Kabanata 7
Ang mga Bulong ng Espiritu
“Nakikiusap ako na palagi nating hangarin ang inspirasyon ng Panginoon at ang patnubay ng Kanyang Banal na Espiritu upang basbasan tayo sa pagsisikap nating manatiling mataas ang ating espirituwalidad.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Noong Hunyo 24, 1995, nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley sa isang miting para sa mga bagong mission president at kanilang mga asawa, at binigyan sila ng payo na gagabay sa kanila sa susunod na tatlong taong paglilingkod. Ikinuwento niya ang tagubilin na natanggap niya nang si Pangulong Harold B. Lee, na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay itinalaga siya bilang stake president:
“Isa lang ang naaalala kong sinabi niya: ‘Makinig sa mga bulong ng Espiritu pagsapit ng hatinggabi, at tumugon sa mga bulong na iyon.’ Hindi ko alam kung bakit ang paghahayag kung minsan ay dumarating sa gabi, ngunit nangyayari ito. Dumarating din ito sa araw, siyempre. Subalit pakinggan ang mga bulong ng Espiritu, ang kaloob na paghahayag, na karapatan ninyong matanggap.”1
Sa pagtukoy sa kanyang mga karanasan nang sundin niya ang tagubiling ito, sinabi niya: “Ang Panginoon ay nangusap nang tahimik. … Pagsapit ng hatinggabi, pumapasok sa isip ko ang mga ideya na, sa palagay ko, ay may likas na katangian ng propesiya.”2 Halimbawa, noong Hulyo 1992 siya ay nasa Hong Kong kasama ang iba pang mga lider ng Simbahan, at naghahanap ng lugar na mapagtatayuan ng templo. Nahiga na siya sa kama isang gabi na hindi siya mapalagay sa desisyon na kailangan niyang gawin. Pagkatapos ay ginising siya ng mga bulong ng Espiritu nang maagang-maaga kinabukasan.
“May naisip akong napakaganda,” itinala niya sa kanyang journal. “Hindi ako nakarinig ng tinig sa aking mga tainga. Subalit sa aking isipan ay pumasok ang tinig ng Espiritu. Ang sabi nito, ‘Bakit ka nag-aalala tungkol dito? May maganda kayong lote na kinatatayuan ng mission home at ng maliit na chapel. Ang mga ito ay nasa gitna ng Kowloon, sa lokasyon na may napakainam na transportasyon. … Magtayo kayo ng isang gusali na may [ilang] palapag. Maaari itong kapalooban ng chapel at mga silid-aralan sa unang dalawang palapag at isang templo sa dalawa o tatlong palapag sa itaas.’” Matapos matanggap ang paghahayag na iyon, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Napanatag ako at natulog na ako.”3
Ngayon sa Kowloon, na mataong bahagi ng Hong Kong, isang gusali ang nakatayo sa dating kinatatayuan ng chapel at mission home. Ang gusaling iyon, na kinapapalooban ng isang chapel, mission home, mission office, at isang sagradong templo, ay isang katibayan ng mga bulong ng Espiritu sa isang propeta ng Diyos.
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ang Espiritu Santo ang Tagaalo at Tagapagpatotoo ng katotohanan.
Ang Espiritu Santo ang nagsisilbing pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Mang-aaliw na ipinangako ng Tagapagligtas na magtuturo sa Kanyang mga tagasunod ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng bagay sa kanila, anuman ang sinabi Niya sa kanila (tingnan sa Juan 14:26).4
Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa ating puso hinggil sa Ama at sa Anak.5
Ang [aking] patotoo [kay Jesucristo] ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ito ay isang kaloob, sagrado at kamangha-mangha, na ipinarating sa pamamagitan ng paghahayag mula sa ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.6
Ang Espiritu Santo ang Tagapagpatotoo ng Katotohanan, na makapagtuturo sa [atin] ng mga bagay na hindi [natin] maituturo sa isa’t isa. Sa napakaganda at mapanghamon na mga salita ni Moroni, ang kaalaman sa katotohanan ng Aklat ni Mormon ay ipinangako “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Pagkatapos ay ipinahayag ni Moroni, “At sa kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5).
Naniniwala ako na ang kapangyarihang ito, ang kaloob na ito, ay maaari nating matamo ngayon.7
2
Kailangan natin ang Espiritu Santo upang gabayan tayo sa ating paglilingkod sa tahanan at sa Simbahan.
Walang mas dakilang pagpapala na maaaring dumating sa ating buhay maliban sa kaloob na Espiritu Santo—ang pagsama ng Banal na Espiritu para patnubayan tayo, protektahan tayo, at pagpalain tayo, na mangunguna, gaya ng dati, bilang isang haligi sa ating harapan at ningas na aakay sa atin sa landas ng kabutihan at katotohanan. Ang gumagabay na kapangyarihan ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos ay mapapasaatin kung mamumuhay tayo nang marapat para dito.8
Kailangan natin ang Banal na Espiritu sa ating mga responsibilidad sa pangangasiwa. Kailangan natin ito sa pagtuturo natin ng ebanghelyo sa ating mga klase at sa mundo. Kailangan natin ito sa pamamahala at pagtuturo sa ating mga pamilya.
Habang namamahala at nagtuturo tayo sa ilalim ng impluwensya ng Espiritung iyon, maghahatid tayo ng espirituwalidad sa buhay ng mga taong pananagutan natin. …
… Matamis ang mga bunga ng pagtuturo na ginawa sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu. Pinakakain nito ang espiritu at pinangangalagaan ang kaluluwa.
Maaari ba akong magbigay ng espesyal na payo sa mga magulang na tumatayo bilang ulo ng pamilya: kailangan natin ang patnubay ng Espiritu Santo sa maseselan at napakalalaking gawain na nasa atin sa pagpapatatag ng espirituwalidad ng ating mga tahanan.9
Makinig sa mga paramdam ng Espiritu. Maging mapagpakumbaba. Kayo ay maaakay sa isang tao ng kamay ng Panginoon dahil sa inyong espiritu, inyong pag-uugali, inyong damdamin, inyong kababaang-loob.10
3
Halos laging dumarating ang paghahayag sa atin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig—ang mga bulong ng Espiritu.
Paminsan-minsan, ako ay naiinterbyu ng mga kinatawan ng media. Halos lagi nilang itinatanong, “Paano dumarating ang paghahayag sa propeta ng Simbahan?”
Ang sagot ko ay dumarating ito ngayon gaya ng paraan ng pagdating nito noon. Hinggil dito, ikinukuwento ko sa mga kinatawan na ito ng media ang karanasan ni Elijah kasunod ng pakikipagpaligsahan niya sa mga saserdote ni Baal:
“At, narito, ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputolputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni’t ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni’t ang Panginoon ay wala sa lindol:
“At pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni’t ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig” (I Mga Hari 19:11–12).
Ganyan ang paraan. May marahan, banayad na tinig. Dumarating ito bilang sagot sa panalangin. Ito ay dumarating sa pamamagitan ng pagbulong ng Espiritu. Maaari itong dumating sa katahimikan ng gabi.
May duda ba ako tungkol diyan? Walang-wala. Nakita ko ito sa bawat pagkakataon.11
Ang salita ng Diyos ay halos palaging dumarating sa atin, hindi sa pamamagitan ng mga trumpeta, hindi mula sa mga bulwagan ng mga taong nakapag-aral, kundi sa marahan at banayad na tinig ng paghahayag. Sa pakikinig sa mga taong naghahanap nang walang saysay para makasumpong ng karunungan at malakas na ipinapahayag ang kanilang mga gamot [o lunas] sa mga suliranin ng mundo, ang isang tao ay malamang na sumagot na gaya ng Mang-aawit, “Kayo ay magsitigil, at kilalanin ninyo na ako ang Dios: …” (Mga Awit 46:10) at kasama ng Tagapagligtas sa pagsasabing, “Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.” (Mat. 11:15.)12
4
Ang mga bagay ng Espiritu ay nagbibigay-liwanag, nagpapatatag, at nagpapasigla sa atin.
Paano natin malalaman ang mga bagay ng Espiritu? Paano natin malalaman kung nagmula ito sa Diyos? Sa mga bunga nito. Kung ito ay magbubunga ng paglakas at pag-unlad, ng pananampalataya at patotoo, ng mas mahusay na paggawa ng mga bagay, ng kabanalan, kung gayon ito ay mula sa Diyos. Kung ito ang magwawasak sa atin, magdadala sa atin sa kadiliman, magpapalito at magpapabalisa sa atin, magbubunga ng kawalang-pananampalataya, kung gayon ito ay mula sa diyablo.13
Makikilala mo ang mga panghihikayat ng Espiritu sa pamamagitan ng mga bunga ng Espiritu—ang nagbibigay-liwanag, nagpapatatag, mga bagay na positibo at malinaw at nagbibigay-sigla at humahantong sa mas mabuting kaisipan at mas mabuting mga salita at gawa ay sa Espiritu ng Diyos. Ang nagpapahina sa atin, na humahantong sa ipinagbabawal na landas—iyan ay sa kaaway. Palagay ko ganito lang ito kapayak, ganito lang kasimple ito.14
Ipinahayag minsan ng isang iskolar ang pananaw na ang Simbahan ay kaaway ng intelektualismo. Kung ang ibig niyang sabihin sa intelektualismo ay ang sanga ng pilosopiya na nagtuturo ng “doktrina na ang kaalaman ay lubusan o karaniwang batay o hango sa pangangatuwiran” at “ang pangangatuwiran na iyan ang siyang alituntunin ng realidad o katotohanan,” kung gayon, oo, salungat tayo sa napakakitid na interpretasyong ito kung pag-uusapan ang relihiyon. (Mga sipi mula sa Random House Dictionary of the English Language, p. 738.) Sa gayong interpretasyon ay hindi kasama ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na makipag-usap sa atin at sa pamamagitan [natin].
Siyempre naniniwala tayo sa paglinang ng isipan, ngunit hindi lamang ang isipan ang tanging pinagmumulan ng kaalaman. May pangako, na ibinigay sa ilalim ng inspirasyon mula sa makapangyarihang Diyos, na nakasaad sa magagandang salitang ito: “Ang Diyos ay magbibigay sa iyo ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo.” (D at T 121:26.)
Ang mga humanist na bumabatikos sa gawain ng Panginoon, ang tinatawag na mga intellectualist na maliit ang tingin dito, ay nagsasalita ng ganito dahil sa kamangmangan nila sa espirituwal na pagpapamalas. Hindi pa nila naririnig ang tinig ng Espiritu. Hindi pa nila naririnig ito dahil hindi nila hinangad ito at hindi inihanda ang kanilang sarili para maging karapat-dapat dito. At, sa pag-aakala na ang kaalaman ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pangangatwiran at sa pagtatrabaho ng isipan, ikinakaila nila ang bagay na dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang mga bagay ng Diyos ay nauunawaan lamang sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Ang Espiritung iyan ay tunay. Sa mga nakadama sa pagkilos nito, ang kaalamang natatamo ay kasing totoo ng bagay na natatamo sa pamamagitan ng limang pandamdam. Pinatototohanan ko ito. At tiwala ako na karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay makapagpapatotoo tungkol dito. Hinihimok ko ang bawat isa sa atin na patuloy na magkaroon ng puso na nakaayon sa Espiritu. Kung gagawin natin iyan, ang ating buhay ay pagyayamanin. Madarama natin ang ating kaugnayan sa Diyos na ating Amang Walang Hanggan. Matitikman natin ang tamis ng kagalakan na hindi natin matitikman sa ibang paraan.
Huwag tayong pabibitag sa pangangatwiran ng mundo, na kadalasan ay negatibo at madalas ay maasim ang ibinubunga. Lumakad tayo nang may pananampalataya sa hinaharap, positibo sa pagsasalita at nagkakaroon ng tiwala sa sarili. Kapag ginawa natin ito, ang ating lakas ay magbibigay ng lakas sa iba.15
Nakikiusap ako na palagi nating hangarin ang inspirasyon ng Panginoon at ang patnubay ng Kanyang Banal na Espiritu na basbasan tayo sa ating patuloy na pagsisikap na manatiling mataas ang espirituwalidad. Ang mga panalanging iyon ay sasagutin.16
5
Ang Espiritu Santo ay palagi nating makakasama habang nabubuhay tayo para sa pagpapalang ito.
Ang Panginoon ang nagsabi na kung susundin natin ang mga utos, “ang Espiritu Santo ang [ating] magiging kasama sa tuwina” (D at T 121: 46) para pasiglahin tayo, para turuan tayo, akayin tayo, aliwin tayo, at tulungan tayo. Para makasama natin Siya, kailangan nating hingin ito, mamuhay para dito, maging tapat sa Panginoon.17
“Paano mo pananatilihing nasa iyo ang Espiritu ng Panginoon sa lahat ng oras?” Siyempre, mamuhay nang karapat-dapat dito; mamuhay ka nang karapat-dapat sa Espiritu ng Panginoon. Iyan ang gagawin mo. At mapapasaiyo ito. … Mamuhay lang nang tama. Iwasan ang maruruming bagay. Iwasan ang pornograpiya. Iwasan ang mga bagay na ito na hihila sa iyo pababa. Ang mga aklat na binabasa mo, ang mga magasin na binabasa mo, ang mga video na pinapanood mo, ang programa sa telebisyon na pinanonood mo, ang mga palabas na pinupuntahan mo, lahat ng ito ay may epekto sa iyo at magkakaroon ng epekto kung magpapailalim ka sa impluwensya ng mga bagay na pumupukaw ng seksuwal na damdamin na dinisenyo upang ikaw ay maghirap at yumaman ang iba. Iwasan ang mga ito.18
Pilitin ninyo tuwing Linggo na magpanibago ng inyong pangako at tipan na taglayin sa inyong sarili ang pangalan ng Panginoong Jesucristo. Naisip na ba ninyo iyan, kung gaano kahalaga iyan, kung ano ang kahulugan ng taglayin sa inyong sarili ang pangalan ng Panginoong Jesucristo na may sumpa at pangako na susundin ang Kanyang mga kautusan? At Siya ay sumusumpa at nangangako sa inyo na ibibigay Niya sa inyo ang Kanyang Espiritu upang makasama ninyo. Napakaganda niyan.19
Napakalaking biyaya ang madama ang impluwensya ng isang miyembro ng Panguluhang Diyos, ang matanggap ang kaloob na iyon sa ilalim ng mga kamay ng mga taong kumilos ayon sa banal na awtoridad. Kung patuloy tayong magpapakabanal, maaari nating matamasa ang katuparan ng pangakong ginawa ng Panginoon nang sabihin Niyang: “Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.” (D at T 121:46.)20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Bakit kailangan natin ang Espiritu Santo? (Tingnan sa mga bahagi 1 at 2.) Kailan ninyo nadama na tinuruan at ginabayan kayo ng Espiritu Santo? Ano ang natutuhan ninyo sa mga karanasang iyon?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa paliwanag ni Pangulong Hinckley tungkol sa kung paano dumarating ang paghahayag sa propeta? (Tingnan sa bahagi 3.) Bakit mahalagang malaman na ang Espiritu Santo ay karaniwang nakikipag-ugnayan sa “marahan at banayad na tinig”? Ano ang natutuhan ninyo mula sa sarili ninyong mga karanasan tungkol sa pagkilala sa mga komunikasyon na nagmumula sa Espiritu Santo?
-
Muling basahin ang “mga bunga ng Espiritu” na ibinuod ni Pangulong Hinckley sa bahagi 4. Paano tayo matutulungan ng mga turong ito na makilala ang impluwensya ng Espiritu? Ano ang mga panganib ng paniniwala na “ang isipan ang tanging pinagmumulan ng kaalaman”? Ano ang mga naranasan ninyo sa pagkakaroon ng espirituwal na kaalaman?
-
Ano ang nadarama ninyo habang pinagninilayan ninyo ang mga turo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 5 tungkol sa pagsama ng Espiritu Santo? Sa anong mga paraan kayo napagpala ng Espiritu Santo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
I Mga Taga Corinto 2:9–14; 1 Nephi 10:17; 2 Nephi 31:17–18; Mosias 3:19; Moroni 8:25–26; D at T 11:12–14
Tulong sa Pagtuturo
“Kapag minamahal natin ang ating mga tinuturuan, ipinapanalangin natin ang bawat isa sa kanila. Ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin upang alamin ang kanilang mga interes, nagawa, pangangailangan, at alalahanin. Iniaangkop natin ang ating pagtuturo upang matugunan ang kanilang pangangailangan, kahit na ito ay nangangailangan ng mas maraming oras at pagsisikap. Napapansin natin kung sila ay wala at kinikilala sila kapag sila ay naroroon. Nag-aalay tayo ng tulong kapag ito ay kailangan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 40).