Ang Buhay at Ministeryo ni Gordon B. Hinckley
Noong Pebrero 16, 1998, mga 6,700 Banal sa mga Huling araw ang nagtipon sa Independence Square sa Accra, Ghana. Naroon sila upang salubungin ang kanilang propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley.1 Tumayo siya sa kanilang harapan, na may ngiti sa kanyang mukha, at ipinahayag ang pinakahihintay na balita na isang templo ang itatayo sa kanilang bayan. Ikinuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na matapos itong ibalita ni Pangulong Hinckley, ang mga tao ay “nagsitayo at nagpalakpakan, napaluha at nagsayawan, naghawak-kamay, at naghiyawan.”2 Ilang taon kalaunan, matapos maitayo at mailaan ang templo, ginunita ng isang babaeng naroon noong araw na iyon ang nadamang kagalakan at ipinahayag kung paano siya napagpala ng templo:
“Malinaw pa rin sa aking isipan ang pagbisita ni Propetang Gordon B. Hinckley sa Ghana at ang pagbabalita niya na magtatayo ng templo sa aming Inang-bayan. Ang katuwaan sa mukha ng lahat, ang kaligayahan, ang mga hiyaw ng kagalakan ay malinaw pang lahat sa aking isipan. …
“Ngayon, dahil may templo na sa aming bayan, nakasal at nabuklod ako sa aking asawa para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ang pagpapalang makasama ang aking pamilya hanggang sa kabilang-buhay ay nagbibigay sa akin ng malaking pag-asa habang sinisikap kong gawin ang lahat para makasama ang aking pamilya magpakailanman.”3
Sa iba’t ibang panig ng mundo, tinulungan ni Pangulong Hinckley ang mga tao na madama ang “malaking pag-asa” na ito sa pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng ipinamalas ng pangyayari sa Ghana, madalas niyang paglingkuran ang napakaraming tao nang sabay-sabay. Tinulungan din niyang isa-isa ang mga tao. Inilarawan ni Elder Adney Y. Komatsu ng Pitumpu ang kanyang damdamin bilang mission president nang bisitahin ni Pangulong Hinckley ang kanyang mission:
“Ni minsan ay hindi niya ako pinintasan sa tatlong taon kong paglilingkod, sa kabila ng lahat ng kahinaan ko. … At nakahikayat iyan sa akin na patuloy na gumawa. … Tuwing bababa siya ng eroplano kinakamayan niya ako na para bang masigasig siyang nagbobomba ng tubig sa poso. ‘Pangulong Komatsu, kumusta ka na? … Napakahusay ng ginagawa mo.’ Hinikayat niya ako sa gayong paraan … at nang umalis siya pakiramdam ko ay dapat akong magbigay ng 105 porsyentong kasigasigan, hindi lang 100 porsiyento.”4
Nadama ng mga tao ang panghihikayat ni Pangulong Hinckley hindi lamang dahil sa kanyang inspiradong mga salita kundi dahil sa paraan ng kanyang pamumuhay. Ikinuwento ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Habang papunta [sina Pangulong Hinckley at Sister Hinckley] sa isang airport sa Central America mula sa isang chapel, nabangga ang kanilang sasakyan. Kasunod nila kami ni Sister Nelson at nakita namin ang nangyari. Isang trak [na] may kargang mga kabilyang bakal na hindi nakatali ang kasalubong nila sa isang sangandaan. Para hindi magkabanggaan, biglang inihinto ng tsuper ang trak, kaya nagliparan na parang mga javelin ang mga kabilyang bakal at tumusok sa kotse ng mga Hinckley. Nagkabasag-basag ang mga bintana; nayupi ang mga tapalodo at pintuan. Napakatindi siguro ng aksidenteng iyon. Habang inaalis ang mga bubog sa kanilang damit at balat, sinabi ni Pangulong Hinckley: ‘Salamat at hindi tayo pinabayaan ng Panginoon; lumipat na lang tayo sa ibang sasakyan.’”5
Ang pahayag na ito, na kusang lumabas sa kanyang bibig sa oras ng panganib, ay naglalarawan ng buhay at ministeryo ni Pangulong Hinckley bilang disipulo ni Jesucristo. Siya, ayon kay Elder Holland, ay “laging puno ng pananalig sa Diyos at sa hinaharap.”6
Pamana ng Pamilya—Isang Pundasyon ng Pananampalataya at Pagtitiyaga
Nang ipanganak si Gordon Bitner Hinckley noong Hunyo 23, 1910, siya ang panganay ng kanyang ina, ngunit walong nakatatandang kapatid ang masayang tumanggap sa kanya sa pamilya. Pinakasalan ng ama ni Gordon, na si Bryant Stringham Hinckley, si Ada Bitner nang mamatay ang unang asawa nitong si Christine. Apat pa ang naging anak nina Ada at Bryant matapos isilang si Gordon, at pinalaki nila ang kanilang malaking pamilya sa pagmamahal—at ang mga anak ay nagturingang tunay na magkakapatid. Bata pa lang, natutuhan na ni Gordon na pahalagahan ang kanyang pamilya.
Ang apelyido at gitnang pangalan ni Gordon ay mga paalala ng kanyang marangal na pinagmulan. Kabilang sa angkan ng mga Hinckley ang mga naunang pilgrim sa lupain na magiging Estados Unidos ng Amerika kalaunan. Ang ilan ay itinaboy sa lupaing iyon noong 1600s dahil sa mga paniniwala nila sa Kristiyanismo. Ang iba ay naging mga pasahero noong 1620 sa barkong Mayflower, isa sa mga unang barkong naghatid sa mga nandayuhan sa North America mula sa Europa. Mahigit dalawang siglo kalaunan, nakasama ang lolo ni Gordon sa ama na si Ira Nathaniel Hinckley sa mga naunang pioneer na Banal sa mga Huling Araw. Noong 1843, ang 14-na-taong-gulang na si Ira, na naulila kamakailan, ay sumapi sa Simbahan sa Nauvoo, Illinois, matapos marinig na mangaral sina Joseph at Hyrum Smith. Ang kalola-lolahan ni Gordon na si Anna Barr Musser Bitner Starr ay isa ring pioneer. Kalaunan ay ginunita ng kanyang anak na si Breneman Barr Bitner, lolo ni Gordon sa ina, ang kanilang paglalakbay papuntang Salt Lake Valley noong 1849: “Pinatakbo ko [sa edad na 11] ang dalawang magkapamatok na baka na may hilang bagon na puno ng kargada at sinagasa ang init at lamig patawid ng mga disyerto at ilog at kabundukan sa lambak na ito.”7
Madalas ipaalala ni Bryant Hinckley sa kanyang mga anak at apo ang kanilang saganang pamana. Patungkol sa mapanganib na paglalayag ng mga pilgrim sa Mayflower at ang mahaba at matinding taglamig na naranasan nila nang marating nila ang kanilang destinasyon, sinabi niyang minsan: “Nang handa nang bumalik ang Mayflower sa panahon ng tagsibol, 49 [ng dating 102] katao na lamang ang buhay. Wala ni isang bumalik [sa England]. Likas na sa inyong mga kapanalig ang ugaling iyan—ang matibay na determinasyong huwag nang bumalik.”8 Nang patuloy na naging tapat si Gordon sa alituntuning ito, nagkaroon siya ng mga pagkakataong matuto at maglingkod at magpatotoo na hindi niya sukat-akalain.
Kabataan—Natututong Maging Maganda ang Pananaw, Masigasig, at Tapat
Noong bata pa si Gordon Hinckley, hindi siya ang masigla at matipunong lalaking nakilala ng mga tao noong lumaki na siya. Dati siyang “payat at maputlang bata,” at sakitin.9 Nang ang dalawang-taong-gulang na si Gordon ay “magkaroon ng malalang ubong may halak, … sinabi ng doktor kay Ada na ang tanging lunas ay malinis na hangin sa probinsya. Dahil dito bumili si Bryant ng limang akreng bukid … at nagtayo ng maliit na bahay-bakasyunan.”10 Ang bukid, na matatagpuan sa isang lugar sa Salt Lake Valley na tinawag na East Mill Creek, ay isang pagpapala sa buong pamilya, na nagsilbing pasyalan at palaruan ng mga bata at isang lugar na napagkunan nila ng mahahalagang aral habang sama-sama silang gumagawa.
Sina Ada at Bryant Hinckley ay may magandang pananaw sa buhay at masigasig na mga magulang na lumikha ng mga oportunidad para lumago at magtagumpay ang kanilang mga anak. Agad silang nagsimulang magdaos ng mga family home evening nang pasimulan ang programang ito noong 1915. Kinuwentuhan nila ang kanilang mga anak bago matulog, na kadalasa’y mula sa mga banal na kasulatan. Ginawa nilang aklatan ang isang silid sa kanilang bahay kung saan makakabasa ng mabubuting aklat ang kanilang mga anak. Pinalaki nilang disiplinado ang kanilang mga anak sa paghihikayat sa kanila at pag-asang gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya.
Sa paglaki ni Gordon, tumibay ang kanyang pananampalataya, na lalo pang pinatatag ng patuloy na impluwensya ng pananampalataya ng kanyang mga magulang. Pagkatapos isang araw ay nagkaroon siya ng isang karanasan na nagpatatag sa kanyang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith:
“Noong 12 anyos pa lang ako, isinama ako ni itay sa isang pulong ng priesthood ng stake kung saan kami nakatira. Naupo ako sa hulihan samantalang siya naman, bilang pangulo ng stake, ay naupo sa harapan. Sa pagsisimula ng pulong na iyon, na siyang kauna-unahang gayong pulong na dinaluhan ko, tatlo o apat na raang kalalakihan ang nakatayo. Iba’t iba ang kanilang pinagmulan at hanapbuhay, ngunit iisa ang paniniwala sa puso ng bawat isa, at mula rito’y sama-sama nilang inawit ang magagandang titik na ito:
Purihin s’yang kaniig ni Jehova!
Hinirang ni Cristo na propeta.
Huling dispensasyon, sinimulan n’ya
Mga hari’y pupuri sa kanya.
“Naantig ang aking kalooban nang marinig ko ang pag-awit ng mga sumasampalatayang kalalakihang iyon. Pumasok sa aking batang puso ang isang kaalaman, na hatid doon ng Banal na Espiritu, na si Joseph Smith ay tunay na isang propeta ng Maykapal.”11
Patuloy na Pag-aaral at mga Panahon ng Pagsubok
Noong bata pa siya, hindi mahilig mag-aral si Gordon, at mas gusto pa niyang maglalabas ng bahay kaysa maupo sa loob ng silid-aralan. Gayunman, nang lumaki na siya, natututuhan niyang pahalagahan ang mga aklat, ang eskuwelahan, at ang kanilang aklatan sa bahay na tulad ng mga bukiring pinagtatakbuhan niya noong bata pa siya. Nagtapos siya ng high school noong 1928 at nagsimulang mag-aral sa University of Utah noong taon ding iyon.
Ang apat na taon niya sa unibersidad ay punung-puno ng mga pagsubok. Noong 1929 bumagsak ang stock market sa Estados Unidos, at lumaganap ang Great Depression sa iba’t ibang panig ng bansa at sa buong mundo. Umabot sa 35 porsiyento ang nawalan ng trabaho sa Salt Lake City, ngunit pinalad si Gordon na makapagtrabaho bilang maintenance worker kaya natustusan niya ang kanyang matrikula at gastusin sa eskuwela. Si Bryant, na nagtrabaho bilang manager sa Deseret Gym ng Simbahan, ay binawasan ang sariling sweldo upang hindi maalis sa trabaho ang ibang empleyado.12
Ang mas matindi pa sa problemang ito sa pera ay nang matuklasan na may kanser ang ina ni Gordon. Namatay ito noong 1930 sa edad na 50, noong si Gordon ay 20 anyos. Ang sugat na iniwan ng pagkamatay ng kanyang ina “ay malalim at masakit,” sabi ni Gordon.13 Ang personal na pagsubok na ito, na sinamahan pa ng impluwensya ng mga pilosopiya ng mundo at ng kawalang-pag-asang nanaig sa panahong iyon, ang nagtulak sa kanya na magtanong ng mahihirap na bagay. “Panahon iyon ng matinding panghihina ng loob,” paggunita ni Gordon, “at damang-dama iyon sa kampus. Nadama ko rin ito nang bahagya. Nagsimula akong magduda sa ilang bagay, pati na marahil sa pananampalataya ng aking mga magulang kahit kaunti. Karaniwan na iyon sa mga estudyante sa unibersidad, ngunit mas tumindi iyon noong panahong iyon.”14
Bagama’t ikinabalisa ni Gordon ang kanyang mga tanong, hindi nito pinahina ang kanyang pananampalataya. “Pinatibay ako ng pundasyon ng pagmamahal na nagmula sa aking dakilang mga magulang at isang mabuting pamilya, isang mabait na bishop, masisigasig at matatapat na guro, at mga banal na kasulatan na babasahin at pagbubulayan,” paggunita niya. Hinggil sa mga hamon ng panahong iyon sa kanya at sa iba pang kaedad niya, sinabi niya: “Bagama’t noong aming kabataan ay hirap kaming unawain ang maraming bagay, may pagmamahal sa aming puso para sa Diyos at sa kanyang dakilang gawain na nakatulong upang madaig namin ang anumang mga pagdududa at pangamba. Minahal namin ang Panginoon at minahal namin ang mabubuti at mararangal na kaibigan. Humugot kami ng matinding lakas sa pagmamahal na iyon.”15
Paglilingkod bilang Missionary at Personal na Paniniwala
Si Gordon ay nagtapos sa University of Utah noong Hunyo 1932 na may major sa English at minor sa ancient languages. Pagkaraan ng isang taon kinailangan niyang gumawa ng isang mahalagang desisyon na aapekto sa kanyang buhay. Inasam niyang magpatuloy sa pag-aaral para maging isang journalist. Kahit sa gitna ng Depression, nakapag-ipon siya ng sapat na panustos sa kanyang pag-aaral. Nag-iisip din siyang mag-asawa. Sila ni Marjorie Pay, isang dalagang nakatira sa tapat ng bahay nila, ay nagiging mas malapit sa isa’t isa.
Pagkatapos, bago sumapit ang kanyang ika-23 kaarawan, kinausap ni Gordon ang kanyang bishop na si John C. Duncan na nagtanong kung napag-isipan na niyang magmisyon. Ito ay “isang nakakagulat na mungkahi” kay Gordon,16 dahil kakaunti ang mga kabataang lalaking tinatawag sa misyon noong panahon ng Depression. Wala lang talagang kakayahan ang mga pamilya na suportahan sila.
Sinabi ni Gordon kay Bishop Duncan na magmimisyon siya, ngunit nag-alala siya kung paano siya matustusan ng kanyang pamilya sa misyon. Naragdagan ang kanyang mga alalahanin nang malaman niya na nalugi ang bangkong pinaglalagakan niya ng pera. “Gayon pa man,” wika niya, “naaalala kong sinasabi ng aking ama na, ‘Gagawin namin ang lahat para matugunan ang mga pangangailangan mo,’ at nangako sila ng kapatid kong lalaki na susuportahan ako hanggang sa makatapos ako sa misyon. Noon namin natuklasan na may kaunting perang naipon ang aking ina—mga sukli-sukli sa mga pamimili niya ng grocery at iba pa. Dahil sa nadagdag na kaunting tulong na iyon, mukhang maaari na akong magmisyon.” Itinuring niyang sagrado ang mga baryang naipon ng kanyang ina. “Pinahalagahan ko ito nang lubusan,” wika niya.17 Tinawag siyang maglingkod sa European Mission.
Dama na nababagabag pa rin ang kanyang anak, naghanda ng simpleng paalala si Bryant Hinckley tungkol sa tunay na pinagmumulan ng lakas. “Nang umalis ako para magmisyon,” sabi ni Gordon kalaunan, “inabutan ako ng isang kard ng butihin kong ama na may nakasulat na apat na salita … : ‘Huwag matakot, maniwala lamang’ (Marcos 5:36).”18 Ang mga salitang iyon ang magbibigay-inspirasyon kay Elder Gordon B. Hinckley na maglingkod nang tapat at marangal, lalo na nang maragdagan pa ito ng walong salita pa mula sa panulat ng kanyang ama pagkaraan ng ilang linggo.
Dumating ang karagdagang walong salitang ito sa panahon ng matinding panghihina ng loob, na nagsimula noong Hunyo 29, 1933, ang unang araw ni Elder Hinckley sa Preston, England. Pagdating niya sa kanyang apartment, sinabi sa kanya ng kanyang kompanyon na magsasalita sila sa plasa sa gabing iyon. “Nagkamali ka sa pagpili ng makakasama mo,” sagot ni Elder Hinckley, para lamang matagpuan ang kanyang sarili na kumakanta at nangangaral sa entablado sa harap ng maraming taong hindi pumapansin sa kanya.19
Natuklasan ni Elder Hinckley na maraming taong ayaw makinig sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang kahirapang dulot ng malawakang problema sa pananalapi ang tila tumimo sa kaluluwa ng mga taong nakahalubilo niya sa mga pampublikong sasakyan, at halos wala siyang makitang paraan para mapalapit siya sa kanila. Bukod pa rito, nagkaroon siya ng karamdaman. Naalala niya, “Sa England ang mga damong tinatangay ng hangin ay nagiging buto sa pagtatapos ng Hunyo at pagsisimula ng Hulyo, kung kailan ako dumating mismo.”20 Nagkaroon siya ng allergy dahil dito, na nagpalala sa kanyang karamdaman. Nangulila siya sa kanyang pamilya. Nangulila siya kay Marjorie. Hinanap-hanap niya ang nakasanayan niyang bansa. Mahirap ang gawain. Kakaunti ang pagkakataon nilang magkompanyon na makapagturo sa mga investigator, bagama’t nagturo at nagsalita sila sa maliliit na branch tuwing Linggo.
Dahil pakiramdam niya ay nagsasayang lang siya ng panahon at ng pera ng kanyang pamilya, sumulat si Elder Hinckley sa kanyang ama para ipaliwanag ang kanyang malungkot na sitwasyon. Tinugunan ito ni Bryant Hinckley ng isang payo na susundin ng kanyang anak sa buong buhay nito. “Mahal kong Gordon,” pagsulat niya, “Natanggap ko na ang sulat mo. Isa lang ang mungkahi ko.” At pagkatapos ay binanggit niya ang walong salitang iyon na nagbigay-diin sa apat na salitang una niyang isinulat: “Kalimutan mo ang sarili mo at magtrabaho ka.”21 Ang payong ito ay nagpaalala sa talatang binasa ni Elder Hinckley sa kanyang kompanyon kanina: “Sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon”(Marcos 8:35).
Hawak ang liham ng kanyang ama, lumuhod si Elder Hinckley at nangakong ilalaan ang buhay niya sa paglilingkod sa Panginoon. Kaybilis ng epekto nito. “Parang biglang nagbago ang buong mundo,” sabi niya. “Napawi ang kalungkutan. Nagsimulang sumikat ang araw sa buhay ko. Nagkaroon ako ng panibagong sigla. Nakita ko ang ganda ng lupaing ito. Nakita ko ang kabutihan ng mga tao. Naging panatag na ako sa magandang bansang ito.”22
Sa pagbabalik-tanaw sa mga panahong iyon, ipinaliwanag ni Gordon na tumanggap din siya ng tulong mula sa kanyang ina. Naramdaman niya ang kapanatagang hatid ng presensya ng kanyang ina, lalo na sa mga panahon ng panlulumo at panghihina ng loob. “Magmula noon, sinikap kong mamuhay at gampanan ang aking tungkulin sa paraang magbibigay-dangal sa kanyang pangalan,” sabi niya. “Masakit isipin na baka hindi ko magawa ang mga inaasahan sa akin ng aking ina, at nadisiplina ko ang aking sarili na hindi niya sana naibigay sa akin.”23
Naging missionary siya na may layunin at kasigasigan. Makikita sa mga talaan mula sa unang walong buwan ng kanyang misyon na bagama’t wala siyang nabinyagan, nakapamahagi naman siya ng 8,785 polyeto, gumugol ng mahigit 440 oras sa mga miyembro, dumalo ng 191 pulong, nakipag-usap nang 220 beses tungkol sa ebanghelyo, at nagkumpirma ng isang tao.24
Noong Marso 1934, nalipat si Elder Hinckley sa London mula sa Preston upang maging assistant ni Elder Joseph F. Merrill ng Korum ng Labindalawang Apostol, na namuno sa British at European Missions.25 Ginugol niya roon ang nalalabi niyang panahon sa misyon, na nagtatrabaho sa opisina sa umaga at nagtuturo ng ebanghelyo sa gabi. Kakaunti ang kanyang nabinyagan, ngunit sa puso ng anak nina Bryant at Ada Hinckley, ang pagsisimula ng kanyang personal na patotoo ay naging walang-hanggang pagbabalik-loob.
Isang Bagong Oportunidad na Maglingkod sa Panginoon
Nang umuwi si Gordon mula sa kanyang misyon, sinabi niya, “Ayoko nang bumiyahe kahit kailan. Nalakbay ko na ang malalayong lugar na gusto kong marating.”26 Nilibot nila ng kanyang dalawang kompanyon ang Europa at Estados Unidos sa kanilang daan pauwi, na karaniwang ginagawa noong mga panahong iyon, at pagod na siya. Nang magbakasyon ang kanyang pamilya pagkauwi niya mula sa misyon, nagpaiwan na siya. Sa kabila ng kapaguran, nasiyahan siyang pagmuni-munihin ang kanyang mga paglalakbay: nadama niya na natupad na ang ilang bahagi ng kanyang patriarchal blessing. Pagkaraan ng maraming taon ay sinabi niya:
“Natanggap ko ang aking patriarchal blessing noong bata pa ako. Sinabi sa basbas na iyon na ipapahayag ko ang aking patotoo sa katotohanan sa mga bansa ng mundo. Matagal akong naglingkod sa London at maraming beses akong nagbahagi roon ng aking patotoo. Kami ay [nagpunta sa Amsterdam], at nagkaroon ako ng pagkakataong magsalita nang kaunti sa isang pulong at magpatooo. Pagkatapos ay nagpunta kami sa Berlin, kung saan nagkaroon ako ng gayon ding pagkakataon. Pagkatapos ay nagpunta kami sa Paris, kung saan nagkaroon ako ng gayon ding pagkakataon. Pagkatapos ay nagpunta kami sa Estados Unidos, sa Washington, D.C., at nagkaroon ng gayon ding pagkakataon isang araw ng Linggo. Pag-uwi ko, pagod na ako. … Sabi ko, ‘… Natupad ko na ang bahaging [iyan] ng [patriarchal] blessing ko. Naiparinig ko na ang aking tinig sa malalaking lungsod sa mundo. …’ At talagang ganoon ang naging pakiramdam ko.”27
Bago pa nasabi ni Gordon na natapos niya ang kanyang misyon, kinailangan niyang gampanan ang isa pang tungkulin. Inatasan siya ni Elder Joseph F. Merrill na humingi ng appointment sa Unang Panguluhan ng Simbahan para magreport tungkol sa mga pangangailangan sa British at European Missions. Noong umaga ng Agosto 20, 1935, wala pang isang buwan mula nang makauwi siya, pinapasok si Gordon sa council room sa Church Administration Building. Matapos kamayan ang bawat miyembro ng Unang Panguluhan—sina Pangulong Heber J. Grant, J. Reuben Clark Jr., at David O. McKay—bigla siyang nabigatan sa gawaing ibinigay sa kanya. Sabi ni Pangulong Grant, “Brother Hinckley, bibigyan ka namin ng labinlimang minuto para sabihin sa amin ang gustong iparinig sa amin ni Elder Merrill.”28
Sa sumunod na 15 minuto, inilahad ng kauuwi pa lang na missionary ang ipinag-aalala ni Elder Merrill—na kailangan ng mga missionary ng bagong limbag na mga materyal para matulungan sila sa kanilang gawain. Bilang tugon, pinagsunud-sunod ni Pangulong Grant at ng kanyang mga tagapayo ang pagtatanong, hanggang sa lumampas na nang isang oras ang pulong kaysa sa plano.
Sa kanyang pag-uwi mula sa pulong, hindi akalain ni Gordon ang naging epekto ng 75 minutong iyon sa kanyang buhay. Dalawang araw pagkaraan tumanggap siya ng tawag mula kay Pangulong McKay, na inalok siyang magtrabaho bilang executive secretary ng bagong tatag na Church Radio, Publicity, and Mission Literature Committee. Ang komiteng ito, na binubuo ng anim na miyembro ng Korum ng Labindalawa, ang tutugon sa mga pangangailangang inisa-isa ni Gordon sa pakikipag-usap niya sa Unang Panguluhan.29
Muling ipinagpaliban ni Gordon ang plano niyang magtapos sa graduate school at makapagtrabaho bilang journalist. Gumawa siya ng mga script para sa mga programa sa radyo at pelikula, sumulat siya ng mga polyeto para sa mga missionary, nakipag-ugnayan siya sa mga eksperto sa media, at nagsaliksik at nagsulat tungkol sa kasaysayan ng Simbahan. Tumulong siya sa paggawa ng mga mensaheng magpapatatag sa pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan at makipag-ugnayan sa mga hindi miyembro ng Simbahan. Minsan ay sumulat sa kanya ang isang kaibigan na pinupuri siya sa isang script na ginawa niya para sa radyo at nagtanong kung paano siya nagkaroon ng gayong talento sa pagsulat at pagsasalita. Sumagot si Gordon:
“Kung may anumang talento ako sa pagsasalita o pagsulat, labis akong nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit. Hindi ako naniniwala na may likas akong kakayahang gumawa nito; bagkus, anumang kahusayang mayroon ako ay nagmula sa mga pagkakataong nabuksan sa akin.”30
Lalong humusay sa pagiging manunulat si Gordon dahil sa trabaho niya sa komite. Nabigyan din siya nito ng mahalagang pagkakataong matuto mula sa mga apostol at propeta. Nang makita ni Gordon kung paano tinitimbang na mabuti ng anim na miyembro ng Labindalawa ang mga pagpapasiya at kung paano nila tinuturuan ang isa’t isa, mas naunawaan niya ang banal na tungkulin ng mga taong ito at ang pagtanggap nila ng paghahayag kapag sila ay nagsasanggunian.
Si Elder Stephen L. Richards, na kalauna’y naglingkod bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang chairman ng komite. Inilarawan siya ni Gordon na “maalalahanin, mahinahon, maingat, at matalino. Hindi siya kaagad nagpapasiya nang hindi muna ito pinag-aaralang mabuti. Natutuhan ko na pinakamainam na mag-isip munang mabuti bago magpasiya sa gawaing ito, dahil anumang desisyon ang gawin mo ay may malaking epekto sa buhay ng mga tao.”31
Ang limang iba pang miyembro ng komite ay sina Elder Melvin J. Ballard, Elder John A. Widtsoe, Elder Charles A. Callis, Elder Alonzo A. Hinckley (tiyuhin ni Gordon), at Elder Albert E. Bowen. Hinggil sa kanila, sinabi ni Gordon:
“Masaya akong makasama ang kahanga-hangang kalalakihang ito, na napakabuti sa akin. Ngunit nalaman ko na mga tao sila. May mga kahinaan at problema sila, ngunit hindi ito nakaapekto sa akin. Sa katunayan, pinataas nito ang pagkakilala ko sa kanila dahil nakita kong nahigitan ng kanilang kabutihan ang anumang kahinaan nila, o itinalaga sila sa isang pambihirang layunin na inuna nila sa kanilang buhay. Nakita ko na binibigyang-inspirasyon sila ng langit. Wala akong duda sa kanilang mga tungkulin bilang propeta o sa katotohanan na nangusap at nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan nila. Nakita ko ang likas na katangian nila bilang mga tao, ang kanilang mga kahinaan—at kakaunti lamang iyon. Ngunit nakita ko rin ang matinding lakas ng kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Panginoon, at ang kanilang lubos na katapatan sa gawain at sa pagtitiwalang ibinigay sa kanila.”32
Pag-aasawa, Pamilya, at Paglilingkod sa Simbahan
Mangyari pa, hindi lamang trabaho ang nasa isip ni Gordon. Ipinagpatuloy nila ni Marjorie ang kanilang pag-iibigan nang makabalik siya mula sa England. Naging mahirap para sa kanila ni Marjorie ang kanyang pag-alis. “Kahit masaya ako na magmimisyon siya,” sabi ni Marjorie kalaunan, “hinding-hindi ko malilimutan ang kahungkagan at lumbay na nadama ko nang umandar na ang tren palabas ng istasyon.”33
Noong taglagas ng 1929, apat na taon bago nagpunta si Gordon sa England, nag-enrol si Marjorie sa University of Utah, para lamang malaman na natanggal sa trabaho ang kanyang ama dahil sa Great Depression. Agad siyang tumigil sa pag-aaral at nagtrabaho bilang secretary para makatulong sa pagsuporta sa kanyang mga magulang at limang nakababatang kapatid—isang pagsisikap na nagpatuloy nang makauwi si Gordon mula sa kanyang misyon noong 1935. Hindi na siya nagkaroong muli ng pagkakataong magtamo ng pormal na edukasyon, ngunit determinado siyang patuloy na matuto, kaya’t tinuruan niya ang sarili sa pamamagitan ng pagbabasa.
Dahil sa masayang disposisyon, kasipagan, at lubos na katapatan sa ebanghelyo ni Marjorie ay lalo siyang napamahal kay Gordon, at hinangaan naman ni Marjorie ang kabaitan at pananampalataya nito. “Habang papalapit ang aming kasal,” wika niya, “lubos ang tiwala ko na mahal ako ni Gordon. Ngunit alam ko rin kahit paano na kailanma’y hindi ako ang uunahin niya. Alam ko na pangalawa lang ako sa buhay niya at ang Panginoon ang mauuna. At ayos lang iyon.” Nagpatuloy siya: “Sa tingin ko, kung naunawaan mo ang ebanghelyo at kung bakit tayo naririto, nanaisin mong mapangasawa ang isang taong inuuna ang Panginoon. Napanatag ako dahil alam kong gayon siya.”34
Sina Gordon at Marjorie ay ikinasal sa Salt Lake Temple noong Abril 29, 1937, at lumipat sa bahay-bakasyunan ng mga Hinckley sa East Mill Creek. Naglagay sila ng pugon, at inayos ang kailangang ayusin para matirhan iyon sa buong taon, inalagaan ang mga halamanan at hardin, at nagsimulang magtayo ng sariling bahay sa katabing lote. Kaya ang lalawigang minahal ni Gordon tuwing summer noong kanyang kabataan ang naging lugar kung saan sila maninirahan at kung saan nila palalakihin ni Marjorie ang kanilang mga anak—sina Kathleen, Richard, Virginia, Clark, at Jane.
Sina Gordon at Marjorie ay bumuo ng isang tahanang puno ng pagmamahalan, paggagalangan, kasipagan, at pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Sa araw-araw na panalangin ng pamilya, nakita ng mga anak ang pananampalataya at pagmamahal ng kanilang mga magulang. Kapag sama-samang nagdarasal ang pamilya, nadarama rin ng mga anak na napakalapit nila sa kanilang Ama sa Langit.
Ang tahanan ng mga Hinckley ay isang lugar na kakaunti ang mga patakaran ngunit malaki ang mga inaasahan. Binanggit din ni Marjorie ang mga bagay na hindi nila dapat pagtalunan ng mga bata. Sa paglalarawan ng paraang ginamit nilang mag-asawa sa pagpapalaki sa kanilang mga anak, sinabi niya: “Natutuhan ko na kailangan kong magtiwala sa aking mga anak, kaya sinikap kong huwag humindi kailanman kung puwede naman akong magsabi ng oo. Noong pinalalaki namin ang aming mga anak, kinailangan lang naming makaraos sa mga responsibilidad namin araw-araw at haluan ito ng kaunting saya. Batid na hindi ko naman magagawa ang lahat ng desisyon para sa aking mga anak, sinikap kong huwag mag-alala tungkol sa maliliit na bagay.”35 Dahil sa tiwala ng kanilang mga magulang, nadama ng mga anak na sila ay iginagalang at nagkaroon sila ng karanasan at tiwala sa sarili. At kapag ang sagot ay hindi, naunawaan ng mga bata na hindi sila humindi nang walang magandang dahilan.
Ang tahanan ng mga Hinckley ay punung-puno rin ng tawanan. Sinabi minsan ni Marjorie: “Ang tanging paraan para malampasan ang mga problema sa buhay ay tawanan ito. Kung hindi ka man tumawa, iiyak ka. Mas gusto kong tumawa. Sumasakit ang ulo ko kapag umiiyak ako.”36 Dahil natatawa ang kanilang mga magulang sa kanilang sarili at nakukuhang magbiro sa pang-araw-araw na buhay, nadama ng mga anak na ang kanilang tahanan ay isang kasiya-siyang kanlungan.
Ang paglilingkod sa Simbahan ay bahagi na ng buhay nina Gordon at Marjorie sa tuwina. Naglingkod si Gordon bilang stake Sunday School superintendent at pagkatapos ay natawag siya sa Sunday School general board, kung saan naglingkod siya nang siyam na taon. Kalaunan ay naglingkod siya bilang tagapayo sa isang stake presidency at bilang stake president, samantalang si Marjorie naman ay naglingkod sa Primary, Young Women, at Relief Society. Nasaksihan ng kanilang mga anak na isang masayang pribilehiyo ang maglingkod sa Simbahan—isang huwaran na susundan nila sa kanilang pagtanda.
Paghahanda sa pamamagitan ng Masigasig na Pagtatrabaho
Sa unang anim na taon ng pagsasama nina Marjorie at Gordon, patuloy na nagtrabaho si Gordon sa Church Radio, Publicity, and Mission Literature Committee. Dedikado siya sa kanyang trabaho, at madalas niyang gamitin ang buong kakayahan at karanasan niya—at higit pa roon—para matapos sa takdang oras ang mga proyekto. Sa isang liham sa isang kabigan, isinulat niya:
“Napakaraming gagawin. Ang trabaho sa komiteng ito na may mahabang pangalan ay lalong nadaragdagan at nagiging mas kumplikado at kawili-wili. …
“… Ang iba’t ibang gawain sa radyo, pelikula, at iba’t ibang literatura … ay nakatulong upang lagi akong manalangin, magpakumbaba, at magtrabaho nang maraming oras. … Dahil na rin dito kaya mas kinailangan kong magsalamin, … kaya ako nahukot nang bahagya, naging mas matiyaga, at mas namangha sa kahihinatnan ng lahat ng ito.”37
Noong mga unang taon ng 1940s, nagkaroon ng ibang trabaho si Gordon dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos nahinto ang gawaing misyonero dahil sa digmaan, kaya hindi na gaanong nangailangan ng mga materyal ang mga missionary. Dama na responsibilidad niyang tumulong sa nagaganap na digmaan, nagpalista siya sa officer candidate school sa United States Navy. Gayunman, hindi siya natanggap dahil marami siyang allergy. “Labis kong ikinalungkot nang hindi ako matanggap,” pag-amin niya kalaunan. “May nagaganap na digmaan, at lahat ay may ginagawa para makatulong. Nadama ko na dapat din akong tumulong sa anumang paraan.”38 Ang hangaring ito ang nagtulak sa kanya na mag-apply sa trabaho bilang assistant superintendent para sa Denver and Rio Grande Railroad. Dahil napakahalaga ng mga tren sa paghahatid ng mga hukbo at suplay para sa digmaan, nadama ni Gordon na makakatulong ang trabahong ito para mapagsilbihan niya ang kanyang bansa. Tinanggap siya ng kumpanya noong 1943, at nagtrabaho siya sa kanilang istasyon ng tren sa Salt Lake City hanggang sa malipat sila ng kanyang pamilya sa Denver, Colorado, noong 1944.
Humanga ang mga superbisor sa riles ng tren sa trabaho ni Gordon, at nang matapos ang digmaan noong 1945, inalok nila siya ng permanenteng posisyon na tila may magandang kinabukasan. Kasabay nito, tinawagan ni Elder Stephen L. Richards si Gordon at pinakiusapan siyang bumalik na sa pagiging ganap na empleyado ng Simbahan. Bagama’t maaari siyang alukin ng mas malaking suweldo sa kumpanya ng tren kaysa sa Simbahan, sinunod ni Gordon ang nadama niyang tamang gawin at bumalik siya sa Salt Lake City.39
Hindi nagtagal naragdagan ang responsibilidad ni Gordon sa kanyang trabaho sa Simbahan. Noong 1951, hinirang siyang executive secretary ng General Missionary Committee ng Simbahan at inatasang pangasiwaan ang pang-araw-araw na pagpapatakbo ng bagong tatag na Missionary Department. Pinangasiwaan ng departamentong ito ang lahat ng may kinalaman sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kabilang na ang produksyon, pagsasalin, at pamamahagi ng mga materyal na ginagamit ng mga missionary; training para sa mga missionary at mission president; at paggamit ng public relations media para makipag-ugnayan sa iba at itama ang mga maling opinyon tungkol sa Simbahan.40
Noong taglagas ng 1953, ipinatawag ni Pangulong David O. McKay si Gordon sa kanyang opisina at hiniling na pag-isipan ang isang bagay na walang tuwirang kaugnayan sa mga tungkulin sa Missionary Department. “Brother Hinckley,” pagsisimula niya, “tulad ng alam mo, magtatayo tayo ng templo sa Switzerland, at magiging kaiba ito sa iba pa nating mga templo dahil dapat itong magamit ng mga miyembro na nagsasalita ng maraming wika. Gusto kong humanap ka ng paraan na mailahad ang mga tagubilin sa templo sa iba’t ibang wikang gamit sa Europa nang hindi na kailangang gumamit ng maraming temple worker.”41
Naglaan ng lugar si Pangulong McKay kung saan maaaring tumanggap ng inspirasyon si Gordon at hindi magambala ng trabaho sa Missionary Department. Gabi-gabi, tuwing Sabado, at kung minsa’y kahit Linggo, nagtrabaho si Gordon sa maliit na silid sa ikalimang palapag ng Salt Lake Temple. Halos tuwing Linggo ng umaga, sinasamahan siya ni Pangulong McKay na magbahagi ng mga ideya, tingnang mabuti ang presentasyon ng endowment, at ipagdasal na patnubayan sila.
Pagkatapos ng pagbubulay, pagdarasal, at paghingi ng paghahayag, inirekomenda ni Gordon na isapelikula ang endowment, at i-dub ang sagradong tagubilin sa iba’t ibang wika. Inaprubahan ni Pangulong McKay at ng iba pa ang kanyang rekomendasyon at inatasan siyang gawin ang pelikula. Nakipagtulungan si Gordon sa isang grupo ng mahuhusay at matatapat na mga propesyonal sa daigdig ng pelikula, na tinapos ang proyekto noong Seyembre 1955. Pagkatapos ay personal niyang dinala ang mga film sa Bern Switzerland Temple at pinangasiwaan ang teknikal na paghahanda para sa mga unang endowment session.42
Naantig si Gordon nang makita niyang nagalak ang mga Banal sa Europa sa kanyang ginawa: “Nang makita kong nagtipon ang mga taong iyon mula sa sampung bansa para gumawa ng mga ordenansa sa templo; nang makita ko ang matatanda mula sa mga komunistang bansa na nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa digmaang sumalanta sa kanila, at nakita ang galak at luha ng kaligayahan na nagmula sa kanilang mga puso dulot ng mga pagkakataong ibinigay sa kanila; nang makita ko ang mga mag-asawa na kasama ang kanilang buong pamilya—ang kanilang masisigla at magagandang mga anak—at makita kong nabuklod ang mga pamilyang iyon nang walang-hanggan, natiyak ko nang higit pa sa nalaman ko na dati na [si Pangulong McKay] ay binigyang-inspirasyon at inutusan ng Panginoon na dalhin ang walang-katumbas na mga pagpapalang ito sa buhay ng sumasampalatayang matatapat na kalalakihan at kababaihang iyon na nagtipon mula sa mga bansa ng Europa.”43
Dalawampung taon na ang lumipas mula nang umuwi si Gordon mula sa misyon, at hindi pa rin niya natutupad ang pangarap na magkaroon ng advanced degree at maging journalist. Sa halip, natuto siyang gumamit ng bagong teknolohiya para ipalaganap ang salita ng Diyos, nagkaroon siya ng magandang ugnayan sa mga tao sa ibang relihiyon, pinag-aralan at isinulat niya ang kasaysayan ng Simbahan, at tumulong na maihanda ang libu-libong Banal sa mga Huling Araw na matanggap ang mga pagpapala ng templo. Ang mga karanasang ito ang magsisilbing pundasyon sa paglilingkod na ibibigay niya sa nalalabing panahon ng kanyang buhay.
Paglilingkod bilang Assistant sa Labindalawa
Noong Sabado, Abril 5, 1958, sinagot ng anak nina Gordon at Marjorie na si Richard ang isang tawag sa telepono. Hindi nagpakilala ang tumawag, ngunit nakilala ni Richard ang tinig ni Pangulong David O. McKay at nagmamadaling ipinaalam ito sa kanyang ama. Matapos makipag-usap sandali kay Pangulong McKay, nagmamadaling naligo si Gordon, nagpalit ng damit, at nagpunta sa opisina ng Pangulo ng Simbahan. Dahil dati na siyang nakatanggap ng mga atas mula kay Pangulong McKay, inasahan niya na hihilingan lang siya nitong tumulong sa paghahanda para sa sesyon sa pangkalahatang kumperensya kinabukasan. Nagulat siyang malaman na may iba palang iniisip si Pangulong McKay. Matapos ang masayang pagbati, hiniling ni Pangulong McKay kay Gordon na maglingkod bilang Assistant sa Labindalawa. Ang kalalakihang naglingkod sa katungkulang ito, na itinigil noong 1976, ay mga General Authority ng Simbahan. Si Gordon ay naglilingkod noon bilang Pangulo ng East Mill Creek Stake nang ibigay ni Pangulong McKay ang tungkuling ito.
Kinabukasan, natanggap ni Elder Gordon B. Hinckley ang boto ng pagsang-ayon sa pangkalahatang kumperensya. Bagama’t inamin niya sa kanyang unang mensahe sa kumperensya na “naramdaman niya na wala siyang kakayahan,” tinanggap niya ang kanyang bagong responsibilidad nang may pananampalataya at sigla.44
Ang isang mabigat na tungkuling ginampanan ni Elder Hinckley bilang Assistant sa Labindalawa ay ang pangasiwaan ang gawain ng Simbahan sa buong Asia. Kakaunti ang alam niya tungkol sa mga tao roon at hindi siya marunong magsalita ng alinman sa kanilang wika, ngunit agad niyang natutuhan silang mahalin, at napamahal din siya sa kanila. Ikinuwento ni Kenji Tanaka, isang Hapones na Banal sa mga Huling araw, ang unang pagkikita nila ni Elder Hinckley sa Japan: “Ang katuwaan ni Elder Hinckley ay nakikita sa kanyang nagniningning na mga mata. Ang una niyang sinabi sa amin ay Subarashii! [‘Kamangha-mangha!’] Ang pormal na kapaligiran sa pulong na iyon ay napalitan ng pagkagiliw at pagiging malapit sa kanya, at nanaig doon ang init ng pagmamahal.”45
Ito rin ang damdaming ibinahagi niya saanman siya magtungo sa Asia. Tinulungan niya ang mga tao na maunawaan na kapag sumampalataya sila sa Panginoon, maisagagawa nila ang mga dakilang bagay at mapapalago ang Simbahan sa kanilang inang-bayan. Nanatili rin siyang malapit sa mga full-time missionary, batid na ang kanilang kasigasigan ay magkakaroon ng tuwirang epekto sa mga taong pinaglingkuran nila.
Isang Natatanging Saksi sa Pangalan ni Cristo
Isa pang tawag sa telepono na nagpabago ng kanyang buhay ang dumating isa pang araw ng Sabado—Setyembre 30, 1961. Sa pagkakataong ito si Marjorie naman ang nakarinig sa pamilyar na tinig ni Pangulong McKay sa telepono. Muling nagmamadaling pumunta si Gordon B. Hinckley sa opisina ng Pangulo ng Simbahan. Muli siyang nagulat at di-makapaniwala nang malaman niya kung bakit siya kinausap. Pagdating niya, sinabi sa kanya ni Pangulong McKay, “Nahikayat akong hirangin ka para punan ang bakanteng posisyon sa Korum ng Labindalawang Apostol, at gusto naming pasang-ayunan ka ngayon sa kumperensya.”46 Muling tumalima si Elder Hinckley nang may pananampalataya at kasigasigan sa kabila ng nadama niyang kakulangan.
Bilang Apostol, tumanggap ng karagdagang mga responsibilidad si Elder Hinckley. Nakipagpulong siya paminsan-minsan sa mga pinuno ng pamahalaan at iba pang mga opisyal. Madalas siyang hilingang magsalita sa publiko para sa Simbahan upang sagutin ang mga pamumuna at ang di-pagkakaunawaan ng iba’t ibang kultura sa Estados Unidos. Siya ang nanguna sa pagpapaigting ng kakayahan ng Simbahan na makapagbrodkast at gumamit ng teknolohiya upang ipalaganap ang ebanghelyo sa buong mundo. Sa kabila ng dumaraming tungkulin, patuloy pa rin niyang ginampanan ang responsibilidad na patatagin ang pananampalataya ng mga indibiduwal at pamilya. Kausap man niya ang isang tao o sampung libong tao, personal ang pakikipag-usap niya sa kanila, na naging pambihirang katangian ng kanyang ministeryo: ang dalhin ang mga tao, nang isa-isa, kay Cristo.
Patuloy na pinangasiwaan ni Elder Hinckley ang mga gawain sa Asia nang sumunod na pitong taon, at ikinatuwa niyang makita na espirituwal na umuunlad ang kanyang mga kaibigan doon. Sabi niya, “Isang nakasisiglang karanasan … ang masaksihan kung paano isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang dakilang plano sa … bahaging iyon ng mundo.”47
Sa pagpapalit-palit ng mga tungkulin sa Korum ng Labindalawa, nagkaroon ng mga pagkakataon si Elder Hinckley na maglingkod sa iba pang panig ng mundo. Saanman siya magpunta, nagpakita siya ng malasakit sa bawat tao. Noong 1970, nang pangasiwaan niya ang gawain ng Simbahan sa South America, nagpunta siya sa Chile matapos mamuno sa stake conference sa Peru. Dalawang araw pagkarating niya sa Chile, nabalitaan niya na tinamaan ng napakalakas na lindol ang Peru at apat na missionary ang nawawala. Agad siyang nagplanong bumalik sa Peru kahit maantala ang kanyang pag-uwi. “Hindi ako mapapanatag sa pag-uwi samantalang may nawawalang mga missionary,” sabi niya.48
Dumating siya sa Lima, Peru, kinabukasan. Nang makakita ng ham radio operator ang nawawalang mga missionary, natawagan nila ang mga tao sa Lima, at kinausap sila ni Elder Hinckley. Kasama ng mga missionary sa isang maliit na silid ang iba pang mga nakaligtas, at ang kanilang pag-uusap ay narinig mula sa speaker. “Nang marinig ang tinig ni Elder Hinckley sa silid na iyon na puno ng mga taong nag-uunahang makatawag sa radio, biglang natahimik ang silid. Bagama’t nagsasalita sa Ingles, at lahat ng tao roon ay Espanyol ang salita, nagsimula silang mag-usap-usap nang pabulong at magtanong, ‘Sino ang lalaking iyan?’ Kahit nagkakagulo, nadama nila na hindi karaniwang tao ang nagmamay-ari ng tinig na iyon.”49
Sa unang dalawang taon ng kanyang pangangasiwa sa Simbahan sa South America, nalibot ni Elder Hinckley ang bawat mission; nakabuo siya ng mga bagong mission sa Colombia at Ecuador; tumulong siya sa pag-organisa ng mga bagong stake sa Lima, Peru, at São Paulo, Brazil; at tumulong siyang malutas ang problema sa pagkuha ng visa para sa mga missionary na maglilingkod sa Argentina. Marami pa siyang planong gawin, ngunit noong Mayo 1971, inatasan siyang mangasiwa sa walong mission sa Europa.50
Madalas makaramdam ng matinding pagod si Elder Hinckley dahil sa napakaraming gawain. Napakasaya niya tuwing nakakauwi siya at nakakasama si Marjorie at ang kanilang mga anak. Gayunman, naramdaman ni Marjorie na kapag matagal siyang hindi nakapagtrabaho, hindi siya mapakali. Ang kanyang tungkulin bilang Apostol—isa sa “mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong daigdig” (D at T 107: 23)—ay hindi nawawaglit sa kanyang isipan.
Mabibigat na Responsibilidad bilang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Noong Hulyo 15, 1981, matapos maglingkod sa Korum ng Labindalawa nang halos 20 taon, tumanggap si Elder Hinckley ng isa pang tungkuling hindi niya inaasahan. Hinilingan siya ni Pangulong Spencer W. Kimball, na noon ay Pangulo ng Simbahan, na maglingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan, bukod pa kina Pangulong N. Eldon Tanner at Pangulong Marion G. Romney. Hindi ito karaniwang nangyayari ngunit hindi rin naman iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon ng mahigit sa dalawang tagapayo. Si Pangulong Kimball at ang kanyang mga tagapayo ay may karamdaman at kailangan ng karagdagang tulong sa Panguluhan.51
Sa kanyang unang pangkalahatang kumperensya sa bagong katungkulang ito, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Ang tanging hangarin ko ay maglingkod nang tapat saanman ako tawagin. … Ang sagradong tungkuling ito ay nagpabatid sa akin ng aking mga kahinaan. Kung may nasaktan man ako, humihingi ako ng paumanhin at umaasang patatawarin ninyo ako. Matagal o sandali man ang tungkuling ito, ipinapangako ko na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya, nang may pagmamahal at pananampalataya.”52
Kailangan niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya dahil lumubha ang kalagayan nina Pangulong Kimball, Pangulong Tanner, at Pangulong Romney. Karamihan sa gawain ng Unang Panguluhan sa araw-araw ay napunta kay Pangulong Hinckley. Sa kanya rin nakaatang ang karamihan sa mas malalaking responsibilidad, tulad ng paglalaan ng Jordan River Utah Temple. Bukod pa rito, hinarap niya ang pamimintas ng publiko sa Simbahan at sa mga pinuno nito, noon at ngayon. Ipinayo niya sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1982:
“Nabubuhay tayo sa isang lipunan na nasisiyahan sa pamimintas. … Hinihimok ko kayo na lawakan ninyo ang inyong pananaw at huwag pansinin ang maliliit na kamalian. … Maliit na aspeto lang ito ng buong paglilingkod at laki ng naitulong ng [mga pinuno ng Simbahan].”53
Si Pangulong Tanner ay pumanaw noong Nobyembre 27, 1982, at lumubha rin ang karamdaman nina Pangulong Kimball at Pangulong Romney kaya sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1983, naupo si Pangulong Hinckley, na noong panahong iyon ay natawag na Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa tabi ng dalawang bakanteng upuan sa harapan. Sa isang napakapersonal na paraan, nadama niya ang minsa’y tinawag niyang “kalumbayan sa pamumuno.”54
Maingat at mapanalanging nagpatuloy si Pangulong Hinckley, dahil ayaw niyang kumilos nang walang pahintulot ng propeta. Humingi siya ng tulong sa mga senior na miyembro ng Labindalawa—lalo na kay Elder Ezra Taft Benson, ang pangulo ng korum—sa araw-araw na pamamalakad sa mga gawain ng Simbahan. Nakipagtulungan si Pangulong Hinckley sa Korum ng Labindalawa, na laging ginagabayan ng payo ni Pangulong Kimball. Gayunman, dama pa rin niya ang bigat ng tungkulin.
Bagama’t madalas sa Salt Lake City si Pangulong Hinckley dahil sa mga responsibilidad niya sa Unang Panguluhan, bumibiyahe siya paminsan-minsan para maglingkod sa mga miyembro at missionary sa iba’t ibang panig ng mundo. Noong 1984 bumalik siya sa Pilipinas. Labingwalong taon bago iyon nailaan niya ang unang chapel doon; ngayo’y ilalaan naman niya ang unang templo. Sa panalangin ng paglalaan, sinabi niya:
“Ang bansang ito ng Pilipinas ay isang bansang maraming lupain na ang mga mamamayan ay nagmamahal sa kalayaan at katotohanan, na masidhing nadarama ang patotoo ng inyong mga lingkod, at tumatalima sa mensahe ng walang-hanggang ebanghelyo. Pinasasalamatan namin kayo sa kanilang pananampalataya. Pinasasalamatan namin kayo sa kahandaan nilang magsakripisyo. Pinasasalamatan namin kayo sa mahimalang pag-unlad ng inyong gawain sa lupaing ito.”55
Ang patuloy na pag-unlad ng Simbahan ay mas malinaw noong Hunyo 1984 nang ibalita ni Pangulong Hinckley, sa pahintulot ng Unang Panguluhan, ang pagtawag sa mga Area Presidency—mga miyembro ng Pitumpu na maninirahan sa iba’t ibang panig ng mundo at mangangasiwa sa gawain ng Simbahan sa mga lugar na pagdadalhan sa kanila. Sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, ang kalalakihang ito ay mamumuno at magbibigay ng training na kailangan sa kanilang nasasakupang lugar. “Hindi natin maaaring gawin ang lahat ng desisyon sa Salt Lake City,” wika niya. “Kailangan nating bigyan ng awtoridad ang mga tao na magpasiya sa sarili nilang nasasakupan.”56 Mga isang taon kalaunan, sa kanyang mensahe sa mga lider ng Simbahan mula sa iba’t ibang panig ng mundo, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Tiwala ako na inspirado at magandang hakbang ang ginawa natin nitong nakaraang ilang buwan. Tiwala ako na mapapanatag kayo nang husto kung madalas ninyong makakasama ang mabubuting kalalakihang ito. Layunin ng mga Kapatid na ito na pag-isahin ang lahat ng miyembro ng Simbahan.”57
Matapos pamunuan ang Simbahan sa loob ng 12 taon ng kamangha-manghang pag-unlad, pumanaw si Pangulong Spencer W. Kimball noong Nobyembre 5, 1985. Itinalaga ang senior na Apostol, si Pangulong Ezra Taft Benson, bilang Pangulo ng Simbahan. Tinawag niya si Gordon B. Hinckley na maglingkod bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan at si Thomas S. Monson bilang Pangalawang Tagapayo. Sa tatlong malulusog na miyembro ng Unang Panguluhan, nadama ni Pangulong Hinckley na gumaan ang kanyang mga pasanin at nagkaroon siya ng mas maraming pagkakataong bisitahin ang mga Banal sa buong mundo.
Sa loob ng ilang taon, nagsimulang humina ang kalusugan ni Pangulong Benson, at ang araw-araw na responsibilidad na pamahalaan ang Simbahan ay napuntang muli kay Pangulong Hinckley. Gayunman, sa pagkakataong ito ay hindi na siya nag-iisa sa Unang Panguluhan. Taglay ang sigla at lakas, napanatili nina Pangulong Hinckley at Pangulong Monson ang katatagan ng Simbahan, na laging iginagalang ang tungkulin ni Pangulong Benson bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Naging matibay at matatag ang kanilang pagkakaibigan at pagsasamahan.
Si Pangulong Benson ay pumanaw noong Mayo 30, 1994, at si Pangulong Howard W. Hunter ang naging Pangulo ng Simbahan. Muli, sina Pangulong Hinckley at Pangulong Monson ang naglingkod bilang mga tagapayo. Noong Hunyo, sinamahan nina Pangulo at Sister Hinckley si Pangulong Hunter at asawa nitong si Iris at si Elder M. Russell Ballard at asawa nitong si Barbara sa Nauvoo, Illinois, upang gunitain ang ika-150 taon ng pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith. Ito lang ang tanging paglalakbay na magkakasama sina Pangulong Hunter at Pangulong Hinckley. Matagal nang may karamdaman si Pangulong Hunter, at mabilis na humina ang kanyang kalusugan pagkatapos ng paglalakbay na ito. Noong Pebrero 27, 1995, hiniling niya kay Pangulong Hinckley na bigyan siya ng basbas ng priesthood. Sa basbas, nagsumamo si Pangulong Hinckley na habaan pa ang buhay ni Pangulong Hunter ngunit sinabi rin na nasa mga kamay na ito ng Panginoon.58 Pagkaraan ng ilang araw, noong Marso 3, 1995, pumanaw si Pangulong Hunter.
Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag at Pangulo ng Simbahan
Ang pagpanaw ni Pangulong Hunter, bagama’t hindi na nakakabigla, ay napakabigat na alalahanin sa mga Hinckley. Bilang senior na Apostol, si Pangulong Hinckley ang susunod na magiging Pangulo ng Simbahan. Ginunita ni Sister Hinckley ang sandali na natanggap nila ang balita na pumanaw na si Pangulong Hunter: “Pumanaw na si Pangulong Hunter, at iniwan tayo upang ipagpatuloy ang gawain. Lungkot na lungkot ako, at nadama ko na nag-iisa ako. Gayon din si Gordon. Natulala siya. At lungkot na lungkot siya. Wala nang naiwan na makauunawa sa kanyang pinagdaraanan.”59
Pagkaraan ng libing ni Pangulong Hunter, nakadama ng kapanatagan si Pangulong Hinckley sa loob ng templo. Habang nag-iisa sa meeting room ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa sa Salt Lake Temple, binasa niyang mabuti ang mga banal na kasulatan at pinagnilayan ito. Pinagmuni-muni niya ang buhay, ministeryo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkatapos ay pinag-aralan niya ang mga larawan sa dingding, na ipinapakita ang lahat ng Pangulo ng Simbahan mula kay Joseph Smith hanggang kay Howard W. Hunter. Itinala niya ang karanasang ito sa kanyang journal:
“Naglakad-lakad ako sa harap ng mga larawang ito at tinitigan ko ang mga mata ng mga lalaki sa larawan. Nadama ko na halos puwede ko silang makausap. Nadama ko na parang kinakausap nila ako at pinalalakas ang aking loob. … Naupo ako sa silyang inupuan ko bilang unang tagapayo sa Pangulo. Matagal kong pinagmasdan ang mga larawang iyon. Parang isa-isang nabuhay ang mga ito. Tila nakatitig ang mga mata nila sa akin. Nadama ko na hinihikayat nila ako at nangangakong susuportahan ako. Parang sinasabi nila sa akin na pinag-usapan na nila ako sa kapulungan sa langit, na hindi ako dapat matakot, na pagpapalain at sasang-ayunan sa aking paglilingkod.
“Lumuhod ako at nagsumamo sa Panginoon. Kinausap ko Siya nang matagal sa panalangin. … Nakatitiyak ako na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, narinig ko ang salita ng Panginoon, hindi sa tinig, kundi bilang isang mainit na damdamin sa aking puso hinggil sa mga tanong na iniluhog ko sa panalangin.”60
Matapos maranasan ito muli niyang isinulat ang nasa isip niya: “Mas magaan na ang pakiramdam ko, at mas nakatitiyak ako sa puso ko na natutupad ang kalooban ng Panginoon patungkol sa Kanyang layunin at kaharian, na sasang-ayunan ako bilang Pangulo ng Simbahan at bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, at maglilingkod hangga’t gusto ng Panginoon. May patibay ng Espiritu sa puso ko, handa na ako ngayong sumulong na gawin ang pinakamainam na alam kong gawin. Hindi ako makapaniwala na ilalagay ako ng Panginoon sa napakataas at napakasagradong tungkuling ito. … Sana’y sanayin ako ng Panginoon na gawin ang inaasahan Niya sa akin. Ibibigay ko sa Kanya ang aking buong katapatan, at talagang hihingin ko palagi ang Kanyang patnubay.”61
Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay itinalaga bilang Pangulo ng Simbahan noong Marso 12, 1995, at kinabukasan ay nagsalita siya sa isang press conference at sinagot ang mga tanong ng mga reporter. Iniulat ni Elder Jeffrey R. Holland na “nang malapit nang matapos ang magiliw at kadalasa’y may halong tawanan na mga pagtatanong na naganap sa news conference na ito, tinanong ng isang reporter si Pangulong Hinckley, ‘Ano ang pagtutuunan ninyo? Ano ang magiging tema ng inyong pamamahala?’
“Agad siyang sumagot ng, ‘Magpatuloy. Oo. Ang aming adhikain ay ipagpatuloy ang dakilang gawaing sinimulan ng mga nauna sa amin.’”62
Tinupad ni Pangulong Hinckley ang pangakong iyan. Bilang paggalang sa mga propetang nauna sa kanya, ipinagpatuloy niya ang kanilang naisagawa. At taglay ang pananampalataya sa Diyos Ama at kay Jesucristo, sinunod niya ang paghahayag na natanggap sa pagsasakatuparan ng gawaing iyan sa mga bagong pamamaraan.
Ilabas ang Simbahan “Mula sa Pagkakatago” (D at T 1:30)
Sa pagsisimula ng ministeryo ni Pangulong Hinckley, napuna ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawa: “Si Pangulong Hinckley ay tumutulong na ilabas ang Simbahan mula sa pagkakatago. Hindi susulong ang Simbahan sa paraang nararapat kung nakatago tayo sa ilalim ng takalan. Kailangang may maglakas-loob na lumabas, at handa iyong gawin ni Pangulong Hinckley. Siya ang taong nakauunawa ng nakaraan gayundin ng kasalukuyan, at siya ay pinagkalooban ng napakahusay na kakayahang magpahayag na nakatulong upang mailahad niya ang ating mensahe sa paraang magugustuhan ng mga tao saanman.”63
Ang malawak na kaalaman ni Pangulong Hinckley sa media at broadcasting ay nakatulong na maihanda siya sa gawaing ito. Bilang Pangulo ng Simbahan, madalas niyang paunlakan ang hiling ng mga journalist sa iba’t ibang panig ng mundo na interbyuhin siya, na sinasagot ang kanilang mga tanong tungkol sa doktrina at patakaran ng Simbahan at nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa bawat pagkakataon, naragdagan ang pag-unawa at nabuo ang mga pagkakaibigan.
Isang magandang halimbawa ang interbyu sa kanya noong 1996 ng beteranong reporter na si Mike Wallace sa programa sa telebisyon na 60 Minutes. Kilalang masugid na interviewer si Mr. Wallace, at inamin ni Pangulong Hinckley na may kaunti siyang agam-agam bago nagsimula ang interbyu na ipinalabas sa pambansang telebisyon sa Estados Unidos. “Kung magiging maganda ang resulta nito, ipagpapasalamat ko,” wika niya. “Kung hindi, nangangako ako na hinding-hindi na ako papatol na muli sa patibong na iyan.”64
Maganda ang kinalabasan ng interbyu, na nagpakita ng maraming positibong aspeto ng Simbahan. Ang isa pang naging resulta nito ay naging magkaibigan sina Mike Wallace at Pangulong Hinckley.
Noong 2002, ang Salt Lake City ang napiling pagdausan ng Winter Olympics, kaya natampok ang Simbahan sa maraming bansa. Hiningan ng payo si Pangulong Hinckley at ang kanyang mga tagapayo sa ilang bahagi ng paghahanda. “Sinadya nating huwag gamitin ang oras o lugar na ito para magturo ng ebanghelyo,” sabi niya, “ngunit malaki ang tiwala nating magbubunga ng maganda ang malaking kaganapang ito para sa Simbahan.”65 Tama siya. Libu-libong tao ang bumisita sa Salt Lake Valley at malugod na binati ng mababait na punong-abala—ang mga Banal sa mga Huling Araw at iba pa na nagtulungan upang maging matagumpay ang Olympic games. Ang mga bisitang ito ay naglibot sa Temple Square, nakinig sa Tabernacle Choir, at bumisita sa Family History Library. Bilyun-bilyong tao ang nakakita sa Salt Lake Temple sa telebisyon at nakita nila na maganda ang impresyon ng mga reporter sa Simbahan. Tulad nga ng sinabi ni Pangulong Hinckley, “malaking tagumpay iyon para sa Simbahan.”
Bukod sa paggamit ng tradisyunal na mga paraan ng komunikasyon, ginamit din ni Pangulong Hinckley ang makabagong teknolohiya. Halimbawa, nakita niyang magagamit ang Internet para mas mailapit ang Simbahan sa mga miyembro nito at maibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga taong iba ang relihiyon. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, inilunsad ng Simbahan ang LDS.org, FamilySearch.org, at Mormon.org.
Noong Hunyo 23, 2004, ang ika-94 na kaarawan ni Pangulong Hinckley, ginawaran siya ng Presidential Medal of Freedom, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa mga sibilyan sa Estados Unidos. Bilang tugon sinabi niya: “Malaking karangalan sa akin na tanggapin ang prestihiyosong parangal na ito mula sa Pangulo ng Estados Unidos. Labis akong nagpapasalamat. Higit pa riyan, kinikilala at pinararangalan nito ang Simbahan na nagbigay sa akin ng napakaraming oportunidad at siya ring pinagsisikapan kong paglingkuran.”66 Itinuring niya ang parangal na ito na simbolo ng gumagandang pagkilala sa Simbahan at katibayan na ito ay tunay ngang nailabas na mula sa pagkakatago.
Paglalakbay kasama ang mga Banal sa mga Huling Araw
Hindi nasisiyahan si Pangulong Hinckley sa paglalakbay, ngunit mas gusto niyang maglingkod sa mga Banal sa mga Huling Araw kaysa manatili lang sa bahay. Ayon sa kanya gusto niyang “makahalubilo ang ating mga tao para maipaabot ko ang pasasalamat at panghihikayat, at magpatotoo sa kabanalan ng gawain ng Panginoon.”67 Noong nagsisimula pa lamang siya sa kanyang pamumuno sinabi niya, “Determinado ako na hangga’t may lakas ako ay makikisalamuha ako sa mga tao rito sa atin at sa ibang bansa . … Kikilos ako nang buong sigla hangga’t kaya ko. Nais kong makasalamuha ang mga taong mahal ko.”68
Nang maglingkod siya bilang Pangulo ng Simbahan, napakarami niyang pinuntahan sa loob ng Estados Unidos at binisita ang mahigit 90 bansa sa labas ng Estados Unidos. Sa kabuuan, naglakbay siya nang mahigit isang milyong milya (1.6 milyong kilometro) bilang Pangulo ng Simbahan, upang makasama at makausap ang mga Banal sa lahat ng dako ng mundo.69
Sa ilang lugar, napakatindi ng sakripisyong kailangang gawin ng mga tao para makita siya. Halimbawa, noong 1996 binisita nila ni Sister Hinckley ang Pilipinas, kung saan umabot na sa mahigit 375,000 ang mga miyembro ng Simbahan. Nakaiskedyul silang magsalita ni Sister Hinckley isang gabi sa isang pulong sa Araneta Coliseum sa Maynila. Hapon pa lang “ay punung-puno na [ang coliseum] at hindi na magkasya ang mga tao. Nagsimula nang pumila ang mga tao nang alas-7:00 n.u. para sa isang pulong na labindalawang oras pa bago magsimula. Umabot na sa halos 35,000 miyembro ang nagsisiksikan sa coliseum na may kapasidad na 25,000, pati na sa mga pasilyo at bulwagan. Maraming miyembro ang bumiyahe nang dalawampung oras sakay ng barko at bus para makarating sa Maynila. Para sa ilan, ang halaga ng pamasahe ay katumbas ng ilang buwang suweldo. …
“Nang malaman ni Pangulong Hinckley na puno na ang coliseum at itinatanong ng namamahala kung puwedeng magsimula nang mas maaga ang pulong, agad niyang sinabi, ‘Halina kayo.’ Pumasok na sila ni Sister Hinckley sa malaking coliseum. … Parang may naghudyat, sabay-sabay na nagtayuan ang kongregasyon, nagpalakpakan, at pagkatapos ay sinimulan ang madamdaming pag-awit ng ‘Salamat, O Diyos, sa aming Propeta.’”70
Batid na hindi nila mapupuntahan ng mga kapatid ang lahat ng gusto nilang puntahan, hinikayat ni Pangulong Hinckley ang paggamit ng teknolohiya upang mapagbilinan ang mga lider sa buong mundo. Gamit ang satellite, pinanguluhan niya ang brodkast ng pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno na ginanap sa unang pagkakataon noong Enero 2003.
Pagbibigay-diin sa Kahalagahan ng Pagkatuto at Pagtuturo ng mga Espirituwal at Sekular na Katotohanan
Sinabi ni Pangulong Hinckley: “Walang sinuman sa atin … ang may sapat na kaalaman. Ang pag-aaral ay isang walang-katapusang gawain. Dapat nating basahin, dapat nating obserbahan, dapat nating unawain, at dapat nating pagnilayin ang mga bagay na pinagtutuunan ng ating isipan.”71 Sinabi rin niya: “Mabisang pagtuturo ang pinakadiwa ng pamumuno sa Simbahan. Ang buhay na walang hanggan ay darating lamang kung ang mga lalaki at babae ay maturuan nang napakabisa para baguhin at disiplinahin ang kanilang buhay. Hindi sila maaaring piliting maging matwid o mapunta sa langit. Kailangan silang gabayan at ang paraang yaon ay pagtuturo.”72
Nais ni Pangulong Hinckley na maglaan ng dagdag na espirituwal na pangangalaga sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Noong 1995 masaya niyang inaprubahan ang planong maglathala ng mga serye ng aklat upang magkaroon ng gospel library ang mga miyembro ng Simbahan. Hindi nagtagal ay nagsimulang maglathala ang Simbahan ng mga seryeng ito, na tinawag na Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan, na kinabibilangan ng aklat na ito.
Ang sekular na pag-aaral ay mahalaga rin kay Pangulong Hinckley. Nag-alala siya tungkol sa mga miyembro ng Simbahan sa mga lugar sa mundo na nagdarahop sa kahirapan na hindi kayang tustusan ang pag-aaral sa kolehiyo o pagsasanay sa trabaho. Kung hindi sila nakatapos ng kolehiyo o nakapagsanay, karamihan sa kanila ay mananatili sa kahirapan. Sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2001, sinabi ni Pangulong Hinckley:
“Sa pagsisikap na mabigyang-solusyon ang sitwasyong ito, kami ay nagmungkahi ng isang plano-—isang plano na pinaniniwalaan naming binigyang-inspirasyon ng Panginoon. Ang Simbahan ay nagtatag ng isang pondo na halos mula sa mga kontribusyon ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nag-ambag at mag-aambag para sa layuning ito. Lubos kaming nagpapasalamat sa kanila. … Tatawagin natin itong Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon [Perpetual Education Fund].”73
Ipinaliwanag ni Pangulong Hinckley na ang mga makikinabang sa programang ito ay pauutangin ng pondong inambag ng mga miyembro ng Simbahan, para panustos sa pag-aaral o pagsasanay sa trabaho. Pagkatapos ng kanilang pag-aaral o pagsasanay, inaasahan na babayaran nila ang kanilang hiniram upang magamit din ito para tulungan ang iba. Ipinaliwanag din ni Pangulong Hinckley na ang Perpetual Education Fund ay “batay sa gayunding alituntuning kinasaligan ng Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon o Perpetual Emigrat[ing] Fund,” na itinatag ng Simbahan noong 1800s para tulungan ang mga nagdarahop na mga Banal na nandayuhan sa Sion.74
Sa loob ng anim na buwan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nakapagbigay na ng milyun-milyong dolyar para sa Perpetual Education Fund.75 Isang taon matapos ipaalam ang plano, ipinahayag ni Pangulong Hinckley: “Matibay na ang pundasyon ng gawaing ito. … Ang mga kabataang nagdarahop sa mundo, mga kabataang karamiha’y nangagsiuwi nang mga misyonero, ay makapag-aaral na upang [makaahon] sila sa kahirapang nakamulatan ng maraming henerasyon.”76 Ang programang ito ay patuloy na pinagpapala ang mga Banal sa mga Huling araw, kapwa tumatanggap at nagbibigay.
Pagpapatotoo sa Kasagraduhan ng Kasal at Pamilya
Sa pangkalahatang pulong ng Relief Society na ginanap noong Setyembre 23, 1995, sinabi ni Pangulong Hinckley:
“Dahil sa dami ng tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan, sa dami ng panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng pang-aakit at panggaganyak na gawin ang mga kasalanang unti-unting lumalaganap sa mundo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala bago mangyari iyon. Bilang karagdagan dito, kami ng Unang Panguluhan at ng Konseho ng Labindalawang Apostol ay nagpapalabas ngayon ng isang pahayag sa Simbahan at sa daigdig bilang pagpapahayag at muling pagpapatibay sa mga pamantayan, doktrina, at gawaing may kinalaman sa pamilya na paulit-ulit na binabanggit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito.”77
Sa panimulang ito, binasa ni Pangulong Hinckley, sa unang pagkakataon sa publiko, ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”
Ang kabanalan ng kasal at pamilya ay isang palagiang tema sa mga turo ni Pangulong Hinckley. Isinumpa niya ang anumang uri ng pang-aabuso at hinikayat ang mga magulang at anak na magpasensya sa isa’t isa, mahalin ang isa’t isa, turuan ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa. Sa isang liham noong Pebrero 11, 1999, sinabi niya at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Nananawagan kami sa mga magulang na pag-ukulan nila ng malaking pagsisikap ang pagtuturo at pagpapalaki sa kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapanatili sa kanila sa Simbahan. Ang tahanan ang batayan ng matwid na buhay, at wala nang ibang kaparaanang makakapalit sa lugar nito o makakaganap sa mahalagang tungkulin nito sa pagpapatupad ng responsibilidad na ibinigay ng Diyos.
“Ipinapayo namin sa mga magulang at anak na gawing pinakamataas na prayoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhang mga gawaing pampamilya. Gaano man ang pagkamarapat at kaangkupan ng iba pang mga gawain o aktibidad, hindi dapat payagang palitan ng mga ito ang mga tungkuling itinakda ng langit na tanging mga magulang at pamilya ang makagaganap.”78
Pagtulong sa mga Bagong Convert
Gustung-gustong makita ni Pangulong Hinckley ang malalaking bilang ng mga taong sumasapi sa Simbahan, ngunit nag-alala siya tungkol sa mga taong kumakatawan sa malalaking bilang na iyon. Sa simula ng kanyang pamumuno sinabi niya:
“Dahil dumarami ang mga miyembro, kailangan nating gawing mas makabuluhan ang ating pagsisikap na tulungan silang matagpuan ang daan. Bawat isa sa kanila ay nangangailangan ng tatlong bagay: isang kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng ‘mabuting salita ng Diyos’ (Moroni 6:4). Ito ang tungkulin at pagkakataon nating ilaan ang mga bagay na ito.”79
Pagpapatatag sa mga bagong convert ang palagiang tema ng mensahe ni Pangulong Hinckley. Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ang sumusunod na salaysay tungkol sa pagbibigay-diin niya sa temang ito: “Pabiro niyang hinampas ang mesa sa kanyang harap at sinabi sa Labindalawa kamakailan, ‘Mga kapatid, pagkamatay ko at patapos na ang serbisyo sa lamay, babangon ako, at tititigan ko ang bawat isa sa inyo, at itatanong, “Kumusta na ang pamamalagi ng mga miyembro sa Simbahan?”’”80
Pagtatayo ng Templo
Noong 1910, ang taon kung kailan isinilang si Gordon B. Hinckley, may 4 na templong gumagana ang Simbahan sa mundo, at lahat ay nasa Utah. Noong 1961, nang iorden siya bilang Apostol, umabot na sa 12 ang bilang nito. Malaking pag-unlad ito, ngunit madalas banggitin ni Elder Hinckley ang pag-aalala niya na maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang walang sapat na pagkakataong makatanggap ng mga pagpapala ng templo. Noong 1973, habang naglilingkod bilang chairman ng Temple Committee ng Simbahan, isinulat niya sa kanyang journal: “Kayang magtayo ang Simbahan ng [maraming mas maliliit] na templo sa halagang gagastusin sa Washington Temple [na kasalukuyang ginagawa noon]. Ilalapit nito ang mga templo sa mga tao sa halip na ang mga tao ang maglalakbay nang napakalayo para makapunta rito.”81
Nang sang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan noong 1995, ang bilang ng templo ay umabot na sa 47, ngunit matindi pa rin ang hangarin niyang dagdagan pa ito. Sabi niya, “Matindi pa rin ang hangarin kong magkaroon ng templo kung saan ito kailangan upang ang ating mga tao, saan man sila nakatira, ay hindi kailangang magsakripisyo nang malaki para makapunta sa Bahay ng Panginoon para sa sarili nilang mga ordenansa at para sa pagkakataong makagawa ng mga ordenansa para sa mga patay.”82
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1997, ipinaalam ni Pangulong Hinckely ang isang napakahalagang balita: sisimulan ng Simbahan ang pagtatayo ng mas maliliit na templo sa iba’t ibang panig ng mundo.83 Sabi niya kalaunan, “Naniniwala ako, na ang konsepto ng maliliit na templo, ay direktang inihayag.”84 Noong 1998 ibinalita niya na ang 30 bagong mas maliliit na templo, kasama ang iba pang mga templong nakaplanong itayo o kasalukuyang itinatayo, “ay aabot na sa 47 bagong templo bukod pa sa 51 gumagana.” Sa kasiyahan ng lahat ng nakikinig, idinagdag pa ni Pangulong Hinckley, “Palagay ko mas maganda kung magdaragdag pa tayo ng 2 para maging 100 bago matapos ang siglong ito, na 2,000 taon na ‘mula noong pumarito ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo’ (D at T 20:1).” Pagkatapos ay ipinangako niya, “Marami pang itatayo.”85
Noong Oktubre 1, 2000, inilaan ni Pangulong Hinckley ang Boston Massachusetts Temple, ang ika-100 templong gumagana. Bago matapos ang taong 2000, inilaan niya ang dalawa pang templo. Nang pumanaw siya noong 2008, may 124 templo na ang Simbahan, at 13 pa ang ipinaalam na itatayo. Si Pangulong Hinckley ay kasama sa pagpaplano at pagtatayo ng karamihan sa mga ito, at siya mismo ang naglaan ng 85 sa mga ito. Inilaan din niyang muli ang 13 rito (8 sa mga ito ay siya rin ang dating naglaan).
Ang Conference Center
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1995, ipinahiwatig ni Pangulong Hinckley ang isang ideya na matagal na niyang iniisip. Sa kanyang mensahe sa Tabernacle sa Temple Square, sinabi niya: “Ang malaking tabernakulong ito ay tila lumiliit taun-taon. Nakakasama na natin ang mas malalaking grupo sa iisang gusaling ito sa ilang regional conference.”86 Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1996, ipinaliwanag pa ni Pangulong Hinckley ang kanyang ideya:
“Ikinalulungkot ko na maraming nais makipagpulong sa atin sa Tabernakulo ngayong umaga ang hindi nakapasok. Napakaraming tao sa bakuran ng tabernakulo. Ang kakaiba at kahanga-hangang bulwagang ito, na itinayo ng ating mga tagabunsod na ninuno at kanilang itinalaga sa pagsamba sa Panginoon ay maginhawang nakapaglalaman ng mga 6,000. Ang ilan sa inyo na nakaupo sa loob ng dalawang oras sa matitigas na bangkong iyan ay maaring pag-alinlanganan ang salitang maginhawa.
“Ang puso ko’y nasa mga nagnanais pumasok subalit hindi na maaaring papasukin. Nagpanukala ako sa mga Kapatid mga isang taon na ang nakalilipas na marahil ay panahon na upang pag-aralan ang pagtatayo ng isa pang ilalaang bahay-sambahan na higit na malaki na maaaring maglaman ng tatlo o apat na beses ang dami sa maaaring makaupo sa gusaling ito.”87
Noong Hulyo 24, 1997, sa ika-150 anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer sa Salt Lake Valley, pinasimulan ang pagtatayo ng bagong gusali—na tatawaging Conference Center—sa lote sa tabi ng hilagang bahagi ng Temple Square. Wala pang tatlong taon mula noon, noong Abril 2000, ang unang sesyon ng pangkalahatang kumperensya ay idinaos doon, kahit hindi pa ganap na tapos ang gusali. Inilaan ni Pangulong Hinckley ang Conference Center sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2000. Bago ialay ang panalangin ng paglalaan, tumayo siya sa pulpito, na gawa sa puno ng black walnut na kanyang itinanim noon sa sariling bakuran, at sinabi:
“Ngayon ay ilalaan natin ito bilang isang bahay-sambahan sa Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Umaasa at dumadalangin kami na patuloy na maipahayag sa buong mundo mula sa pulpitong ito ang pagpapahayag ng patotoo at doktrina, ng pananampalataya sa Buhay na Diyos, at pasasalamat para sa dakilang pagbabayad-salang sakripisyo ng ating Manunubos.”88
Patotoo kay Jesucristo
Noong Enero 1, 2000, inilathala ni Pangulong Hinckley, kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Patungkol sa Tagapagligtas ay ipinahayag nila, “Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”89
At wala nang ibang bagay na nakapagbigay ng gayon kalaking impluwensya sa buhay ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Mahigit 46 na taon siyang naglingkod bilang natatanging saksi sa pangalan ni Jesucristo. Ilang buwan mula nang ilathala nila ng mga kapatid “Ang Buhay na Cristo,” tumayo si Pangulong Hinckley sa harapan ng mga Banal sa mga Huling Araw at sinabi: “Sa lahat ng bagay na pinasasalamatan ko sa umagang ito, ang isang ito ay tumatayong katangi-tangi. Iyon ay ang buhay na patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Pinakamakapangyarihang Diyos, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Banal.”90
Mga Pagsubok at Pag-asa
Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya ng Abril 2004, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Medyo atubili ako pero may gusto akong sabihin sandali. Napansin ng ilan sa inyo na wala rito si Sister Hinckley. Sa kauna-unang pagkakataon sa loob ng 46 na taon, simula nang maging General Authority ako, ngayon lang siya hindi dumalo sa pangkalahatang kumperensya. … Pauwi na kami [mula sa Africa noong Enero] nang mawalan siya ng malay dahil sa pagod. Nahirapan na siya simula noon. … Palagay ko’y gastado na ang orasan, at hindi namin alam kung paano ito ibabalik sa dati.
“Nalulungkot ako. Sa buwang ito’y 67 taon na kaming kasal. Siya ang ina ng lima naming magagaling na anak, lola ng 25 naming mga apo at ng dumaraming mga apo-sa-tuhod. Lagi kaming magkasama sa paglipas ng mga taong ito, magkatuwang at magkasama sa lungkot at ligaya. Maraming ulit na siyang nagpatotoo hinggil sa gawaing ito, nagbabahagi ng pagmamahal, panghihikayat, at pananampalataya saan man siya ay magpunta.”91
Pagkaraan ng dalawang araw, noong Abril 6, pumanaw si Marjorie Pay Hinckley. Ang milyun-milyong tao, na minahal siya dahil sa kanyang pagmamalasakit, pagiging masayahin, at matatag na pananampalataya, ay nakidalamhati kay Pangulong Hinckley. Nagpasalamat siya sa pagbuhos ng liham ng pagsuporta at pagmamahal mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga pahayag na ito, sabi niya, ay “naghatid ng ginhawa sa oras ng aming pagdadalamhati.”92 Maraming tao ang nagbigay ng kontribusyon sa pangalan ni Sister Hinckley sa Perpetual Education Fund.
Kahit mahirap para sa kanya ang pagpanaw ni Marjorie, nagpatuloy pa rin si Pangulong Hinckley sa gawain sa Simbahan, kahit humihina na rin ang kanyang kalusugan. Nagsimula na siyang gumamit ng tungkod. Kung minsan ay ginagamit niya ito para pang-alalay sa sarili, ngunit mas madalas niya itong gamitin sa pagkaway sa mga miyembro ng Simbahan. Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson nang minsang kausapin siya ng doktor ni Pangulong Hinckley, na nag-alala sa paraan ng paggamit—at hindi paggamit—ni Pangulong Hinckley ng kanyang tungkod. Sabi ng doktor: “Ayaw nating bumagsak siya o mabalian ng buto sa balakang. Sa halip, ikinakaway niya ito at hindi ginagamit kapag naglalakad siya. Pakisabi sa kanya na ang tungkod niya ay bilin ng kanyang doktor at kailangan niyang gamitin ito kung para saan talaga ito.” Sumagot si Pangulong Monson, “Doktor, ako ay tagapayo ni Pangulong Hinckley. Ikaw ay kanyang doktor. Ikaw ang magsabi sa kanya!”93
Noong 2006, sa edad na 95, si Pangulong Hinckley ay nasuring may kanser. Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre noong taong iyon, sinabi niya: “Pinayagan akong mabuhay ng Panginoon; hindi ko alam kung gaano katagal. Ngunit gaano man katagal, patuloy kong gagawin ang lahat sa abot ng aking makakaya sa tungkuling ibinigay sa akin. … Maganda ang pakiramdam ko; maganda rin naman ang kalusugan ko. Ngunit kapag kailangan na akong palitan magiging maayos ang pagbabago at naaayon sa kalooban Niya na may-ari ng Simbahang ito.”94
Isang taon kalaunan, noong Oktubre 2007, tinapos ni Pangulong Hinckley ang kanyang huling pangkalahatang kumperensya sa mga salitang ito: “Inaasam naming makita kayong muli sa Abril. Ako ay 97 na, pero sana’y umabot pa ako. Nawa’y sumainyo ang mga basbas ng langit ngayon ang aba at taimtim naming dalangin sa pangalan ng ating Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.”95
Inilarawan ng anak nina Pangulong Hinckley at Sister Hinckley na si Virginia ang apat na taong lumipas mula nang mamatay si Sister Hinckley bilang “ang pinakasukdulan” sa buhay ni Pangulong Hinckley. Pagkatapos ay ginunita niya ang panalanging inialay ng kanyang ama para sa renobasyon ng kapilya sa Salt Lake City noong Enero 20, 2008, isang linggo bago ito pumanaw:
“Sa panalanging iyon, sa kakaibang paraan, sumamo siya sa Panginoon para sa kanyang sarili bilang propeta. Puno siya ng pasasalamat nang sabihin niyang ‘simula noong panahon ni Joseph Smith hanggang sa ngayon ay pumili at humirang Kayo ng isang propeta sa mga taong ito. Salamat po sa Inyo at sana po aliwin at tulungan Ninyo siya at pagpalain batay sa kanyang pangangailangan at sa Inyong dakilang mga layunin.’”96
Noong Huwebes, Enero 24, 2008, sa unang pagkakataon, hindi nakasama si Pangulong Hinckley sa kanyang mga kapatid sa kanilang lingguhang pulong sa templo. Nang sumunod na Linggo, Enero 27, binigyan siya ni Pangulong Monson ng basbas ng priesthood, kasama sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Boyd K. Packer. Kalaunan nang araw na iyon, payapang pumanaw si Pangulong Gordon B. Hinckley sa kanyang tahanan, na napapaligiran ng kanyang limang anak at ng kanilang mga asawa.
Pagkaraan ng ilang araw, libu-libo ang nagbigay-galang nang sulyapan nila ang labi ni Pangulong Hinckley sa Hall of the Prophets sa Conference Center. Ang mga lider ng ibang simbahan at mga lider sa pamahalaan at komersyo ay nagpaabot din ng pakikidalamhati, nagpasalamat sa mga impluwensya at mga turo ni Pangulong Hinckley.
Ang serbisyo sa libing ay ginanap sa Conference Center at isinahimpapawid sa mga gusali ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Inawit ng Tabernacle Choir ang isang bagong himno bilang bahagi ng pulong, na pinamagatang “Ano ba Itong Tinatawag na Kamatayan?” Ang mga titik ng himno ay isinulat ni Pangulong Hinckley—na kanyang huling patotoo kay Jesucristo sa kanyang mga kaibigan na itinuring siyang isang propeta:
Ano ba itong tinatawag na kamatayan,
Itong tahimik na paghimlay sa gabi?
‘Di ito ang wakas, kundi panimula
Ng mas maganda at maliwanag na bukas.
O Diyos, hipuin Ninyo ang pusong nasasaktan,
At payapain ako nang pangamba ay maparam.
Hayaang pag-asa at pananampalatayang busilak at dalisay,
Ang magbigay lakas at kapayapaan sa kabila ng kalungkutan.
Ito’y pagbabago lang, at walang kamatayan,
Gantimpala sa tagumpay ay makakamtan;
Ang kaloob Niya na nagmahal sa sangkatauhan,
Ang Anak ng Diyos, na Kabanal-banalan.97