Kabanata 4
Ang Pamana ng Pananampalataya at Sakripisyo ng mga Pioneer
“Kung ikaw man ay may ninunong pioneer o kahapon ka lang sumapi sa Simbahan, ikaw ay bahagi ng malaking larawang ito na pinangarap ng mga lalaki at babaing iyon. … Sila ang naglatag ng pundasyon. Sa atin ang tungkuling magtayo rito.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Sa paglalaan ng Columbus Ohio Temple, inisip ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang mga ninunong pioneer. Ikinuwento niya kalaunan:
“Habang nakaupo ako sa silid selestiyal, naisip ko ang aking kalolo-lolohan. … Binisita ko kamakailan ang kanyang puntod sa Canada na nasa hilaga lamang ng linya ng hangganan ng New York. … Pumanaw siya sa murang edad na 38.”
Nang mamatay ang kalolo-lolohan ni Pangulong Hinckley, ang kanyang anak na si Ira, na magiging lolo ni Pangulong Hinckley, ay wala pang tatlong taong gulang. Hindi nagtagal ang ina ni Ira ay muling nag-asawa at sa loob ng ilang taon ay lumipat sa Ohio, at pagkatapos sa Illinois. Namatay siya noong 1842, at naiwang ulila si Ira sa edad na 13. Sa pagpapatuloy ng kuwentong ito, sinabi ni Pangulong Hinckley:
“Nabinyagan ang lolo ko [Ira Hinckley] sa Nauvoo at … kalaunan ay tinawid ang kapatagan sa pandarayuhan ng [mga pioneer].” Sa paglalakbay na iyon noong 1850, ang “bata pang asawa [ni Ira] at ang kanyang [kapatid sa ina] ay kapwa namatay sa parehong araw. Gumawa siya ng magagaspang na kabaong at inilibing sila, kinuha ang kanyang sanggol na anak at dinala ito [sa Salt Lake] valley.
“Sa kahilingan ni Brigham Young itinayo niya ang Cove Fort, naging unang pangulo ng stake sa Fillmore, [Utah,] at marami pang ginawa para maisulong ang gawaing ito.
“Pagkatapos ay dumating ang aking ama. … Siya ay naging pangulo ng pinakamalaking stake sa Simbahan na may mahigit 15,000 miyembro.”
At kaagad nabaling ang isipan ni Pangulong Hinckley mula sa kanyang mga ninuno tungo sa kanyang mga inapo. Nagpatuloy siya:
“Habang iniisip ang buhay ng tatlong lalaking ito habang nakaupo ako sa loob ng templo, napatingin ako sa aking anak na babae, sa kanyang anak na babae, na aking apo, at sa kanyang mga anak, na aking mga apo-sa-tuhod. Bigla kong natanto na nakapagitna ako sa pitong henerasyong ito—tatlong nauna sa akin at tatlong sumunod sa akin.
“Sa sagrado at banal na bahay na iyon sumagi sa isipan ko ang kahalagahan ng napakalaking obligasyon na dapat kong ipasa ang lahat ng natanggap ko bilang pamana mula sa aking mga ninuno sa mga henerasyon na ngayon ay sumusunod sa akin.”1
Bukod sa pasasalamat sa kanyang sariling mga ninunong pioneer at sa pamana ng mga naunang pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw, madalas bigyang-diin ni Pangulong Hinckley na ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay mga pioneer ngayon. Noong 1997 sinabi niya sa mga Banal sa Guatemala: “Sa taong ito ay ginugunita natin ang ika-150 anibersaryo ng pagdating ng mga Mormon pioneer sa Salt Lake Valley. Malayo ang nilakbay nila sakay ng mga bagon at kariton. Sila ay mga pioneer. Ngunit ang pagiging pioneer ay patuloy pa rin. Sa iba’t ibang panig ng mundo ay mayroon tayong mga pioneer, at kayo ay kabilang sa mga pioneer na iyon.”2 Sa mga Banal sa Thailand sinabi niya, “Kayo ang mga pioneer sa pagsasagawa ng gawain ng Panginoon sa dakilang bansang ito.”3 Sa pagbisita sa Ukraine noong 2002, binigkas din niya ang mga salitang iyon: “Ang Simbahan ay may mga pioneer noong una, at kayo ang mga pioneer sa panahong ito.”4
Nang magsalita si Pangulong Hinckley tungkol sa mga pioneer noong araw, ang kanyang layunin ay hindi lamang nakatuon sa mga taong nabuhay noong araw. Tumingin siya sa hinaharap, umaasa na ang pananampalataya at sakripisyo ng mga Banal na iyon ay “makaganyak sa ating lahat, sapagkat ang bawat isa sa atin ay isang pioneer sa kanyang sariling buhay, kadalasan sa sarili niyang pamilya.”5
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Taglay ang pangitain, paggawa, at tiwala sa kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa kanila, isinakatuparan ng naunang pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang pananampalataya.
Sa pamamagitan ng pananampalataya ang isang maliit na pangkat ng mga naunang miyembro [sa silangang Estados Unidos] ay lumipat mula New York papuntang Ohio at mula Ohio papuntang Missouri at mula sa Missouri papuntang Illinois sa paghahanap nila ng kapayapaan at kalayaan na sambahin ang Diyos ayon sa idinidikta ng budhi.
Sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ay nakita nila ang isang magandang lungsod [Nauvoo] nang una silang lumakad patawid sa latian ng Commerce, Illinois. Kasama ang pananalig na ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay, pinatuyo nila ang latian, naglatag ng plano ng isang lungsod, nagtayo sila ng maraming tahanan at mga bahay para sa pagsamba at pag-aaral at, ang pinakamainam sa lahat, isang napakagandang templo, na pinakamagandang gusali noon sa buong Illinois.
… Pang-uusig [ang kaagad sumunod], ng lapastangan at pumapatay na mga mandurumog. Pinatay ang kanilang propeta. Gumuho ang kanilang mga pangarap. Muli sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinatatag nila ang kanilang sarili ayon sa iginuhit niyang huwaran at inorganisa ang kanilang sarili para sa isa pang paglalakbay.
Habang luhaan at nagdadalamhati iniwan nila ang kanilang komportableng mga tahanan at mga gawaan. Nilingon nila ang kanilang sagradong templo, at pagkatapos ay may pananampalatayang itinuon ang kanilang paningin sa kanluran, sa kawalang-katiyakan at sa di pa natatahak na landas, at habang bumabagsak ang niyebe sa taglamig, tinawid nila ang [Ilog ng] Mississippi noong Pebrero ng 1846 at tinahak ang maputik na tawiran sa kaparangan ng Iowa.
May pananampalataya nilang itinatag ang Winter Quarters sa [Ilog ng] Missouri. Daan-daan ang nangamatay sa salot at disinteriya at matinding dipterya na nagpabagsak sa kanila. Ngunit pananampalataya ang nagtaguyod sa mga nakaligtas. Inilibing nila ang kanilang mga mahal sa buhay sa talampas na nasa itaas ng ilog, at sa tagsibol ng 1847 nagsimula silang maglakbay … patungo sa kabundukan ng Kanluran.
Sa pamamagitan ng pananampalataya ay tumanaw si Brigham Young sa lambak [ng Salt Lake], na noon ay mainit at tigang, at nagsabing, “Ito ang lugar.” Muli sa pamamagitan ng pananampalataya, pagkaraan ng apat na araw, itinukod niya ang kanyang tungkod sa lupa … at sinabing, “Dito itatayo ang templo ng ating Diyos.” Ang maringal at sagradong [Salt Lake Temple] ay isang patotoo ng pananampalataya, hindi lamang ng pananampalataya ng mga taong nagtayo nito kundi ng pananampalataya ng mga taong gumagamit nito ngayon sa kanilang di-makasariling gawain ng pagmamahal.
Isinulat ni Apostol Pablo sa Mga Hebreo, “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” (Heb. 11:1.) Lahat ng mga dakilang tagumpay na aking binanggit ay minsang naging “bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” Ngunit taglay ang pangitain, paggawa, at pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa pamamagitan ng mga ito, nagkaroon ng katuparan ang kanilang pananampalataya.6
Ang kapangyarihan na umantig sa ating mga ninuno sa ebanghelyo ay ang kapangyarihan ng pananampalataya sa Diyos. Ginawang posible ng kapangyarihan ding iyon ang paglikas mula sa Egipto, ang pagtawid sa Dagat na Pula, ang mahabang paglalakbay sa ilang, at ang pagkatatag ng Israel sa Lupang Pangako. …
Talagang kailangan natin ang napakalakas na pag-aalab ng pananampalatayang iyon sa Diyos na buhay at sa kanyang buhay, at nabuhay na mag-uling Anak, dahil ito ang dakila at nakakaantig na pananampalataya ng ating mga ninuno sa ebanghelyo.
Sila ay may pangitain, na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng isinasaalang-alang. Pagdating nila sa kanluran sila ay isang libong milya, nakakapagod na isang libong milya [1,600 kilometro], ang layo mula sa pinakamalapit na mga pamayanan sa silangan at walong daang milya [1,300 kilometro] ang layo mula sa mga nasa kanluran. Ang personal at indibiduwal na pagkilala ng Diyos na kanilang Amang Walang Hanggan na saligan ng kanilang pananampalataya ang pinakadiwa ng kanilang lakas. Naniwala sila sa dakilang utos sa banal na kasulatan: “Aasa ka sa Diyos at mabubuhay.” (Alma 37:47.) May pananampalatayang hinangad nilang gawin ang kanyang kalooban. May pananampalataya nilang binasa at tinanggap ang banal na turo. May pananampalataya silang nagpagod hanggang sa bumagsak sila, laging may pananalig na magkakaroon ng pagsusulit sa kanya na kanilang Ama at kanilang Diyos.7
Maluwalhating kasaysayan ang ating nakaraan. Ito ay puno ng kagitingan, pagkapit sa prinsipyo, at lubos na katapatan. Ito ang bunga ng pananampalataya. Isang dakilang hinaharap ang naghihintay sa atin. Nagsisimula ito ngayon. Hindi tayo maaaring tumigil sandali. Hindi tayo maaaring magbagal o maghinay-hinay. Hindi natin maaaring bawasan ang ating bilis o iklian ang ating hakbang.8
2
Ang naunang mga pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw ay umasam sa hinaharap na lubusang pinapangarap ang Sion.
Marapat lamang na tumigil tayo para magbigay-pugay at paggalang sa mga taong naglatag ng pundasyon ng dakilang gawaing ito. … Ang kanilang dakilang mithiin ay ang Sion [tingnan sa D at T 97:21; Moises 7:18]. Kumanta sila tungkol dito. Pinangarap nila ito. Ito ang kanilang malaking pag-asa. Ang kanilang epikong paglalakbay ay dapat magsilbing walang-katumbas na adhikain kailanman. Ang paglalakbay ng sampu-sampung libong katao papunta [sa] Kanluran ay puno ng bawat maiisip na panganib, kabilang na ang kamatayan, na ang kakila-kilabot na katotohanan ay batid sa bawat bagon at bawat handcart company.
Nagbibigay ako ng mapitagang paggalang kay Brigham Young. Matagal na niyang nakita sa pangitain ang Salt Lake Valley bago pa ito nakita ng kanyang likas na mga mata. Dahil kung hindi duda ako na titigil siya doon. May mas luntiang mga lupain sa California at Oregon. May mas malalim at mas matabang lupa sa ibang dako. May napakalalaking taniman ng malalaking kahoy sa ibang lugar, mas maraming tubig, at mas mainam at kasiya-siyang klima.
May mga sapa sa kabundukang ito, totoo, pero wala ni isang napakalaki. Hindi pa nasubukan ang lupa dito. Wala pang araro na bumungkal sa tigang na lupang ito. Namamangha ako, talagang namamangha ako, na pamumunuan ni Pangulong Young ang isang malaking grupo … papunta sa isang lugar kung saan wala pang nakapagtanim at umani. …
Pagod-na-pagod sa paglalakbay ang mga pioneer na ito. Kinailangan ng 111 araw para makarating sila sa Salt Lake Valley mula sa Winter Quarters. Pagod-na-pagod sila. Naluma na ang suot nilang mga damit. Ang kanilang mga hayop ay pagod na rin. Ang panahon ay mainit at tuyo—ang mainit na panahon ng Hulyo. Ngunit narito sila, nakatanaw sa hinaharap at pinapangarap ang milenyo, isang malaking pangarap ukol sa Sion.9
Nakatayo ako noong isang araw sa mga lumang daungan ng Liverpool, England. Halos walang aktibidad ang umaga ng Biyernes noong naroon kami. Ngunit minsan itong naging napakaabalang lugar. Noong mga 1800s, sampu-sampung libo sa ating mga tao ang lumakad noon sa sementadong daan na nilakaran namin. Nagmula sila sa British Isles at mula sa lupain ng Europa, nangabinyagan sila sa Simbahan. Dumating silang taglay ang patotoo sa kanilang mga labi at pananampalataya sa kanilang mga puso. Mahirap ba para sa kanila na lisanin ang kanilang mga tahanan at tahakin ang landas ng isang bagong daigdig na walang-katiyakan? Siyempre mahirap gawin iyon. Ngunit ginawa nila ito nang may magandang pananaw at sigla. Sumakay sila sa mga sasakyang-dagat. Alam nilang mapanganib ang pagtawid sa karagatan. Hindi nagtagal ay nalaman nila na ang malaking bahagi ng paglalakbay ay miserable. Tumira sila sa maliliit at siksikang tirahan sa loob ng maraming linggo. Tiniis nila ang mga unos, sakit, karamdaman. Marami ang namatay habang naglalakbay at inilibing sa karagatan. Iyon ay isang mahirap at nakakatakot na paglalakbay. Nagkaroon sila ng pag-aalinlangan, oo. Ngunit dinaig ng kanilang pananampalataya ang mga pag-aalinlangang iyon. Dinaig ng kanilang mabuting pananaw ang kanilang mga pangamba. Pangarap nilang itatag ang Sion, at humayo sila para isakatuparan ito.10
3
Ang pagsagip sa Willie at Martin handcart pioneers ay tanda ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ibabalik ko kayo sa … Oktubre ng 1856. Araw ng Sabado [Oktubre 4,] si Franklin D. Richards at ang ilang kasamahan niya ay dumating sa lambak [ng Salt Lake]. Naglakbay sila mula sa Winter Quarters na malalakas ang kanilang mga baka at magagaan ang bagon at nasiyahan sila sa paglalakbay. Kaagad hinanap ni Brother Richards si Pangulong Young. Iniulat niya na daan-daang kalalakihan, kababaihan, at mga bata ang nakakalat sa mahabang landas … papunta sa lambak [ng Salt Lake]. Karamihan sa kanila ay may hilang mga kariton. … Nasa unahan nila ang isang landas na paakyat sa burol hanggang sa Continental Divide at milya-milya pa ang landas pagkalagpas doon. Desperado ang kanilang kalagayan. … Lahat sila ay mamamatay kung hindi sila sasagipin.
Palagay ko hindi nakatulog si Pangulong Young nang gabing iyon. Palagay ko ang pangitain ng mga taong … dukhang iyon ang pumasok sa kanyang isipan.
Kinabukasan sinabi … niya sa mga tao:
“Ngayon ibibigay ko sa mga taong ito ang paksa at teksto para sa mga Elder na maaaring magsalita. … Ito iyon. … Marami sa ating mga kapatid ang nasa mga kapatagan na may hilang mga kariton, at malamang marami ngayon ang pitong daang milya [1,100 kilometro] ang layo mula sa lugar na ito, at kailangan silang madala rito, kailangan natin silang mapadalhan ng tulong. Ang mensahe ay, ‘dalhin sila rito.’
“Iyan ang aking relihiyon; iyan ang dikta ng Espiritu Santo na sumasaakin. Ang iligtas ang mga tao.
“Mananawagan ako sa mga Bishop sa araw na ito. Hindi na ako makapaghihintay pa hanggang bukas, ni sa susunod na araw, para sa 60 mahuhusay na grupo ng mga buriko at 12 o 15 mga bagon. Ayaw kong magpadala ng mga kapong baka. Ang gusto ko’y mahuhusay na kabayo at buriko. Narito na sila sa Teritoryong ito, at kailangang makuha natin sila. At kailangan din ng 12 tonelada ng harina at 40 mahuhusay magpatakbo ng bagon, bukod sa mga nagpapatakbo sa mga hayop.
“Sasabihin ko sa lahat na ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pananalig sa relihiyon, ay hindi makapagliligtas ni isang kaluluwa sa inyo sa Kahariang Selestiyal ng ating Diyos, maliban kung ipamuhay ninyo ang mga tuntuning itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo at dalhin dito ang mga taong nasa kapatagan” (sa LeRoy R. Hafen at Ann W. Hafen, Handcarts to Zion [1960], 120–21).
Nang hapong iyon, maraming pagkain, matutulugan, at damit ang tinipon at inayos ng kababaihan.
Kinaumagahan, kinabitan ng sapatos ang mga kabayo at kinumpuni ang mga bagon at kinargahan ito.
Nang sumunod na umaga, Martes, 16 na kabayo at burikong may hilang mga bagon ang tumulak papuntang silangan. Pagsapit ng katapusan ng Oktubre, may 250 na pangkat ang nasa lansangan upang tumulong.11
Nang makarating ang mga tagasagip sa nakubkob na mga Banal, sila ay parang mga anghel mula sa langit. Napaiyak ang mga tao sa pasasalamat. Ang mga taong naglakbay gamit ang mga kariton ay inilipat sa mga bagon upang makapaglakbay sila nang mas mabilis papunta sa komunidad sa Salt Lake.
Mga dalawang daan ang namatay, ngunit isang libo ang nailigtas.12
Ang mga kuwento ng nakubkob na [mga] Banal na ito at ang kanilang pagdurusa at kamatayan ay mauulit muli. … Ang mga kuwento ng pagsagip sa kanila ay kailangang ulit-ulitin. Ipinakikita ng mga ito ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.
… Nagpapasalamat ako na wala tayong mga kapatid na nabalaho sa niyebe, giniginaw at agaw-buhay, habang sinisikap nilang … marating ang kanilang mga Sion sa kabundukan. Ngunit may mga tao, hindi lang iilan, na nasa desperadong kalagayan at humihingi ng tulong at ginhawa.
Napakarami ng mga taong nagugutom at dukha sa iba’t ibang panig ng mundong ito na nangangailangan ng tulong. Nagpapasalamat ako na nasasabi natin na tinutulungan natin ang marami na hindi natin kamiyembro ngunit mahigpit ang pangangailangan at na mayroon tayong maibibigay na tulong. Ngunit hindi tayo kailangang tumingin sa malayo. May ilan sa ating mga miyembro na lumuluha dahil sa hirap at dusa at kalungkutan at pangamba. Tayo ay may malaki at taimtim na tungkulin na lapitan at tulungan sila, bigyang-sigla, pakainin kung sila ay nagugutom, pangalagaan ang kanilang mga espiritu kung sila’y nauuhaw sa katotohanan at kabutihan.
Napakaraming kabataan ang walang direksiyon ang buhay at sa kasawiang-palad ay nabubuhay sa droga, masasamang barkada, kahalayan, at sa mga problemang kaakibat ng mga bagay na ito. May mga balong naghihintay ng mga kaibigan at mga taong buong pagmamahal na magmamalasakit sa kanila. May mga taong dati-rati ay aktibo sa Simbahan, ngunit nanghina ang pananampalataya. Marami sa kanila ang gustong bumalik ngunit hindi nila alam kung paano gawin ito. Kailangan nila ng mga kaibigan na lalapit at tutulong sa kanila. Sa kaunting pagsisikap, marami sa kanila ang maaaring muling maibalik sa piging ng hapag ng Panginoon.
Mga kapatid, umaasa ako, dumadalangin ako, na bawat isa sa atin … ay magpapasiyang hanapin ang mga taong nangangailangan ng tulong, na nasa mapanganib at mahirap na kalagayan, at bigyang-sigla sila sa diwa ng pagmamahal tungo sa Simbahan, kung saan naroon ang malalakas na kamay at mapagmahal na mga puso na malugod na tatanggap sa kanila, na aalo sa kanila, magtataguyod sa kanila, at maghahatid sa kanila sa maligaya at kapaki-pakinabang na buhay.13
4
Bawat isa sa atin ay pioneer.
Mabuting lingunin ang nakaraan para mapahalagahan ang kasalukuyan at magkaroon ng magandang pananaw sa hinaharap. Mabuting masdan ang mabubuting katangian ng mga nauna sa atin, upang magkaroon ng lakas para sa anumang naghihintay sa atin sa hinaharap. Mabuting pagnilayan ang gawain ng mga taong iyon na nagsumigasig nang husto at kakaunti ang napala sa mundong ito, ngunit mula sa kanilang mga pangarap at maaagang plano, na pinangalagaan nila nang husto, ay nakinabang tayo nang husto sa mga ibinunga nito. Ang napakadakila nilang halimbawa ay maaaring makaganyak sa ating lahat, sapagkat ang bawat isa sa atin ay pioneer sa kanyang sariling buhay, kadalasan sa sarili niyang pamilya, at marami sa atin ang mga pioneer araw-araw sa pagsisikap na simulang itatag ang ebanghelyo sa malalayong lugar ng mundo.14
Tayo ay mga pioneer pa rin. Hinding-hindi tayo tumigil sa pagiging pioneer mula noong panahong … lisanin ng ating mga tao ang Nauvoo at dumating … kalaunan sa lambak ng Great Salt Lake. May kasama iyong pakikipagsapalaran. Ngunit ang layon ay makahanap ng lugar kung saan sila makapaninirahan at maaaring sambahin ang Diyos ayon sa dikta ng budhi. …
Ngayon, pinalalawak pa rin natin ang gawain sa iba’t ibang panig ng mundo papunta sa mga lugar na [minsan] ay tila hindi posibleng mapasok. … Personal kong nasaksihan ang paglago ng Simbahan sa Pilipinas. Nagkaroon ako ng pribilehiyong pasimulan ang gawaing misyonero doon noong 1961, nang makakita kami ng isang katutubong Pilipinong miyembro ng Simbahan sa isang pulong na idinaos namin noong Mayo ng 1961. [Noong 1996] nasa Manila kami at nagtipon ang isang kongregasyon … ng mga 35,000 tao sa malaking Araneta Coliseum. … Para sa akin isa itong himala [mula] nang buksan namin ang gawain sa dakilang lupain ng Pilipinas [tingnan sa mga pahina 33-34 para sa dagdag na kaalaman tungkol sa karanasang ito].
Itinatatag natin ang gawain sa lahat ng dako, at kailangan diyan ang pagiging pioneer. Ang ating mga missionary ay hindi karaniwang nasa pinakamaayos na sitwasyon kapag pumupunta sila sa ilan sa mga lugar na ito, ngunit sila ay sumusulong at ginagawa ang kanilang gawain, at nagbubunga ito. Sa madaling panahon may ilang miyembro na tayo, pagkatapos ay isandaang miyembro, at pagkatapos ay limandaang miyembro, at pagkatapos ay isang libong miyembro.15
Ang mga araw ng pagiging pioneer sa Simbahan ay taglay pa rin natin; hindi ito nagwakas sa may takip na mga bagon at kariton. … Ang mga pioneer ay matatagpuan sa mga missionary na nagtuturo ng ebanghelyo at natatagpuan sila sa mga nabinyagan sa Simbahan. Karaniwan ay mahirap ito para sa bawat isa sa kanila. Lagi itong may kasamang pagsasakripisyo. Maaaring may kasama itong pang-uusig. Ngunit ito ang halagang handang tanggapin, at ang halagang katumbas ng tiniis ng mga taong tumawid sa kapatagan sa dakilang gawain ng pagiging pioneer mahigit isang siglo na ang nakararaan.16
Kung may mga ninuno kang pioneer o kahapon ka lang sumapi sa Simbahan, ikaw ay bahagi ng malaking larawang ito na pinangarap ng mga lalaki at babaing iyon. Napakalaki ng kanilang gawain. Ang sa atin ay patuloy na malaking responsibilidad. Sila ang naglatag ng pundasyon. Sa atin ang tungkulin na itayo ito.
Namuno sila at itinuro ang landas. Obligasyon nating palakihin at palawakin at palakasin ang landas na iyon hanggang sa masakop nito ang buong mundo. … Pananampalataya ang gumagabay na alituntunin sa mahihirap na panahong iyon. Pananampalataya ang gabay na alituntunin na dapat nating sundin ngayon.17
5
Iginagalang natin ang mga sakripisyo at pamana ng mga pioneer sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang halimbawa at pagtatayo sa kanilang pundasyon.
Lubhang kagila-gilalas ang magkaroon ng isang dakilang pamana, mga kapatid. Malaking bagay ang malaman na may mga taong nauna at naghanda ng daan na dapat nating tahakin, na nagtuturo ng mga dakilang walang-hanggang alituntunin na dapat maging gabay na mga bituin ng ating buhay at ng mga susunod sa atin. Matutularan natin ngayon ang kanilang halimbawa. Ang mga pioneer ay mga taong may malaking pananampalataya, may napakalaking katapatan, napakasisipag, at talagang matatag at di nagmamaliw ang integridad.18
Narito tayo ngayon bilang mga tagatanggap ng malaking pagsisikap [ng mga pioneer]. Umaasa ako na tayo ay mapagpasalamat. Umaasa ako na tataglayin natin sa ating puso ang matinding pasasalamat sa lahat ng ginawa nila para sa atin.
… Tulad ng mga dakilang bagay na inasahan sa kanila, gayundin naman ang inaasahan nila sa atin. Alam natin ang ginawa nila sa kung ano ang mayroon sila. Mas marami pa tayong gagawin, na may kaakibat na matinding hamon na magpatuloy at itayo ang kaharian ng Diyos. Napakaraming gagawin. Inutusan tayo ng Diyos na ihatid ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Inutusan tayong magturo at magbinyag sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. Sinabi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” [Marcos 16:15]. …
Ang ating mga ninuno ay naglatag ng matibay at kagila-gilalas na pundasyon. Ngayon tayo ay may malaking pagkakataon na magtayo ng isang napakalaking istruktura, lahat ay lapat-na-lapat at kasama si Cristo bilang pangulong bato sa panulok.19
Kayo ay bunga ng lahat ng pagpaplano [ng mga pioneer] at ng lahat ng kanilang mga gawain. … Napakabubuting tao nila. Walang katulad ang kanilang malaking pagsisikap sa buong kasaysayan. … Pagpalain ng Diyos ang kanilang alaala sa ating ikabubuti. Kapag ang daan ay tila mahirap, kapag pinanghihinaan tayo ng loob at iniisip na nawala na ang lahat, maaari tayong bumaling sa kanila at tingnan kung gaano kalala ang kanilang kalagayan noon. Kapag iniisip natin ang tungkol sa hinaharap, makakaasa tayo sa kanila at sa kanilang magandang halimbawa ng pananampalataya. …
Sa gayon kalaking mana, kailangan tayong sumulong. Hindi tayo dapat magpabaya. Kailangan tayong sumulong nang may layunin at determinasyon. Kailangan tayong lumakad nang may integridad. Kailangan nating “tama’y gawin [at] ang bunga’y makikita” (“Gawin ang Tama,” Mga Himno, 2001, blg. 144).20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Bakit mahalaga ang pananampalataya sa mga pioneer na gustong magtipon sa Salt Lake Valley? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano nila isinagawa ang kanilang pananampalataya? Paano natin maisasagawa ang ating pananampalataya para maisakatuparan ang “dakilang hinaharap” na naghihintay sa atin?
-
Itinuro ni Pangulong Hinckley na inasam ng mga naunang pioneer ang hinaharap, at Sion ang kanilang “malaking mithiin,” “malaking pag-asa,” at “pangarap” (bahagi 2). Sa palagay ninyo bakit ito mabisang panghihikayat sa mga naunang pioneer? Anong katulad na mga pag-asa ang nakahihikayat sa atin ngayon?
-
Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa kuwento ni Pangulong Hinckley ng pagliligtas ng mga Willie at Martin handcart pioneer? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano ipinapakita ng panawagan ng pagsagip ni Brigham Young ang kanyang inspirasyon bilang propeta? Ano ang matututuhan natin mula sa mga taong tumugon sa kanyang panawagan? Ano ang magagawa natin upang iligtas at pasiglahin ang mga taong nangangailangan ngayon?
-
Paano nakakatulong sa inyo ang paglingon sa nakaraan para “magkaroon ng pagpapahalaga sa kasalukuyan at pananaw sa hinaharap”? (Tingnan sa bahagi 4.) Sa anong mga paraan matatawag na pioneer ang bawat isa sa atin?
-
Bakit mabuti para sa atin ang igalang ang mga naunang pioneer? (Tingnan sa bahagi 5.) Sa paanong paraan pinagpapala ang lahat ng miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pananampalataya at sakripisyo ng mga pioneer na iyon? Paano makatutulong sa atin ang mga halimbawa ng mga pioneer noong araw habang nahaharap tayo sa mga hamon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 25:40; Eter 12:6–9; D at T 64:33–34; 81:5; 97:8–9; 98:1–3
Tulong sa Pagtuturo
“Ang makabuluhang mga talakayan ay mahalaga sa karamihan ng pagtuturo ng ebanghelyo. … Sa pamamagitan ng maayos na napamunuang mga talakayan, ang interes at pagiging atentibo ng nag-aaral ay nag-iibayo. Bawat [isa] ay hinihikayat na aktibong tumulong sa proseso ng pagkatuto. … Magtanong ng mga katanungang makapaghihikayat ng mga punang [pinag-isipang] mabuti at makatutulong sa bawat isa na tunay na pagbulay-bulayin ang ebanghelyo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 78).