Pambungad na Pananalita
Ipinapahayag namin ang isang mahalagang pagbabago sa ating mga korum ng Melchizedek Priesthood upang mas mabisang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon.
Salamat, Brother Holmes, sa iyong mahalagang mensahe.
Mga kapatid, labis tayong nangungulila kay Pangulong Thomas S. Monson at Elder Robert D. Hales. Ngunit tayong “lahat ay susulong sa gawain ng Panginoon.”1
Lubos akong nagpapasalamat sa bawat lalaking may taglay ng banal na priesthood. Kayo ang pag-asa ng ating Tagapagligtas na nagnanais na “makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”2 Nais Niya na lahat ng Kanyang na-ordenahan na mga anak na lalaki ay maging kinatawan Niya, magsalita para sa Kanya, kumilos para sa Kanya, at pagpalain ang buhay ng mga anak ng Diyos sa buong mundo, hanggang sa huli na “ang pananampalataya rin ay maragdagan sa [buong] mundo.”
Ang ilan sa inyo ay naglilingkod sa mga lugar na naitatag na ang Simbahan sa maraming henerasyon. Ang iba ay naglilingkod kung saan bago pa lamang ang Simbahan.Para sa ilan, ang inyong mga ward ay malalaki. Para sa iba, ang inyong mga branch ay maliliit at malalayo ang distansya. Anuman ang inyong indibidwal na sitwasyon, ang bawat isa sa inyo ay miyembro ng isang korum ng priesthood na may isang banal na utos na matuto at magturo; magmahal at maglingkod sa iba.
Sa gabing ito, ipinapahayag namin ang isang mahalagang pagbabago sa ating mga korum ng Melchizedek Priesthood upang mas mabisang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Sa bawat ward, ang mga high priest at mga elder ay pagsasamahin na sa isang elders quorum. Ang pagbabagong ito ay lubos na magpapabuti ng kakayahan at abilidad ng mga kalalakihan na may taglay ng priesthood na maglingkod sa iba. Ang mga prospective elder ay malugod na tatanggapin at kakaibiganin ng korum na iyon. Sa bawat stake, ang stake presidency ay patuloy na pamamahalaan ang stake high priest quorum.Ngunit ang komposisyon ng korum na iyon ay ibabatay sa kasalukuyang mga tungkulin sa priesthood, na ipaliliwanag sa loob ng ilang sandali.
Sina Elder D. Todd Christofferson at Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tuturuan pa tayo ngayon tungkol sa mahahalagang pagbabagong ito.
Ang mga pagbabagong ito ay pinag-aralan sa loob ng maraming buwan. Nakadama kami ng kagyat na pangangailangan na mas pagbutihin pa ang paraan ng pangangalaga natin sa ating mga miyembro at i-report ang ating mga ugnayan sa kanila. Upang magawa ito nang mabuti, kailangan natin palakasin ang ating mga priesthood quorum upang makapagbigay sila ng dagdag na direksyon sa pagbibigay ng pagmamahal at suporta na nilalayon ng Panginoon para sa Kanyang mga Banal.
Ang mga pagbabagong ito ay inspirado ng Panginoon. Sa pagpapatupad natin nito, magiging mas epektibo tayo ngayon kaysa noon.
Abala tayo sa gawain ng Diyos na Maykapal. Si Jesus ang Cristo! Tayo ay Kanyang mapagpakumbabang mga lingkod! Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, mga kapatid na kalalakihan, habang pinag-aaralan at ginagawa natin ang ating tungkulin, idinadalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, Amen.