Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Mga Anak na Babae ng Diyos


Kabanata 5

Mga Anak na Babae ng Diyos

“Kagila-gilalas ang kapangyarihan ng kababaihang may pananampalataya.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Buong buhay niya, si Gordon B. Hinckley ay nagpahayag ng pasasalamat para sa mga kakayahan at kontribusyon ng kababaihan. Ipinahayag din niya ang kanyang malakas na patotoo tungkol sa kahalagahan ng kababaihan sa walang hanggang plano ng Diyos. Siya ay nagalak sa dumaraming mga oportunidad ng kababaihan, gayundin sa kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at sa katapatan nila sa kanilang mga pamilya at sa Simbahan.

Ang ina ni Gordon B. Hinckley na si Ada, ay matalino at edukada at mahilig sa literatura, musika, at sining. Sa edad na 29, ikinasal siya sa balong si Bryant Hinckley at inako ang responsibilidad sa pag-aalaga sa walong anak na nagdadalamhati noon sa pagkamatay ng kanilang ina. Inalagaan niya sila nang may pagmamahal, ibinigay sa kanila ang suportang kailangan nila, at natutong pamahalaan ang isang malaking pamilya. Si Gordon ang panganay sa limang anak nina Ada at Bryant. Bagama’t namatay si Ada noong 20 taong gulang si Gordon, ang kanyang mga turo at halimbawa ay nanatiling puwersa sa kabutihan sa buong buhay ni Gordon. Kapag nagsasalita siya noon tungkol sa kanyang ina, lagi niyang binabanggit ang napakalaking impluwensya sa kanya ng kanyang ina.

Ang asawa ni Gordon B. Hinckley na si Marjorie Pay, ay nagkaroon din ng malaking impluwensya sa kanya. Siya ay isang matatag na babae na tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo. Siya ay may pambihirang pananampalataya, masayang disposisyon, at mahal niya ang buhay. Sa isang magiliw na liham sa kanyang asawa, ipinahayag ni Pangulong Hinckley ang kanyang pagmamahal at paggalang:

“Magkasama tayong naglakbay sa malalayong lugar. Binisita natin ang bawat kontinente. Nagdaos tayo ng mga miting sa malalaking lungsod ng mundo at sa maraming maliliit na lungsod. … Nagsalita tayo sa milyun-milyong tao na labis na nagpahalaga sa iyo. Sa iyong pamilyar na mga salita napamahal ka sa lahat ng nakarinig sa iyo. Ang iyong praktikal at makabuluhang pananaw, ang iyong pagkamasayahin at nagpapasiglang katalinuhan, ang iyong tahimik at walang-maliw na karunungan, at iyong napakalaki at walang kupas na pananampalataya ay bumihag sa puso ng lahat ng nakarinig sa iyo. … Ang iyong matinding pagkahilig sa pagbabasa at walang-humpay na paghahangad ng kaalaman ang dahilan kaya ikaw ay nanatiling alisto at kinagigiliwan sa mahaba at kapaki-pakinabang na buhay.”1

Si Pangulong Hinckley ay madalas magsalita noon tungkol sa banal na katangian ng kababaihan at hinikayat silang magpatuloy sa pagkakamit ng mithiin at pananampalataya. Sa mga kabataang babae, ipinahayag niya: “Kayo ay literal na anak ng makapangyarihang Diyos. Walang hangganan ang inyong potensyal. Kung magagawa ninyong kontrolin ang inyong buhay, ang hinaharap ay puno ng mga oportunidad at kasiyahan. Hindi ninyo dapat sayangin ang inyong mga talento o ang inyong panahon. Malalaking oportunidad ang naghihintay sa inyo.”2 Hinggil sa nakatatandang kababaihan, sinabi niya: “Kailangan ng daigdig ang impluwensya ng kababaihan at kanilang pagmamahal, kanilang pag-alo, at kanilang lakas. Kailangan ng ating malupit na kapaligiran ang kanilang nakahihikayat na tinig, ang kagandahan na tila sadyang likas sa kanila, ang diwa ng pag-ibig sa kapwa ay isang katangiang namana nila.”3

Sa pangkalahatang kumperensya kasunod ng pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na kabiyak na si Marjorie, tinapos ni Pangulong Hinckley ang isa sa kanyang mensahe sa taos-pusong pagpapahayag ng pasasalamat: “Labis ang pasasalamat ko, labis ang pasasalamat nating lahat, sa kababaihan sa ating buhay. Pagpalain sila ng Diyos. Nawa ang Kanyang dakilang pagmamahal ay magpadalisay sa kanila at koronahan sila ng liwanag at ganda, biyaya at pananampalataya.”4

ina, mga anak na babae

“Bawat isa sa inyo ay anak na babae ng Diyos. Isipin ang lahat ng kamangha-manghang kahulugan ng isang napakahalagang katotohanang iyan.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Ang kababaihan ay may mataas at sagradong lugar sa walang hanggang plano ng Diyos.

Bawat isa sa inyo ay anak na babae ng Diyos. Isipin ang lahat ng kamangha-manghang kahulugan ng isang napakahalagang katotohanang iyan. …

Ipinaaalala ko sa inyo ang salitang sinabi ni Propetang Joseph sa kababaihan ng Relief Society noong Abril 1842. Sabi niya: “Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 532]. Kagila-gilalas ang potensyal na taglay ninyo.5

Napakahalaga ninyo, bawat isa sa inyo. … Mataas at sagrado ang lugar na kinalalagyan ninyo sa walang hanggang plano ng Diyos, na ating Ama sa Langit. Kayo ay Kanyang mga anak na babae, Kanyang itinatangi, minamahal Niya, at napakahalaga sa Kanya. Ang Kanyang dakilang plano ay hindi magtatagumpay kung wala kayo.6

Hayaang sabihin ko sa inyong kababaihan na mahalaga ang inyong katayuan sa plano ng ating Ama para sa walang-hanggang kaligayahan at kapakanan ng Kanyang mga anak. Kayo ay tunay na mahalagang bahagi ng planong iyon. Kung wala kayo hindi maisasagawa ang plano. Kung wala kayo ang buong plano ay mawawalang-saysay.7

Dumating sa inyo bilang inyong pagkapanganay ang isang bagay na maganda at sagrado at banal. Huwag itong kalimutan kailanman. Ang inyong Amang Walang Hanggan ang dakilang Panginoon ng sansinukob. Siya ang namamahala sa lahat, ngunit pakikinggan din Niya ang inyong mga dalangin bilang Kanyang anak na babae at diringgin kayo habang nakikipag-usap kayo sa Kanya. Sasagutin Niya ang inyong mga dalangin. Hindi Niya kayo iiwang mag-isa.8

2

Ang payo ng Panginoon kay Emma Smith ay angkop sa lahat.

Ang ikadalawampu’t limang bahagi ng Doktrina at mga Tipan … ay isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph na Propeta, sa kanyang asawang si Emma. … Sinabi niya kay Emma, at sa bawat isa sa atin:

“Isang paghahayag ang ibinibigay ko sa iyo hinggil sa aking kalooban; at kung ikaw ay magiging matapat at lumalakad sa landas ng kabanalan sa harapan ko, aking pangangalagaan ang iyong buhay, at ikaw ay makatatanggap ng mana sa Sion” [D at T 25:2; tingnan din sa talata 16]. …

Talagang hawak ng bawat isa sa atin ang susi sa mga pagpapala ng makapangyarihang Diyos sa atin. Kung nais natin ang mga pagpapala, dapat nating tumbasan ang halaga. Bahagi ng halagang iyon ay nakasalalay sa pagiging matapat. Matapat saan? Matapat sa ating sarili, sa abot-kaya ng ating kalooban. Hindi dapat maliitin ng sinumang babae ang kanyang sarili, hamakin ang kanyang sarili, o maging mababa ang tingin sa kanyang mga kakayahan. Hayaang maging tapat ang bawat isa sa dakila, at banal na katangian na nasa kanyang kalooban. Maging tapat sa ebanghelyo. Maging tapat sa Simbahan. May mga tao sa ating paligid na naghahangad na pahinain ang mga ito, na naghahanap ng mga kahinaan sa naunang mga pinuno nito, na naghahanap ng mali sa mga programa nito, na namimintas dito. Ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo na ito ang gawain ng Diyos, at ang mga taong nagsasalita laban dito ay nagsasalita laban sa Kanya.

Maging tapat sa kanya. Siya ang tunay na pinagmumulan ng inyong lakas. Siya ang inyong Ama sa Langit. Siya ay buhay. Dinirinig at sinasagot Niya ang mga panalangin. Maging tapat sa Diyos.

At sinabi pa ng Panginoon kay Emma, “Kung ikaw … ay lumalakad sa landas ng kabanalan.”

Palagay ko bawat babae … ay nauunawaan ang kahulugan niyon. Nadarama ko na ang mga salitang iyon ay ibinigay kay Emma Smith, at sa ating lahat, bilang kundisyon na dapat sundin para tayo ay makatanggap ng mana sa kaharian ng Diyos. Ang kawalan ng kabanalan ay talagang hindi tugma sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Wala nang mas gaganda pa sa kabanalan. Walang lakas na higit kaysa sa lakas ng kabanalan. Walang karangalan na makatutumbas sa karangalan ng kabanalan. Walang kalidad na higit na nakatataba ng puso, walang kasuotan na higit na kaakit-akit. …

Si Emma ay tinawag na “hinirang na babae” [D at T 25:3]. Ibig sabihin, kung gagamitin ang isa pang linya sa banal na kasulatan, siya ay isang “piling sisidlan ng Panginoon.” (Tingnan sa Moro. 7:31.) Bawat isa sa inyo ay hinirang na babae. Naparito kayo sa mundo bilang kabahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nakagawa na kayo ng pagpili, at kung namumuhay kayo nang karapat-dapat dito, igagalang kayo rito ng Panginoon at dadagdagan ang inyong kakahayan. …

Si Emma ay oordenan9 noon sa ilalim ng kamay ni Joseph “upang magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan, alinsunod sa ibibigay sa iyo ng aking Espiritu” [D at T 25:7].

Siya ay magiging guro. Siya ay magiging guro ng kabutihan at katotohanan. Sapagkat sinabi ng Panginoon hinggil sa pagtawag na ito sa kanya, “Iyong matatanggap ang Espiritu Santo, at ang iyong panahon ay ilalaan sa pagsusulat, at sa pag-aaral nang lubos” [D at T 25:8].

Pag-aaralan niya ang ebanghelyo. Pag-aaralan din niya ang mga bagay ng mundo na kanyang ginagalawan. Nilinaw ito sa kasunod na mga paghahayag na angkop sa ating lahat. Ilalaan niya ang kanyang oras sa “pag-aaral nang lubos.” Siya ay magsusulat, para ipahayag ang kanyang iniisip.

Sa inyong kababaihan ngayon, na matanda o bata, hayaang imungkahi ko na magsulat kayo, na mag-ingat kayo ng journal, na ipahayag ninyo ang inyong mga iniisip sa papel. Ang pagsusulat ay matinding disiplina. Ito ay napakalaking pagsisikap sa pag-aaral. Tutulungan kayo nito sa iba’t ibang paraan, at pagpapalain ninyo ang buhay ng marami. …

Sa wika ng paghahayag, si [Emma] ay tinawag upang “magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan, alinsunod sa ibibigay sa iyo ng aking Espiritu.”

Isang kahanga-hangang utos sa kanya at sa lahat ng kababaihan ng Simbahang ito. Kailangang magkaroon ng pag-aaral, kailangang magkaroon ng paghahanda, kailangang magkaroon ng kaayusan ng pag-iisip, kailangang may pagpapaliwanag ng mga banal na kasulatan, kailangang magkaroon ng panghihikayat sa mabubuting gawa ayon sa paggabay ng Banal na Espiritu.

Nagpatuloy ang Panginoon, “Sinasabi ko sa iyo na iyong isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” [D at T 25:10].

Pakiramdam ko ay hindi niya sinasabi kay Emma na hindi siya dapat mag-alala tungkol sa lugar na titirhan, sa pagkain sa kanyang mesa, at damit. Sinasabi niya kay Emma na hindi niya dapat pakaisipin ang mga bagay na ito, gaya ng nakakagawian ng marami sa atin. Sinasabihan niya si Emma na mas ituon ang isipan sa mas matataas na bagay sa buhay, sa mga bagay na ukol sa katuwiran at kabutihan, sa mga bagay na ukol sa pagkakawanggawa at pag-ibig sa kapwa, sa mga bagay na ukol sa kawalang-hanggan. …

Sa pagpapatuloy, sinabi ng Panginoon: “Dahil dito, pasiglahin ang iyong puso at magalak, at tuparin ang mga tipan na iyong ginawa” [D at T 25:13].

Naniniwala ako na sinasabi niya sa bawat isa sa atin na maging masaya. Ang ebanghelyo ay mensahe ng kagalakan. Binibigyan tayo nito ng dahilan para magalak. Siyempre may mga panahon ng kalungkutan. Siyempre may mga oras ng pag-aalala at pagkabahala. Lahat naman tayo ay nag-aalala. Ngunit sinabi sa atin ng Panginoon na pasiglahin ang ating puso at magalak.10

babae, ina, lola sa Thailand

“Pagpalain nawa ng Diyos kayong mga ina! … Kayo ay paroroon, kailangang naroon kayo, bilang lakas para sa bagong henerasyon.”

3

Ang mga ina ay may sagradong tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa kabutihan at katotohanan.

Ang tunay na kalakasan ng alinmang bansa, lipunan, o pamilya ay nakasalalay sa mga katangian ng pagkatao na tinaglay ng mga anak na tinuruan araw-araw sa tahimik at simpleng paraan ng mga ina.11

Ang tahanan ang nagtataguyod at nangangalaga sa mga bagong henerasyon. Umaasa ako na sa huli ay matatanto ninyong mga ina na walang higit na nakahihikayat na responsibilidad, na pagkakalooban ng mas malalaking gantimpala, kaysa sa pag-aaruga ninyo sa inyong mga anak sa isang kapaligiran na may seguridad, kapayapaan, patnubay, pagmamahal, at panghihikayat na umunlad at gumawa nang mabuti.12

Ipinaaalala ko sa mga ina sa lahat ng dako ang kabanalan ng inyong tungkulin. Walang ibang sapat na makahahalili sa inyong ginagampanan. Walang responsibilidad na mas malaki, walang obligasyon na mas nagbibigkis kaysa sa pagpapalaki ninyo nang may pagmamahal at kapayapaan at integridad sa mga anak na iniluwal ninyo sa daigdig.13

Palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan. Turuan silang manalangin habang bata pa sila. Basahan sila mula sa mga banal na kasulatan kahit na maaaring hindi nila nauunawaan ang lahat ng binabasa ninyo. Turuan silang magbayad ng kanilang ikapu at handog sa unang perang matatanggap nila. Hayaang makagawian nila ito sa kanilang buhay. Turuan ang inyong mga anak na lalaki na igalang ang [kababaihan]. Turuan ang inyong mga anak na babae na lumakad sa kabanalan. Tumanggap ng responsibilidad sa Simbahan, at magtiwala sa Panginoon na tutulungan kayong pumantay sa anumang tawag o tungkulin na matatanggap ninyo. Ang inyong halimbawa ay magtatakda ng huwaran para sa inyong mga anak.14

Pagpalain nawa ng Diyos kayong mga ina! Kapag lahat ng tagumpay at pagkatalo ng pagsisikap ng mga tao ay binilang na, kapag nagsimula nang mapawi ang mga pakikidigma sa buhay, kapag ang lahat ng pinaghirapan natin nang husto sa mundong ito ay naglaho na sa ating mga paningin, naroroon kayo, kailangang naroon kayo, bilang lakas para sa bagong henerasyon, ang walang katapusang pagsulong ng sangkatauhan. Ang magiging kalidad nito ay depende sa inyo.15

4

Ang kababaihan ay may malaking responsibilidad sa gawain ng kaligtasan.

Malakas at malaki ang kakayahan ng kababaihan ng Simbahang ito. May pamumuno at patutunguhan, isang tiyak na diwa ng kasarinlan, gayunman may malaking kasiyahan sa pagiging bahagi ng kahariang ito ng Panginoon, at sa pakikiisa sa pagtulong sa priesthood upang maisulong ito.16

Binigyan ng Diyos ang kababaihan ng simbahang ito ng gawain sa pagtatayo ng kanyang kaharian. May kinalaman ito sa lahat ng aspeto ng ating dakilang responsibilidad na may tatlong bahagi—una, na ituro ang ebanghelyo sa mundo; ikalawa, palakasin ang pananampalataya at gawing maligaya ang mga miyembro ng Simbahan; at, pangatlo, itaguyod ang dakilang gawain ng kaligtasan para sa mga patay.17

Ang kababaihan sa Simbahan ang kasama ng kanilang mga kapatid na kalalakihan sa pagtataguyod ng dakilang gawaing ito ng Panginoon. … Ang mga babae ay may napakalaking responsibilidad at pananagutan nilang isakatuparan ang mga responsibilidad na iyon. Pinamumunuan nila ang sarili nilang mga organisasyon, at ang mga organisasyong iyon ay matatag at maaaring magsakatuparan at malaking puwersa sa kabutihan sa mundo. Sila ay nagsisilbing katuwang ng priesthood, lahat ay nagsisikap na itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ikinararangal at iginagalang namin kayo sa inyong kakayahan. Inaasahan namin ang pamumuno, at lakas, at kahanga-hangang mga resulta mula sa inyong pangangasiwa sa mga organisasyong ito na responsibilidad ninyo. Sinusuportahan at sinasang-ayunan namin kayo bilang mga anak na babae ng Diyos, na nakikipagtulungan sa kanya sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng lahat ng mga anak na lalaki at [anak na] babae ng Diyos.18

mga kabataang babae sa harapan ng templo

“Inaanyayahan ko … kayong gamitin ang dakilang potensyal ninyo.”

5

Ang Relief Society ay pinagmumulan ng walang-kapantay na mga pagpapala.

Ang kababaihan ng Relief Society ay literal na yakap hanggang sa walang hanggan ng bisig ng ating Panginoon. Sa palagay ko, ito ang pinakadakilang samahan ng kababaihan sa buong mundo. Ito ay likhang bigay ng Diyos. Nagsalita si Joseph Smith at kumilos bilang propeta nang iorganisa niya ang Relief Society noong 1842.19

Tunay na napakahalaga na manatiling matatag at di natitinag ang kababaihan ng Simbahan sa bagay na wasto at angkop sa ilalim ng plano ng Panginoon. Kumbinsido ako na wala nang iba pang organisasyon kahit saan na makapapantay sa Relief Society ng Simbahang ito. … Kung magkakaisa [ang mga miyembro nito] at magsasalita nang may iisang tinig, hindi masusukat ang kanilang lakas.20

Dumalo ako sa isang stake conference kung saan ang isang bata pang babae, na pangulo ng Relief Society sa isang singles ward, ay nagsalita tungkol sa paglilingkod at sa dakilang oportunidad na ibinigay sa mga kabataang babae sa kanyang ward. Nasa inyo ang lahat ng ito. May sarili kayong organisasyon. Nasa inyo ang mga lider na kayang magpayo sa inyo. Nasa inyo ang mga taong tutulong sa inyo sa mga oras ng problema at pangamba.21

Sino ang makasusukat sa mahimalang epekto sa buhay ng milyun-milyong kababaihan na nagkaroon ng dagdag na kaalaman, na nagkaroon ng malawak na pananaw, lumawak ang buhay, at ang pag-unawa sa mga bagay ng Diyos ay pinagyaman dahil sa napakaraming aral na mabisang itinuro at natutuhan sa mga miting ng Relief Society?

Sino ang makasusukat sa kagalakang dumating sa buhay ng mga babaeng ito habang magkakasama sila, nakikihalubilo sa ward o branch, pinagyayaman ang buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng matatamis at pinahahalagahang samahan?

Sino, kahit sa hinagap, ang makakaunawa sa di mabilang na pagkakawanggawa, sa pagkaing naihain sa mga mesang walang-laman, sa pananampalatayang napangalagaan sa mga oras ng karamdaman, sa mga sugat na nabigyang-lunas, sa pait na napawi ng mapagmahal na mga kamay at tahimik at nakapapanatag na mga salita, sa kaaliwan na naiparating sa oras ng kamatayan at dulot nitong kalungkutan? …

Walang sinumang maaaring makabilang sa mga proyekto na isinagawa at nakumpleto ng mga lokal na Relief Society. Walang sinumang maaaring makatantiya sa kabutihang dumating sa buhay ng mga babaing kabilang sa mga organisasyong ito at sa mga taong nakinabang sa kanilang mabubuting gawa. …

Pagpalain ng Diyos ang Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nawa ang diwa ng pag-ibig na nakahikayat sa mga miyembro nito … ay patuloy na lumago at madama sa lahat ng dako ng mundo. Nawa maantig tungo sa kabutihan ng kanilang mga pagkakawanggawa ang buhay ng marami saanman isagawa ang mga ito. At nawa ang liwanag at pang-unawa, pagkatuto at kaalaman, at walang hanggang katotohanan ang magpala sa buhay ng kababaihan sa darating na mga henerasyon, sa lahat ng bansa ng mundo, dahil sa kakaibang samahang ito na itinatag ng langit.22

6

Pantayan ang kabanalang nasa inyong kalooban.

Kayo ay malaking kalipunan ng kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Walang sinumang makapagsasabi kung gaano katindi ang magiging puwersa ninyo sa kabutihan. … Inuutusan ko kayong manindigan at maging matatag sa pagtatanggol sa mga dakilang katangian na siyang lakas sa pag-unlad ng ating lipunan. Kapag kayo ay nagkakaisa, ang inyong kapangyarihan ay walang hangganan. Maaari ninyong magawa ang anumang bagay na gusto ninyong maisakatuparan. At ah, tunay na kailangan kayo sa mundong gumuguho na ang pinahahalagahan kung saan ang kaaway ang tila kumokontrol dito.23

Gusto kong anyayahan ang kababaihan sa lahat ng dako na manindigan sa inyong dakilang potensyal. Hindi ko hinihiling na abutin ninyo ang hindi ninyo kayang abutin. Umaasa ako na hindi ninyo pahihirapan ang inyong sarili sa pag-iisip na bigo kayo. Umaasa ako na hindi ninyo sisikaping magtakda ng mga mithiing hindi ninyo kayang kamtin. Umaasa ako na gagawin lang ninyo ang magagawa sa pinakamainam na paraan na alam ninyo. Kung gagawin ninyo ito, masasaksihan ninyo ang mga himalang mangyayari.24

Nagpapasalamat ako sa inyo na matatapat na kababaihang Banal sa mga Huling Araw, na ngayon ay milyun-milyon na at matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo. Napakalaki ng inyong impluwensya sa kabutihan. Kagila-gilalas ang inyong mga talento at katapatan. Napakalaki ng inyong pananampalataya at pagmamahal sa Panginoon, sa Kanyang gawain, at sa Kanyang mga anak. Patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo. Hayaang makita ito ng lahat ng taong nakakasalamuha ninyo. Mas makaiimpluwensya ang inyong mabubuting gawa kaysa anumang salitang bibigkasin ninyo. Lumakad sa kabanalan at katotohanan, sa pananampalataya at katapatan. Kayo ay bahagi ng walang hanggang plano, isang planong dinisenyo ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan. Bawat araw ay bahagi ng kawalang-hanggan na iyon.

Alam ko na marami sa inyo ay may mabibigat na pasanin. Nawa ang mga kasamahan ninyo sa Simbahan, ang inyong mga kapatid, ay makatulong sa mga pasaning iyon. Nawa ay makarating ang inyong mga panalangin sa Kanya na siyang makapangyarihan sa lahat, na nagmamahal sa inyo, at makapagbibigay ng mga puwersa at bagay na makatutulong sa inyo. Ito ay gawain ng mga himala. Alam ninyo ito, at alam ko ito. Madali para sa akin na sabihin sa inyo na huwag panghinaan ng loob, ngunit sasabihin ko pa rin ito, sa paghikayat ko sa inyo na sumulong nang may pananampalataya.25

Kagila-gilalas ang kapangyarihan ng kababaihan na may pananampalataya. Paulit-ulit itong naipamalas sa kasaysayan ng simbahang ito. Patuloy pa rin ito sa atin ngayon. Palagay ko ito ay bahagi ng kabanalan na nasa inyong kalooban.

Mga kapatid, manindigan sa kabanalang iyon. Sa pagsisikap na iyan gawin ang mundo na inyong ginagalawan na mas mainam na lugar para sa inyong sarili at sa lahat ng susunod sa inyo.26

Salamat sa Diyos sa napakababait na kababaihan ng Simbahang ito. Nawa ay itanim niya sa inyong mga puso na ipagmalaki ang inyong mga kakayahan at pananalig sa katotohanan na magsisilbing timon para manatili kayong ligtas sa kabila ng bawat bagyo.27

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Ano ang natutuhan natin mula kay Pangulong Hinckley tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak na babae? (Tingnan sa bahagi 1.) Bakit mahalaga na maunawaan natin ang “mataas at sagradong lugar” ng kababaihan sa walang hanggang plano ng Diyos?

  • Anong mga aspeto ng payo ng Panginoon kay Emma Smith ang nakatulong nang malaki sa inyo? (Tingnan sa bahagi 2.) Ano ang matututuhan natin mula sa bahagi 2 tungkol sa pagiging matapat? Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging “hinirang na babae”? Ano ang matututuhan natin kung paano ipamuhay ang mga banal na kasulatan sa ating sarili?

  • Ano ang inyong mga impresyon habang binabasa ninyo ang payo ni Pangulong Hinckley sa mga ina? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano kayo napagpala ng impluwensya ng isang ina? Para sa mga magulang, bakit “walang obligasyon na hihigit” sa pagpapalaki ng kanilang mga anak “nang may pagmamahal at kapayapaan at integridad”?

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo ukol sa “lakas at malaking kakayahan” ng kababaihan sa Simbahan? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang ilang paraan na makatutulong sa kababaihan na isakaturapan “ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng lahat ng mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos”? Bakit mahalaga na magtulungan ang kalalakihan at kababaihan upang isulong ang gawain ng Panginoon? Ano ang ilang halimbawa na nakita ninyo tungkol dito?

  • Basahing muli ang mga pagpapalang dulot ng Relief Society, tulad ng pag-outline ni Pangulong Hinckley sa bahagi 5. Anong mga pagpapala ang dumating sa inyo mula sa mga pagsisikap ng kababaihan ng Relief Society, pati na ang mga naglilingkod sa Young Women at Primary? Paano ninyo mapalalakas ang Relief Society sa inyong ward? Paano matutulungan ng Relief Society ang kababaihan na dagdagan ang kanilang impluwensya sa kabutihan?

  • Pag-isipan ang panghihikayat ni Pangulong Hinckley na “manindigan sa mga dakilang potensyal na nasa inyong kalooban” (bahagi 6). Paano tayo magkakaroon ng mas magandang pananaw ukol sa nakikita ng Diyos na ating potensyal? Paano tayo uunlad tungo sa pagkakamit ng ating potensyal? Kailan ninyo nakita ang “kagila-gilalas … na kapangyarihan ng kababaihan ng pananampalataya”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 31:10–31; Lucas 10:38–42; Ang Mga Gawa 9:36–40; Mga Taga Roma 16:1–2; II Kay Timoteo 1:1–5; Alma 56:41–48

Tulong sa Pagtuturo

“Habang naghahanda kayong ituro ang bawat aralin, manalangin para sa Espiritu na tulungan kayo na malaman kung kailan ninyo ibabahagi ang inyong mga pinakabanal na damdamin. Maaari kayong maudyukan na magpatotoo [nang] maraming ulit habang nagkaklase, hindi lamang sa katapusan ng aralin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 54).

Mga Tala

  1. Sa Glimpses into the Life and Heart of Marjorie Pay Hinckley, ed. Virginia H. Pearce (1999), 194–95.

  2. “Puspusin ng Kabanalan ang Iyong mga Iniisip nang Walang Humpay,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 115.

  3. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2: 2000–2004 (2005), 509–10.

  4. “Ang Kababaihan sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 85.

  5. “Manatiling Matatag laban sa Panlilinlang ng Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 98.

  6. “Daughters of God,” Ensign, Nob. 1991, 97.

  7. “Women of the Church,” Ensign, Nob. 1996, 67.

  8. “Manatili sa Mataas na Landas,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 112.

  9. Ang paggamit ni Pangulong Hinckley ng inordenan ay nagpapakita sa paggamit ng salitang ito sa Doktrina at mga Tipan 25:7, at bahagi nito ay binanggit niya sa pangungusap na ito. Sa English edition ng mga banal na kasulatan, ang talababa sa salitang inordenan sa talatang ito ay nagsasabing “o itinalaga.” Noong mga unang araw ng Panunumbalik, ang salitang inordenan at itinalaga ay madalas na ginagamit nang palitan; ang inordenan ay hindi laging tumutukoy sa mga katungkulan sa priesthood (tingnan, halimbawa, D at T 63:45).

  10. “If Thou Art Faithful,” Ensign, Nob. 1984, 90–92.

  11. Motherhood: A Heritage of Faith (polyeto, 1995), 6.

  12. “Manatiling Matatag Laban sa Panlilinlang ng Mundo,” 99.

  13. “Bring Up a Child in the Way He Should Go,” Ensign, Nob. 1993, 60.

  14. “Manatiling Matatag Laban sa Panlilinlang ng Mundo,” 99.

  15. Motherhood: A Heritage of Faith, 13.

  16. “Women of the Church,” 68.

  17. “Live Up to Your Inheritance,” Ensign, Nob. 1983, 84.

  18. “If Thou Art Faithful,” 89.

  19. “Sa Bisig ng Kanyang Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 115.

  20. “Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 10, 2004, 20.

  21. “The BYU Experience” (Brigham Young University devotional, Nob. 4, 1997), 2, speeches.byu.edu.

  22. “Ambitious to Do Good,” Ensign, Mar. 1992, 4–6.

  23. “Iyong Pinakamalaking Hamon, Ina,” Liahona, Nob. 2000, 97.

  24. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 696.

  25. “Daughters of God,” 100.

  26. “Rise to the Stature of the Divine within You,” Ensign, Nob. 1989, 97–98.

  27. “Live Up to Your Inheritance,” 84.