2010–2019
Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling
Abril 2018


2:3

Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling

Kapag tinipon natin ang mga kasaysayan ng ating pamilya at pumunta sa templo para sa mga ninuno natin, sabay na tinutupad ng Diyos ang mga ipinangakong pagpapala sa magkabilang panig ng tabing.

Ang mga ugnayan ng pamilya ay maaaring maging ilan sa pinakamasaya ngunit mahirap na karanasan na makakaharap natin. Marami sa atin ang naharap na sa ilang tila hindi pagkakaunawaan sa ating mga pamilya. Ang gayong hindi pagkakaunawaan ay nangyari sa dalawang bayani ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw na ito. Sina Parley at Orson Pratt ay magkapatid, kabilang sa mga naunang sumapi sa simbahan, at inordenan na mga Apostol. Bawat isa ay dumanas ng pagsubok sa pananampalataya ngunit nalampasan dahil sa kanilang matibay na patotoo. Kapwa sila nagsakripisyo at nag-ambag nang malaki para sa kapakanan ng katotohanan.

Parley Pratt

Noong panahon na nasa Nauvoo ang mga Banal, ang kanilang samahan ay nagkaroon ng lamat, na humantong sa isang mainit na pagtatalo sa harap ng publiko noong 1846. Nagkaroon ng isang malalim at matagalang hidwaan. Naunang sumulat si Parley kay Orson upang makipag-ayos, ngunit hindi sumagot si Orson. Hindi na nagpumilit pa si Parley, inisip na wala nang mangyayaring pagkakaayos kailanman, maliban kung si Orson ang magsimula.1

Orson Pratt

Pagkaraan nang ilang taon, noong Marso 1853, nalaman ni Orson ang tungkol sa isang proyektong ilathala ang isang aklat tungkol sa mga inapo ni William Pratt, ang pinakaunang Amerikanong ninuno ng magkapatid. Si Orson ay nagsimulang umiyak “tulad ng isang munting bata” nang makita niya ang napakahalagang koleksyong ito ng kasaysayan ng pamilya. Lumambot ang puso niya, at nagpasiya siya na ayusin ang hidwaan nila ng kanyang kapatid.

Si Orson ay sumulat kay Parley, “Ngayon mahal kong kapatid, wala sinuman sa lahat ng inapo ng ating Ninuno, si Lieut[enant] William Pratt, ang may napakalaking interes na hanapin ang kanyang mga inapo maliban sa atin.” Isa si Orson sa mga unang nakaunawa na may obligasyon ang mga Banal sa mga Huling Araw na saliksikin at tipunin ang mga kasaysayan ng pamilya upang maisagawa natin ang mga ordenansa para sa mga ninuno. Nakasaad pa sa kanyang liham: “Alam natin na ang Diyos ng ating mga ama ang may gawa nito. … Hihingi ako ng kapatawaran para sa kapabayaan ko sa hindi ko pagtugon sa sulat mo. … Sana ay mapatawad mo ako.”2 Sa kabila ng kanilang matibay na patotoo, ang pagmamahal nila sa kanilang mga ninuno ang naghikayat sa kanila na ayusin ang hidwaan, alisin ang hinanakit, at humingi ng kapatawaran at magpatawad.3

Kapag iniutos sa atin ng Diyos na gawin ang isang bagay, madalas ay marami Siyang layunin sa paggawa nito. Ang family history at gawain sa templo ay hindi lamang para sa mga patay ngunit nagpapala rin sa mga buhay. Para kina Orson at Parley, ibinaling nito ang kanilang mga puso sa isa’t isa. Ang family history at gawain sa templo ay naglaan ng kapangyarihang pagalingin ang nangangailangan ng pagpapagaling.

Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay may banal na responsibilidad na hanapin ang ating mga ninuno at magtipon ng mga kasaysayan ng pamilya. Higit pa ito sa isang nakasisiglang libangan, sapagkat ang mga ordenansa ng kaligtasan ay kinakailangan para sa lahat ng anak ng Diyos.4 Dapat nating tukuyin ang ating sariling mga ninuno na namatay nang hindi natatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan. Maisasagawa natin ang mga ordenansa para sa mga patay sa mga templo, at ang mga ninuno natin ang magpapasiya kung tatanggapin nila ang mga ordenansa.5 Hinihikayat din tayo na tulungan ang mga miyembro ng ward at stake sa pagsasaliksik sa mga pangalan ng pamilya nila. Kahanga-hanga na, sa pamamagitan ng family history at gawain sa templo, makatutulong tayo sa pagtubos sa mga patay.

Ngunit sa ating pakikilahok sa gawain sa family history at sa gawain sa templo ngayon, nagiging karapat-dapat din tayo sa mga pagpapalang “nagpapagaling” na ipinangako ng mga propeta at mga apostol.6 Kahanga-hanga rin ang mga pagpapalang ito dahil sa saklaw, katangian, at ibinunga ng mga ito sa mortalidad. Kabilang sa mahabang listahang ito ang mga pagpapalang ito:

  • Dagdag na pagkaunawa tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo;

  • Dagdag na impluwensya ng Espiritu Santo7 upang makadama ng lakas at direksyon para sa ating sariling buhay;

  • Dagdag na pananampalataya, upang maging malalim at manatili ang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas;

  • Dagdag na kakayahan at motibasyon na matuto at magsisi8 dahil nauunawaan natin kung sino tayo, saan tayo galing, at isang mas malinaw na kaalaman kung saan tayo patungo;

  • Dagdag na impluwensya sa ating mga puso na nagpapadalisay, naglilinis, at nagpapatatag;

  • Dagdag na kagalakan sa pamamagitan ng nadagdagang kakayahang madama ang pagmamahal ng Panginoon;

  • Dagdag na mga pagpapala sa pamilya, anuman ang kalagayan ng pamilya sa kasalukuyan, nakaraan, o hinaharap, o gaano man hindi kaperpekto ang ating family tree;

  • Dagdag na pagmamahal at pagpapahalaga para sa ating mga ninuno at nabubuhay pang mga kamag-anak, upang hindi na tayo makadama ng pag-iisa;

  • Dagdag na kakayahan na mahiwatigan kung sino ang nangangailangan ng pagpapagaling at sa gayon, sa tulong ng Panginoon, ay mapaglilingkuran ang iba;

  • Dagdag na proteksyon mula sa mga tukso at sa umiigting na impluwensya ng kaaway; at

  • Dagdag na tulong upang mapaghilom ang nahihirapan, bagbag, o nababalisang mga puso at pagalingin ang nasugatan.9

Kung naipagdasal na ninyo ang anuman sa mga pagpapalang ito, makibahagi sa gawain sa family history at sa templo. Kapag ginawa ninyo ito, masasagot ang inyong mga panalangin. Kapag ang mga ordenansa ay isinagawa para sa mga pumanaw, napagagaling ang mga anak ng Diyos sa daigdig. Hindi nakapagtataka na inihayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa kanyang unang mensahe bilang Pangulo ng Simbahan na, “Ang inyong pagsamba sa templo at ang inyong paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay magpapala sa inyo ng karagdagang personal na paghahayag at kapayapaan at magpapatibay sa inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”10

Nakita rin ng isang naunang propeta ang mga pagpapala na ipagkakaloob para sa mga buhay at mga patay.11 Ipinakita kay Ezekiel ng isang sugo mula sa langit ang pangitain tungkol sa isang templo na may tubig na dumadaloy mula rito. Sinabi kay Ezekiel:

“Ang tubig na ito ay lumalabas … at bababa sa [disyerto]; at huhugos sa [patay na] dagat … , at ang tubig ay mapagagaling.

“At mangyayari, na bawa’t likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay: … [sapagkat ang mga ito] ay mapagagaling, at bawa’t may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.”12

Kapansin-pansin ang dalawang katangian ng tubig. Una, bagama’t walang mga sanga ang maliit na ilog, lumaki ito, mas lumapad at mas lumalim habang palayong dumadaloy ito. Ganito rin ang nangyayari sa mga pagpapala na dumadaloy mula sa templo kapag ibinubuklod ang mga indibiduwal bilang mga pamilya. Makabuluhang pag-unlad ang nangyayari pabalik at pababa sa mga henerasyon kapag pinag-ugnay-ugnay ang mga pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa ng pagbubuklod.

Pangalawa, pinanibago ng ilog ang lahat ng bagay na madaluyan nito. Ang mga pagpapala ng templo ay may ganito ring nakamamanghang kakayahan na magpagaling. Ang mga pagpapala ng templo ay nakapagpapagaling ng mga puso at mga buhay at mga pamilya.

Si Todd na anak ni Betty

Magbabahagi ako sa inyo ng isang halimbawa nito. Noong 1999, isang binatilyong nagngangalang Todd ang hinimatay dahil sa pagputok ng ugat sa kanyang utak. Bagama’t si Todd at ang kanyang pamilya ay mga miyembro ng Simbahan, hindi sila gaanong aktibo, at wala sa kanila ang nakaranas ng mga pagpapala ng templo. Sa huling gabi ng buhay ni Todd, umupo sa tabi ng kanyang kama ang kanyang ina na si Betty, haplus-haplos ang kanyang kamay at sinabing, “Todd, kung talagang kailangan mo nang umalis, ipinapangako ko sa iyo na titiyakin ko na magagawa ang mga ordenansa para sa iyo sa templo.” Kinabukasan, idineklarang brain dead na si Todd. Inilipat ng mga doktor ang puso ni Todd sa aking pasyente, isang kahanga-hangang tao na nagngangalang Rod.

Ilang buwan matapos ang transplant, nalaman ni Rod kung sino ang pamilya ng donor ng kanyang puso at nagsimula siyang makipag-ugnayan sa kanila. Pagkaraan ng mga dalawang taon, inanyayahan si Rod ng ina ni Todd na si Betty na dumalo sa kanyang unang pagpasok sa templo. Unang nagkita sina Rod at Betty sa celestial room ng St. George Utah Temple.

Ilang taon pagkaraan niyon, ang tatay ni Todd—ang asawa ni Betty—ay namatay. Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Betty si Rod na kumatawan sa kanyang namatay na anak sa pagtanggap ng mga ordenansa ng templo. Nalulugod na ginawa iyon ni Rod, at humantong ang gawain para sa patay sa sealing room sa St. George Utah Temple. Ibinuklod si Betty sa kanyang namatay na asawa, nakaluhod sa kabilang panig ng altar ang kanyang apo na nagsilbing proxy. Pagkatapos, habang tumutulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi, inanyayahan niya si Rod na samahan sila sa altar. Lumuhod si Rod sa tabi nila, na nagsilbing proxy para sa kanyang anak na si Todd, na ang puso ay tumitibok pa rin sa loob ng dibdib ni Rod. Pagkatapos ay ibinuklod ang donor ng puso ni Rod na si Todd sa kanyang mga magulang para sa kawalang-hanggan. Tinupad ng ina ni Todd ang pangakong ginawa niya sa kanyang naghihingalong anak ilang taon na ang nakararaan.

Sina Rod at Kim sa araw ng kanilang kasal

Ngunit hindi roon natapos ang kuwento. Labinlimang taon matapos ang kanyang heart transplant, si Rod ay na-engage para makasal at hiniling sa akin na ako magsagawa ng pagbubuklod sa Provo Utah Temple. Sa araw ng kasal, nagkita kami ni Rod at ng kanyang magandang nobya na si Kim sa isang silid katabi ng sealing room, kung saan naghihintay ang kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan. Matapos makausap sandali sina Rod at Kim, itinanong ko kung mayroon silang anumang katanungan.

Sabi ni Rod, “Opo. Nandito ang pamilya ng aking donor at gustung-gusto po nilang makilala kayo.”

Ako ay nagulat at nagtanong, “Ang ibig mong sabihin ay nandito sila? Ngayon?”

Sumagot si Rod, “Opo.”

Lumigid ako sa sulok at tinawag ang pamilya palabas ng sealing room. Sinamahan kami ni Betty, ng kanyang anak na babae, at manugang na lalaki. Payakap na binati ni Rod si Betty, pinasalamatan siya sa pagpunta, at ipinakilala ako sa kanya. Sabi ni Rod, “Betty, ito si Elder Renlund. Siya ang doktor na nag-alaga sa puso ng iyong anak nang maraming taon.” Lumapit siya at niyakap ako. At sa sumunod na ilang minuto, mayroong mga yakap at luha ng kagalakan sa paligid.

Matapos ang sandaling ito, lumipat kami sa sealing room, kung saan ibinuklod sina Rod at Kim sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Makapagpapatotoo sina Rod, Kim, Betty, at ako na napakalapit ng langit, na may iba kaming mga kasama noong araw na iyon na naroon na sa kabilang tabing ng mortalidad.

Ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang kakayahan, ay ibinubuklod at pinagagaling ang mga indibiduwal at mga pamilya sa kabila ng trahedya, kawalan, at kahirapan. Minsan ay inihahambing natin ang mga damdaming nararanasan natin sa mga templo bilang isang sulyap sa langit.13 Noong araw na iyon sa Provo Utah Temple, nagkaroon ng espesyal na kahulugan sa akin ang pahayag na ito ni C.S. Lewis: “Sinasabi [ng mga tao] tungkol sa ilang temporal na paghihirap, ‘Walang kaligayahan sa hinaharap ang makapapalit dito,’ na hindi nalalaman na ang Langit, kapag nakamtan, ay aayusin ang nangyari na at gagawing kaluwalhatian maging ang pagdadalamhating iyon. … Sasabihin ng Pinagpala na, ‘Hindi kami nanirahan saanman maliban sa Langit.’”14

Palalakasin, tutulungan, at paninindigan tayo ng Diyos;15 at gagawin Niyang banal para sa atin ang pinakamalalim nating pighati.16 Kapag tinipon natin ang mga kasaysayan ng ating pamilya at pumunta sa templo para sa mga ninuno natin, sabay na tinutupad ng Diyos ang marami sa mga ipinangakong pagpapala sa magkabilang panig ng tabing. Pinagpapala rin tayo kapag tinutulungan natin ang iba sa ating mga ward at stake na gawin din iyon. Ang mga miyembro na hindi nakatira malapit sa isang templo ay natatanggap din ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain ng family history, na tinitipon ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno para maisagawa ang mga ordenansa sa templo.

Gayunman, nagbabala si Pangulong Russell M. Nelson: “Marami tayong maririnig na mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon tungkol sa mga karanasan sa templo at family history na naranasan ng iba. Ngunit may kailangan tayong gawin upang tayo mismo ang makaranas ng kagalakang dulot nito.” Sinabi pa niya, “Hinihikayat ko kayo na mapanalanging isaalang-alang kung anong klaseng sakripisyo—mas mainam kung pagsasakripisyo ng oras—ang magagawa ninyo upang mas marami kayong magawa sa templo at family history sa taong ito.”17 Kapag tinanggap ninyo ang paanyaya ni Pangulong Nelson, matutuklasan, matitipon, at maipagdudugtung-dugtong ninyo ang inyong pamilya. Dagdag pa rito, dadaloy ang mga pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya na kagaya ng ilog na binanggit ni Ezekiel. Makahahanap kayo ng pagpapagaling para sa nangangailangan ng pagpapagaling.

Naranasan nina Orson at Parley Pratt ang pagpapagaling at pagbubuklod na mga epekto ng family history at gawain sa templo sa dispensasyong ito. Naranasan ito ni Betty, ng kanyang pamilya, at ni Rod. Maaari din ninyong maranasan ito. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ibinibigay ni Jesucristo ang mga pagpapalang ito sa lahat, kapwa sa patay at sa buhay. Dahil sa mga pagpapalang ito, matalinghagang makikita natin na, “hindi [tayo] nanirahan saanman maliban … sa Langit.”18 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Parley P. Pratt to Orson Pratt, Mayo 25, 1853, Orson Pratt Family Collection, Church History Library, Salt Lake City; sa Terryl L. Givens at Matthew J. Grow, Parley P. Pratt: The Apostle Paul of Mormonism (2011), 319.

  2. Orson Pratt to Parley P. Pratt, Mar. 10, 1853, Parley P. Pratt Collection, Church History Library, Salt Lake City; sa Givens at Grow, Parley P. Pratt, 319.

  3. Nakatutuwa na hindi lamang tumulong si Orson Pratt sa paglalathala ng aklat tungkol sa mga inapo ni William Pratt, ngunit makalipas ang ilang taon, noong 1870, siya at ang kanyang pamilya ay nagsagawa ng mahigit 2,600 proxy baptism sa Endowment House sa Salt Lake City para sa mga pumanaw na indibiduwal na nakatala sa aklat (tingnan saBreck England, The Life and Thought of Orson Pratt [1985], 247).

  4. Tingnan sa Joseph Smith, History of the Church, 6:312–13.

  5. Tingnan sa “Names Submitted for Temple Ordinances,” First Presidency letter, Peb. 29, 2012. Ang mga ninuno na ang mga pangalan ay isinumite para gawan ng mga ordenansa sa templo ay dapat kamag-anak ng nagsumite. Walang eksepsiyon, ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi dapat magsumite ng mga pangalan mula sa anumang di-awtorisadong grupo, kabilang ang mga kilalang tao at mga biktima ng Jewish Holocaust.

  6. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “In Wisdom and Order,” Tambuli, Dis. 1989, 18–23; D. Todd Christofferson, “The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Liahona, Ene. 2001, 10–13; Boyd K. Packer, “Your Family History: Getting Started,” Liahona, Ago. 2003, 12–17; Thomas S. Monson, “Mga Di Nagbabagong Katotohanan sa Pabagu-bagong Panahon,” Liahona, Mayo 2005, 19–22; Henry B. Eyring, “Pusong Magkakabigkis,” Liahona, Mayo 2005, 77–80; M. Russell Ballard, “Pananampalataya, Pamilya, mga Katotohanan, at mga Bunga,” Liahona, Nob. 2007, 25–27; Russell M. Nelson, “Kaligtasan at Kadakilaan,” Liahona, Mayo 2008, 7–10; Russell M. Nelson, “Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal,” Liahona, Mayo 2010, 91–94; David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 24–27; Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2012, 93–95; Quentin L. Cook, “Mga Ugat at mga Sanga,” Liahona, Mayo 2014, 44–48; Thomas S. Monson, “Pagpapabilis ng Gawain,” Liahona, Hunyo 2014, 4–5; Henry B. Eyring, “Ang Pangakong Babaling ang mga Puso,” Liahona, Hulyo 2014, 4–5; David A. Bednar, “Paggawa ng Gawaing Misyonero, Family History, at Gawain sa Templo,” Liahona, Okt. 2014, 14–19; Neil L. Andersen, “‘“Ang Panahon Ko’ sa mga Templo at Teknolohiya,” Liahona, Peb. 2015, 26–33; Neil L. Andersen, “Sharing the Temple Challenge,” Family Discovery Day, Peb. 2015, LDS.org; Quentin L. Cook, “Ang Galak sa Paggawa ng Family History,” Liahona, Peb. 2016, 22–27; Gary E. Stevenson, “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood? Liahona, Mayo 2016, 29–32; Dieter F. Uchtdorf, “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 77–80; Quentin L. Cook, “Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo,” Liahona, Mayo 2016, 97–101; Dale G. Renlund, Ruth L. Renlund, at Ashley R. Renlund, “Family History at mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Peb. 2017, 34–39; Dallin H. Oaks at Kristen M. Oaks, “Connected to Eternal Families,” Family Discovery Day, Mar. 2018, LDS.org.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:15.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:21.

  9. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Balm of Gilead,” Ensign, Nob. 1987, 16–18; Jeremias 8:22; 51:8.

  10. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7.

  11. Tingnan sa Ezekiel 40–47; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ezekiel.”

  12. Ezekiel 47:8–9.

  13. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “Glimpses of Heaven,” Ensign, Dis. 1971, 36–37.

  14. C. S. Lewis, The Great Divorce: A Dream (2001), 69.

  15. Tingnan sa Isaias 41:10.

  16. Tingnan sa “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  17. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History,” Liahona, Okt. 2017, 19.

  18. Lewis, The Great Divorce, 69.