2016
Ang Aral ng Puno ng Santol
Pebrero 2016


Mga Pagmumuni

Ang Aral ng Puno ng Santol

Ang awtor ay naninirahan sa San Jose, Philippines.

Tayo ay katulad ng bunga ng santol sa gitna ng bagyo.

Noong Hunyo 23, 2009, binagyo ang Pilipinas. Noong hapong iyon, sumailalim ang aming lugar sa babala ng matinding bagyo. Sa maghapon at magdamag, narinig namin na may humahampas nang malakas sa aming bubungan. Nang itanong ng anak ko kung ano iyon, sinabi ko sa kanya na iyon ang aming puno ng santol na hinahagupit ng hangin.

Nanghinayang ako na hindi ko pinitas ang matamis na bunga ng santol kahapon, na tulad ng plano ko. Pero sabi kasi ni Inay hindi pa hinog ang bunga at hayaan ko na lang muna.

Alas-5:00 n.u. lumabas ako para tingnan ang puno, na nangangambang makita na nangahulog na ang lahat ng bunga sa lupa. Hindi ko maaninaw ang puno—madilim pa sa labas—pero may nakita akong apat na maliliit na bunga na nakakalat sa likod-bahay namin.

Makalipas ang isang oras muli kong siniyasat ang puno. Natuwa akong makita na marami pang malalaki at manilaw-nilaw na bungang nakakapit sa mga sanga. Habang pinupulot ko ang mga nahulog, napansin ko na dalawa rito ang may kulay-brown na sira sa ilalim. May itim na batik-batik naman ang isa pa, at ang huli ay iba na ang hugis at may mga butlig.

Inasahan ko na mas malalaki at mabibigat na prutas ang nahulog; doble ang laki ng mga ito kumpara sa mga napulot ko. Pero naroon sila: ligtas pa ring nakabitin sa puno.

illustration of yellow fruit

Paglalarawan ni Allen Garns

Habang iniisip ko ang karanasang ito, naisip ko na tayo ay katulad ng dalawang uri ng bunga ng santol—ang mga nahulog at ang mga nanatiling nakakapit. Mahuhulog din tayo kapag natangay tayo ng malalakas na hangin ng pagsubok sa buhay kung hindi tayo mahigpit na nakakapit sa punungkahoy ng buhay, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan sa 1 Nephi 8:10; 11:8–9, 20–23).

Ang mga bungang nahulog mula sa aming puno ng santol ay mahihina at maysakit, at hindi nakayanan ang hangin. Ang mga nanatiling nakabitin sa puno ay nakaligtas dahil malulusog at malalakas ang mga ito. Kung hindi natin pananatilihing malakas at malusog ang ating espiritu—na natututo mula sa mga banal na kasulatan at mga buhay na propeta, sumusunod sa mga kautusan, naglilingkod sa iba—maaari din tayong mahulog kapag nilusob na tayo ng mga puwersa ng kaaway.

Sa sandaling tumigil ang mga murang bunga sa paghugot ng lakas mula sa puno ng santol, tumigil na sa paghinog ito. Gayon din sa sandaling ihiwalay natin ang ating sarili kay Cristo, ang tunay na puno ng ubas, tumitigil ang ating espirituwal na pag-unlad (tingnan sa Juan 15:1; 1 Nephi 15:15).

Kung minsan kailangan din nating sumabay sa ihip ng hangin. Ang mga pagsubok ay bahagi ng buhay na ito, at ang pagpapakumbaba ay tinutulungan tayong tanggapin ang kalooban ng Diyos sa mahihirap na sandali. Ang pagpapakumbaba ay tinutulungan tayong pagsisihan ang ating mga kasalanan, patawarin ang iba, at kalimutan ang pagkakasala.

Kaanib ng pagpapakumbaba ang pagtitiyaga. Kung magpapasensya tayo sa ating mga pagsubok, kung kakapit pa tayo sa ating pananampalataya, maaaring dumating ang mga sagot na hinahanap natin. Sa malao’t madali papayapain ng Tagapagligtas ang bagyo. Ang kapayapaan at pagpapalaya ay darating. Kung mananatili tayong masunurin at matapat, walang maaaring makapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 8:38–39).