2010–2019
Ako Ba ay Anak ng Diyos?
Abril 2018


2:3

Ako Ba ay Anak ng Diyos?

Paano mararanasan ng bawat isa sa atin ang kapangyarihan ng pag-unawa sa ating banal na pagkatao? Nagsisimula ito sa paghahangad na makilala ang ating Diyos Ama.

Kamakailan ay nagsimba kami ng mabait kong ina sa aming lumang kapilyang bato. Naakit ako sa maliliit na boses na nagmumula sa Primary room na dati kong pinasukan ilang dekada na ang nakararaan, kaya bumalik ako at inobserbahan ko ang maalagang mga lider na itinuturo ang tema ngayong taon: “Ako ay Anak ng Diyos.”1 Napangiti ako nang maalala ko ang matiyaga at mapagmahal na mga guro, na sa oras ng pagkanta namin noon ay madalas tumingin sa akin—ang magulong batang iyon sa dulo ng upuan—na parang sinasabing, “Anak ba siya talaga ng Diyos? At sino ang nagsugo sa kanya rito?”2

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na buksan ang ating puso sa Espiritu Santo, na “nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios.”3

Malinaw at mahalaga ang sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ikaw ay anak ng Diyos. Siya ang ama ng iyong espiritu. Sa espirituwal, marangal ang iyong pinagmulan, ikaw ay supling ng Hari ng Langit. Isaisip ang katotohanang iyan at manangan dito. Kahit maraming henerasyon sa iyong mortal na mga ninuno, anuman ang lahi o mga taong kinakatawan mo, ang tala ng angkang pinagmulan ng iyong espiritu ay maisusulat sa iisang taludtod. Ikaw ay anak ng Diyos!”4

“Kapag … nakita mo ang ating Ama,” paglalarawan ni Brigham Young, “makikita mo ang isang nilalang na matagal mo nang kilala, at yayakapin ka Niya, at magiging handa kang yumakap at humalik sa Kanya.”5

Ang Malaking Digmaan tungkol sa Banal na Pagkatao

Nalaman ni Moises ang kanyang banal na pamana nang makausap niya ang Panginoon nang harapan. Kasunod ng karanasang iyon, “dumating si Satanas na [nanunukso],” na may banayad ngunit masamang layunin na pasamain ang pagkatao ni Moises, na “nagsasabing: Moises, anak ng tao, sambahin mo ako. At … tumingin si Moises kay Satanas at nagsabi: Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos.”6

Ang malaking digmaang ito tungkol sa banal na pagkatao ay patuloy na pinagtatalunan habang patuloy na dinaragdagan ni Satanas ang kanyang mga pamamaraan para sirain ang ating pananalig at kaalaman tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos. Salamat na lang at nabiyayaan tayo ng malinaw na pagkaunawa sa ating tunay na pagkatao sa simula pa lang: “At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis,”7 at ipinapahayag ng mga buhay na propeta, “Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”8

Ang malaman ang mga katotohanang ito nang may katiyakan9 ay tumutulong sa atin na madaig ang lahat ng klase ng pagsubok, problema, at paghihirap.10 Nang matanong ng, “Paano natin matutulungan ang mga nahihirapan sa [isang personal na hamon]?” itinuro ng isang Apostol ng Panginoon, “Ituro sa kanila ang kanilang pagkatao at layunin.”11

“Ang Pinaka-makapangyarihang Kaalamang Taglay Ko”

Ang makapangyarihang mga katotohanang ito ay nagpabago ng buhay ng kaibigan kong si Jen,12 na noong tinedyer pa ay naging dahilan ng malagim na aksidente. Bagama’t malubha siyang nasaktan, naging napakasakit niyon sa kanya dahil namatay ang drayber ng kotseng nabangga niya. “May nawalan ng ina at kagagawan ko iyon,” sabi niya. Si Jen, na ilang araw lang ang nakalipas bago iyon ay tumayo at nagsabing, “Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin,”13 ay nag-alinlangan na ngayon, “Paano pa Niya ako mamahalin?”

“Lumipas na ang pisikal na paghihirap,” sabi niya, “pero hindi ko inisip na gagaling ang aking emosyonal at espirituwal na mga sugat.”

Para patuloy na mabuhay, itinago ni Jen ang kanyang nadarama, at naging masungit at manhid siya. Pagkaraan ng isang taon, nang magawa na niyang ikuwento ang aksidente, hinikayat siya ng isang inspiradong tagapayo na isulat ang mga katagang “Ako ay anak ng Diyos” at sambitin niya ito nang 10 beses araw-araw.

“Madaling isulat ang mga salita,” paggunita niya, “pero hindi ko masambit ang mga ito. … Napakahirap niyon, at hindi talaga ako naniwala na gusto ako ng Diyos bilang Kanyang anak. Namamaluktot ako at umiiyak.”

Makalipas ang ilang buwan, nagawa na rin iyon ni Jen araw-araw. “Ibinuhos ko ang buong kaluluwa ko,” sabi niya, “sa pagsusumamo sa Diyos. … At nagsimula na akong maniwala sa mga salita.” Ang paniniwalang ito ay nagtulot sa Tagapagligtas na paghilumin ang kanyang sugatang kaluluwa. Ang Aklat ni Mormon ay naghatid ng kapanatagan at lakas ng loob sa Kanyang Pagbabayad-sala.14

“Nadama ni Cristo ang aking mga pasakit, kalungkutan, at panunurot ng budhi,” pagtatapos ni Jen. “Nadama ko ang dalisay na pag-ibig ng Diyos at noon lang ako nakaranas ng isang bagay na napaka-makapangyarihan! Ang pagkabatid na ako ay anak ng Diyos ang pinaka-makapangyarihang kaalamang taglay ko!”

Paghahangad na Makilala ang Ating Diyos Ama

Mga kapatid, paano mararanasan ng bawat isa sa atin ang kapangyarihan ng pag-unawa sa ating banal na pagkatao? Nagsisimula ito sa paghahangad na makilala ang ating Diyos Ama.15 Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson na, “May makapangyarihang nangyayari kapag hangad ng isang anak ng Diyos na malaman pa ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.”16

Ang pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanya ay tumutulong sa atin na makilala ang Ama. “Siyang … tunay na larawan ng kaniyang [Ama],”17 itinuro ni Jesus, “Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama.”18 Bawat salita at gawa ni Cristo ay naghahayag ng tunay na katangian ng Diyos at ng ating kaugnayan sa Kanya.19 Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Sa paglabas ng dugo sa bawat butas ng katawan at sa hiyaw ng dalamhating nagmula sa kanyang mga labi, hinanap ni Cristo ang lagi Niyang hinahanap—ang Kanyang Ama. ‘Abba,’ paghiyaw Niya, ‘Papa.’”20

Tulad ng masigasig na paghahanap ni Jesus sa Kanyang Ama sa Getsemani, mapanalangin ding hinanap ng batang si Joseph Smith ang Diyos, noong 1820, sa Sagradong Kakahuyan. Matapos mabasa ang “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios,”21 nagtungo roon si Joseph upang manalangin.

“Ako’y lumuhod,” ang isinulat niya kalaunan, “at nagsimulang ialay ang mga naisin ng aking puso sa Diyos. …

“… Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanang na tamang-tama sa tapat ng aking ulo. …

“… Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—[Joseph,] Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!22

Kapag sinunod natin ang mga halimbawa ng Tagapagligtas at ni Propetang Joseph sa masigasig na paghahanap sa Diyos, mauunawaan natin sa tunay na paraan, tulad ni Jen, na kilala tayo ng ating Ama sa pangalan, at na tayo ay Kanyang mga anak.

Sa mga bata pang ina, na madalas mahirapan at malunod sa pagsisikap na magpalaki ng “isang henerasyong kayang labanan ang mga kasalanan,”23 huwag ninyong maliitin kailanman ang inyong mahalagang papel sa plano ng Diyos. Sa mahihirap na sandali—marahil kapag hinahabol ninyo ang mga batang musmos at naamoy ninyo na nasusunog na ang niluluto ninyo sa kusina na mapagmahal ninyong inihanda para sa hapunan—dapat ninyong malaman na pinababanal ng Diyos ang inyong pinakamahihirap na araw.24 “Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo,”25 payapa Niyang muling tiniyak. Ikinararangal namin kayo habang ginagampanan ninyo ang inaasam ni Sister Joy D. Jones, na nagsabing, “Nararapat na maunawaan ng ating mga anak ang kanilang banal na pagkatao.”26

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na hanapin ang Diyos at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. “Walang ibang lugar,” sabi ni Pangulong Nelson, “na itinuro [ang mga katotohanang iyon] nang mas malinaw at makapangyarihan kaysa sa Aklat ni Mormon.”27 Buksan ang mga pahina nito at malaman na ginagawa ng Diyos ang “lahat ng bagay para sa [ating] kapakanan at kaligayahan”;28 na Siya ay “maawain at mapagbigay, hindi madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan”;29 at na “pantay-pantay ang lahat sa [Kanya].”30 Kapag kayo ay nasasaktan, nawawala, natatakot, nagagalit, nagugutom, at parang nag-iisa kayo sa pinakamahihirap ninyong pagsubok sa buhay31—buklatin ang Aklat ni Mormon, at malalaman ninyo na “hindi tayo pababayaan ng [Diyos] kailanman. Hindi Niya tayo iniwan noon, at hindi Niya tayo iiwan kailanman. Hindi Niya ito magagawa. Hindi likas sa Kanya [na gawin ito].”32

Nagbabago ang lahat kapag nakilala natin ang ating Ama, lalo na ang ating puso, habang tinitiyak ng Kanyang magiliw na Espiritu ang ating tunay na pagkatao at malaking kahalagahan sa Kanyang paningin.33 Kasama natin ang Diyos sa pagtahak sa landas ng tipan habang hinahanap natin Siya sa ating mga pagsamo sa panalangin, pagsasaliksik sa banal na kasulatan, at mga pagsisikap na sumunod.

Ang Kadakilaan ng Katangian ng Diyos—Ang Aking Patotoo

Mahal ko ang Diyos ng aking mga ama,34 “ang Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan,”35 Makapangyarihang Diyos, na kasama nating nananangis sa ating mga kalungkutan, matiyaga tayong pinarurusahan sa ating kasamaan, at nagagalak kapag hinahangad nating “[talikuran] ang lahat ng [ating] kasalanan upang makilala [Siya].”36 Sinasamba ko siya, na laging isang “Ama ng mga ulila,”37 at kasama ng mga nag-iisa. Nagpapasalamat akong mapatotohanan na nakilala ko ang aking Diyos Ama, at pinatototohanan ko ang mga kasakdalan, katangian, at “kadakilaan ng [Kanyang] katangian.”38

Bawat isa nawa sa atin ay tunay na maunawaan at pahalagahan ang ating “kabataang pangako”39 bilang anak ng Diyos sa pagkilala sa Kanya, “ang iisang Dios na tunay, at siyang [Kanyang] isinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo”40 ang taimtim kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.