Mga Banal na Kasulatan
Patotoo ng Propetang si Joseph Smith


Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith

Ang sariling mga salita ng Propetang si Joseph Smith tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon ay:

“Noong gabi ng … ikadalawampu’t isa ng Setyembre [1823] … iniukol ko ang aking sarili sa panalangin at pagsusumamo sa Pinakamakapangyarihang Diyos. …

“Habang ako ay nasa gayong gawa ng pagtawag sa Diyos, natuklasan kong may liwanag na lumilitaw sa aking silid, na patuloy na nag-ibayo hanggang sa ang silid ay magliwanag nang higit pa kaysa sa katanghaliang tapat, nang biglang lumitaw sa tabi ng aking higaan ang isang katauhan, nakatayo sa hangin, dahil hindi sumasayad sa sahig ang kanyang mga paa.

“Nakasuot siya ng isang maluwag na báta na katangi-tangi ang kaputian. Iyon ay kaputiang higit sa anumang bagay sa lupa na nakita ko na; anupa’t hindi ako naniniwala na mayroon pang bagay sa lupa na maaaring lumitaw na higit pa sa kaputian at ningning niyon. Nakalantad ang kanyang mga kamay, at gayundin ang kanyang mga braso, mataas nang kaunti mula sa galanggalangan; sa gayundin nakalantad ang kanyang mga paa, maging ang kanyang mga binti, mataas nang kaunti mula sa bukung-bukong. Ang kanyang ulo at leeg ay nakalantad din. At napagwari kong wala siyang ibang kasuotan maliban sa báta, sapagkat ito ay bukas, kaya’t nakikita ko ang kanyang dibdib.

“Hindi lamang napakaputi ng kanyang báta, kundi ang kanyang buong katauhan ay may kaluwalhatiang hindi mailarawan, at tunay na tila kidlat ang kanyang mukha. Ang silid ay lubhang maliwanag, subalit hindi kasingningning ng nakapaligid sa kanyang katauhan. Nang una ko siyang tingnan, natakot ako; subalit ang takot ay kaagad ding nawala sa akin.

“Tinawag niya ako sa aking pangalan, at sinabi sa akin na isa siyang sugo na nagmula sa harapan ng Diyos na pinapunta sa akin; na Moroni ang kanyang pangalan; na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin; at na makikilala ang aking pangalan sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika, o magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao.

“Sinabi niya na may isang aklat na nakalagak, na nakasulat sa mga laminang ginto, na nagbibigay-ulat tungkol sa mga dating naninirahan sa lupalop na ito, at kung saan sila nagmula. At kanya ring sinabi na ang kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo ay napapaloob dito, tulad ng ibinigay na ng Tagapagligtas sa mga sinaunang tao;

“Gayundin, may dalawang bato sa mga balantok na pilak—at ang mga batong ito, na nakakabit sa isang baluti sa dibdib, ang siyang bumubuo sa tinatawag na Urim at Tummim—na nakalagak kasama ng mga lamina; at ang pagmamay-ari at paggamit ng mga batong ito ang siyang nagtatangi sa mga ‘tagakita’ noong sinauna o nakaraang panahon; at na inihanda ng Diyos ang mga yaon sa layuning maisalin ang aklat. …

“Muli, sinabi niya sa akin, na kapag natamo ko na ang mga yaong lamina na kanyang binanggit—sapagkat ang panahon ng pagkuha sa mga ito ay hindi pa sumasapit—hindi nararapat na ipakita ko ang mga yaon sa sinumang tao; maging ang baluti sa dibdib na kasama ng Urim at Tummim; doon lamang sa kanila na ipag-uutos sa akin na pagpapakitaan ko ng mga yaon; at kung gagawin ko iyon, ako ay wawasakin. Habang nakikipag-usap siya sa akin tungkol sa mga lamina, lumantad ang pangitain sa aking isipan at nakita ko ang pook na kinalalagakan ng mga lamina, at iyon ay napakalinaw at namumukod-tangi kaya’t natukoy kong muli ang pook nang dalawin ko ito.

“Pagkatapos ng pag-uusap na ito, nakita ko na kaagad na nagsimulang matipon ang liwanag sa paligid ng taong nakipag-usap sa akin, at ito ay nagpatuloy hanggang sa muling magdilim ang silid, maliban sa paligid niya; nang bigla kong nakita na waring isang lagusan ang nabuksan paakyat sa langit, at pumaitaas siya hanggang sa tuluyang maglaho, at ang silid ay naiwang kagaya noong hindi pa lumilitaw ang liwanag na mula sa langit.

“Humiga ako na nagnilay-nilay tungkol sa natatanging tagpo, at lubhang namamangha sa mga sinabi sa akin nitong hindi pangkaraniwang sugo; nang sa gitna ng aking pagbubulay-bulay, bigla kong natuklasan na nagsisimula na namang lumiwanag ang aking silid, at sa isang iglap, sa wari ko, ang yaon ding sugo mula sa langit ay nasa tabi na naman ng aking higaan.

“Nagsimula siya, at isinalaysay niyang muli ang yaon ding mga bagay na ginawa na niya noong una niyang pagdalaw, na walang anumang pagkakaiba; nang magawa niya iyon, ipinaalam niya sa akin ang dakilang paghuhukom na sasapit sa sanlibutan, na may matitinding kapanglawan sa pamamagitan ng taggutom, espada, at salot; at ang mga kalunus-lunos na paghuhukom na ito ay sasapit sa sanlibutan sa salinlahing ito. Nang maisalaysay ang mga bagay na ito, muli siyang pumaitaas kagaya ng ginawa niya noong una.

“Sa sandaling ito, napakalalim ng pagtiim na idinulot nito sa aking isipan, kung kaya’t ang antok ay lumisan sa aking mga mata, at nahiga ako na tuluyang nagupo ng pagkamangha sa aking mga nakita at narinig. Subalit ganoon na lamang ang aking pagkabigla nang muli kong makita ang sugo ring yaon sa tabi ng aking higaan, at marinig na muli niyang inuusal at sinasabi sa akin ang mga binanggit niya noong una; at nagdagdag ng babala sa akin, at sinabi sa akin na susubukin akong tuksuhin ni Satanas (sa kadahilanang ang mag-anak ng aking ama ay maralita), na kunin ang mga lamina upang magpayaman. Ipinagbawal niya iyon sa akin, sinasabi na wala akong dapat na ibang layunin sa pagkuha ng mga lamina maliban sa pagluwalhati sa Diyos, at hindi ako dapat maudyukan ng anupamang layunin maliban sa pagtatayo ng kanyang kaharian; kung hindi ay hindi ko makukuha ang mga yaon.

“Matapos ang pangatlong pagdalaw na ito, muli siyang pumaitaas sa langit tulad ng dati, at ako ay naiwan na namang nagninilay sa mga kakaibang pangyayaring kararanas ko lamang; nang halos pagkatapos na pagkatapos pumaitaas sa ikatlong ulit ang sugo mula sa langit, tumilaok ang tandang, at napag-alaman kong mag-uumaga na, kung kaya’t ang aming pag-uusap ay maaaring tumagal nang buong magdamag.

“Hindi naglaon ay bumangon ako sa aking higaan, at, tulad ng dati, nagtungo sa mga gawaing kinakailangan sa araw na iyon; subalit, sa pagtatangka kong gumawa tulad noong mga ibang pagkakataon, napansin kong naubos ang aking lakas kaya ako ay lubusang nawalan ng kakayahan. Napuna ng aking ama, na noon ay gumagawang kasama ko, na may bumabagabag sa akin, at pinagsabihan ako na umuwi na. Humayo ako nang may layuning umuwi ng bahay; subalit, sa aking pagtatangkang tumawid ng bakod palabas sa bukid na kinaroroonan namin, tuluyang nawala ang aking lakas, at ako ay bumagsak sa lupa na lubos na nanghihina, at ilang sandaling nawalan ng kamalayan sa anumang bagay.

“Ang unang bagay na naalala ko ay ang isang tinig na nangungusap sa akin, na tinatawag ako sa aking pangalan. Tumingala ako, at nakita ko ang sugo ring yaon, na nakatayo sa aking ulunan, at napalilibutan ng liwanag tulad noong una. Pagkatapos, muli niyang isinalaysay sa akin ang lahat ng isinalaysay na niya sa akin noong nakaraang gabi, at inutusan ako na magtungo sa aking ama at sabihin sa kanya ang tungkol sa pangitain at sa mga kautusang natanggap ko.

“Sumunod ako; nagbalik ako sa aking ama sa bukid, at inilahad ko sa kanya ang buong pangyayari. Tumugon siya sa akin na yaon ay sa Diyos, at sinabihan ako na humayo at sundin ang iniuutos ng sugo. Nilisan ko ang bukid, at nagtungo ako sa pook na sinabi sa akin ng sugo na pinaglalagakan ng mga lamina; at dahil sa pamumukod-tangi ng pangitain ko tungkol sa bagay na ito, natukoy ko kaagad ang pook pagdating ko roon.

“Malapit sa nayon ng Manchester, Ontario county, New York, may isang burol na may kalakihan, at pinakamataas sa buong kapaligiran. Sa dakong kanluran ng burol na ito, hindi kalayuan sa tuktok, sa ilalim ng isang batong may kalakihan, nakalatag ang mga laminang nakalagak sa isang kahong bato. Ang batong ito ay makapal at pabilog sa may bandang gitnang itaas, at papanipis tungo sa mga gilid, kung kaya’t ang gitnang bahagi nito ay nakikita sa ibabaw ng lupa, subalit natatabunan ng lupa ang gilid sa palibot.

“Nang maalis ko ang lupa, nakakuha ako ng isang panikwas na aking isinuksok sa ilalim ng gilid ng bato, at sa kaunting pagsisikap ay naiangat ito. Tiningnan ko ang loob, at nakita ko na naroroon nga ang mga lamina, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib, tulad ng sinabi ng sugo. Ang kahon na kinalalagyan ng mga iyon ay niyari sa pamamagitan ng pagdirikit-dikit ng mga bato gamit ang isang uri ng semento. Sa ilalim ng kahon ay may nakalagay na dalawang bato na pahalang sa kahon, at sa mga batong ito nakapatong ang mga lamina at ang iba pang mga bagay na kasama nito.

“Tinangka kong ilabas ang mga yaon, ngunit pinagbawalan ako ng sugo, at muling sinabihan na ang panahon ng paglalabas sa mga ito ay hindi pa sumasapit, at hindi pa sasapit, hanggang sa makalipas ang apat na taon magmula sa panahong yaon; subalit sinabi niya sa akin na kinakailangang pumunta ako sa pook na yaon sa ganap na isang taon mula sa panahong iyon, at doon ay makikipagtagpo siya sa akin, at kinakailangan akong magpatuloy na gawin ang gayon hanggang sa sumapit ang panahon na maaari nang kunin ang mga lamina.

“Samakatwid, katulad ng ipinag-utos sa akin, pumaparoon ako tuwing katapusan ng bawat taon, at bawat pagkakataon ay natatagpuan ko roon ang sugo ring iyon, at tumanggap ako ng tagubilin at kaalaman tuwing mag-uusap kami, hinggil sa kung ano ang gagawin ng Panginoon, at kung paano at sa anong paraan pangangasiwaan ang kanyang kaharian sa mga huling araw. …

“Sa paglipas ng panahon, sumapit ang oras para makuha ang mga lamina, ang Urim at Tummim, at ang baluti sa dibdib. Noong ikadalawampu’t dalawa ng Setyembre, isanlibo walong daan at dalawampu’t pito, matapos akong magtungo tulad ng nakaugalian sa katapusan ng isa pang taon sa pook na kinalalagakan ng mga yaon, ibinigay sa akin ang mga iyon ng nasabi ring sugo mula sa langit, at nagtagubilin nang ganito: Na ako ang may pananagutan sa mga yaon; na kung mawawala ang mga ito dahil sa kawalang-ingat, o dahil sa aking kapabayaan, ako ay iwawaksi; subalit kung aking gagawin ang lahat ng pagsisikap upang maingatan ang mga ito, hanggang kunin niya, ang sugo, ang mga ito, ito ay pangangalagaan.

“Agad kong napag-alaman ang dahilan kung bakit tumanggap ako ng gayong kahigpit na mga tagubilin na ingatang ligtas ang mga yaon, at kung bakit sinabi ng sugo na kapag natupad ko ang mga nararapat na iniatang sa aking mga kamay, kukunin niya ang mga yaon. Sapagkat hindi pa gaanong nagtatagal na nabunyag na nasa akin ang mga yaon, na lubhang nakapapagod na pamimilit ang ginamit upang maagaw sa akin ang mga yaon. Lahat ng pakana na magagawa ay ginamit sa gayong layunin. Ang pag-uusig ay higit na naging mapait at matindi kaysa noong una, at laging nakahanda ang mga tao upang makuha sa akin kung maaari ang mga yaon. Subalit sa karunungan ng Diyos, ang mga yaon ay nanatiling ligtas sa aking mga kamay, hanggang sa matapos ko ang mga kinakailangan na iniatang sa mga kamay ko. Alinsunod sa napagkasunduan, nang hingin ng sugo ang mga iyon ay ibinigay ko ang mga ito sa kanya; at nasa kanyang pag-iingat ang mga yaon magpahanggang sa araw na ito, na ikalawang araw ng Mayo, isanlibo walong daan at tatlumpu’t walo.”

Para sa mas buong ulat, tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan sa Mahalagang Perlas.

Ang sinaunang tala na kinuha mula sa lupa bilang tinig ng mga taong nagsasalita mula sa alabok, at isinalin sa makabagong wika sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, tulad ng pinagtibay sa pamamagitan ng Banal na patotoo, ay unang nalathala sa daigdig sa wikang Ingles noong taong 1830 bilang The Book of Mormon.