nating tanggapin na hindi natin kailangang magsisihan o pintasan ang isa’t isa. Kailangan nating gamitin ang ating impluwensya para payapain ang galit at mapaghiganting pangangatwiran ng mga tao.
“… Ang ating lakas ay nagmumula sa ating kalayaang pumili. May lakas kahit sa pagkakaiba-iba natin. Ngunit may higit na lakas sa utos na bigay ng Diyos sa bawat isa sa atin na pasiglahin at pagpalain ang lahat ng Kanyang mga anak, anuman ang kanilang lipi o bansang pinagmulan o iba pang pagkakaiba-iba. …
“Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon na magkaisang alisin sa ating puso at iwaksi sa ating lipunan ang lahat ng elemento ng pagkamuhi, diskriminasyon, paghamak sa hindi kalahi, at iba pang mga salita at gawa na maghihiwa-hiwalay sa atin. Ang masakit na salita, pag-insulto sa hindi kalahi, nakamumuhing mga pang-aabuso, mapanirang tsismis, at pagkakalat ng masama at mapanirang balita ay hindi dapat magkaroon ng puwang sa atin.
“Nawa’y biyayaan tayong lahat ng Diyos ng kapayapaang nagmumula sa Kanya. Nawa’y biyayaan Niya tayo ng mapagpasalamat na puso at ng kahandaang makihalubilo nang may paggalang sa isa’t isa, na pinagbubuklod ang ating mga pagsisikap na mabasbasan ang mga komunidad kung saan mapalad tayong makapanirahan.”1
Isang taon matapos ibigay ang mensaheng ito, nagsalita si Pangulong Hinckley sa isang grupo ng mga pinunong sekular. Maliit na grupo iyon—mga 30 katao lang—ngunit isang grupong may malawak na impluwensya: mga pangulo, editor-in-chief, producer, at reporter na kumakatawan sa pinagmumulan ng mga pangunahing balita sa Estados Unidos. Sa isang “nakasisiya at kung minsa’y nakakatawang pag-uusap,” ibinigay niya ang “isang buod ng saklaw ng Simbahan sa buong mundo, nagsalita siya tungkol sa gawaing misyonero, gawaing pantao, at pang-edukasyon, at sumagot sa mga tanong. … Sinagot niya ang bawat tanong nang tahasan at walang pag-aatubili o anumang pahiwatig ng pagkaasiwa.” Ikinagulat ng ilang dumalo ang kanyang katapatan, na sinagot niya na ang hindi lang niya tatalakayin ay ang mga detalye tungkol sa mga sagradong ordenansa sa templo. “Maaari nating talakayin ang iba pang bagay,” sabi niya.
Sa isang pagkakataon sa question-and-answer session, sinabi ni Mike Wallace, isang senior reporter sa palabas sa telebisyon na 60 Minutes, na gusto niyang gumawa ng isang espesyal na ulat tungkol kay Pangulong Hinckley. Huminto si Pangulong Hinckley at saka sumagot, “Salamat. Sasamantalahin ko ang pagkakataong iyan.”2
Kalaunan ay inamin ni Pangulong Hinckley na medyo nag-alala siya tungkol sa pag-interbyu sa kanya ni Mike Wallace, na isang kilalang batikang reporter. Ipinaliwanag niya kung bakit siya pumayag na magpainterbyu sa kabila ng pag-aalala niya:
“Nadama ko na isang pagkakataon ito para mailahad ang ilang magagandang aspeto ng ating kultura at mensahe sa milyun-milyong tao. Naisip ko na mas mabuting gawin ang lahat sa kabila ng mahirap na sitwasyon kaysa iwasan ang mahirap na sitwasyon nang walang ginagawa.”3
Kasama sa interbyung iyon ang sumusunod na pag-uusap:
Mr. Wallace: “Ano ang damdamin ninyo sa mga hindi Mormon?”
Pangulong Hinckley: “May pagmamahal at paggalang. Marami akong kaibigang hindi Mormon. Iginagalang ko sila. Napakalaki ng paghanga ko sa kanila.”
Mr. Wallace: “Kahit hindi pa nila natatagpuan ang liwanag?”
Pangulong Hinckley: “Oo. Sa sinumang hindi kasapi ng Simbahang ito, sinasabi ko na kinikilala namin ang lahat ng kabanalan at kabutihan ninyo. Dalhin ninyo ito at tingnan kung madaragdagan pa namin ito.”4
Nang matapos ang interbyu, magkaibigan na sina Pangulong Hinckley at Mike Wallace. Inilarawan ni Mr. Wallace si Pangulong Hinckley na isang “pinunong magiliw at maalalahanin at disente at may magandang pananaw” na “lubos na nararapat sa paghanga sa kanya ng halos buong mundo.”5
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Kapag isinasaisip natin na lahat ng tao ay anak ng Diyos, mas nagagawa nating pasiglahin at tulungan ang iba.
Huwag nating kalimutan kailanman na tayo ay nabubuhay sa isang mundong puno ng maraming pagkakaiba-iba. Ang lahat ng mga tao sa mundo ay mga anak ng ating Ama at marami at iba’t iba ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon. Kailangan tayong matutong magparaya at magpahalaga at gumalang sa isa’t isa.6
Hindi kailangang magkaroon ng alitan sa anumang lupain sa pagitan ng anumang iba’t ibang grupo. Hayaang maituro sa tahanan ng mga tao na lahat tayo ay mga anak ng Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, at yamang mayroong ama, maaari at kailangan tayong magturingan na magkakapatid.7
Kung lagi nating isasaisip ang ating banal na pinagmulan, na totoong Ama natin ang Diyos at magkakapatid ang mga tao, magiging mas maunawain, mas mabait, mas magsisikap tayo na pasiglahin at tulungan at suportahan ang mga nasa paligid natin. Mas malamang na hindi tayo gumawa ng mga bagay na hindi karapat-dapat. Tayo ay mga anak ng Diyos at mahal natin Siya. Kumilos tayo nang mas naaayon dito.8
2
Dapat tayong magpakita ng paggalang, pagpapahalaga, at kabaitan sa mga taong iba ang relihiyon.
“Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11).
Napakahalaga niyan—na bagama’t naniniwala tayo sa pagsamba sa Diyos alinsunod sa ating doktrina, hindi tayo nagyayabang o nagmamagaling o nagmamalaki kundi binibigyan natin ang iba ng pribilehiyong sumamba alinsunod sa kanilang kagustuhan. Karamihan ng problema sa mundo ay nagmumula sa alitan ng mga relihiyon. Natutuwa akong sabihin na maaari kong kausapin ang mga kaibigan kong Katoliko, na maaari kong kausapin ang mga kaibigan kong Protestante. Ipagtatanggol ko sila, tulad ng nagawa at patuloy na gagawin ng Simbahang ito, sa pagtatanggol sa kanila sa mundong ito.9
“Nakikiusap ako sa ating mga tao sa lahat ng dako na mamuhay nang may paggalang at pagpapahalaga sa mga hindi natin kasapi. Napakalaki ng pangangailangang igalang at respetuhin ng mga taong magkakaiba ang mga paniniwala at pilosopiya ang isa’t isa. Hindi tayo dapat pumanig sa anumang doktrina ng nangingibabaw na lipi. Nabubuhay tayo sa mundong puno ng pagkakaiba-iba. Maaari at kailangan nating igalang ang mga tao na ang mga turo ay maaaring hindi natin sinasang-ayunan. Kailangang handa tayong ipagtanggol ang mga karapatan ng iba na maaaring maging biktima ng diskriminasyon.
Gusto kong pansinin ninyo ang matitinding salitang binitawan ni Joseph Smith noong 1843:
“Kung naipamalas na na handa akong mamatay para sa isang ‘Mormon,’ matapang kong ipinahahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga [prinsipyong] yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon” (History of the Church, 5:498).10
Makisama tayo kahit sa hindi natin kasapi. Huwag nating isipin na mas banal tayo kaysa iba. Huwag tayong maging mapagmagaling. Maging mapagbigay at bukas-palad at maging mabait tayo sa iba. Mapapanatili natin ang ating paniniwala. Makapamumuhay tayo ayon sa ating relihiyon. Mapapahalagahan natin ang ating pamamaraan ng pagsamba nang hindi nakasasakit sa iba. Sasamantalahin ko ang pagkakataong ito na hilingin na nawa’y matuto tayong magparaya at makipagkapwa-tao, maging mabait at mapagmahal sa mga hindi natin kasapi.11
Huwag tayong makipagtalo kapag pinag-uusapan ang mga pagkakaiba natin sa doktrina. Walang puwang ang kabagsikan. Ngunit hindi natin maaaring isuko o ipagpalit ang kaalamang iyan na dumating sa atin sa pamamagitan ng paghahayag at ang tuwirang pagkakaloob ng mga susi at awtoridad sa ilalim ng mga kamay ng mga taong mayhawak nito noong unang panahon. Huwag nating kalimutan kailanman na ito ay pagpapanumbalik ng pinasimulan at itinatag noon ng Tagapagligtas ng mundo. …
Maigagalang natin ang ibang mga relihiyon, at dapat nating gawin iyon. Kilalanin natin ang malaking kabutihang ginagawa nila. Ituro natin sa ating mga anak na maging mapagparaya at mabait sa mga hindi natin kasapi.12
Hindi natin tinatangkang siraan ang ibang mga simbahan. Hindi natin tinatangkang saktan ang ibang mga simbahan. Hindi tayo nakikipagtalo sa ibang mga simbahan. Hindi tayo nakikipagdebate sa ibang mga simbahan. Sinasabi lang natin sa mga taong maaaring iba ang relihiyon o walang relihiyon, “Dalhin ninyo ang katotohanang alam ninyo at tingnan kung madaragdagan namin ito.”13
3
Maaari tayong makipagtulungan sa iba sa mabubuting layunin nang hindi kinukompromiso ang ating doktrina.
Maaari tayong makipagtulungan sa mga miyembro ng ibang relihiyon sa iba’t ibang proyekto sa patuloy na paglaban sa mga kasamaan ng lipunan na nagbabanta sa mga bagay na napakahalaga sa ating lahat. Ang mga taong ito ay hindi miyembro ng Simbahan natin, ngunit sila ay ating mga kaibigan, kapitbahay, at katrabaho sa iba’t ibang mithiin. Nalulugod tayong idagdag ang ating lakas sa kanilang mga pagsisikap.
Ngunit sa paggawa ng lahat ng ito ay hindi natin ikinukompromiso ang ating doktrina. Hindi kailangan at hindi natin dapat gawin iyon. Ngunit naroon ang mabuting pagsasamahan habang magkakasama tayo sa paggawa.14
Huwag nating kalimutan na naniniwala tayo sa pagiging mapagkawanggawa at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao. Naniniwala ako na matuturuan natin nang sapat at epektibo ang ating mga anak upang hindi tayo mangamba na mawawala ang kanilang pananampalataya sa pakikipagkaibigan at pagmamalasakit nila sa mga taong hindi naniniwala sa doktrina ng Simbahang ito. … Makilahok tayo sa mabubuting mithiin ng komunidad. Maaaring may mga sitwasyon kung saan, pagdating sa mabibigat na problema sa moralidad, hindi natin dapat ikompromiso ang ating pamantayan. Ngunit sa gayong mga sitwasyon maaari tayong magalang na hindi sumang-ayon nang hindi nakikipagtalo. Maaari nating kilalanin ang katapatan ng mga taong hindi natin matanggap ang opinyon. Maaari nating pag-usapan ang mga prinsipyo sa halip na ang mga tao.
Sa mga mithiing nagpapaganda sa kapaligiran ng komunidad, at ipinlano para mapagpala ang lahat ng mamamayan nito, makibahagi tayo at tumulong. …
… Ituro sa mga taong responsibilidad ninyo ang kahalagahan ng pagiging mabuting mamamayan. Hikayatin silang makibahagi, na inaalala sa mga pampublikong talakayan na ang banayad na tinig ng makabuluhang pangangatwiran ay mas nakahihikayat kaysa maingay at pasigaw na pagpoprotesta. Sa pagtanggap sa gayong mga responsibilidad ay mapagpapala ng ating mga tao ang kanilang komunidad, ang kanilang pamilya, at ang Simbahan.15
Hindi tayo dapat sumuko sa mga puwersa ng kasamaan. Makakaya at kailangan nating panatilihin ang mga pamantayang pinaninindigan ng Simbahan mula noong itatag ito. May mas mainam na paraan kaysa sa paraan ng daigdig. Kung mangahulugan ito ng paninindigan nang mag-isa, kailangan nating gawin ito.
Ngunit hindi tayo mag-iisa. Tiwala ako na milyun-milyong tao sa buong mundo ang nalulungkot sa kasamaang nakikita nila sa paligid. Mahal nila ang marangal, mabuti, at nakasisigla. Iparirinig din nila ang kanilang tinig at ibabahagi ang kanilang lakas sa ikaliligtas ng mga pinahahalagahang iyon na marapat panatilihin at linangin.16
Manalangin tayo para sa mga puwersa ng kabutihan. Tulungan natin ang mabubuting kalalakihan at kababaihan anuman ang kanilang paniniwala at saanman sila naroon. Maging matatag tayo laban sa kasamaan, sa sariling bansa man at sa ibang bansa. … Maaari tayong maging mabuting impluwensya sa mundo.17
4
Kapag pinakitunguhan natin ang iba nang may pagmamahal, paggalang, at kabaitan, ipinapakita natin na tayo ay tunay na mga disipulo ni Jesucristo.
Kapag isinakatuparan natin ang ating kakaibang misyon, sinusunod natin ang utos na ibinigay sa atin ng nagbangong Panginoon, na nangusap sa huling dispensasyong ito. Ito ang Kanyang natatangi at kahanga-hangang layunin. Nagpapatotoo at sumasaksi tayo tungkol sa Kanya. Ngunit hindi natin ito kailangang gawin nang may kayabangan o pagmamagaling.
Tulad ng sabi ni Pedro, tayo ay “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios.” Bakit? Upang ating “ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa [atin] mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (I Ni Pedro 2:9). …
… Maging tunay tayong mga disipulo ni Cristo, na sumusunod sa Ginintuang Aral, na ginagawa sa iba ang gusto nating gawin nila sa atin. Palakasin natin ang ating sariling pananampalataya at ang pananampalataya ng ating mga anak habang minamahal ang mga taong hindi natin kasapi. Madadaig ng pagmamahal at paggalang ang lahat ng elemento ng pagkapoot. Ang ating kabaitan ang higit na makahihikayat para sa mga bagay na ating pinaniniwalaan.18
Iminumungkahi ko na maging matulungin tayo sa mga taong hindi natin kasapi, na hikayatin sila, na ilapit sila nang may pagmamahal at kabaitan sa mga kasamahang maaaring maglantad sa kanila sa magagandang programa ng Simbahan.
Naisip ko ang tula ni Edwin Markham:
Ang grupo niya’y ayaw akong tanggapin—
Ako raw ay rebelde, ’di dapat pansinin.
Ngunit nang manaig ang Pag-ibig sa tao:
Siya ay aming tinanggap sa grupo!19
Hindi natin dapat ipagyabang [ang ating relihiyon] o isiping mas magaling tayo sa iba. Salungat iyan sa Espiritu ni Cristo na sinisikap nating tularan. Naipahahayag ang Espiritung iyon sa puso at kaluluwa, sa tahimik at mapagpakumbabang paraan ng ating pamumuhay.
Lahat tayo ay nakakita na ng mga taong halos kainggitan natin dahil nagkaroon sila ng ugaling, di man sabihin ay halimbawa ng kagandahan ng ebanghelyong iniuugnay nila sa kanilang pag-uugali.
Mas mahihinaan natin ang ating boses. Magagantihan ng kabutihan ang kumakalaban sa atin. Makangingiti kahit mas madali ang magalit. Makapagpipigil at makapagdidisiplina ng sarili at hindi papansinin ang pangungutya sa atin.20
Nauunawaan ba natin talaga ang malaking kahalagahan ng nasa atin? Ito ang bunga ng mga henerasyon ng tao, ang huling kabanata sa buong palabas ng buhay ng tao.
Pero hindi ibig sabihin na nakahihigit tayo kaysa iba. Sa halip, dapat tayong magpakumbaba. Dahil dito’y tungkulin nating tumulong sa iba nang may malasakit at nang may Espiritu ng Panginoon, na nagturong, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 19:19). Dapat nating alisin ang pagmamagaling at kalimutan ang pansariling kapakanan. …
Tayo, sa henerasyong ito, ang bunga ng lahat ng nangauna sa atin. Hindi sapat ang makilala bilang miyembro ng Simbahang ito. Banal ang ating tungkulin. Harapin natin ito at gawin.
Mamuhay tayo bilang tunay na mga tagasunod ni Cristo, na nagmamahal sa lahat, na gumaganti ng kabutihan sa masama, na itinuturo sa pamamagitan ng halimbawa ang mga paraan ng Panginoon, at isinasakatuparan ang malawak na paglilingkod na iniatas Niya sa atin.21
Mula sa panalangin sa paglalaan para sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah: Nawa’y maging magiliw at mapagmahal kaming mga miyembro ng Inyong Simbahan. Nawa’y masunod namin ang mga pamantayan at gawi na siyang nagpapakilala sa amin at maibigay namin sa iba ang karapatang sambahin kung sino, “kung saan, o kung anuman ang ibig nila” [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11]. Tulungan po Ninyo kaming maging mabubuting kapitbahay at maging matulungin sa lahat. Nawa’y maitaas namin ang mga kamay at mapalakas ang mga tuhod na nanghihina ng sinumang namimighati [tingnan sa D at T 81:5]. Nawa’y mamuhay kaming lahat nang sama-sama sa kapayapaan nang may pasasalamat at paggalang sa isa’t isa.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa ating mga pakikipag-ugnayan sa iba, bakit makatutulong ang isaisip na lahat tayo ay mga anak ng Diyos? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano tayo magkakaroon ng mas malaking pagpapahalaga at paggalang sa iba? Paano maituturo ng matatanda sa mga bata na pahalagahan at igalang ang iba?
-
Pag-aralan muli ang payo ni Pangulong Hinckley tungkol sa ating mga pakikipag-ugnayan sa mga taong hindi natin kasapi (tingnan sa bahagi 2). Paano natin malalaman kung nagyayabang o nagmamagaling tayo sa mga pakikipag-ugnayang ito? Paano natin higit na kakaibiganin at mamahalin ang mga taong iba ang mga pinaniniwalaan?
-
Bakit mahalagang makipagtulungan ang mga miyembro ng Simbahan sa ibang mga tao sa mabubuting layunin? (Tingnan sa bahagi 3.) Ano ang ilang halimbawa ng gayong mga pagsisikap? Paano tayo magiging mas malaking impluwensya sa kabutihan sa ating komunidad?
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging disipulo mula sa mga turo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 4? Paano ninyo nakita na nadaig ng pagmamahal at paggalang ang pagkapoot? Bakit ang pag-uugali natin sa iba “ang higit na makahihikayat para sa mga bagay na ating pinaniniwalaan”? Isipin ang mga partikular na paraan na makatutulong kayo sa iba.
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan
Mateo 7:12; Lucas 9:49–50; Juan 13:34–35; I Ni Juan 4:7–8; D at T 1:30; 123:12–14; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13
Tulong sa Pag-aaral
“Sa nadarama mong galak na dulot ng pagkaunawa sa ebanghelyo, gugustuhin mong ipamuhay ang natututuhan mo. Sikaping mamuhay ayon sa iyong natutuhan. Sa paggawa nito, mapapalakas ang iyong pananampalataya, kaalaman, at patotoo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21).