Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Pamumuno ng mga Mayhawak ng Priesthood sa Simbahan ni Jesucristo


Kabanata 19

Pamumuno ng mga Mayhawak ng Priesthood sa Simbahan ni Jesucristo

“Binabantayan ng Panginoon ang gawaing ito. Ito ang Kanyang kaharian. Hindi tayo mga tupang walang pastol. Hindi tayo isang hukbong walang pinuno.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Paggunita ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang una kong responsibilidad sa Simbahan, ang unang katungkulang hinawakan ko sa lahat, ay tagapayo sa batang lalaking namuno sa aming deacons quorum. Pinapasok ako ng aming butihing bishop at kinausap tungkol sa tungkuling ito. Hangang-hanga ako. Nabagabag ako at nag-alala. Sa maniwala kayo’t sa hindi, likas akong mahiyain at hindi palakibo, at palagay ko ang tawag na maglingkod bilang tagapayo sa isang deacons quorum ay nakabagabag sa akin, pagdating sa edad ko at karanasan, na katulad ng responsibilidad ko ngayon pagdating sa edad ko at karanasan.”1

Gayon din ang naging damdamin ni Pangulong Hinckley noong 1961, nang tawagin siyang maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Apostol, sinabi niya:

“Bahagya kong nadarama ang bigat ng responsibilidad na ito na tumayo bilang saksi ng Panginoong Jesucristo sa harap ng isang mundo na nag-aatubiling tanggapin siya. ‘Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus.’ Napakumbaba ako ng tiwala ng Propeta ng Panginoon sa akin, at sa hayagang pagmamahal nila, na aking mga kapatid. … Dalangin ko na magkaroon ako ng lakas; tulungan ako; at magkaroon ako ng pananampalataya at kahandaang sumunod.”2

Noong Abril 1, 1995, nagsalita si Pangulong Hinckley sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya matapos siyang sang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan sa unang pagkakataon bilang kanilang propeta at Pangulo. Sa nagdaang 14 na taon, naglingkod siya bilang tagapayo sa tatlong iba pang Pangulo ng Simbahan. Paulit-ulit niyang pinatotohanan ang kabanalan ng kanilang tungkulin at hinikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na sundin ang kanilang payo. Ngayon, nang matagpuan ang sarili sa katungkulang iyon, hindi nabawasan ang kanyang pag-asa sa Panginoon mula noong siya ay maging deacon o bagong tawag na Apostol. Sa halip, mas nabatid niya ang kanyang pangangailangan sa lakas na nagmumula sa Panginoon. Sabi niya:

“Ang nakataas ninyong mga kamay sa kapita-pitagang pulong ngayong umaga ay nagpapakita ng kahandaan at hangarin ninyong suportahan kami, na inyong mga kapatid at tagapaglingkod, ng inyong pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin. Labis akong nagpapasalamat sa ipinakita ninyong iyan. Salamat sa inyo, sa bawat isa sa inyo. Tinitiyak ko sa inyo, tulad ng alam ninyo, na sa mga pamamaraan ng Panginoon, walang naghahangad ng katungkulan. Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at akin kayong inihalal” (Juan 15:16). Ang katungkulang ito ay hindi hinahangad. Ang Panginoon ang may karapatang pumili. Siya ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Siya ang may kapangyarihang tumawag. Siya ang may kapangyarihang mag-alis. Siya ang may kapangyarihang magpanatili. Nasa mga kamay Niya ang lahat.

“Hindi ko alam kung bakit kasama sa Kanyang dakilang plano ang isang katulad ko. Ngunit dahil nasa akin na ang responsibilidad na ito, muli kong inilalaan ang anumang lakas o panahon o talento o buhay ko sa gawain ng aking Panginoon sa paglilingkod sa aking mga kapatid. Muli, salamat … sa mga ginawa ninyo ngayong araw na ito. Dalangin ko na nawa’y maging karapat-dapat ako. Sana’y maalaala ninyo ako sa inyong mga dalangin.”3

Unang Panguluhan

Ang Unang Panguluhan, 1995. Pangulong Gordon B. Hinckley (gitna); Pangulong Thomas S. Monson, Unang Tagapayo (kaliwa); at Pangulong James E. Faust, Pangalawang Tagapayo (kanan).

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Tinatawag ng Panginoon ang bawat Pangulo ng Simbahan matapos siyang masubukan, mapadalisay, at maihanda.

Nakatrabaho ko ang mga Pangulo ng Simbahan mula kay Pangulong Heber J. Grant hanggang ngayon. … Nakilala ko ang mga tagapayo ng lahat ng kalalakihang ito, at nakilala ko ang Konseho ng Labindalawa sa mga taon ng pamamahala ng mga Pangulong ito. Lahat ng kalalakihang ito ay mga tao. Mayroon silang mga katangian ng tao at marahil ng ilang kahinaan ng tao. Ngunit ang mas mahalaga, ang buhay ng bawat isa sa kanila ay puspos ng inspirasyon ng Diyos. Yaong mga naging Pangulo ay naging tunay na mga propeta. Nasaksihan ko mismo ang diwa ng paghahayag sa kanila. Bawat lalaki ay natawag sa Panguluhan pagkaraan ng maraming taon ng karanasan bilang miyembro ng Konseho ng Labindalawa at sa iba pang katungkulan. Pinadalisay at inihanda ng Panginoon ang bawat isa, hinayaan siyang makadama ng kalungkutan at kabiguan, ng karamdaman at sa ilang pagkakataon ay matinding kalungkutan. Lahat ng ito ay naging bahagi ng matinding proseso ng pagdadalisay, at ang epekto ng prosesong iyan ay kitang-kita sa kanilang buhay.

Mahal kong mga kaibigan sa ebanghelyo, ito ay gawain ng Diyos. Ito ang kanyang Simbahan at ang Simbahan ng kanyang Pinakamamahal na Anak na ang pangalan ay taglay nito. Hinding-hindi tutulutan ng Diyos ang isang impostor na mamuno rito. Tatawagin niya ang kanyang mga propeta, at bibigyang-inspirasyon at papatnubayan sila.4

Nag-aalala ang ilan na palaging matanda ang nagiging Pangulo ng Simbahan, at ang sagot ko ay, “Kaylaking pagpapala!” … Hindi kailangang maging bata pa siya. Mayroon at patuloy siyang magkakaroon ng nakababatang kalalakihan na maglalakbay sa buong mundo sa gawain ng ministeryo. Siya ang namumunong high priest, ang mayhawak ng lahat ng susi ng banal na priesthood, at ang tinig ng paghahayag mula sa Diyos tungo sa kanyang mga tao. …

Naisip ko na may napakalaking kapanatagan sa kaalaman na … magkakaroon tayo ng isang Pangulo na nadisiplina at naturuan, nasubukan at napatunayan, na ang katapatan sa gawain at integridad sa layunin ay napalakas ng paglilingkod, na ang pananampalataya ay nahusto, at ang pagiging malapit sa Diyos ay nalinang sa loob ng maraming taon.5

Nagpapasalamat ako … sa isang propetang gumagabay sa atin sa mga huling araw na ito. Nawa’y maging tapat ako sa kanya na tinawag at hinirang ng Panginoon. Nawa’y maging matatag ako sa pagsuporta sa kanya at pagdinig sa kanyang mga turo. Nasabi ko na … na kung tayo ay may propeta, nasa atin na ang lahat. Kung wala tayong propeta, wala tayong anuman. May propeta tayo. May mga propeta na tayo simula pa nang itatag ang Simbahang ito. Hindi tayo mawawalan ng propeta kailanman kung mamumuhay tayo nang marapat para sa isang propeta.

Ginagabayan ng Panginoon ang gawaing ito. Ito ang Kanyang kaharian. Hindi tayo katulad ng mga tupang walang pastol. Hindi tayo katulad ng isang hukbo na walang pinuno.6

2

Kapag pumanaw ang isang Pangulo ng Simbahan, ang senior na Apostol ang kasunod na Pangulo.

Ang paglilipat ng awtoridad [sa isang bagong Pangulo ng Simbahan], kung saan ako nakibahagi nang ilang beses, ay maganda at simple. Ipinakikita nito kung paano ginagawa ng Panginoon ang mga bagay-bagay. Ayon sa Kanyang pamamaraan isang lalaki ang pinipili ng propeta na maging miyembro ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol. Hindi niya pinipili ito bilang propesyon. Tinawag siya, tulad ng mga Apostol sa panahon ni Jesus, na sinabihan ng Panginoon, “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal.” (Juan 15:16.) Lumilipas ang mga taon. Siya ay tinuruan at sinanay sa kanyang mga tungkulin. Naglalakbay siya sa buong mundo para gampanan ang kanyang tungkulin bilang apostol. Mahabang paghahanda ito, kung saan nakikilala niya ang mga Banal sa mga Huling Araw saanman sila naroon, at siya ay nakilala nila. Sinusubukan ng Panginoon ang kanyang puso at kalooban. Sa mga karaniwang pangyayari, nagkakaroon ng mga bakante sa kapulungang iyon at may mga bagong hinihirang. Sa paraang ito nagiging isang senior na Apostol ang isang partikular na lalaki. Nasa kanya, at sa kanyang kasamang mga Kapatid, na ibinigay sa bawat isa sa oras ng ordinasyon, ang lahat ng susi ng priesthood. Ngunit ang awtoridad na gamitin ang mga susing iyon ay nasa Pangulo lamang ng Simbahan. Sa pagpanaw [ng propeta], ang awtoridad na iyon ay magagamit ng senior na Apostol, na tinawag, itinalaga, at inorden bilang propeta at Pangulo ng kanyang mga kasamahan sa Kapulungan ng Labindalawa.

Walang kumakandidato. Walang nangangampanya. Naroon lang ang tahimik at simpleng pagsasagawa ng isang banal na plano na naglalaan ng inspirado at matatag na pamumuno.

Nasaksihan ko, nang personal, ang napakagandang paraang ito. Pinatototohanan ko sa inyo na ang Panginoon ang [pumipili ng propeta].7

Nang pumanaw si Pangulong [Howard W.] Hunter, na-release ang Unang Panguluhan. Nanungkulan kami ni Brother Monson, na naglingkod bilang kanyang mga tagapayo, sa aming posisyon sa Korum ng Labindalawa, na naging namumunong awtoridad ng Simbahan.

… Sama-samang nag-ayuno at nanalangin ang lahat ng buhay na inordeng Apostol sa silid sa itaas ng templo. Dito’y sama-sama kaming kumanta ng isang sagradong himno at nanalangin. Nakibahagi kami ng sakramento ng hapunan ng Panginoon, na pinaninibago sa sagrado at masimbolong ordenansang iyon ang aming mga tipan at kaugnayan sa Kanya na ating banal na Manunubos.

Pagkatapos ay muling binuo ang panguluhan, na sinusunod ang huwarang itinatag nang maayos sa nakalipas na mga henerasyon.

Doon ay walang nangampanya, walang nakipagpaligsahan, walang nag-ambisyong maupo sa katungkulan. Iyon ay tahimik, payapa, simple, at sagrado. Ginawa iyon alinsunod sa huwarang itinakda ng Panginoon.8

3

Ang Panginoon ay naglaan ng mga alituntunin at patakaran para sa mga pamamahala ng Kanyang Simbahan kung hindi lubos na magampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin.

Ipinahayag ni Pangulong Hinckley ang sumusunod noong 1992, nang maglingkod siya bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: Ang pinuno ng Simbahan ay ang Panginoong Jesucristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Ngunit ang pinuno sa lupa ay ang ating propeta. Ang mga propeta ay kalalakihang pinagkalooban ng banal na tungkulin. Sa kabila ng kabanalan ng tungkuling iyon, sila ay mga tao. Lantad sila sa mga problema ng mortalidad.

Minamahal at nirerespeto at iginagalang at inaasahan natin ang propeta sa panahong ito, si Pangulong Ezra Taft Benson. Siya ay isang dakila at matalinong lider, isang lalaking nagpatotoo sa gawaing ito sa iba’t ibang panig ng mundo. Hawak niya ang lahat ng susi ng priesthood sa lupa sa panahong ito. Ngunit umabot na siya sa edad na hindi na niya magagawa ang marami sa mga bagay na minsan na niyang ginawa. Hindi ito nakabawas sa kanyang katungkulan bilang propeta. Ngunit naglagay ito ng mga limitasyon sa kanyang mga pisikal na aktibidad.9

Ipinahayag ni Pangulong Hinckley ang sumusunod noong 1994, nang maglingkod siya bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: Ang mga tao sa buong Simbahan ay talagang sabik na malaman ang kalagayan ng Pangulo. Si Pangulong Benson ay siyamnapu’t limang taon na ngayon. … Labis siyang nahirapan dahil sa mga epekto ng katandaan at karamdaman at hindi niya nagampanan ang mahahalagang tungkulin ng kanyang sagradong katungkulan. Hindi ito isang sitwasyon na noon lang nangyari. Ang iba pang mga Pangulo ng Simbahan ay nagkasakit din o hindi lubos na nakaganap sa kanilang tungkulin sa mga huling buwan o taon ng kanilang buhay. Posibleng mangyari itong muli sa hinaharap.

Ang mga alituntunin at pamamaraang itinakda ng Panginoon para sa pamamahala ng Kanyang Simbahan ay nakahanda para sa gayong sitwasyon. Mahalaga … na walang mga pag-aalinlangan o pag-aalala tungkol sa pamamahala ng Simbahan at sa paggamit ng mga kaloob na ibinigay sa propeta, kabilang na ang karapatang mabigyan ng inspirasyon at paghahayag sa pamamahala sa mga gawain at programa ng Simbahan, kapag ang Pangulo ay nagkasakit o hindi lubos na makaganap sa tungkulin.

Ang Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol, na tinawag at inorden na humawak ng mga susi ng priesthood, ay may awtoridad at responsibilidad na pamahalaan ang Simbahan, pangasiwaan ang mga ordenansa nito, linawin ang doktrina nito, at itatag at panatilihin ang mga gawain nito. Bawat lalaking inorden bilang Apostol at itinalaga bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa ay sinasang-ayunan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Tulad ng mga nauna sa kanya, si Pangulong Benson ang senior na Apostol nang matawag siya bilang Pangulo ng Simbahan. Ang Kanyang mga Tagapayo ay pinili mula sa Kapulungan ng Labindalawa. Kaya nga, lahat ng kasalukuyang miyembro ng Korum ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawa ay tumanggap ng mga susi, karapatan, at awtoridad na nauukol sa banal na pagkaapostol.

Magbabanggit ako mula sa Doktrina at mga Tipan:

“Mula sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, tatlong Namumunong Mataas na Saserdote, pinili ng pangkat, itinalaga at inordenan sa tungkuling yaon, at pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan, ang bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan” (D at T 107:22).

Kapag maysakit ang Pangulo o hindi lubos na makaganap sa lahat ng kanyang tungkulin, ang kanyang dalawang Tagapayo ang bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan. Ipinagpapatuloy nila ang araw-araw na gawain ng Panguluhan. Sa mga hindi pangkaraniwang kalagayan, kapag isa lang ang nakakaganap, maaari siyang kumilos sa awtoridad ng katungkulan ng Panguluhan na itinakda sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 102, mga talata 10–11. …

… Ipinagpapatuloy ng mga Tagapayo sa Unang Panguluhan ang karaniwang ginagawa ng katungkulang ito. Ngunit anumang mahalagang usapin tungkol sa patakaran, mga pamamaraan, programa, o doktrina ay pinag-iisipan nang taimtim at mapanalangin ng Unang Panguluhan kasama ang Labindalawa. Ang dalawang korum na ito, ang Korum ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa, ay nagpupulong, na bawat miyembro ay may lubos na kalayaang ipahayag ang kanyang sarili, na isinasaalang-alang ang bawat mahalagang tanong.

At muli akong sisipi mula sa salita ng Panginoon: “At bawat pagpapasiyang gagawin ng alinman sa mga korum na ito ay kinakailangang sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng naturan; na, bawat kasapi sa bawat korum ay kinakailangang sumang-ayon sa mga pasiya nito, upang magawa ang kanilang pagpapasiya sa gayon ding kapangyarihan o bisa sa isa’t isa” (D at T 107:27). …

… Dapat maunawaan ng lahat na si Jesucristo ang namumuno sa simbahang ito na nagtataglay ng Kanyang sagradong pangalan. Pinapatnubayan Niya ito. Ginagabayan Niya ito. Nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama, Siya ang namamahala sa gawaing ito. Siya ang may karapatan, kapangyarihan, at opsyong tumawag ng kalalakihan ayon sa Kanyang paraan sa matataas at mga sagradong katungkulan at i-release sila ayon sa Kanyang kalooban kung sila ay tatawagin na Niya pabalik sa Kanyang piling. Siya ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Hindi ako nag-aalala tungkol sa mga sitwasyon kung saan natin natatagpuan ang ating sarili. Tinatanggap ko ang ganitong mga kalagayan na nagpapahayag ng Kanyang kalooban. Tinatanggap ko rin ang responsibilidad, na kumilos na kasama ang aking mga Kapatid, na gawin ang lahat ng aming makakaya upang isulong ang banal na gawaing ito nang may lubos na paglalaan, pagmamahal, pagpapakumbaba, pagtupad sa tungkulin, at katapatan.10

4

Ang mga Apostol ay mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong mundo.

Matapos [na] inorden sa banal na pagkaapostol at … maitalaga bilang mga miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa, [ang mga Apostol ay] inaasahang ilaan ang kanilang sarili una sa lahat sa gawain ng ministeryo. Inuuna nila … sa kanilang buhay, higit sa lahat, ang responsibilidad na tumayo bilang mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo. …

Tulad nating lahat, sila ay mga tao. Mayroon silang mga kalakasan at kahinaan. Ngunit simula ngayon, at sa nalalabi pa nilang buhay, hangga’t nananatili silang tapat, ang pangunahin nilang tungkulin ay ang isulong ang gawain ng Diyos sa lupa. Kailangan nilang alalahanin ang kapakanan ng mga anak ng ating Ama, kapwa ang mga miyembro at mga hindi miyembro ng Simbahan. Kailangan nilang gawin ang lahat para mapanatag ang mga nagdadalamhati, palakasin ang mahihina, hikayatin ang mga pinanghihinaan ng loob, kaibiganin ang mga walang kaibigan, pangalagaan ang mga dukha, basbasan ang mga maysakit, magpatotoo, hindi dahil sa paniniwala kundi dahil sa tiyak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, na kanilang Kaibigan at Panginoon, na kanilang pinaglilingkuran. …

… Pinatototohanan ko ang kanilang kapatiran, kanilang katapatan, kanilang pananampalataya, kanilang kasipagan, at kanilang pambihirang paglilingkod sa pagsusulong ng kaharian ng Diyos.11

Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Korum ng Labindalawang Apostol, 1965. Nakaupo mula kaliwa pakanan: Ezra Taft Benson, Mark E. Petersen (nakaupo sa patungan ng kamay ng silya), Joseph Fielding Smith (pangulo ng korum), at LeGrand Richards. Nakatayo mula kaliwa pakanan: Gordon B. Hinckley, Delbert L. Stapley, Thomas S. Monson, Spencer W. Kimball, Harold B. Lee, Marion G. Romney, Richard L. Evans, at Howard W. Hunter.

5

Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa ay naghahangad ng paghahayag at lubos na pagkakasundo bago sila magdesisyon.

Walang mangyayaring desisyon nang hindi lubos na pinagkaisahan ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa. Sa simula ng pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay, maaaring may mga pagkakaiba ng opinyon. Inaasahan na iyan. Ang kalalakihang ito ay iba’t iba ang pinagmulan. Sila ay kalalakihang nag-iisip para sa kanilang sarili. Ngunit bago ang huling pagpapasiya, nagkakaisa na ang kanilang isipan at opinyon.

Inaasahan na ito kung sinusunod nila ang inihayag na salita ng Panginoon [tingnan sa D at T 107:27, 30–31]. …

… [Nang] maglingkod ako bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa at [nang] maglingkod ako sa Unang Panguluhan, wala kaming ginawang anuman kailanman nang hindi ito sinusunod. … Mula sa pag-uusap-usap na ito ng mga tao na inihahayag ang kanilang iniisip at nadarama ay nangyayari ang pag-aaral at pagsusuri ng mga ideya at konsepto. Ngunit wala akong napansing matinding pagtatalo o personal na alitan kailanman sa aking mga Kapatid. Sa halip, napansin ko ang isang maganda at kagila-gilalas na bagay—ang pagsasama-sama, sa ilalim ng impluwensya ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng paghahayag, ng magkakaibang pananaw hanggang sa magkaroon ng lubos na pagkakaisa at pagkakasundo. …

Wala na akong alam na iba pang lupong namamahala na ganito ang ginagawa.12

6

Ang [stake president] ay tinatawag sa pamamagitan ng inspirasyon na maglingkod bilang tagapayo sa mga bishop at bilang isang lider sa mga tao.

Ang [stake president] ay ang opisyal na tinawag sa pamamagitan ng paghahayag upang tumayo sa pagitan ng mga [bishop ng ward] at mga [General Authority] ng Simbahan. Ito ay napakahalagang responsibilidad. Siya ay sinasanay ng mga [General Authority], at siya naman ang nagsasanay sa mga [bishop]. …

Ang [stake president] ay naglilingkod bilang tagapayo sa mga [bishop]. Nalalaman ng bawat bishop na kapag may mabigat siyang suliranin may isang taong laging nakahanda na maaari niyang lapitan upang masabi ang kanyang suliranin at makatanggap ng payo.

Isa siya sa nagpapasiya kung karapat-dapat pumasok sa bahay ng Panginoon ang isang miyembro. … Ang [stake president din] ang nagpapasiya sa pagiging karapat-dapat ng mga taong hahayo upang kumatawan sa Simbahan sa [mission field]. Iniinterbyu niya rin ang mga magmimisyon, at kapag nalaman niya na karapat-dapat ito saka lamang niya lalagdaan ang rekomendasyon. Siya rin ang binigyan ng awtoridad na italaga ang mga taong tinawag na magmisyon at i-release sila kapag natapos na nila ang kanilang paglilingkod.

Pinakamahalaga sa lahat, siya ang pangunahing [disciplinary officer ng stake]. … Napakabigat ng responsibilidad niya na tiyakin na ang doktrinang itinuturo sa [stake] ay napananatiling dalisay at walang-halo. Tungkulin niya na tiyakin na walang maling doktrina na itinuturo ni maling gawain na umiiral. Kung mayroon mang may taglay ng [Melchizedek Priesthood] na nalilihis sa doktrina, o sinuman sa katulad na sitwasyon, siya ang magpapayo sa kanila, at kapag iginiit ng taong iyon ang kanyang maling gawa, kailangang kumilos na ang [stake president]. Tatawagin niya ang maysala na humarap sa isang [disciplinary council], kung saan maaaring gumawa ng aksiyon upang magtalaga ng probationary period o i-disfellowship o i-excommunicate ito mula sa Simbahan.

Ito ay isang napakahirap at hindi kinagigiliwang gawain, ngunit dapat [itong] harapin ng [stake president] nang walang takot o pagkiling. Lahat ng ito ay ginagawa nang may patnubay ng Espiritu at gaya ng nakalahad sa bahagi 102 ng Doktrina at mga Tipan.

Pagkatapos kailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya na tulungan at mapabalik sa tamang panahon ang taong dinisiplina.

Lahat ng ito at marami pa ang saklaw ng kanyang mga tungkulin. Kaya nga, ang kanyang buhay ay dapat maging halimbawa sa harap ng kanyang mga tao. …

… Dahil nagtitiwala kami sa [mga stake president], hinihikayat namin ang mga lokal na miyembro na huwag nang maghanap ng mga [General Authority] upang magpayo at magbasbas sa kanila. Ang kanilang mga [stake president] ay tinawag sa gayunding inspirasyon kung saan tinawag ang mga [General Authority].13

7

Ang mga bishop ay mga pastol ng ward.

Ang [Simbahan] ay maaaring lumago at dumami, at tiyak iyan. Ang ebanghelyong ito ay kailangang dalhin sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Hindi maaaring tumigil sa pag-unlad sa hinaharap o mabigo tayong tulungan, isulong, itayo, palakihin ang Zion sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngunit sa lahat ng ito kailangang patuloy na maging malapit ang isang matalino at mapagmalasakit na bishop o branch president sa bawat miyembro bilang pastol. Ito ang mga pastol ng ward na ang responsibilidad ay pangalagaan ang mga tao sa maliliit na bilang para walang malimutan, makaligtaan, o mapabayaan. Si Jesus ang tunay na pastol na tumulong sa mga nababagabag, nang paisa-isa, sa paggawad ng bawat pagpapala sa kanila.14

Ang mga bishop ng Simbahan … ay tunay na mga pastol ng Israel. Lahat [sa Simbahan] ay nananagot sa isang bishop o branch president. Napakalaki ng mga pasanin nila, at inaanyayahan ko ang bawat miyembro ng Simbahan na gawin ang lahat ng magagawa niya para mabawasan ang bigat ng trabaho ng [ating] mga bishop at branch president.

Ipagdasal natin sila. Kailangan nila ng tulong sa pagdadala ng mabibigat nilang pasanin. Mas masusuportahan natin sila at mababawasan ang pag-asa sa kanila. Matutulungan natin sila sa lahat ng posibleng paraan. Mapasasalamatan natin sila sa lahat ng ginagawa nila para sa atin. Pinapagod natin sila sa maikling panahon sa mga pasaning ipinababalikat natin sa kanila.

… Bawat [bishop] ay tinawag sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag at itinalaga at inorden sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Bawat isa sa kanila ay mayhawak ng mga susi ng panguluhan sa kanyang ward. Lahat ay high priest, ang namumunong high priest sa kanyang ward. Lahat ay may napakabigat na responsibilidad ng pamamahala. Lahat ay tumatayong ama sa kanyang mga miyembro.

Walang bayad ang kanyang paglilingkod. Walang bishop ng ward na binabayaran ng Simbahan para gampanan ang kanyang tungkulin.

Ang hinihinging mga katangian sa bishop ngayon ay tulad din noong panahon ni Pablo, na sumulat kay Timoteo [tingnan sa I Kay Timoteo 3:2–6]. …

Sa kanyang sulat kay Tito, idinagdag ni Pablo na “ang [bishop] ay walang kapintasan, palibhasa siya’y katiwala ng Dios; …

“Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang” (Kay Tito 1:7, 9).

Angkop na inilarawan sa mga katagang iyon ang bishop ngayon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.15

Hinihikayat ko ang mga tao ng Simbahan, saanman kayo naroon, na kapag naharap kayo sa mga problema, sikapin muna ninyong lutasing mag-isa ang mga problemang iyon. Pag-isipan ang mga ito, pag-aralan ang mga alternatibong mayroon kayo, ipagdasal ang mga ito, at umasa sa patnubay ng Panginoon. Kung hindi ninyo ito malutas nang mag-isa, kausapin ang inyong bishop o branch president. Siya ay isang tao ng Diyos, na tinawag sa ilalim ng awtoridad ng banal na priesthood bilang pastol ng ward.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit natin kailangan ng mga buhay na propeta? Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa “paraan ng pagdadalisay” ng Panginoon sa paghahanda at pagtawag sa Pangulo ng Simbahan? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Ano ang mga naisip ninyo nang pag-aralan ninyo ang paglalarawan ni Pangulong Hinckley sa paraan ng pagpili ng bagong Pangulo ng Simbahan? (Tingnan sa bahagi 2.) Bakit mahalagang malaman na pinipili ang Pangulo ayon sa “isang banal na plano na naglalaan ng inspirado at subok na pamumuno”?

  • Anong mga alituntunin at pamamaraan ang itinakda ng Panginoon sa pamamahala sa Simbahan kung hindi lubos na makaganap ang Pangulo sa lahat ng kanyang tungkulin? (Tingnan sa bahagi 3.)

  • Paano nagpapakita ng malasakit ang mga Apostol sa mga huling araw sa lahat ng anak ng Diyos, “kapwa sa mga miyembro ay hindi miyembro ng Simbahan”? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano nakikita ang malasakit na ito sa mga mensahe sa huling kumperensya? Paano kayo nakinabang mula sa mga turo ng mga buhay na propeta at apostol?

  • Pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Hinckley kung paano nagpapasiya ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa (tingnan sa bahagi 5). Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagdedesisyon nila? Paano natin maipamumuhay ang mga alituntuning ito sa ating pamilya at sa Simbahan?

  • Habang inyong pinag-aaralang muli ang mga bahagi 6 at 7, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga calling ng stake president at bishop? Paano natin mas masusuportahan ang mga lider ng ating Simbahan?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

Mga Taga Efeso 2:19–20; 4:11–14; D at T 1:38; 21:1–6; Abraham 3:22–23; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5–6

Tulong sa Pagtuturo

“Magpatotoo kapag [hinikayat] kayo ng Espiritu na gawin ito, hindi lamang sa katapusan ng bawat aralin. Magbigay ng mga pagkakataon sa mga tinuturuan ninyo na makapagbigay ng kanilang mga patotoo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 55–56).

Mga Tala

  1. “In … Counsellors There Is Safety,” Ensign, Nob. 1990, 49.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1961, 115–16; pagsipi sa “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.

  3. “This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 51.

  4. “Strengthening Each Other,” Ensign, Peb. 1985, 5.

  5. “He Slumbers Not, nor Sleeps,” Ensign, Mayo 1983, 6–7.

  6. “Believe His Prophets,” Ensign, Mayo 1992, 53.

  7. “Come and Partake,” Ensign, Mayo 1986, 46–47.

  8. “This Is the Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 69.

  9. “The Church Is on Course,” Ensign, Nob. 1992, 53–54.

  10. “God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54, 59.

  11. “Special Witnesses for Christ,” Ensign, Mayo 1984, 49–51.

  12. “God Is at the Helm,” 54, 59.

  13. “Ang Pangulo ng Istaka,” Liahona, Hulyo 2000, 59–61.

  14. “This Work Is Concerned with People,” 52–53.

  15. “Ang mga Pastol ng Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 60.

  16. “Live the Gospel,” Ensign, Nob. 1984, 86.