Ang Galak sa Paggawa ng Family History
Mula sa mensaheng, “Ang Plano ng Ama ay tungkol sa Pamilya,” na ibinigay sa RootsTech 2015 Family History Conference sa Salt Lake City, Utah, noong Pebrero 14, 2015. Bisitahin ang RootsTech.org upang malaman ang iba pa tungkol sa 2016 RootsTech conference.
Malinaw sa pangako ni Elijah na bawat isa sa atin ay may obligasyon sa mga henerasyong nauna sa atin at sa susunod na mga henerasyon.
Huwag kalimutan na ang family history—at mga ordenansa sa templo na ginawang posible nito—ay mahalagang bahagi ng gawain ng kaligtasan at ang partisipasyon sa sagradong gawaing ito para sa mga patay ay nagpapala sa mga nabubuhay. Pinalalakas nito ang ating pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo, tinutulungan tayong labanan ang tukso, pinaglalapit ang ating pamilya, at pinalalakas ang ating mga ward at stake.
Gusto kong bigyang-diin ang “hanapin, dalhin, at turuan” ng gawain sa family history. Sa hanapin, ang ibig naming sabihin ay gamitin ang FamilySearch website o ang My Family: Stories That Bring Us Together na buklet1 para mahanap ang pangalan ng isa o marami pa sa inyong mga ninuno o kanilang mga inapo. Pagkatapos ay dalhin ang mga pangalang ito sa templo, o ibahagi ito sa iba para madala nila ito. (Kapag maaari, pumunta sa templo bilang pamilya.) Sa huli, turuan ang inyong pamilya at turuan din ang iba na gayon din ang gawin.
Ang plano ng Ating Ama ay tungkol sa mga pamilya, na isinagisag ng isang malaking puno. Para mabuhay at lumaki ang isang puno, kailangan nito kapwa ang mga ugat at sanga. Kailangan din naman tayong maging konektado sa ating mga ugat—sa ating mga magulang, lolo’t lola, at iba pang mga ninuno—gayundin sa ating mga sanga—sa ating mga anak, apo, at iba pang mga inapo. Gamit ng ilang madamdaming talata ang analohiya ng isang puno na may mga ugat at sanga na kumakatawan sa pamilya (tingnan sa Isaias 11:1; Jacob 5).
Ang Misyon ni Elijah
Ipinropesiya ng propetang si Malakias, sa huling aklat ng Lumang Tipan, ang panahon na babalik ang propetang si Elijah sa mundo “bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na kaarawan ng Panginoon … [at] papagbaliking[-]loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang, at baka [Siya] ay dumating at saktan ang lupa ng sumpa” (Malakias 4:5–6).
Nang magpakita ang anghel na si Moroni sa 17-taong-gulang na si Joseph Smith noong 1823, binanggit niya ang mga talatang ito mula sa Malakias ngunit kakaiba ang pagbanggit niya rito. Sinabi ni Moroni noong gabing iyon ng Setyembre:
“Masdan, ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.
“… At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:38–39).
Apat na beses inulit ni anghel Moroni ang mga salita ni Malakias sa batang si Joseph.
Isipin na lamang kung ang alam lang natin tungkol sa dakilang propetang si Elijah ay ang nalaman ni Joseph Smith mula sa Biblia. Mula sa aklat na iyon ng banal na kasulatan alam natin na si Elijah ay nabuhay sa magulong panahon, halos 900 taon bago isinilang si Cristo. Ang masamang tao na sina Ahab at Jezabel ay naghari sa kasamaan sa Israel bilang hari at reyna, na hinihikayat ang mga nasasakupan nila na sambahin ang huwad na diyos na si Baal at pinatay pa ang mga propeta ng Panginoon.
Si Elijah ay isang pambihirang propeta. Tinatanggap ng mga Kristiyano at Judio sa buong mundo ang kasaysayan ni Elijah sa Lumang Tipan.
Itinala sa mga banal na kasulatan kung paano mahimalang naligtas ang buhay ni Elijah at kung paano niya iniligtas ang isang babaeng balo mula sa taggutom at binuhay ang kanyang anak mula sa mga patay (tingnan sa I Mga Hari 17). Inilarawan ni Elias kung paano muling tiniyak sa kanya ng “marahan at banayad na tinig” na siya ay hindi nag-iisa sa kanyang katapatan kay Jehova (tingnan sa I Mga Hari 19:4–14). Sa huli, nagbagong-anyo si Elijah at dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan (tingnan sa II Mga Hari 2:7–12).
Tanging sa pamamagitan ng makabagong paghahayag nabunyag ang buong tungkulin ni Elijah. Siya ang huling propeta na nagtaglay ng kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood na magbuklod bago sumapit ang panahon ni Jesucristo. Kasama si Moises, nagpakita siya sa Tagapagligtas at kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo sa kalagitnaan ng panahon (tingnan sa Mateo 17:1–4; Marcos 9:2–5). Bilang mahalagang bahagi ng Panunumbalik, nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong 1836 sa Kirtland Temple. Doon, muli niyang ibinalik ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod, sa pagkakataong ito para sa pagbubuklod ng mga pamilya sa dispensasyong ito bilang katuparan ng propesiya ni Malakias (tingnan sa D at T 110:13–16). Dahil isinugo si Elijah sa dispensasyong ito, ang kabuuan ng kaligtasan ay makakamtan kapwa ng mga buhay at patay.
Ang misyon ni Elijah ay pinagagaan ng kung minsan ay tinatawag na espiritu ni Elijah, na, gaya ng itinuro ni Pangulo Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay “isang pagpapamalas ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa kabanalan ng pamilya.”2 Iyan ang dahilan kaya madalas nating tawagin ang mga paramdam ng Espiritu Santo na nauugnay sa family history at gawain sa templo bilang espiritu ni Elijah.
Sa mga taong pumanaw na, mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan na “tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap” (D at T 128:18). Ano ang ibig sabihin nito? Makikita natin ang kasagutan sa banal na kasulatan:
“At ngayon, aking mga pinakamamahal na kapatid na lalaki at babae, hayaang aking tiyakin sa inyo na ang mga ito ay alituntuning may kinalaman sa mga patay at sa mga buhay na hindi maaaring ipagwalang-bahala nang gayun-gayon lamang, gaya ng nauukol sa ating kaligtasan. Sapagkat ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan, gaya ng sinabi ni Pablo hinggil sa mga ama—na sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap—ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap” (D at T 128:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang ibig sabihin ng “Ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at mahalaga sa ating kaligtasan” ay na ang kaligtasan ng buong sangkatauhan ay magkaugnay at konektado sa isa’t isa—tulad ng mga ugat at sanga ng isang malaking puno.
Magdaos ng Family Tree Gathering
Ang mga pangako at inaasahan sa pamilya ay dapat manguna sa ating listahan ng mga prayoridad. Poprotektahan nito ang ating banal na tadhana. Para makapagsimula ang mga pamilya sa kanilang gawain sa family history, hinahamon ko sila na magdaos ng tinatawag kong “Family Tree Gathering.” Dapat itong gawin nang paulit-ulit. Lahat ay makapagdadala sa mga pagtitipong ito ng mga kasaysayan, kuwento, at retrato ng pamilya, pati na ng mahahalagang ari-arian ng mga lolo’t lola at mga magulang. Ang buklet na My Family ay maaaring gamitin para magtala ng impormasyon, mga kuwento, at retrato ng pamilya na maaaring i-upload sa FamilyTree kalaunan sa FamilySearch.org.
Gayunman, hindi ito maaaring minsanang pagsisikap lamang. Kailangan dito ang habambuhay na pagsisikap. Para sa mga taong naghahanap ng mas kapaki-pakinabang na mga paraan para masunod ang araw ng Sabbath bilang pamilya, ang pagpapabilis ng sagradong gawaing ito ay magandang simulain.
Ang sentro ng kasaysayan ng pamilya ay ang tahanan. Kailangan nating tulungan ang ating mga kabataan na mahalin ang gawaing ito. Marami sa ating mga kabataan ang nagbaling na ng kanilang puso sa kanilang mga ninuno. Sabik makaalam ang ating mga kabataan tungkol sa buhay ng mga miyembro ng pamilya—saan sila nagmula at paano sila namuhay. Ang ilan ay natutuwa nang husto sa gawain kaya hindi nila namamalayan ang paglipas ng oras at naiinis pa kapag dapat na silang tumigil.
Gustung-gusto ng mga kabataan ang mga kuwento at retrato, at madali na nila ngayong ma-access ang mga teknolohiya upang pangalagaan ang mga alaala sa Family Tree sa FamilySearch.org. Makakakita sila ng mga miyembro ng pamilya na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo sa pamamagitan ng karanasan nila sa bagong-labas na “record-hinting” sa FamilySearch.org.3
Ang mga record hint na ito tungkol sa mga miyembro ng pamilya ay ginawang posible ng indexing ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Ang mga talaang ito—at milyun-milyon ang mga ito—ay tutulong sa inyo na mahanap ang iba pang mga ninuno na maaaring hindi pa konektado sa inyong pamilya at kailangang gawan ng mga ordenansa sa templo. Kabilang sa iba pang mga talaan mula sa iba’t ibang panig ng mundo na may hinting technology sa mga website ang Ancestry.com, Findmypast.com, at MyHeritage.com, na maaaring ma-access nang libre ng lahat ng miyembro ng Simbahan.
Bagama’t tahanan ang sentro ng kasaysayan ng pamilya, patuloy na naglalaan ang Simbahan ng mga family history center kung saan maaaring sama-samang tuklasin ng mga pamilya ang kanilang mga ninuno at ma-access ang Internet kung wala sila nito sa bahay nila.
Lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan na edad 12 pataas ay maaaring makakuha ng limited-use temple recommend upang magpabinyag para sa mga patay pagkatapos ng interbyu ng isa o dalawang lider ng simbahan. Kabilang dito ang lahat ng bagong binyag.
Ang pagkakaroon ng nilagdaang recommend na maipapakita ninyo sa alinmang templo ay nagdudulot ng kagalakan. Ang recommend ay may taglay ding sagradong proteksyon. Bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015):
“Walang gawaing higit na nangangalaga sa Simbahang ito maliban sa gawain sa templo at pagsasaliksik ng kasaysayan ng pamilya na sumusuporta dito. Walang gawaing higit na nagpapadalisay sa espiritu. Walang gawaing nagbibigay sa atin ng higit na kapangyarihan. Walang gawaing nangangailangan ng mas mataas na pamantayan ng kabutihan.
“Ang ating mga paggawa sa templo ay nagsisilbing kalasag at pananggalang natin, kapwa ng bawat isa at ng grupo.”4
Obligasyon natin sa Ating mga Ninuno
Ang family history ay pampamilya, ngunit hindi lahat ng miyembro ng pamilya ay iisa ang sitwasyon. Marami sa ating mga ninuno ang namatay nang hindi nakapag-asawa o nagkaanak. Ang ilan ay nagdiborsyo, at ang ilan ay ilang beses nag-asawa. Marami ang nagkaanak ng may kapansanan o bata pa nang mamatay. Lahat ay may kuwento.
Kailangan ng bawat kaluluwa, buhay o patay, na mananagot sa kanyang mga ginagawa ang pagpapala ng sagradong ordenansa sa templo, at matutulungan natin ang ating mga kapamilya na matanggap ang mga ito. Hindi mahalaga kung kayo ay walang asawa, kung ang inyong asawang lalaki o babae ay di-gaanong aktibo, o kung kayo mismo ay di-gaanong aktibo o hindi miyembro ng Simbahan, makakatulong din kayong magligtas ng mga kaluluwa. Maaaring wala nang mas mahalaga, nakapupuspos, o maluwalhating gawain.
Ang namumuno sa gawaing ito ay ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Pagkamatay Niya, binuksan Niya ang pinto sa bilangguan na bumihag sa mga patay:
“Kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao; at sa gayon ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga patay. …
“At ang mga napiling sugo ay humayo upang ipahayag ang kalugud-lugod na araw ng Panginoon at ipahayag ang kalayaan sa mga bihag na nakagapos, maging sa lahat ng magsisisi ng kanilang mga kasalanan at tatanggap ng ebanghelyo” (D at T 138:30–31).
Simple lang ang ating mensahe, ngunit malalim ito. Hindi ito nangangailangan ng mabulaklak o kumplikadong doktrina. Ito ay tungkol sa pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu at ng pangakong sundin ang ating Tagapagligtas.
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, ipinapangako ko na kung maglalampas kayo ng tingin sa buhay na ito at tutulungan ninyo ang mga taong hindi matulungan ang kanilang sarili, pagpapalain kayo ng higit na pagkakalapit at kagalakan sa inyong pamilya at ng banal na proteksyon na ibinibigay sa mga taong tapat na naglilingkod sa Kanya.
Malinaw sa pangako ni Elijah na bawat isa sa atin ay may obligasyon sa mga henerasyong nauna sa atin at sa susunod na mga henerasyon. Nawa’y makasumpong kayong mga magulang, kabataan, at mga bata ng kagalakan at mapagpala sa lahat ng iba pang aspeto ng inyong buhay habang ginagampanan ninyo ang obligasyong ipinadala ng langit upang makibahagi sa sagradong gawain para sa mga patay.