2016
Binasa Niya ang Aking Patotoo
Pebrero 2016


Binasa Niya ang Aking Patotoo

Faith Watson, Utah, USA

illustration of 2 women at a counter, and one is reading a book

Paglalarawan ni Allen Garns

Nang sagutin ko ang aking telepono, narinig ko ang tuwang-tuwang boses ng isa sa lokal na mga full-time missionary na nagsabi sa akin na may gaganaping binyag pagkaraan ng ilang araw. Ang mga binyag, mangyari pa, ay lagi nang isang dahilan para matuwa ang mga missionary, ngunit hindi pamilyar sa akin ang pangalan ng babaeng bibinyagan. Subalit iginiit ng elder na dumalo ako sa binyag dahil may sorpresang naghihintay sa akin. Ayaw na niyang sabihin sa akin ang iba.

Sa araw ng binyag, maaga akong dumating sa simbahan para alamin kung ano ang sorpresang iyon. Pero hindi ko kilala ang bata pang sister—si Alice—na bibinyagan, at wala itong pahiwatig na kilala niya ako.

Matapos ang magandang binyag na puspos ng Espiritu, hinawakan ni Alice ang isang Aklat ni Mormon at pinatotohanan ang katotohanan nito at nagpasalamat sa mga turo nito, lalo na sa patotoo nito tungkol sa Tagapagligtas. Sa kanyang patotoo, sinabi niya kung paano nakarating sa kanya ang aklat. Nagtatrabaho siya sa kiosk sa isang lokal na shopping mall. Isang araw dumating ang isang babae at ibinigay nito ang aklat sa boss niya. Hindi interesado ang boss niya at inilagay ito sa isang estante.

Di-nagtagal, nang ililipat na ang kiosk sa ibang lugar, inutusan ng boss si Alice na itapon ang aklat. Pero dahil gusto itong usisain ni Alice, tiningnan niya sandali ang aklat, at itinanong kung puwedeng sa kanya na lang iyon.

Iniuwi ni Alice ang Aklat ni Mormon, binasa niya ito sa loob ng ilang linggo, at nakumbinsi siya sa katotohanan nito. Pero hindi niya alam kung ano ang gagawin. Makalipas ang ilang buwan nakakita siya ng ibang trabaho, kung saan nakatrabaho niya ang isang Banal sa mga Huling Araw. Tinanong niya ito tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Simbahan, at inanyayahan siya ng mag-asawa na kausapin ang mga missionary.

Pagkatapos ay sinabi ng sister na ito na gusto niyang basahin ang patotoong nakasulat sa harapan ng kanyang Aklat ni Mormon. Sa akin ang patotoong iyon. Naisulat ko iyon doon bago ko iyon ibinigay sa boss ni Alice sa kiosk.

Galak na napangiti ang mga elder. Ito ang pinakamagandang sorpresang naranasan ko sa buhay ko! Pagkatapos ng binyag, agad akong niyakap ng bagong sister na ito.

Gustung-gusto kong masaksihan ang binyag ni Alice at makinig sa kanyang abang patotoo, na natamo niya sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagdarasal ayon sa payo ni Moroni: “Kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo” (Moroni 10:4).

Puno pa rin ako ng malaking pasasalamat na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa pagtulong sa isa sa mga anak ng Diyos na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.