Kabanata 6
Napakabisa ng Panalangin
“Ang manawagan sa Panginoon para humingi ng karunungan nang higit sa alam na natin, para sa lakas na gawin ang dapat nating gawin, para sa kaginhawahan at kaaliwan, at para makapagpasalamat ay isang napakahalaga at kagila-gilalas na bagay.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
“Walang sinuman sa atin ang makakagawa nang tayo lamang mag-isa,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley. “Kailangan natin ng tulong, ang uri ng tulong na maaaring dumating bilang sagot sa panalangin.”1 Ipinamuhay ni Pangulong Hinckley ang alituntuning ito sa mga desisyon na nakaharap niya bilang Pangulo ng Simbahan. Ganito ang sabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kanya: “Siya ay isang matalinong tao na may pambihirang paghatol, ngunit kapag may nakaharap siyang problema na hindi malutas, lumuluhod siya para manalangin.”2
Sinunod din ni Pangulong Hinckley at ng kanyang asawang si Marjorie ang alituntuning ito sa kanilang tahanan. Sabi ng anak nilang si Richard: “Wala akong maalaala na araw na hindi kami nanalangin bilang isang pamilya. Kapag si Itay na ang nagdarasal talagang taos-puso siyang nananalangin at hindi siya madrama o masyadong emosyonal. Nalaman namin nang husto kung gaano kalalim ang kanyang pananampalataya sa pakikinig sa kanyang pagdarasal. Buong paggalang at pagpipitagan niyang tinatawag ang Diyos, tulad marahil ng paggalang niya sa isang matalino at pinagpipitaganang guro, at taimtim niyang binabanggit ang Tagapagligtas. Bata pa ako ay alam ko nang sila ay tunay na mga tao sa kanya—na minahal niya at iginalang sila.”3 Napansin ni Marjorie: “Sa tingin ko malaki ang nagawa ng panalangin ng pamilya sa pagtugon ng mga anak namin sa amin. Bagamat hindi nagsermon sa kanila si Gordon, narinig nila ang lahat ng gusto naming iparinig sa kanila sa panalangin ng pamilya.”4
Sa kanyang paglilingkod bilang General Authority, hinikayat ni Pangulong Hinckley ang mga miyembro ng Simbahan na “maniwala sa panalangin at sa kapangyarihan ng panalangin.”5 Nagpatotoo siya na “binubuksan ng panalangin ang kapangyarihan ng langit para sa atin.”6 Ipinangako niya, “Maging madasalin at ang Diyos ng langit ay ngingiti sa inyo at pagpapalain kayo, at magdudulot ng ligaya sa inyong mga puso at diwa ng kapayapaan sa inyong buhay.”7
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ang Diyos ay ang ating Ama, at inaanyayahan Niya ang bawat isa sa atin na manalangin sa Kanya.
Sa lahat ng dakila at kahanga-hanga at nagbibigay-inspirasyong mga pangakong nabasa ko, ang pinaka-nagbibigay sa akin ng kapanatagan ay ang mga salita ng Tagapagligtas: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.” (Mat. 7:7.)8
Huwag kalimutan kailan man kung sino ka. … Ikaw ay tunay ngang anak ng Diyos. … Siya ang iyong Amang Walang-hanggan. Mahal ka Niya. Maaari kang lumapit sa Kanya sa panalangin. Inanyayahan ka Niyang gawin ito. … Talagang kagila-gilalas ang bagay na ito. Siya ang Pinakadakila sa Lahat. Siya ang Lumikha at Pinuno ng sansinukob. Gayunman pakikinggan Niya ang iyong dalangin!9
Maaari tayong mapalapit sa Panginoon sa ating mga panalangin. Maaari itong maging mga pagpapahayag ng pasasalamat. Hindi ko kailanman lubusang mauunawaan kung paanong ang Dakilang Diyos ng Sansinukob, ang Pinakamakapangyarihan, ay inaanyayahan tayo bilang Kanyang mga anak na isa-isang makipag-usap sa Kanya. Napakahalaga ng pagkakataong ito. Napakaganda na talagang nangyayari ito. Pinatototohanan ko na ang ating mga dalangin, na iniaalay nang may pagpapakumbaba at katapatan, ay dinirinig at sinasagot. Ito ay isang himala, ngunit totoo ito.10
Mga kapatid, alam ko na kayo ay mga taong nagdarasal. Kahanga-hanga ang bagay na iyan sa araw na ito at panahon kung kailan ang pagdarasal ay nawala na sa buhay ng napakarami. Ang manawagan sa Panginoon para humingi ng karunungan nang higit sa alam na natin, para sa lakas na gawin ang dapat nating gawin, para sa kapanatagan at kaaliwan, at para makapagpasalamat ay isang napakahalaga at kagila-gilalas na bagay.11
Nagsusumamo ako na bawat isa sa atin ay maghangad na mapalapit pa sa Panginoon at makipag-usap sa Kanya nang mas madalas at may ibayong pananampalataya.
Mga ama at ina, ipagdasal ang inyong mga anak. Manalangin na mailigtas sila sa mga kasamaan ng mundo. Manalangin na lumaki sila sa pananampalataya at kaalaman. Manalangin na maakay sila sa buhay na kapaki-pakinabang at mabuti. Mga lalaki, ipagdasal ang inyong mga kabiyak. Ipahayag sa Panginoon ang inyong pasasalamat sa kanila at magsumamo sa Kanya alang-alang sa kanila. Mga babae, ipagdasal ang inyong mga asawa. Marami sa kanila ang nahihirapan sa napakaraming problema at alalahanin. Magsumamo sa Maykapal na gabayan sila, basbasan, protektahan, bigyang-inspirasyon sa mga makatwiran nilang gawain.
Manalangin para sa kapayapaan sa daigdig, nang ang Maykapal na namamahala sa sansinukob ay iunat ang Kanyang kamay at hayaang limliman ng Kanyang Espiritu ang mga tao, nang hindi mangapoot ang mga bansa sa isa’t-isa. … Manalangin para sa karunungan at pag-unawa habang dinaranas ninyo ang hirap ng buhay.12
Ang kagila-gilalas na bagay tungkol sa panalangin ay na ito ay personal, indibiduwal, ito ay isang bagay na hindi maaaring pakialaman ng iba, pagdating sa inyong pakikipag-usap sa inyong Ama sa Langit sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. Maging madasalin. Hilingin sa Panginoon na patawarin ang inyong mga kasalanan. Hingin ang tulong ng Panginoon. Hilingin sa Panginoon na pagpalain kayo. Hilingin sa Panginoon na tulungan kayong makamit ang inyong mabubuting ambisyon. … Hilingin sa Panginoon ang lahat ng mahahalagang bagay na napakahalaga sa inyo sa inyong buhay. Handa Siyang tumulong. Huwag na huwag itong kalimutan.13
2
Ang panalangin ng pamilya ay humahantong sa mga himala para sa mga indibiduwal, pamilya, at lipunan.
Kailangang muling bigyang-diin ang katapatan, pag-uugali, at integridad sa ating panahon. Sa pagsentro nating muli ng ating buhay sa magagandang katangian na siyang diwa ng totoong sibilisasyon lamang magbabago ang huwaran ng ating panahon. Ang tanong na kinakaharap natin ay, Saan tayo magsisimula?
Nasisiyahan ako na kailangan itong magsimula sa pagkilala sa Diyos bilang ating Amang Walang Hanggan, sa ating kaugnayan sa Kanya bilang Kanyang mga anak, sa pakikipag-ugnayan sa Kanya bilang pagkilala sa Kanyang katungkulan bilang tagapamahala, at sa araw-araw na pagsamo para sa Kanyang patnubay sa tuwina sa ating buhay.
Naniniwala ako na ang pagbabalik sa dating huwaran ng panalangin, ang panalangin ng pamilya sa mga tahanan, ang isa sa pangunahing mga panggamot na makapagbibigay-lunas sa lumalalang imoralidad ng ating lipunan. Hindi natin maaaring asahan na magkaroon ng himala sa isang araw, nguni’t sa isang henerasyon ay magkakaroon tayo ng himala. …
May isang bagay sa mismong pagkakaluhod na sumasalungat sa mga pag-uugaling inilarawan ni Pablo: “mayayabang … mapagmalaki, [mapagmataas].”
May isang bagay sa mismong nakagawiang sabay-sabay na pagluhod ng ama at ina at mga anak na nag-aalis sa iba pang mga katangiang inilarawan niya: “masuwayin sa mga magulang, mga walang turing [o likas na pagkagiliw].”
May isang bagay sa pananawagan sa Maykapal na kumakalaban sa inklinasyon na maging lapastangan at maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Diyos. [Tingnan sa II Kay Timoteo 3:1–4.]
Ang inklinasyon na maging hindi banal, tulad ng inilarawan ni Pablo, na hindi mapagpasalamat, ay nabubura kapag sama-sama ang pamilya sa pagpapasalamat sa Panginoon para sa buhay at kapayapaan at sa lahat ng mayroon sila. At habang pinasasalamatan nila ang Panginoon para sa isa’t isa, nagkakaroon ang pamilya ng panibagong pagpapahalaga, ibayong paggalang, panibagong pagmamahal para sa isa’t isa. …
Sa sama-samang pag-alaala sa mga maralita, nangangailangan, at mga naaapi sa harapan ng Panginoon ay nagkakaroon, nang hindi sinasadya ngunit makatotohanan, ng higit na pag-ibig sa kapwa kaysa sa sarili, ng paggalang sa iba, ng hangaring maglingkod sa mga pangangailangan ng iba. Hindi maaaring hilingin ng isang tao sa Diyos na tulungan ang isang kapitbahay na nababagabag nang hindi nahihikayat na gumawa ng kahit ano para matulungan ang kapitbahay na iyon. Napakaraming mga himala ang mangyayari sa buhay ng mga bata sa mundo kung isasantabi nila ang kanilang kasakiman at itutuon ang kanilang sarili sa paglilingkod sa iba. Ang binhi kung saan maaaring umusbong ang punong nagbibigay-lilim at hitik ay napakainam na itanim at alagaan sa araw-araw na mga pagsamo ng pamilya sa panalangin. …
Wala akong alam na ibang paraan na makatutulong nang malaki para mabawasan ang mga tensiyon sa pamilya, na sa tahimik na paraan ay magdudulot ng paggalang sa mga magulang na humahantong sa pagsunod, na magbibigay daan sa diwa ng pagsisisi na bubura sa pagkakawatak-watak ng mga pamilya, kaysa sa sama-samang pagdarasal, sama-samang pag-amin at pagtatapat ng mga kahinaan sa harapan ng Panginoon, at paghiling na pagpalain ng Panginoon ang tahanan at ang mga nakatira doon. …
Ang pamilya ang pangunahing yunit ng lipunan. Ang pamilyang nagdarasal ang pag-asa tungo sa mas magandang lipunan. “Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y masusumpungan.” (Isa. 55:6.)14
Naantig ako … sa nakakalungkot na pahayag ng isang binatang [missionary]. Sabi niya, “Ilang buwan na ako dito. Hindi ko matutuhan ang wika. Hindi ko gusto ang mga tao. Pinanghihinaan ako ng loob sa araw at umiiyak sa gabi. Gusto ko nang mamatay. Sinulatan ko ang nanay ko at nakiusap na magdahilan siya para makauwi ako. Sumagot na siya sa akin. Sabi niya: ‘Ipinagdarasal ka namin. Hindi lumilipas ang isang araw na hindi kami sama-samang lumuluhod sa umaga bago kumain at sa gabi bago kami magpahinga at nagsusumamo sa Panginoon na pagpalain ka Niya. Idinagdag namin ang pag-aayuno sa aming mga panalangin, at kapag nagdarasal ang mga nakababata mong kapatid sinasabi nilang, “Ama sa Langit, pagpalain po Ninyo si Johnny … at tulungan Ninyo siya na matutuhan ang wika at gawin ang gawaing ipinagagawa sa kanya.”’”
At sinabi ng binatang ito habang siya ay lumuluha, “Susubukan kong muli. Idaragdag ko ang aking mga dalangin sa kanila at ang aking pag-aayuno sa kanilang pag-aayuno.”
Ngayon, makaraan ang apat na buwan, nakatanggap ako ng liham mula sa kanya at sabi niya, “May nangyaring himala. Ang wika ay dumating sa akin bilang kaloob mula sa Panginoon. Natutuhan kong mahalin ang mga tao sa magandang lupaing ito. Salamat sa Diyos sa mga panalangin ng aking pamilya.”15
Magagawa ba nating mas maganda ang ating mga tahanan? Oo, sa pamamagitan ng pagdarasal natin bilang pamilya sa Pinagmumulan ng lahat ng tunay na kagandahan. Mapapalakas ba natin ang lipunan at magagawa itong mas mainam na lugar na ating titirhan? Oo, sa pagpapalakas ng kabanalan ng ating buhay-pamilya sa sama-samang pagluhod sa panalangin at pagsamo sa Makapangyarihang Diyos sa pangalan ng kanyang Pinakamamahal na Anak.
Ang gawaing ito, ang pagbalik sa pagsamba ng pamilya, kung lalaganap sa buong lupain at sa buong mundo, ay mag-aalis sa impluwensyang nakasisira sa atin, sa loob ng isang henerasyon. Ipanunumbalik nito ang integridad, paggalang sa isa’t isa, at ang diwa ng pasasalamat sa puso ng mga tao.16
Mahirap bang umusal ng panalangin? Mahirap bang hikayatin ang mga ama at ina na lumuhod kasama ang kanilang maliliit na anak at manawagan sa trono ng Diyos upang magpasalamat sa mga pagpapala, manalangin para sa mga nababagabag gayundin para sa kanilang sarili, at pagkatapos ay hilingin ito sa pangalan ng Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig? Lubhang makapangyarihan ang panalangin. Iyan ay mapapatotohanan ko at maaari ninyong patotohanan iyan. Napakalaking kawalan sa alinmang pamilya na bigong samantalahin ang mahahalaga at simpleng gawaing ito.17
Kung mayroon sa inyo na hindi nagdaraos ng panalangin ng pamilya, simulan na ninyong gawin ito ngayon, lumuhod kayo nang sama-sama, kung maaari, tuwing umaga at tuwing gabi, at kausapin ang Panginoon at magpasalamat, hingin ang Kanyang mga pagpapala para sa mga nangangailangan sa mundo, at sabihin sa Kanya ang para sa inyong sariling kapakanan.18
Ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo na kung taos-puso kayong mananalangin bilang pamilya, hindi kayo hahayo nang walang gantimpala. Maaaring hindi kaagad makikita ang mga pagbabago. Maaaring hindi talaga mahahalata ito. Ngunit magiging totoo ang mga ito, sapagkat ang Diyos ay “tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.” (Heb. 11:6.)
Nawa’y maging tapat tayo sa pagpapakita ng halimbawa sa sanlibutan sa gawaing ito at sa paghimok sa iba na gayon din ang gawin.19
3
Kailangan tayong maging madasalin at makinig, sapagkat ang ating mga dalangin ay sasagutin.
Huwag ninyong ipalagay kailanman na magtatagumpay kayong mag-isa. Kailangan ninyo ang tulong ng Panginoon. Huwag mag-atubiling lumuhod sa tagong lugar at kausapin Siya. Kamangha-mangha at mainam ang panalangin. Isipin ninyo ito. Talagang makakausap natin ang ating Ama sa Langit. Makikinig Siya at sasagot, ngunit kailangan nating pakinggan ang sagot na yaon. Walang bagay na napakalubha at walang halaga para hindi ibahagi sa Kanya.20
Manalangin sa Panginoon na inaasahan ang mga sagot. … Ang problema sa karamihan sa ating mga panalangin ay ibinibigay natin ito na para bang dinampot lang natin ang telepono at umorder tayo ng mga groseri—pagkatapos umorder ay ibinababa na ito. Kailangan nating magmuni-muni, mag-isip-isip, isipin kung ano ang ipinagdarasal natin at para saan ang mga ito at pagkatapos ay kausapin ang Panginoon tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa iba. “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon” (Isa. 1:18).21
Walang makatutulong nang malaki kaysa pagpapaubaya ng isang bagay sa mga kamay ng Panginoon. … Hindi ako mag-aatubiling sabihin na may mga dalangin ako na nasagot. Alam ko iyan. Hindi ko maitatatwa ito. Kailangan nating manalangin na mapatnubayan sa mahirap na panahong ito. … Ang kagila-gilalas ay hindi ka kailangang maging isang henyo para manalangin. Siya ay makikinig sa tinig ng mga lubos na mapagpakumbaba. … Manawagan sa Panginoon. Ipinaabot Niya ang paanyaya, at Siya ay sasagot.22
Maniwala sa kapangyarihan at karingalan ng panalangin. Sinasagot ng Panginoon ang ating mga dalangin. Alam ko iyan. Nakita ko ito nang paulit-ulit. Sa panalangin ay nakikipagtuwang tayo sa Diyos. Binibigyan tayo nito ng pagkakataong makipag-usap sa Kanya, pasalamatan Siya sa Kanyang kagila-gilalas na mga pagpapala, at para humingi sa Kanya ng patnubay at proteksyon sa ating pagtahak sa landas ng buhay. Ang dakilang gawaing ito, na lumalaganap sa mundo, ay nag-ugat o nagmula sa panalangin ng isang batang lalaki. Nabasa niya sa Biblia ng kanilang pamilya na, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya. Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila” (Santiago 1:5–6). Iyan ang pangako. May higit na dakilang pangako pa ba saan man sa mundo kaysa sa pangakong iyan?23
Maging madasalin, aking mga kaibigan, at makinig. Maaaring wala kang maririnig na tinig. Malamang na wala. Ngunit sa paraang hindi mo maipapaliwanag, ikaw ay mahihikayat at pagpapalain. Sapagkat nangako ang Panginoon, “sasabihin ko sa iyo sa iyong … puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo. …” (D at T 8:2.)
Maging madasalin, at malalaman ninyo na nakikinig at sumasagot ang Diyos. Hindi laging ayon sa maaaring gusto nating isagot Niya, ngunit sa paglipas ng mga taon, mauunawaan natin gaya ng pagsikat ng araw na dininig Niya at sinagot ang ating panalangin.24
Manatiling mapagpakumbaba para lumuhod kayo sa panalangin, bilang pagkilala sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Hindi Niya kayo bibiguin. Diringgin Niya ang inyong mga dalangin. Sasagutin Niya ang inyong mga dalangin. Sa katahimikan ng gabi, maririnig ninyo ang mga bulong ng Kanyang Espiritu upang patnubayan kayo sa inyong mga oras ng pagdurusa at pangangailangan. Darating sa inyo ang gayong mga sandali tulad ng pagdating nito sa lahat. Patuloy na manalig sa Diyos, at hindi Niya kayo pababayaan. Hindi Niya kayo tatalikuran kailanman.25
Laging gawing kaibigan ang inyong Ama sa Langit, na maaari ninyong lapitan sa panalangin.26
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Paano kayo natulungan ng panalangin na lalong mapalapit sa Ama sa Langit? Pag-aralan muli ang payo ni Pangulong Hinckley kung ano ang isasama sa mga panalangin (tingnan sa bahagi 1). Kailan kayo natulungan ng panalangin na makatagpo ng “karunungang higit sa [inyong] nalalaman”? Kailan naghatid sa inyo ang panalangin ng “kapanatagan at kasiyahan”? Bakit ang ilang panalangin ay dapat maging “mga pagpapahayag ng pasasalamat”?
-
Isiping mabuti ang bawat isa sa mga pagpapalang sinabi ni Pangulong Hinckley na maaaring dumating sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya (tingnan sa bahagi 2). Ano ang ilang paraan na napagpala ang inyong pamilya sa sama-samang pagdarasal? Ano ang ilang balakid sa palagiang pananalangin ng pamilya? Paano magtutulungan ang pamilya para madaig ang mga balakid na ito?
-
Paano makatutulong ang pamumuhay sa mga turo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 3 para maging mas makahulugan ang ating mga panalangin? Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga paraan na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin? Bakit may kapangyarihan ang panalangin na dalhin tayo “sa pakikipagtuwang sa Diyos”?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 6:5–15; Lucas 18:9–18; 2 Nephi 32:8–9; Alma 34:17–28; 37:36–37; 3 Nephi 18:15–25; D at T 19:28
Tulong sa Pag-aaral
“Tingnan ang kabuuan, sa pamamagitan ng madaliang pagbabasa ng aklat, kabanata, o talata o pagrerebyu ng mga heading. Sikaping unawain ang kahulugan at background” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 26). Isiping basahin ang isang kabanata o talata nang mahigit sa isang beses para mas maunawaan ninyo ito. Kapag ginawa ninyo ito, maaari kayong makatuklas ng malalalim na kaalaman.