Muling Pag-aasawa: Isang Pakikipagsapalaran sa Pagpapasensya at Pagmamahal
Ang awtor ay naninirahan sa Germany.
Ang pinagsamang pamilya ay nangangailangan ng dobleng pagpapasensya. Ngunit maaari din itong makalikha ng dobleng pagmamahal.
Ang diborsyo ay hindi naging bahagi ng aking bokabularyo hanggang sa mangyari ito sa akin. Matagal akong nakadama ng pagkapahiya sa tuwing tatanungin ako tungkol sa kalagayan naming mag-asawa. “Diborsyado ako.” Halos hindi ko ito masabi nang malakas—para bang nagsasalita ako ng masama.
Gayunman, iyon ang kalagayan ko, at nahirapan akong tanggapin iyon. “Makakakita ka rin ng iba,” sabi ng mga kaibigan ko. Pero hindi ako interesado at wala akong hangaring mag-asawang muli. Sapat na ang apat na anak ko para maging abala ako.
Hanggang isang araw, hindi inaasahan o hindi bahagi ng mga plano ko sa hinaharap, nakilala ko si Arnfinn, at ikinagulat ko na naging maganda ang pag-uusap namin at masaya akong makasama siya habang tumatagal. Matalino siya, guwapo, at masayang kasama. Nang hingin niya ang aking kamay, hindi ko alam kung ano ang kinabukasang naghihintay sa amin, pero alam kong siya ang gusto kong makasama sa kinabukasang iyon. Naglaan kami ng panahon para “ayusin ang mga gusot,” sabi nga ni Arnfinn, at nakasal kami sa Stockholm Sweden Temple noong taglagas ng 1997.
Ang pag-aasawa nang halos 40 na ang edad ay hindi katulad sa unang pagkakataon. Nakakakilig pa rin ang umibig, at pareho pa rin ang kagalakan sa isang bagong relasyon, pero ngayo’y mayroon kaming dalawang dating asawa, isang suwail na aso, isang maingay na ibon, at siyam na anak, edad 3 hanggang 17. Mabuti na lang, ang sariwa naming pag-iibigan ay sapat na para malampasan namin ang mga araw ng pagsubok na darating.
Ang Susi sa Pagkakaunawaan
“Parang hindi kami laging magkapareho ng opinyon tungkol sa mga bagay-bagay,” sabi ni Arnfinn isang araw. Dahil iyan sa apatnapung taon ng mga nakagawian na at paggawa ng mga bagay-bagay sa sarili mong paraan. Edad 19 ako noong una akong mag-asawa, at ang mga karaniwang gawain at tradisyon ay nabuo sa pagdaan ng mga panahon. Nalaman namin ni Arnfinn na ayos lang iyon at mas mainam pa ngang magkaroon ng higit pa sa isang opinyon. Hindi naman ito nangahulugan na tama ang isa at ang isa ay mali. Ang mga opinyon ay hinuhubog ng maraming bagay sa buhay, at ang paggalang at pakikinig ay naging mahahalagang salita sa pag-unawa namin sa isa’t isa.
Sinikap din naming magkaunawaan kung paano pagsasamahin ang aming buhay—saan titira, paano pangangasiwaan ang kabuhayan ng pamilya, at aling mga tradisyon sa bakasyon ang ipagpapatuloy. May ilan pang gusot na lulutasin habang daan, ngunit kung gugunitain, ang ilan ay tila hindi na gaanong mahalaga ngayon. Pagkakasundo at pagmamahalan sa tahanan ang naging mithiin namin.
Ang pagkakaroon ng isa pang ina na kasangkot sa aming pamilya ay lalong mahirap para sa akin. Ang dating asawa ni Arnfinn ay isang kahanga-hangang ina at nag-aalala sa kapakanan ng kanyang mga anak. Ang mga bakasyon at katapusan ng linggo ay ipinaplanong kasama siya, at kung minsan pakiramdam ko ay hindi ako makapagdesisyon sa sarili kong buhay.
Ngunit ang pagbabago ay malamang na mas higit na hamon para kay Arnfinn, na lumipat ng bahay kasama ang apat na anak, dalawa sa kanila ay tinedyer—mga batang ang personalidad ay mas magulo kaysa nakasanayan niya at lumaki sa medyo naiibang paraan kaysa gusto niya.
Magkakaibang Landas, Iisang Sagot
Pagkatapos isang gabi, gabing-gabi na kaya hindi na gumagana ang utak ko, hinamon niya ako sa isang IQ test. Umupo siya sa isang panig ng hapag-kainan at nagsimulang gumawa ng mga equation at mathematical formula para masagot ang mga tanong. Nasa kabilang panig ako ng mesa at nagdodrowing ng mga larawan para malutas ang inilahad na mga problema. Natapos kami at nagkumpara ng mga sagot sa pagsusulit, para lamang matuklasan na pareho ang mga sagot namin. Noon ko natanto na ang pagsusulit ay kahalintulad ng pagsasama namin.
Magpapaliwanag ako: May paraan siya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at iba naman ang paraan ko. Pero iisa ang mithiin namin, kahit magkaiba kami ng paraan. Ang pag-abot sa mga mithiing iyon ay parang IQ test: samantalang gumagawa siya ng mga equation at nagdodrowing naman ako ng mga larawan, pareho pa rin ang sagot namin.
Alam ko na hinding-hindi ko magagawa ang trabaho niya bilang abugado, at sigurado ako na mahihirapan siya sa ginagawa ko bilang manunulat at water-color artist. Ang solusyon ay katuwaan siya tuwing iba ang paraan niya sa paggawa ng mga bagay-bagay kaysa sa akin sa halip na kayamutan siya. Maaaring maging masayang karanasan sa pagkatuto ang pagkakaiba namin kung hahayaan namin ito. Sinabi ko kay Arnfinn isang araw, “Kung tuturuan mo ako ng ilang bagay at tuturuan kita ng ilan, balang araw ay magkakasundo rin tayo.” Kailangan ay pareho kaming madaling turuan, at tuluy-tuloy na proseso ito. Naging mahalagang salita ang paghanga.
Kung si Inay at si Itay ay magkaiba ng ugali, makatitiyak ka na magiging malaki rin ang pagkakaiba ng mga anak. Pinagsikapan naming harapin ang araw-araw na mga problema ng magkaibang kagawian sa pagkain, estilo ng pananamit, oras ng pagtulog, at paggawa ng mga gawaing-bahay, bukod pa sa iba. Sa matagal na panahon tinagurian namin ang mga bata na “anak ko” at “anak mo” at hindi namin naisip palagi na ang biglaang pagsasama nila ay magiging gayon kasaya.
Ipinaalam sa akin ng pinakapanganay na babae na malapit naman na siyang umalis ng bahay at gusto niya akong maging masaya; ang sumunod na dalawang babae ay ni hindi yata gusto ang isa’t isa; at ang isa sa mga lalaki ay lumalabas ng kanyang silid tuwing ikalawang katapusan ng linggo at natutulog sa sopa tuwing darating ang kinakapatid niyang mga lalaki. Hindi siya nagreklamo tungkol diyan kahit kailan, at pinasasalamatan ko iyan.
Pagbibigay ng Puwang sa mga Mahal Natin sa Buhay
Palaging may puwang para sa mga mahal ninyo sa buhay. Inayos namin ang silid-tanggapan malapit sa salas para matulugan ng aming mga magulang at pinatulog namin ang mga bata sa mga kuwarto sa itaas. Ang dalawang telebisyon at dalawang banyo ay naging pangangailangan sa halip na karangyaan. Ang ilang araw na pagsasarilinan ng bagong-kasal na mga magulang minsan sa isang taon ay mahalagang puhunan din para sa kinabukasan namin bilang isang pamilya.
Ang mga Sabado at iba pang mga kaganapan ay ipinaplano nang maaga; ang pagkain, laro, at mga aktibidad ay kinailangang umangkop sa karamihan ng mga bata. Ang limang anak ni Arnfinn ay nakatira sa bahay ng kanilang ina sa mga karaniwang araw, at gusto kong respetuhin ang kanyang mga naisin at tiyakin din na naging masaya ang pagbisita ng mga bata sa tatay nila. Ang ibig sabihin noon ay kinailangan kong manahimik tungkol sa maliliit na bagay na nakakayamot at sa halip ay magtuon sa mga bagay na mas mahalaga para maging masaya ang kanilang pagbisita. Nagpasensya ako at nagmahal—at mas marami pang pasensya, bukod pa sa mga biruan.
Ang magugulong umaga ng Linggo ay isang malaking pagsubok. Sinikap naming lumikha ng kapaligirang may magandang klasikong musika habang ginagabayang isa-isa ang mga bata sa paglabas-pasok sa dalawang banyo bago kumuliling para sa isang masarap na almusal. Gayunman, ang pagpapalabas ng pintuan at pagpapasok sa minivan para makarating sa simbahan sa takdang oras ay isang pagsubok sa pagsunod sa diwa ng Sabbath tuwing Linggo. Kapag nakauwi na kami at masayang nakapaghapunan, panatag na kami nang sapat para masayang maglaro nang sama-sama.
Napakaraming karunungan sa mga programa at araling itinuturo sa simbahan. Ang panalangin ng pamilya, family home evening, at pagtalakay sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nararapat bigyan ng oras at pagsisikap. Pinasaya kami ng ebanghelyo at tinulungan kaming mas maunawaan pa kung gaano kahalaga ang mga pamilya.
Nakagawa kami ng maraming bagong tradisyon pero ipinagpatuloy rin namin ang ilan na nagmula sa dati naming buhay. Tuwing tag-init dinadala namin ang mga batang kaya naming isama sa Stockholm Sweden Temple. Tumutuloy kami sa isang campground sa timog ng templo. Naging isang tradisyon ito na aming kinasisiyahan at ginagawa rin ito ng mga anak naming nag-asawa na sa kanilang mga pamilya.
Kapag nagpupunta ngayon ang aming mga anak para humingi ng payo tungkol sa pakikipagdeyt at pag-aasawa, sinasabi ko sa kanila na hindi mahalaga kung gusto ng isa ng jogging at ang isa naman ay ballet. Ang pinakamahalaga ay pareho silang masigasig sa paglilingkod sa ating Tagapagligtas at determinado silang pagsikapang maisakatuparan ang mithiing maging isang walang-hanggang pamilya.
Dobleng Pagpapasensya, Dobleng Pagpapala
Kapag may nakikilala akong mga mag-asawa na pangalawang beses nang nagpakasal, natutuwa ako sa kanila, at nagagalak na may katuwang sila at matalik na kaibigang makakasama. Ngunit naaalala ko rin na ang unang ilang taon ng pagsasama ng dalawang pamilya ay hindi puro ligaya at saya. Malaking halaga ang kailangan, at kung minsan ay iniisip namin kung bakit kailangang maging gayon ito kahirap.
Ngayon, ang mga anak naming babae na talagang ayaw sa isa’t isa noong tinedyer sila ay pareho nang mga ina at masayang nagkukumpara ng mga tala sa mga hapunan ng pamilya at sabay pang nagbabakasyon sa bahay-bakasyunan ng pamilya. Ang nakapanghihikayat na mga sulat ay naipadala na sa mga anak na lalaking nasa misyon, at ang ilan sa aming mga anak na nasa ibang bansa ay binibisita ang isa’t isa. Lagi silang masayang magkasama-sama para sa malalaking hapunan tuwing pista opisyal at nagagalak sa balita na may bagong-silang silang pamangkin.
Kami lang ni Arnfinn ang nasa bahay ngayon. Mayroon kaming isang masayahing aso at isang bagong munting ibon. Madalas bumisita at matulog ang mga bata sa kanilang silid tuwing bakasyon nila sa paaralan at nagbubuo ng mga bagong tahanan. Alam nila na laging bukas ang aming tahanan para sa kanila at pakakainin at mamahalin sila kapag bumisita sila.
Ang pagsasama ng dalawang pamilya ay nangangailangan ng dobleng pagmamahal at dobleng pagpapasensya. Madalas kaming magluto at maglaba ng marami, pero sulit ito. Mahal namin ang aming malaking pamilya. Ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng dobleng dami ng mga taong mamahalin ay dobleng saya rin.
Lumalaki pa ang aming pamilya. May bagong henerasyon ng magagandang sanggol, at lahat sila ay aming mga apo!