Mga Banal na Kasulatan
Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon


Ang
Aklat ni Mormon

Ulat na Isinulat ng
Kamay ni Mormon
sa mga Laminang
Hinango mula sa mga Lamina ni Nephi

Samakatwid, ito ay isang pinaikling tala ng mga tao ni Nephi, at gayundin ng mga Lamanita—Isinulat para sa mga Lamanita, na mga labi ng sambahayan ni Israel; at gayundin sa mga Judio at Gentil—Isinulat sa pamamagitan ng kautusan, at sa pamamagitan din ng diwa ng propesiya at ng paghahayag—Isinulat at tinatakan, at ikinubli para sa Panginoon, upang ang mga yaon ay hindi masira—Upang lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos para sa pagbibigay-kahulugan nito—Tinatakan ng kamay ni Moroni, at ikinubli para sa Panginoon, upang lumabas sa takdang panahon sa pamamagitan ng mga Gentil—Ang pagbibigay-kahulugan nito sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos.

Isang pinaikling ulat din mula sa Aklat ni Eter, na isang tala ng mga tao ni Jared, na ikinalat noong panahong nilito ng Panginoon ang wika ng mga tao, noong sila ay nagtatayo ng isang tore upang makaabot sa langit—Upang ipakita sa mga labi ng sambahayan ni Israel kung anong mga dakilang bagay ang ginawa ng Panginoon para sa kanilang mga ama; at nang kanilang malaman ang mga tipan ng Panginoon, na sila ay hindi itinatakwil nang habang panahon—At gayundin sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, ipinakikilala ang kanyang sarili sa lahat ng bansa—At ngayon, kung may mga pagkakamali, ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; kaya nga, huwag ninyong pintasan ang mga bagay ng Diyos, nang kayo ay matagpuang walang bahid-dungis sa hukumang luklukan ni Cristo.

Ang orihinal na pagsasalin sa Ingles mula sa mga lamina
ay ginawa ni Joseph Smith, Jun.