2010–2019
Kung Paanong Pinatawad Kayo ng Panginoon, ay Gayon Din Naman ang Inyong Gawin
Abril 2018


2:3

Kung Paanong Pinatawad Kayo ng Panginoon, ay Gayon Din Naman ang Inyong Gawin

Matatanggap nating lahat ang di-masambit na kapayapaan at pakikiisa sa ating Tagapagligtas kapag natuto tayong magpatawad nang malaya sa mga taong “nagkasala sa” atin.

“Datapuwa’t nang unang araw ng sanglinggo pagkaumagang-umaga, ay nagsiparoon sila sa libingan, na may dalang mga pabango na kanilang inihanda.

“At nasumpungan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.

“At sila’y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus.

“At nangyari, na samantalang sila’y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang dalawang lalake na nakasisilaw ang mga damit:

“At nang sila’y nangatatakot at nangakatungo ang kanilang mga mukha sa lupa sinabi nila sa kanila, bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?

“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.”1

Bukas, Easter Sabbath, gugunitain natin sa espesyal na paraan ang nagawa ni Jesucristo para sa atin: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na anak, upang sinomang sa kaniya‘y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”2 Sa huli, mabubuhay tayong mag-uli tulad Niya, upang mabuhay magpakailanman.

Sa pamamagitan ng himala ng sagradong Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatanggap din natin ang kaloob na kapatawaran ng ating mga kasalanan at masasamang gawa, kung tatanggapin natin ang oportunidad at responsibilidad na magsisi. At sa pamamagitan ng pagtanggap ng kinakailangang mga ordenansa, pagtupad ng mga Tipan, at pagsunod sa mga kautusan, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan.

Ngayon, nais kong magtuon sa kapatawaran, isang mahalaga at dakilang kaloob na alok sa atin ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo.

Isang gabi ng Disyembre noong 1982, nagising kami ng asawa kong si Terry sa isang tawag sa telepono sa bahay namin sa Pocatello, Idaho. Nang sagutin ko ang telepono, hikbi lang ang narinig ko. Sa huli, hirap na sinabi ng kapatid ko na, “Patay na si Tommy.”

Nilagpasan ng isang 20-anyos na drayber na lasing, na tumatakbo nang mahigit 85 milya (135 km) bawat oras, ang isang stoplight sa labas ng bayan ng Denver, Colorado. Malakas siyang sumalpok sa kotseng minamaneho ng bunso kong kapatid na si Tommy, at agad silang namatay ng kanyang asawang si Joan. Pauwi sila sa bata pang anak nilang babae pagkatapos ng isang Christmas party.

Tumungo kaagad kaming mag-asawa sa Denver at pumunta sa punerarya. Nagtipon kami ng aking mga magulang at kapatid at nagdalamhati sa pagkamatay ng mahal naming sina Tommy at Joan. Namatay sila dahil sa isang walang-saysay na krimen. Lungkot na lungkot kami, at nagsimula akong magalit sa binatang nagkasala.

Si Tommy ay naglingkod bilang abugado sa United States Department of Justice at magiging manananggol para protektahan ang mga lupain ng Native American at ng likas na yaman sa darating na mga taon.

Pagkaraan ng ilang taon, nilitis at sinentensyahan ang binatang responsable sa pagkamatay ng isang tao dahil sa ilegal na pagmamaneho ng sasakyan. Sa kanilang patuloy na dalamhati at kalungkutan, dumalo ang aking mga magulang at panganay na kapatid na si Katy sa paglilitis. Naroon din ang mga magulang ng lasing na drayber, at matapos ang pagdinig, naupo sila sa isang bangko at umiyak. Nakaupo sa malapit ang aking mga magulang at kapatid habang sinisikap nilang pigilan ang kanilang damdamin. Makalipas ang isang sandali, tumayo ang aking mga magulang at kapatid at nagpunta sa mga magulang ng drayber at pinanatag at pinatawad ang mga ito. Nagkamay ang mga lalaki; naghawak-kamay ang mga babae; naroon ang matinding lungkot at luha para sa lahat at pagkilala na parehong matindi ang pagdurusa ng dalawang pamilya. Nanguna sina Inay, Itay, at si Katy sa kanilang tahimik na lakas at tapang at ipinakita nila sa aming pamilya kung paano magpatawad.

Ang pagpapatawad sa mga sandaling iyon ay nagpalambot sa puso ko at nagbukas ng landas tungo sa paghilom. Sa paglipas ng panahon natutuhan kong mas naising magpatawad sa iba. Sa tulong lamang ng Prinsipe ng Kapayapaan gumaan ang aking masakit na pasanin. Lagi kong hahanap-hanapin sina Tommy at Joan, ngunit ginugunita ko sila ngayon nang may di-mapigil na galak dahil natuto na akong magpatawad. At alam ko na magkakasama-sama kaming muli bilang pamilya.

Hindi ko sinasabing palagpasin natin ang mga gawaing labag sa batas. Alam na alam natin na mananagot ang mga tao para sa kanilang mga krimen at pagkakasala sa iba. Gayunpaman, alam din natin na, bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos, sinusunod natin ang mga turo ni Jesucristo. Dapat tayong magpatawad kahit parang hindi nararapat patawarin ang iba.

Itinuro ng Tagapagligtas:

“Sapagka’t kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan:

“Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama [sa] inyong mga kasalanan.”3

Matatanggap nating lahat ang di-masambit na kapayapaan at pakikiisa sa ating Tagapagligtas kapag natuto tayong magpatawad nang malaya sa mga taong “nagkasala sa” atin. Ang pakikiisang ito ay naghahatid ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay sa paraang di-mapag-aalinlanganan at di-malilimutan kailanman.

Ipinayo ni Apostol Pablo:

“Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Diyos, … ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod;

“Mangagtiisan kayo sa isa’t isa, at mangagpatawaran kayo sa isa’t isa … na kung paanong pinatawad kayo [ni Cristo], ay gayon din naman ang inyong gawin.4

Ipinahayag ng Panginoon Mismo:

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”5

Ang mga turo ng ating Tagapagligtas at Manunubos ay malinaw; ang makasalanan ay kailangang handang patawarin ang iba kung inaasahan niyang mapatawad.6

Mga kapatid, may mga tao ba sa ating buhay na nagkasala sa atin? Nagkikimkim ba tayo ng tila lubos na makatwirang hinanakit at galit? Hinahayaan ba nating humadlang ang pagmamalaki sa ating pagpapatawad at paglimot? Inaanyayahan ko tayong lahat na lubos na magpatawad at hayaang maghilom ang ating kalooban. At kahit hindi dumating ngayon ang pagpapatawad, dapat ninyong malaman na kapag hinangad at pinagsikapan natin ito, darating ito—tulad ng nangyari sa akin nang mamatay ang aking kapatid.

Tandaan din ninyo na mahalagang bahagi ng pagpapatawad ang patawarin ang ating sarili.

“Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan,” wika ng Panginoon, “ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”7

Nakikiusap ako na alalahanin at sundin nating lahat ngayon ang halimbawa ni Jesucristo. Sa krus sa Golgota, sa Kanyang pagdurusa, binigkas niya ang mga salitang ito: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”8

Sa pagkakaroon ng mapagpatawad na espiritu at pagkilos ayon dito, tulad ng aking mga magulang at panganay na kapatid, maaari nating makamtan ang pangako ng Tagapagligtas: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”9

Pinatototohanan ko na darating ang kapayapaang ito sa ating buhay kapag sinunod natin ang mga turo ni Jesucristo at sinundan natin ang Kanyang halimbawa sa pagpapatawad sa iba. Kapag nagpatawad tayo, ipinapangako ko na palalakasin tayo ng Tagapagligtas, at dadaloy ang Kanyang kapangyarihan at kagalakan sa ating buhay.

Ang libingan ay walang laman. Si Cristo ay buhay. Kilala ko Siya. Mahal ko Siya. Nagpapasalamat ako sa Kanyang biyaya, ang nagpapalakas na kapangyarihang sapat upang paghilumin ang lahat ng bagay. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.