Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Umaasa Tayo kay Cristo


Kabanata 8

Umaasa Tayo kay Cristo

“Naniniwala tayo kay Cristo. Nagtuturo tayo tungkol kay Cristo. Umaasa tayo kay Cristo. Siya ang ating Manunubos, ating Panginoon, at ating Tagapagligtas.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1975, ibinahagi ni Elder Gordon B. Hinckley, na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang sumusunod na karanasan:

“Kamakailan nagdaos kami ng open house sa [Mesa] Arizona Temple. Kasunod ng kumpletong pagbabago ng gusaling iyon, halos sangkapat ng isang milyong katao ang nakakita sa magandang loob nito. Sa unang araw ng pagbubukas, ang mga pinuno ng iba pang mga relihiyon ay inanyayahan bilang mga espesyal na panauhin, at daan-daan ang nagpunta. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na magsalita sa kanila at sagutin ang kanilang mga tanong sa pagtatapos ng kanilang tour. Sinabi ko sa kanila na ikalulugod naming sagutin ang anumang tanong nila. Maraming itinanong. Kabilang sa mga ito ang isang nagmula sa ministrong Protestante.

“Sabi niya: ‘Nalibot ko na ang buong gusaling ito, ang templong ito na taglay sa harap nito ang pangalan ni Jesucristo, ngunit wala akong nakitang anumang sagisag ng krus, ang simbolo ng Kristiyanismo. Napansin ko ang mga gusali ninyo sa lahat ng dako at doon ay wala ring krus. Bakit ganito samantalang sinasabi ninyong naniniwala kayo kay Jesucristo?’

“Ang sagot ko ay: ‘Hindi ko gustong saktan ang kalooban ng sinuman sa mga kapatid kong Kristiyano na gumagamit ng krus sa taluktok ng kanilang mga katedral at sa mga altar ng kanilang mga kapilya, na nagsusuot nito sa kanilang mga kasuotan, at itinatatak ito sa kanilang mga aklat at iba pang literatura. Ngunit para sa amin, ang krus ay simbolo ng Cristo na naghihingalo, samantalang ang aming mensahe ay nagpapahayag na buhay si Cristo.’

“Pagkatapos ay itinanong niya: ‘Kung hindi kayo gumagamit ng krus, ano ang simbolo ng inyong relihiyon?’

“Sumagot ako na ang buhay ng ating mga tao ang dapat maging tanging makabuluhang pagpapamalas ng ating pananampalataya at, sa katotohanan, ito nga ang simbolo ng ating pagsamba. …

“… Walang palatandaan, walang gawa ng sining, walang representasyon ng hugis ang sasapat para ipahayag ang kaluwalhatian at ang kagandahan ng Buhay na Cristo. Sinabi niya sa atin kung ano dapat ang simbolong iyon nang sabihin niyang, ‘Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.’ (Juan 14:15.)

“Bilang kanyang mga alagad, hindi tayo maaaring maging masama o sakim o salbahe nang hindi nadudungisan ang Kanyang pangalan. Ni hindi tayo maaaring maging mabuti at mabait at bukas-palad nang hindi lalong pinagniningning ang sagisag Niya na ang pangalan ay ating taglay.

“Kaya nga dapat maging makabuluhang pagpapahayag ang ating buhay, at sagisag ng pagpapahayag ng ating patotoo tungkol sa Buhay na Cristo, ang Walang-Hanggang Anak ng Buhay na Diyos.

“Ganito ito kasimple, aking mga kapatid, at ganito kalalim at makabubuting huwag natin itong kalimutan kailanman.”1

Ang Sermon sa Bundok

“Talagang mahalaga sa ating pananampalataya ang ating patotoo kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos. … Siya ang pangulong bato sa panulok ng simbahan na nagtataglay ng Kanyang pangalan.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Si Jesucristo ang buhay na Anak ng Diyos na buhay.

Talagang mahalaga sa ating pananampalataya ang ating patotoo kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos. … Siya ang pangulong bato sa panulok ng simbahan na nagtataglay ng Kanyang pangalan.2

Naniniwala tayo kay Cristo. Nagtuturo tayo tungkol kay Cristo. Umaasa tayo kay Cristo. Siya ang ating Manunubos, ating Panginoon, at ating Tagapagligtas.3

Ministeryo sa lupa

Siya na Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak, ay nilisan ang selestiyal na luklukan ng Kanyang Ama para maging mortal. Sa Kanyang pagsilang, umawit ang mga anghel at ang mga Pantas na Lalaki ay nagbigay ng mga regalo. Lumaki Siyang tulad ng iba pang mga batang lalaki sa Nazaret ng Galilea. Doon Siya ay “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Kasama sina Maria at Jose, binisita Niya ang Jerusalem noong Siya ay 12 taong gulang. Sa kanilang paglalakbay pauwi, nahiwalay Siya sa kanila. Bumalik sila sa Jerusalem at natagpuan Siya sa templo na nakikipag-usap sa maalam na mga doktor. Nang pagsabihan Siya ni Maria sa hindi pagsama sa kanila, sumagot Siya, “Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49). Ang Kanyang mga salita ay pahiwatig ng Kanyang ministeryo sa hinaharap.

Ang ministeryong iyon ay nagsimula sa Kanyang binyag sa ilog Jordan sa mga kamay ng Kanyang pinsan na si Juan. Nang umahon Siya mula sa tubig, bumaba sa Kanya ang Espiritu Santo sa anyo ng isang kalapati, at narinig ang tinig ng Kanyang Ama, na nagsasabing, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan” (Mat. 3:17). Ang pahayag na iyan ay naging katibayan ng Kanyang kabanalan.

Siya ay nag-ayuno nang 40 araw at tinukso ng diyablo, na naghangad na ilayo Siya sa Kanyang banal na misyon. Sa paanyaya ng kaaway, sumagot Siya, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios” (Mat. 4:7), na muling nagpapahayag ng Kanyang pagiging banal na anak.

Naglakad siya sa maalikabok na mga lansangan ng Palestina. Wala Siyang matatawag na Kanyang sariling tahanan, walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo. Ang kanyang mensahe ay ang ebanghelyo ng kapayapaan. Ang Kanyang mga turo ay ukol sa kabutihang-loob at pagmamahal. “At sa magiibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal” (Mat. 5:40).

Nagturo siya gamit ang mga talinghaga. Nagsagawa Siya ng mga himala na hindi pa kailanman nagawa noon o simula noon. Pinagaling niya ang mga may matagal nang karamdaman. Binigyan Niya ng paningin ang mga bulag, ng pandinig ang mga bingi, pinalakad ang pilay. Binuhay Niyang muli ang mga patay, at sila ay nabuhay muli na nagpupuri sa Kanya. Tiyak na walang sinumang tao na nakagawa nito noon.

May ilang sumunod sa Kanya, ngunit karamihan ay napoot sa Kanya. Sinabi Niya na ang mga eskriba at Fariseo ay mga mapagkunwari, gaya ng mga puting libingan. Nagbalak sila laban sa Kanya. Itinaboy Niya ang mga mamamalit ng salapi mula sa bahay ng Panginoon. Walang dudang nakiisa sila sa mga taong nagplanong sirain Siya. Ngunit hindi ito nakahadlang sa Kanya. Siya ay “[naglibot] na gumagawa ng mabuti” (Ang Mga Gawa 10:38).

Hindi pa ba sapat ang lahat ng ito upang manatili sa alaala ang tungkol sa Kanya? Hindi ba ito sapat para ihanay ang Kanyang pangalan, at kahit ilagay sa itaas, ng mga dakilang tao na nabuhay sa mundo at ginugunita dahil sa sinabi o ginawa nila? Tiyak na maihahanay Siya sa mga dakilang propeta ng lahat ng panahon.

Ngunit ang lahat ng ito ay hindi sasapat sa Anak ng makapangyarihang Diyos. Pahiwatig lamang ito ng mga dakilang bagay na magaganap. Dumating ang mga ito sa kakaiba at kakila-kilabot na paraan.4

Pagdakip, pagpapako sa krus, at kamatayan

Siya ay ipinagkanulo, dinakip, hinatulan ng kamatayan, na mamatay sa kakila-kilabot na pagdurusa sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Ang Kanyang buhay na katawan ay ipinako sa krus na kahoy. Sa hindi maipaliwanag na paghihirap, dahan-dahan Siyang pumanaw. Habang humihinga pa Siya, nagsumamo Siya, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).

Ang lupa ay nayanig sa paglisan ng Kanyang espiritu. Ang senturion na nakakita sa lahat ng ito ay buong kataimtiman na nagsabing, “Tunay na ito ang Anak ng Dios” (Mat. 27:54).

Ibinaba ng mga taong nagmamahal sa Kanya ang Kanyang katawan mula sa krus. Dinamitan nila ito at inilagay ito sa isang bagong libingan. …

Malamang na tumangis ang Kanyang mga kaibigan. Ang mga Apostol na minahal Niya at tinawag Niya bilang mga saksi sa Kanyang kabanalan ay nagsitangis. Ang mga babae na nagmamahal sa Kanya ay nagsitangis. Walang nakaunawa sa sinabi Niya tungkol sa pagbangon sa ikatlong araw. Paano nila mauunawaan? Hinding-hindi pa ito nangyari noon. Wala pang nangyaring katulad nito. Ito ay hindi kapani-paniwala, maging para sa kanila.

Maaaring nagkaroon ng napakatinding kalungkutan at kawalan ng pag-asa habang iniisip nila ang kanilang Panginoon na inagaw sa kanila ng kamatayan.5

Pagkabuhay na Mag-uli

Ngunit hindi doon nagwakas ang lahat. Sa umaga ng ikatlong araw, bumalik si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan. Sa kanilang lubusang panggigilalas, ang bato ay iginulong palayo at nakabukas ang libingan. Sinilip nila ang loob nito. Dalawang nilalang na nakaputi ang nakaupo sa magkabilang dulo ng pinaglibingan. Nagpakita sa kanila ang isang anghel at nagsabing, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?

“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya’y nasa Galilea pa,

“Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng Tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw” (Lucas 24:5–7).

Ang mga simpleng salitang ito—“Wala Siya rito, datapuwa’t nagbangon”—ay naging pinakamakabuluhan sa lahat ng literatura. Ito ang pahayag ng libingang walang laman. Ito ang katuparan ng lahat ng sinabi Niya hinggil sa pagbabangong muli. Ito ang matagumpay na sagot sa mga tanong na kinakaharap ng bawat lalaki, babae, at batang isinilang sa mundo.

Nagtuturo si Cristo

“Ang kanyang mensahe ay ang ebanghelyo ng kapayapaan. Ang Kanyang mga turo ay ukol sa kabaitan at pagmamahal.”

Ang nagbangong Panginoon ay nagsalita kay Maria, at sumagot si Maria. Hindi Siya isang multo. Hindi ito imahinasyon. Siya ay tunay, tunay na katulad noong Siya ay nabubuhay. Hindi Niya pinayagan si Maria na hawakan Siya. Hindi pa Siya nakaaakyat sa Kanyang Ama sa Langit. Di magtatagal ay mangyayari iyan. Napakasaya siguro ng pagkikitang muling ito, ang mayakap ng Ama, na nagmamahal sa Kanya at malamang na tumangis din para sa Kanya sa oras ng Kanyang matinding pagdurusa.

Magpapakita siya sa dalawang lalaki sa daan patungong Emaus. Makikipag-usap Siya sa kanila at kakain na kasama nila. Makikipagkita Siya sa Kanyang mga Apostol nang pribado at tuturuan sila. Wala si Tomas sa pagkakataong ito. Sa ikalawang pagkakataon, inanyayahan siya ng Panginoon na hipuin ang Kanyang mga kamay at Kanyang tagiliran. Nang may buong pagtataka siya ay napabulalas, “Panginoon ko at Dios ko” (Juan 20:28). Nagsalita siya sa 500 tao sa [isa pang] pagkakataon. …

At may isa pang saksi. Ang kasamang ito ng Biblia, ang Aklat ni Mormon, ay nagpapatotoo na nagpakita Siya hindi lamang sa mga nasa Lumang Daigdig kundi maging sa mga tao na nasa Bagong Daigdig. Sapagka’t hindi ba minsan Niyang sinabi, “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor”? (Juan 10:16).

Sa mga tao noon na nasa hemisphere na ito ay nagpakita Siya pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. At sa Kanyang pagbaba sa mga ulap ng langit, ang tinig ng Diyos Amang Walang Hanggan ay narinig muli sa taimtim na pahayag: “Masdan ang minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya” (3 Ne. 11:7). …

At kung ang lahat ng ito ay hindi pa sapat, nariyan ang patotoo, na sigurado at tiyak at malinaw, ng dakilang propeta ng dispensasyong ito, si Joseph Smith. Noong bata pa siya ay nagpunta siya sa kakahuyan upang manalangin na naghahanap ng liwanag at pang-unawa. At nagpakita sa kanya ang dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa kanyang ulunan. Nagsalita sa kanya ang isa sa kanila, tinawag ang kanyang “pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Ang Joseph ding ito ay nagsabi sa sumunod na okasyon: “Aming namasdan ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama, at natanggap ang kanyang kaganapan; …

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!” (D at T 76:20, 22.)6

Sa lahat ng may pag-aalinlangan, inuulit ko ang mga salitang ibinigay ni Tomas nang madama niya ang sugatang mga kamay ng Panginoon: “Huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin” [Juan 20:27]. Maniwala kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang pinakadakilang nilalang sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Maniwalang ang kanyang di mapapantayang buhay ay nagsimula bago pa man likhain ang daigdig. Maniwalang siya ang Tagapaglikha ng mundo na ating tinitirhan. Maniwalang siya ang Jehova ng Lumang Tipan, na siya ang Mesiyas ng Bagong Tipan, na siya ay namatay at nabuhay na mag-uli, na bumisita siya sa mga kanlurang kontinente at nagturo sa mga tao dito, na pinasimulan niya ang huling dispensasyong ito ng ebanghelyo, at na siya ay buhay, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos, ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos.7

2

Maaaring malaman ng bawat isa sa atin na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Manunubos ng daigdig, na nabuhay na mag-uli mula sa libingan.

May isang … digmaan na pinaglalabanan para sa pananampalataya ng tao, ngunit ang mga linya ay hindi palaging … malinaw, sapagkat maging sa mga puwersa ng Kristiyanismo ay may mga taong sisira sa kabanalan ni Cristo na kung kaninong pangalan sila ay nangungusap. Sila ay maaaring mabalewala kung ang kanilang tinig ay hindi nakakaakit, kung ang kanilang impluwensya ay hindi gayon kalawak, kung ang kanilang katwiran ay hindi gayon kalakas manlinlang.

… Maraming tao ang magtitipon sa libu-libong burol upang salubungin ang bukang-liwayway ng Pasko ng Pagkabuhay at alalahanin ang kuwento tungkol kay Cristo, na ang pagkabuhay na mag-uli ay kanilang gugunitain. Sa wikang napakaganda at puno ng pag-asa, ipapangaral ng iba’t ibang relihiyon ang kuwento ng libingang walang-laman. Sa kanila—at sa inyo—ito ang tanong ko: “Naniniwala ba talaga kayo dito?”

Naniniwala ba talaga kayo na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang literal na anak ng Ama?

Naniniwala ba kayo na ang tinig ng Diyos, na Amang Walang Hanggan, ay narinig sa mga tubig ng Jordan na nagsasabing, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan”? (Mat. 3:17.)

Naniniwala ba kayo na ang Jesus ding ito ang gumagawa ng mga himala, ang manggagamot ng maysakit, ang tagapagpanumbalik ng may kapansanan, ang tagapagbigay ng buhay sa mga patay?

Naniniwala ba kayo na kasunod ng kanyang pagkamatay sa burol ng Calvario at ng kanyang libing sa libingan ni Jose, bumangon Siya at nabuhay sa ikatlong araw?

Naniniwala ba talaga kayo na buhay siya—tunay, mahalaga, at personal—at na siya ay muling paparito gaya ng ipinangako ng mga anghel sa kanyang pag-akyat sa langit?

Naniniwala ba talaga kayo sa mga bagay na ito? Kung naniniwala kayo, ibig sabihin bahagi kayo ng nangangaunting grupo ng mga tao na naniniwala na totoo nga ang sinabi ng Biblia, na lalo pang pinagtatawanan ng mga pilosopo, na lalo pang nilalait ng ilang tagapagturo, at na lalong itinuturing na “makaluma” ng dumaraming bilang ng mga ministro ng relihiyon at maimpluwensyang mga teologo.

… Sa mata ng matatalinong ito, ito ay mga maling paniniwala—ang pagsilang ni Jesus bilang Anak ng Diyos na inawitan ng mga anghel sa kapatagan ng Judea, ang gumagawa ng mga himala na nagpagaling ng maysakit at nagpabangon sa patay, ang Cristo na nabuhay na mag-uli mula sa libingan, ang pag-akyat sa langit at ang ipinangakong pagbabalik.

Tinatanggal ng mga makabagong teologong ito ang kanyang kabanalan at pagkatapos ay nagtataka kung bakit hindi siya sinasamba ng mga tao.

Daan Patungong Emaus

Ang Tagapagligtas ay lumakad na kasama ng dalawang lalaki sa daan papuntang Emaus.

Tinanggal ng mga tusong iskolar na ito kay Jesus ang balabal ng pagkadiyos at ang pagiging tao na lang ang iniwan. Sinikap nilang bigyan siya ng puwang sa kanilang makitid na pag-iisip. Ninakaw nila sa kanya ang kanyang kabanalan bilang anak at inalis sa sanlibutan ang marapat na Hari nito. …

… Ibinibigay ko ang aming taimtim na patotoo na ang Diyos ay hindi patay, maliban kung titingnan siya sa walang buhay na interpretasyon. …

… Kailangan ang higit pa sa isang makatwirang paniniwala. Kailangang maunawaan ang kanyang kakaiba at walang kapantay na tungkulin bilang banal na Manunubos at kailangan ng kasigasigan para sa kanya at sa kanyang mensahe bilang Anak ng Diyos.

Ang pang-unawa at kasiglahang iyan ay para sa lahat ng handang paghirapan ito. Hindi ito salungat sa mas mataas na edukasyon, ngunit hindi ito makakamit lamang sa pagbabasa ng pilosopiya. Hindi, nakakamit ito sa mas simpleng proseso. Ang mga bagay ng Diyos ay malalaman lamang sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. (I Cor. 2:11.) Ganito ang nakasaad sa mga salita ng paghahayag.

Ang pagkakaroon ng pang-unawa at sigla para sa Panginoon ay nagmumula sa pagsunod sa mga simpleng patakaran. … May tatlo akong imumungkahi, napakasimple sa konsepto, halos gasgas na dahil sa pag-uulit dito, pero mahalagang isabuhay ito at kapaki-pakinabang ang mga bunga nito. …

Ang una ay magbasa—basahin ang salita ng Panginoon. … Basahin, halimbawa, ang Ebanghelyo ni Juan mula simula hanggang sa wakas nito. Hayaang ang Panginoon mismo ang magsalita sa inyo, at ang kanyang mga salita ay darating sa tahimik na pananalig kaya’t ang mga salita ng mga bumabatikos sa kanya ay mawawalan ng saysay. Basahin din ang tipan ng Bagong Daigdig, ang Aklat ni Mormon, na lumitaw bilang saksi “na si Jesus ay ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.” (pahinang pamagat ng Aklat ni Mormon.)

Ang kasunod ay maglingkod—maglingkod sa gawain ng Panginoon. … Hindi kailangan sa layunin ni Cristo ang pagdududa; kailangan nito ang inyong lakas at panahon at mga talento; at kapag ginamit ninyo ito sa paglilingkod, lalago ang inyong pananampalataya at mapapawi ang inyong mga pagdududa. …

Ang ikatlo ay manalangin. Makipag-usap sa inyong Amang Walang Hanggan sa pangalan ng kanyang Pinakamamahal na Anak. “Narito,” sabi niya, “Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko.” (Apoc. 3:20.)

Ito ang kanyang paanyaya, at ang pangako ay tiyak. Malamang na hindi ka makakarinig ng mga tinig mula sa langit, ngunit darating ang kasiguraduhang hatid ng langit, payapa at tiyak. …

… Sa kabila ng lahat ng kaguluhan ng pilosopiya, na tinatawag na mataas na antas ng kritisismo, at negatibong teolohiya ay darating ang patotoo ng Banal na Espiritu na si Jesus talaga ang Anak ng Diyos, na ipinanganak sa laman, ang Manunubos ng daigdig na nabuhay na mag-uli mula sa libingan, ang Panginoon na paparito upang mamuno bilang Hari ng mga hari. Pagkakataon mong malaman ito. Obligasyon mong alamin ito.8

3

Kailangan nating patuloy na itanong sa ating sarili, “Ano ang gagawin natin kay Jesus na tinatawag na Cristo?”

Muli kong itatanong ang itinanong ni Pilato dalawang libong taon na ang nakalipas, “Ang ang gagawin kay Jesus na tinatawag na Cristo?” (Mat. 27:22.) Sa katunayan, kailangang patuloy nating itanong sa ating sarili, Ano ang gagawin natin kay Jesus na tinatawag na Cristo? Ano ang gagawin natin sa kanyang mga turo, at paano ito hindi na mahihiwalay sa ating buhay? …

… “Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!” (Juan 1:29.) Tunay na maghihirap tayo sa buhay kung wala ang impluwensya ng kanyang mga turo at ng kanyang walang kapantay na halimbawa. Ang mga aral tungkol sa pagbaling ng kabilang pisngi, dagdag na pagsisikap, ang pagbabalik ng alibughang anak, at marami pang walang kapantay na mga turo ay sinala ng panahon upang siyang pagmulan ng kabaitan at awa sa napakaraming kalupitan ng tao sa kanyang kapwa.

Kalupitan ang naghahari kapag wala si Cristo. Kabaitan at pagpaparaya ang namamayani kapag kinikilala si Cristo at sinusunod ang kanyang mga turo.

Ano ang ating gagawin kay Jesus na tinawag na Cristo? “Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios?” (Mikas 6:8.)

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.” (D at T 64:9.) …

Ano ang gagawin natin kay Jesus na tinatawag na Cristo? “Sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain: Ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom: Ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy; Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw: Ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.” (Mat. 25:35–36.) …

Ano ang gagawin natin kay Jesus na tinatawag na Cristo?

Matuto sa kanya. Saliksikin ang mga banal na kasulatan dahil ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa kanya. Pag-isipan ang himala ng kanyang buhay at misyon. Mas maging masigasig pa na sundin ang kanyang halimbawa at sundin ang kanyang mga turo.9

4

Umaasa tayo kay Jesucristo bilang bato ng ating kaligtasan, ating lakas, ating kapanatagan, at ang tuon ng ating pananampalataya.

Hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa atin. Hindin natin alam kung ano ang mangyayari sa susunod na mga araw. Nabubuhay tayo sa mundong walang katiyakan. Para sa ilan, magkakaroon ng malaking katuparan. Para sa iba, kabiguan. Para sa ilan, kagalakan at kasiyahan, mabuting kalusugan, at saganang pamumuhay. Para sa iba, marahil ay pagkakasakit at kalungkutan. Hindi natin alam. Ngunit isang bagay ang alam natin. Tulad ng polar star sa kalangitan, anuman ang mangyari sa hinaharap, naroo’t nakatayo ang Manunubos ng daigdig, ang Anak ng Diyos, tiyak na tiyak bilang angkla ng ating imortal na buhay. Siya ang bato ng ating kaligtasan, ating lakas, ating kapanatagan, ang pinakasentro ng ating pananampalataya.

Sa liwanag at sa dilim umasa tayo sa Kanya, at nariyan Siya para magbigay ng katiyakan at ngiti sa atin.10

Ang Manunubos ko’y buhay,

Anak ng Diyos, matagumpay,

Sa kamataya’y nagwagi,

Panginoon ko at Hari.

Buhay ang tangi kong lakas,

Maaasahan S’yang wagas.

Sa tamang landas S’ya’y gabay,

Ilaw sa kabilang-buhay.

Igawad ang Espiritu,

Kapayapaang handog N’yo,

At ang tiwalang masundan,

Landas sa kawalang-hanggan.11

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Muling basahin ang mga salita ng patotoo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 1, at pagnilayan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo. Bakit ninyo ipinagpapasalamat ang ministeryo at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Anong mga kuwento at mga turo mula sa buhay ng Tagapagligtas ang may espesyal na kahulugan sa inyo?

  • Itanong sa inyong sarili ang bawat isa sa mga tanong sa bahagi 2. Paano naiimpluwensyahan ng inyong mga sagot ang inyong buhay araw-araw? Sa bahagi ding iyon, basahin muli ang tatlong “simpleng patakaran” ni Pangulong Hinckley sa pagkaunawa sa “mga bagay ng Diyos.” Paano nakatulong sa inyo ang mga alituntuning ito para mapalalim ang inyong espirituwal na pag-unawa?

  • Paulit-ulit na itinanong ni Pangulong Hinckley, “Ano ang gagawin natin kay Jesus na tinatawag na Cristo?” (bahagi 3). Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang mga sagot? Isipin kung paano ninyo sasagutin ang tanong na ito. Paano magiging iba ang buhay ninyo kung hindi ninyo nalaman ang mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas?

  • Binigyang-diin ni Pangulong Hinckley na si Jesucristo ang ating angkla sa mundong walang-katiyakan (tingnan sa bahagi 4). Kailan ninyo nadama ang lakas at kapanatagan ng Tagapagligtas sa oras ng pangangailangan? Isiping mabuti ang bawat linya ng himno ni Pangulong Hinckley sa bahagi 4. Sa anong paraan si Cristo ang ating “maaasahang wagas”? Paanong “sa tamang landas S’ya’y gabay”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Lucas 24:36–39; Juan 1:1–14; Ang Mga Gawa 4:10–12; 2 Nephi 2:8; 25:26; Alma 5:48; D at T 110:3–4

Tulong sa Pag-aaral

“Magplano ng mga aktibi[dad] sa pag-aaral na magpapatatag ng iyong pananampalataya sa Tagapagligtas” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 24). Halimbawa, habang nag-aaral ka maaari mong itanong sa iyong sarili ang sumusunod: Paano ako matutulungan ng mga turong ito na madagdagan ang pang-unawa ko tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Paano ako matutulungan ng mga turong ito na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Mga Tala

  1. “The Symbol of Christ,” Ensign, Mayo 1975, 92, 94.

  2. “Four Cornerstones of Faith,” Ensign, Peb. 2004, 4.

  3. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 280.

  4. “He Is Not Here, but Is Risen,” Ensign, Mayo 1999, 71.

  5. “He Is Not Here, but Is Risen,” 71.

  6. “He Is Not Here, but Is Risen,” 71–72.

  7. “Be Not Faithless,” Ensign, Abr. 1989, 2.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1966, 85–87.

  9. “What Shall I Do Then with Jesus Which Is Called Christ?” Ensign, Dis. 1983, 3–5.

  10. “We Look to Christ,” Ensign, Mayo 2002, 90.

  11. “Ang Manunubos Ko’y Buhay,” Himno, blg. 77; teksto ni Gordon B. Hinckley.