Kabanata 2
Isang Sagisag sa mga Bansa, Isang Ilaw ng Sanlibutan
“Ito ang panahon para magpakatatag. Panahon na para sumulong nang walang pag-aalinlangan, na lubos na nalalaman ang kahulugan, lawak, at kahalagahan ng ating misyon.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Di pa nagtatagal pagkauwi mula sa kanyang misyon sa England, tinupad ni Gordon B. Hinckley ang huling assignment mula sa kanyang mission president na si Joseph F. Merrill. Si President Merrill ay miyembro rin noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, at hiniling niya kay Gordon na gumawa ng report sa Unang Panguluhan: sina Pangulong Heber J. Grant, J. Reuben Clark Jr., at David O. McKay. Kinontak ni Gordon ang secretary sa Unang Panguluhan at nagtakda ng appointment.
Nang pumasok si Gordon sa council room ng Unang Panguluhan, siya ay magiliw na binati ni Pangulong Grant at ng kanyang mga tagapayo. Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Grant, “Brother Hinckley, bibigyan ka namin ng labinlimang minuto para sabihin sa amin ang nais ni Elder Merrill na marinig namin.” Makalipas ang isang oras at labinlimang minuto, nilisan ni Gordon ang silid. Sa ibinigay sa kanyang labinlimang minuto, nailahad niya ang pag-aalala ng kanyang mission president—na kailangan ng mga missionary ng mas mainam na nakalimbag na mga materyal para matulungan sila sa kanilang gawain. Ang kanyang maikling paglalahad ay nauwi sa mga tanong mula sa Unang Panguluhan at tumagal ng isang oras ang talakayan.
Nang matupad ang tungkuling ito, nadama ni Gordon na “tapos na talaga ang kanyang misyon, at oras na para kumilos at magplano para sa hinaharap.” Nakatapos na siya ng pag-aaral sa University of Utah na may degree sa English, at gusto niyang kumuha ng graduate degree sa journalism sa Columbia University sa New York City. Ngunit isang tawag sa telepono, makalipas ang dalawang araw matapos siyang makipagkita sa Unang Panguluhan, ang nagpabago sa kanyang mga plano. Ang tawag ay mula kay Pangulong McKay, na nagsabing: “Brother Hinckley, tinalakay namin kahapon sa miting ng Panguluhan at ng Labindalawa ang napag-usapan natin nang interbyuhin ka namin. At bumuo kami ng isang komite na may anim na miyembro ng Labindalawa, kasama si Elder Stephen L Richards bilang chairman, para tugunan ang mga pangangailangan na binanggit mo. Gusto ka naming anyayahan na pumarito at makipagtulungan sa komiteng iyon.”1
Tinanggap ni Gordon ang imbitasyon at kinuha siya bilang executive secretary ng bagong Church Radio, Publicity, and Mission Literature Committee. Hindi na siya nagpunta sa Columbia University, at hindi siya kailanman nagtrabaho bilang journalist para ilathala ang mga balita ng mundo. Sa halip, sinimulan niya ang habambuhay na pagsisikap na ilathala ang mabuting balita ng ebanghelyo. Ang mga responsibilidad na ito ay nadagdagan kalaunan, nang maglingkod siya bilang General Authority.
Dahil nagkaroon ng kakayahang ipahayag ang kanyang sarili nang buong linaw kahit sa mahihirap na sitwasyon, si Gordon B. Hinckley ang madalas maatasan noon na magpainterbyu sa mga news reporter. Bilang Pangulo ng Simbahan, patuloy niyang tinanggap ang gayong mga pagkakataon, ginagawa ang kanyang bahagi para makatulong sa paglalabas sa Simbahan ni Jesucristo “mula sa pagkakatago” (D at T 1:30). Sinabi niya:
“Naniniwala ako at nagpapatotoo na misyon ng Simbahang ito na magsilbing sagisag sa mga bansa at ilaw ng sanlibutan. Iniatang sa atin ang dakilang utos na sumasakop sa lahat na hindi natin maiiwasan ni matatanggihan. Tinatanggap natin ang kautusang ito at determinado tayong tuparin ito, at sa tulong ng Diyos magagawa natin ito.”2
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Tulad ng bato sa pangitain ni Daniel, ang Simbahan ay lumalaganap para punuin ang buong mundo.
Ang Simbahang ito ay nagsimula sa mapagpakumbabang panalangin ng batang si Joseph Smith sa kakahuyan sa sakahan ng kanyang ama. Mula sa kagila-gilalas na karanasan na iyon, na tinatawag nating Unang Pangitain, ay lumago ang gawaing ito. … Ito ang mismong halimbawa ng pangitain ni Daniel na isang batong tinibag sa bundok na hindi ginamitan ng kamay na gumugulong hanggang sa mapuno nito ang buong mundo (tingnan sa Daniel 2:44–45).3
Nang maorganisa ang Simbahan noong 1830 anim lamang ang miyembro [at] kaunti lamang ang mga mananampalataya, ang lahat ay nakatira sa isang hindi kilalang nayon. … Ang mga stake ng Sion ngayon ay lumalaganap sa bawat estado ng Estados Unidos, sa bawat lalawigan ng Canada, sa bawat estado ng Mexico, sa bawat bansa ng Central America at buong South America.
Ang mga kongregasyon ay matatagpuan sa buong British Isles at Europa, kung saan libu-libo ang sumapi sa Simbahan sa paglipas ng mga taon. Ang gawaing ito ay nakarating na sa mga bansang Baltic at hanggang sa Bulgaria at Albania at iba pang mga lugar sa panig na iyon ng mundo. Nakarating na ito sa malawak na lupain ng Russia. Nakarating ito hanggang Mongolia at hanggang sa mga bansa ng Asia patungo sa mga isla ng Pasipiko, Australia, at New Zealand, at tungo sa India at Indonesia. Lumalaganap ito sa maraming bansa ng Africa. …
At simula pa lamang ito. Ang gawaing ito ay patuloy na uunlad at susulong at kikilos sa buong mundo.4
2
Ang mga unang lider ng Simbahan ay may pananaw na gaya ng sa isang propeta ukol sa tadhana ng gawain ng Panginoon.
Noong Hulyo 24, 1847, ang pioneer company ng ating mga tao ay dumating [sa Salt Lake] valley. Isang paunang grupo ang dumating isa o dalawang araw bago iyon. Si Brigham Young ay dumating sa araw ng Sabado. Kinabukasan, ang mga serbisyo sa Sabbath ay idinaos sa umaga at sa hapon. Walang anumang uri ng bulwagan kung saan maaari silang magpulong. Palagay ko sa nakakapasong init ng Linggong iyon ng Hulyo sila ay nagsiupo sa kahoy o bakal na nagdurugtong sa kanilang mga bagon tungo sa mga baka o kabayo at nagsisandal sa mga gulong habang nagsasalita ang mga Kapatid. Huli na sa panahon, at nahaharap sila sa napakalaki at agarang gawain kung magtatanim sila para sa susunod na panahon. Ngunit nagsumamo si Pangulong Young sa kanila na huwag labagin ang araw ng Sabbath noong panahong iyon o sa hinaharap.
Kinaumagahan nahati sila sa mga grupo para galugarin ang kanilang kapaligiran. Sina Brigham Young, Wilford Woodruff, at ilang mga kasamahan ay naglakad mula sa kanilang campground o pinaghimpilan. … Inakyat nila ang isang hugis pabilog na burol, habang nahihirapan si Pangulong Young dahil sa kanyang karamdaman kamakailan.
Nang tumayo ang mga Kapatid sa tuktok, tinanaw nila [ang] lambak sa timog. Ito ay halos tigang, maliban sa mga puno ng willow at mga damu-damo na tumubo sa gilid ng sapa na nagdadala ng tubig mula sa mga bundok papunta sa lawa. Walang anumang uri ng gusali doon, ngunit sinabi ni Brigham Young noong nakaraang Sabado na, “Ito ang lugar.”
Ang tuktok ng burol kung saan sila nakatayo ay tinawag na Ensign Peak bilang pagtukoy sa mga dakilang salita ng propetang si Isaias: “At siya’y [tinutukoy ang Diyos] magtataas ng watawat sa mga bansa mula sa malayo, at susutsutan sila mula sa wakas ng lupa: at, narito, sila’y darating na lubhang nagmamadali.” (Isa. 5:26.)
“At siya’y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa.” (Isa. 11:12.) …
Palagay ko [ang mga Kapatid na iyon] ay maaaring nagsalita rin sa pagkakataong iyon tungkol sa pagtatayo ng templo … bilang katuparan ng mga salita ni Isaias:
“At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol, at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.
“At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo’y magsisilakad sa kaniyang mga landas; sapagka’t mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.” (Isa. 2:2–3.)
Kahangalan, ang maaaring sabihin ng isang tao, kung narinig niya ang mga lalaking ito nang umagang iyon ng Hulyo noong 1847. Hindi sila mukhang mga mambabatas na may malalaking pangarap. Hindi sila mukhang mga pinuno na nakatutok sa mga mapa at nagpaplano ng imperyo. Sila ay mga itinapon, pinalayas sa kanilang magandang lungsod sa [Ilog ng] Mississippi tungo sa disyertong lugar ng Kanluran. Ngunit taglay nila ang isang pangitain na hango sa mga banal na kasulatan at mga salita ng paghahayag.
Namamangha ako sa naisip ng maliit na grupong iyon. Iyon ay kapwa tahasan at mapangahas. Halos hindi ito kapani-paniwala. Heto sila, halos isang libong milya [1,600 kilometro] mula sa pinakamalapit na pamayanan sa silangan at halos walong daang milya [1,300 kilometro] mula sa Baybayin ng Pasipiko. Hindi pa nila naranasan ang klima sa lugar. Ang lupa ay naiiba sa maitim na buhaghag na lupa ng Illinois at Iowa, na huling tinirhan nila. Hindi pa sila nakapagtanim ng anuman dito. Hindi pa nila naranasan ang taglamig. Hindi pa sila nagtayo ng anumang uri ng istruktura. Ang mga propetang ito, na nakasuot ng luma at maruruming damit, suot ang mga bota na pinanlakbay nila nang mahigit isang libong milya mula sa Nauvoo papunta sa lambak na ito, ay nagsalita tungkol sa isang pangitaing ukol sa milenyo. Nagsalita sila batay sa pananaw ng isang propeta tungkol sa kagila-gilalas na tadhana ng adhikaing ito. Bumaba sila mula sa tuktok ng burol noong araw na iyon at kumilos upang magkatotoo ang kanilang mga pangarap.5
3
Hindi natin dapat kalimutan ang banal na tadhana ng gawain ng Diyos at ang bahaging ginagampanan natin dito.
Kung minsan sa ating panahon, habang naglalakad tayo sa ating makikitid na landas at ginagampanan ang mga munti nating responsibilidad, nalilimutan natin ang kabuuan ng gawaing ito. Noong bata pa ako, karaniwang mga kabayo ang gamit sa mabibigat na trabaho. Mahalagang bahagi ng panali ang kabisada ng kabayo. Sa kabisada ay may nakakabit na mga pantakip sa mata, sa magkabilang panig. Doon iyon inilagay para diretso lamang ang tingin ng kabayo at hindi sa magkabilang panig. Dinisenyo ang mga ito para hindi ito nagugulat o naaabala at para laging nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang daraanan.
Ang ilan sa atin ay ginagawa ang ating trabaho na para bang may pantakip sa ating mga mata. Ang nakikita lang natin ay ang sarili nating makitid na landas. Hindi natin nakikita ang kabuuan. Maaaring maliit lang ang responsibilidad natin sa Simbahan. Makabubuting gampanan ang responsibilidad nang may sigasig. At mabuti ring malaman kung paano nakaaambag ang responsibilidad na iyon sa buong programa ng lumalaking kaharian ng Diyos.
Sinabi minsan ni Pangulong Harold B. Lee … , sa pagbanggit sa akda ng isang di-kilalang manunulat, “I-survey mo ang malalaking bukirin at linangin ang maliliit na sakahan.”
Ang interpretasyon ko sa pahayag na iyan ay dapat nating matanto kahit paano ang lawak at lalim at taas—maringal at kahanga-hanga, malaki at sumasakop sa lahat—ng programa ng Panginoon, at pagkatapos ay masigasig na gampanan ang ating responsibilidad para sa bahaging nakaatas sa atin sa programang iyon.
Bawat isa sa atin ay may maliit na bukid na lilinangin. Habang naglilinang, huwag-na-huwag nating kalimutan ang kabuuang gawain, ang lahat ng bumubuo sa banal na tadhana ng gawaing ito. Ito ay ibinigay sa atin ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan, at bawat isa sa atin ay may bahaging gagampanan sa paghabi ng kagila-gilalas na tapiserya nito. Ang ating indibiduwal na kontribusyon ay maaaring maliit, ngunit ito ay mahalaga. …
… Habang ginagampanan ninyo ang bahaging ipinagagawa sa inyo, huwag kalimutan ang buong maringal at napakagandang larawan ng layunin nito, ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Gandahan ang paghabi ng inyong munting sinulid sa malaking tapiserya, na ang huwaran ay inihanda para sa atin ng Diyos ng langit. Hawakan at itaas nang mabuti ang ating pamantayan. Maging masigasig, totoo, marangal, matapat, upang hindi magkaroon ng batik ang sagisag o pamantayang iyon.
Ang pangitain ukol sa kahariang ito ay hindi paimbabaw na panaginip sa gabi na naglalaho sa pagsikat ng araw. Ito talaga ang plano at gawain ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan. May kinalaman ito sa lahat ng Kanyang mga anak.
Habang inaasarol at hinuhukay ang sagebrush ng mga lambak na ito sa kanluran [ng Utah] para itatag ang pundasyon ng isang republika, habang ginagawa ang lahat sa maraming karaniwang bagay na kailangan nilang gawin upang manatiling buhay at umunlad, ang ating mga ninuno [pioneer] ay patuloy na sinunod ang karingalan ng dakilang adhikain ng kanilang ginagawa. Ito ay isang gawain na dapat nating gawin habang taglay ang gayunding pangitain. Ito ay isang gawaing magpapatuloy matapos nating lisanin ang tagpong ito. Tinutulungan tayo ng Diyos na magawa ang lahat sa abot-kaya natin bilang mga lingkod, na tinawag ayon sa Kanyang banal na kalooban, para itaguyod at itayo ang kaharian gamit ang di-perpektong mga kamay, sama-sama at nagkakaisa sa pagsasagawa ng perpektong huwaran.6
4
Maaari tayong magsilbing sagisag sa mga bansa kung saan makatitipon ng lakas ang mga tao sa mundo.
Mga kapatid ko, dumating na ang panahon para tayo ay higit na manindigan, iangat ang tingin at palawakin ang isipan sa higit na pagkaunawa sa dakilang misyon sa milenyo nitong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang panahon para magpakatatag. Panahon na para sumulong nang walang pag-aalinlangan, na lubos na nalalaman ang kahulugan, lawak, at kahalagahan ng ating misyon. Panahon na para gawin ang tama anuman ang mga kahinatnan nito. Panahon na para matagpuang sumusunod sa mga utos. Panahon na para tumulong nang may kabaitan at pagmamahal sa mga taong naliligalig at naliligaw sa kadiliman at pasakit. Ito ay panahon para bigyang konsiderasyon at maging mabuti, disente at magalang sa isa’t isa sa lahat ng ating pakikipag-ugnayan. Sa madaling salita, para maging higit na katulad ni Cristo.7
Maliban kung babaguhin ng mundo ang kasalukuyang mga kalakaran nito (at malamang na hindi iyan mangyari); at kung, sa kabilang banda, patuloy nating sundin ang mga turo ng mga propeta, lalo tayong magiging kakaiba at natatanging mga tao na mapapansin ng mundo. Halimbawa, habang ang integridad ng pamilya ay gumuguho dahil sa mga makamundong impluwensya, ang ating paninindigan sa kabanalan ng pamilya ay mas mapapansin at magiging mas kakaiba, kung may pananampalataya natin itong paninindigan.
Habang patuloy ang paglaganap ng kaluwagan ukol sa sex, ang doktrina ng Simbahan, na mahigit sa isa at kalahating siglo na ay ganoon pa rin ang itinuturo, ay lalong magiging pambihira at kakaiba sa marami.
Habang patuloy na dumarami ang pagkonsumo ng alak at pag-abuso sa droga sa bawat taon na nakaugalian na ng ating lipunan, ang ating posisyon, na itinakda ng Panginoon mahigit isa at kalahating siglo na ang nakalipas, ay lalong magiging kakaiba sa paningin ng sanlibutan. …
Habang lalong nagiging araw ng pangangalakal at paglilibang ang araw ng Sabbath, ang mga taong sumusunod sa mga tuntunin ng batas, na isinulat ng daliri ng Panginoon sa Sinai at pinagtibay ng makabagong paghahayag, ay lalong magmumukhang hindi karaniwan.
Noon pa man ay hindi madaling mabuhay sa mundo at hindi maging bahagi nito. Hindi tayo lubusang mabubuhay nang tayo lamang o sa ating sarili, ni hindi natin papangarapin ito. Kailangan tayong makihalubilo sa iba. Sa paggawa nito, maaari tayong maging mapagmahal. Maaari tayong hindi makasakit ng damdamin. Maiiwasan natin ang anumang diwa o pag-uugali ng pagmamalinis. Ngunit mapapanatili natin ang ating mga pamantayan. …
Habang sinusunod natin ito at ang iba pang mga pamantayan na itinuturo ng Simbahan, igagalang tayo ng marami sa mundo at magkakaroon ng lakas na sundin ang mga bagay na alam din nilang tama.
At, sa mga salita ni Isaias, “Maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo’y magsisilakad sa kaniyang mga landas.” (Isa. 2:3.)
Hindi natin kailangang makipagbigayan. Hindi tayo dapat makipagbigayan. Ang kandilang sinindihan ng Panginoon sa dispensasyong ito ay maaaring maging isang ilaw sa buong sanlibutan, at ang ibang nakakakita sa ating mabubuting gawa ay luluwalhatiin ang ating Ama sa Langit at gagayahin sa sarili nilang buhay ang mga halimbawang nakita nila sa atin.
Simula sa inyo at sa akin, maaaring may isang buong lahi na, sa pamamagitan ng pamumuhay natin sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, maging sa ating paglilibang, ay magiging katulad ng isang bayan sa ibabaw ng bundok kung saan makakaasa at matututo ang mga tao, at isang simbolo sa mga bansa na mapagkukunan ng lakas ng mga tao sa mundo.8
Kung gusto nating ipakita ang Simbahang ito bilang isang sagisag sa mga bansa at ilaw ng sanlibutan, kailangan nating taglayin ang mga katangian ni Jesucristo sa bawat sitwasyon natin sa buhay. Sa paninindigan sa tama, hindi tayo dapat matakot sa mga ibubunga nito. Hindi tayo dapat matakot kailanman. Sinabi ni Pablo kay Timoteo:
“Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.
“Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon” (II Kay Timoteo 1:7–8).9
Hindi ninyo basta maipagwawalang-bahala ang adhikaing ito, na siyang adhikain ni Cristo. Hindi kayo maaaring tumayo lang sa tabi at panoorin ang laro sa pagitan ng mga puwersa ng mabuti at masama. …
… Hinihikayat ko kayo sa abot-kaya ko na tumulong sa isang tungkulin na higit pa sa mga hinihingi ng ating buhay araw-araw; ibig sabihin, maging matatag, maging isang lider na nagsasalita sa ngalan ng mga adhikain na nagpapaningning ng ating sibilisasyon at nagbibigay ng kapanatagan at kapayapaan sa ating buhay. Maaari kayong maging lider. Kailangan kayong maging lider, bilang miyembro ng Simbahang ito, sa mga adhikaing itinataguyod ng Simbahang ito. Huwag hayaang madaig ng takot ang inyong mga pagsisikap.10
Wala tayong dapat ikatakot. Ang Diyos ang gumagabay sa gawaing ito. Siya ang mananaig para sa ikabubuti ng gawaing ito. Magbubuhos Siya ng mga pagpapala sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga utos. Gayon ang Kanyang naging pangako. Hindi mapag-aalinlanganan ng sinuman ang Kanyang kakayahan na tuparin ang pangakong iyan.
… Ang ating Tagapagligtas, na ating Manunubos, ang Dakilang Jehova, ang makapangyarihang Mesiyas, ay nangako: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
“Samakatwid,” sabi Niya, “huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig. …
“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.
“Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit” (D at T 6:34, 36–37).
Nagkakaisa, sama-sama, tayo ay susulong bilang mga lingkod ng buhay na Diyos, na ginagawa ang gawain ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na ating Guro, na ating pinaglilingkuran at kung kaninong pangalan ay hangad nating luwalhatiin.11
Dapat tayong maging matatag. Dapat nating pigilan ang kasamaan sa mundo. Kung gagawin natin ito, ang makapangyarihang Diyos ang magiging ating lakas at tagapagtanggol, ang ating gabay at ating tagapaghayag. Mapapanatag tayo sa kaalaman na ginagawa natin ang nais Niyang ipagawa sa atin. Maaaring hindi sang-ayon sa atin ang iba, ngunit natitiyak kong igagalang nila tayo. Hindi tayo maiiwang nag-iisa. Marami ang mga [taong] hindi natin kaanib sa pananampalataya ngunit katulad natin ang nadarama. Susuportahan nila tayo. Tutulungan nila tayo sa ating mga pagsisikap.12
Magalak tayo sa magandang panahong ito ng gawain ng Panginoon. Huwag tayong magyabang o magsuplado. Buong pagpapakumbaba tayong magpasalamat. At ipasiya nating lahat, bawat isa, sa ating sarili na dagdagan pa ang kinang ng kamangha-manghang gawaing ito ng Maykapal, upang ito’y magliwanag sa buong daigdig bilang tanglaw ng lakas at kabutihan na mamamasdan ng buong mundo.13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Habang binabasa ninyo ang bahagi 1, ano ang nadarama ninyo habang iniisip ninyo ang pag-unlad ng Simbahan mula noong 1830 hanggang sa ngayon?
-
Pag-aralang muli ang salaysay ni Pangulong Hinckley tungkol sa mga unang pioneer na dumating sa Salt Lake Valley (tingnan sa bahagi 2). Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito? Paano tayo nakinabang sa mala-propetang pangitain ng mga unang lider ng Simbahan? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “sagisag sa mga bansa”? (Tingnan sa Isaias 5:26; 11:12.)
-
Sa bahagi 3, hinikayat tayo ni Pangulong Hinckley na tingnan ang “buong larawan” at “mas malawak na pananaw” sa gawain ng Diyos. Bakit kailangan nating makita ang buong larawang ito? Bakit kung minsan nalilimutan natin ito? Sa paanong paraan nakakatulong ang maliliit na ginagawa natin sa paglago ng kaharian ng Diyos?
-
Repasuhin ang mga paraan na sinabi ni Pangulong Hinckley na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagiging mas “kakaiba at natatanging mga tao” (bahagi 4). Paano tayo magkakaroon ng mas malawak na pananaw at lakas-ng-loob sa pagsusulong sa gawain ng Diyos? Paano tayo makapamumuhay sa mundo nang hindi nagiging makamundo? Paano natin “higit na tataglayin ang mga katangian ni Cristo sa ating buhay”? Bakit mahalagang manindigan tayo sa kung ano ang tama?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 5:14–16; 1 Nephi 14:14; D at T 1:1–6; 65:1–6; 88:81; 115:5–6
Tulong sa Pagtuturo
“Tiyakin na hindi kayo naniniwala na kayo ang ‘totoong guro.’ Iyan ay isang malaking pagkakamali. … Mag-ingat para hindi kayo nakasasagabal. Ang pangunahing papel na ginagampanan ng isang guro ay ihanda ang daan nang sa gayon ang mga tao ay magkaroon ng espirituwal na karanasan sa Panginoon” (Gene R. Cook, sinipi sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 51).