2016
Kapag Tumalikod ang Isang Anak sa Simbahan
Pebrero 2016


Kapag Tumalikod ang Isang Anak sa Simbahan

Ang awtor ay naninirahan sa Massachusetts, USA.

Maaari nating tanggapin ang alituntunin na biniyayaan ang ating mga anak ng kalayaan, kahit na ginagamit nila ito sa pagtahak sa mga landasing hindi natin gusto.

illustration of a woman standing behind a tree by a church building

Mga paglalarawan ni Iker Ayestaran

Ilang linggo na ang lumipas mula nang lumipat ang panganay kong anak na babae sa isang bagong lungsod, at bawat Linggo na hindi siya nakasimba ay nagdulot sa akin ng mga pangamba. Makabalik pa kaya siya sa simbahan? Sinubukan ko ang lahat ng maisip ko para maibalik siya roon: panghihikayat, katwiran, pakiusap, pagsisilbing tagagising niya, panalangin, pag-aayuno, at pati na pagtawag sa kanyang bishop. Dahil 2,000 milya (3,220 km) ang layo namin sa isa’t isa, nahirapan akong isama siya sa pagdalo, pero sinubukan ko rin iyon!

Patuloy kong inisip na kung kaya ko lang baguhin nang kaunti ang sitwasyon, muling gagawa ng mabubuting pasiya ang anak ko. Nadama ko na kailangan ko lang ang tamang tao—ang kanyang visiting teacher, kanyang bishop, isang kaibigan o kapamilya—para sabihin o gawin ang mismong bagay na magpapabalik sa kanya. Pero walang umubra. Masyado na akong nag-alala, at damang-dama ko na binigo ko siya bilang magulang.

Ganito rin ang karanasan ng marami. Kapag lumihis ang mga anak sa landas ng ebanghelyo, maaaring mahirapan ang mga magulang na nananatiling tapat na makayanan ito. May isang ina na galit na galit sa mga pasiya ng kanyang anak na babae kaya sinabi niya na parang hirap siyang huminga. Sinabi naman ng isang ama na parang ayaw ng mga anak niya sa kanya at sa kanyang pamumuhay. Nag-alala naman ang isang bata pang ina na baka balang-araw ay magduda ang kanyang mga anak at tumalikod sa Simbahan.

Paano natin makakayanan ang masasakit na damdaming ito kapag pinipili ng mga kapamilya na tumalikod sa Simbahan? May ilang bagay tayong magagawa.

Matuto sa Iba na Nahirapan Din sa Ganitong Sitwasyon

Ang ilan sa mabubuting pamilya sa mga banal na kasulatan ay nagkaroon din ng suwail na mga anak. Sina Saria at Lehi ay may mga anak na lumihis sa mga turo ng kanilang mga magulang (tingnan sa 1 Nephi 2:8–12). Gayon din sina Eva at Adan (tingnan sa Genesis 4:8). Maging ang ating mga magulang sa langit ay nalungkot nang piliin ng ikatlong bahagi ng kanilang mga espiritung anak ang ibang landas (tingnan sa D at T 29:36). Kasama sa plano ng kaligayahan ang kalayaan. At nangangahulugan iyan na kahit ang mga miyembro ng mabubuting pamilya ay maaaring piliing tanggihan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Makakadama tayo ng kapanatagan mula sa mga kuwento sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga pamilyang nahirapan. Mas nauunawaan natin ang kalayaan at pagdamay, at matutulungan tayo ng pag-unawang iyan na gumaling at magpatuloy sa buhay.

Kilalanin na ang Ating mga Anak ay Anak Din ng Diyos

Nang magsimulang mag-alinlangan ang kanyang anak na tinedyer sa kanyang mga pinaniniwalaan, masyadong nakonsiyensya ang isang ina at nakadama ng kabiguan. Habang iniisip kung paano naiba ang pagpapalaki niya sa kanyang anak, nakatanggap siya ng maawaing impresyon: “Hindi lang ikaw ang magulang niya. Mahal ko siya nang higit sa pagmamahal mo sa kanya, at hindi ako nakokonsensya tungkol sa kanya o sa kaninuman sa mga anak kong naliligaw ng landas.” Mula sa sandaling iyon, nagawang limutin ng inang ito ang bigat na kanyang dinadala at sa halip ay nagtuon sa kung gaano kagandang anak ng Diyos ang kanyang anak noon.

Magtuon sa Tagumpay

Kung minsa’y nahihirapan ang mga magulang dahil hindi nila lubos na nauunawaan ang turo na “walang ibang tagumpay na makahahalili sa kabiguan sa tahanan.”1 Ang tagumpay at kabiguan ay hindi madaling ilarawan. Tulad ng paliwanag ni Elder John K. Carmack, dating miyembro ng Pitumpu, “Dahil layon ng pahayag na ito na bigyang-inspirasyon ang mga magulang na magmalasakit sa kanilang mga anak, hindi dapat ipakahulugan na ang mga magulang na talagang nag-ukol ng maraming panahon, pagsisikap, at sakripisyo sa pagiging magulang, pero hindi pa rin umaani ng hinahangad na gantimpala, ay nabigo na.”2 Kailangan nating ipagdiwang ang magagandang katangian ng ating mga anak at ang masasayang sandaling pinagsaluhan natin. Dapat nating tanggapin ang alituntunin na ang mga miyembro ng ating pamilya ay biniyayaan ng kalayaan, paano man nila gamitin ito.

Baguhin ang Ating mga Inaasahan

Habang umaasa tayo na susundin ng mga miyembro ng pamilya ang landas na ating pinili, sila ang dapat pumili para sa kanilang sarili upang matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Iminungkahi ni Elder Carmack na sa halip na kalabanin ang katotohanang ito, maaaring kailangan ng mga magulang na “baguhin ang kanilang kasalukuyang mga inaasahan at pamamaraan, at tanggapin ang mga bagay-bagay sa halip na patuloy na masaktan.”3

Isang ina ang lungkot na lungkot nang matanto niya na ayaw magmisyon ng anak niya. Kalaunan ay natanto niya na kailangan niyang kalimutan na lang ang nasa isip na dapat magmisyon ang kanyang anak na lalaki para sumaya siya. “Sa huli ay natanto ko na hindi ito tungkol sa akin,” sabi niya. “Ang buhay ng bawat bata ay buhay nila. Ina lang nila ako. Hindi ko sila pag-aari.”

Magkaroon ng Ideya

Maraming magulang ang napapanatag at nananatiling maganda ang pananaw sa panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagdalo sa templo. Ikinuwento ng isang magulang na ang karanasan niya sa panalangin ay nagturo sa kanya na alalahanin kung gaano kahalaga ang kanyang anak sa Ama sa Langit, na nakabawas sa sakit ng kanyang kalooban. Ang panalangin ay nagbibigay ng mga ideya kung ano ang gagawin at sasabihin. Tinutulungan din tayo nitong makadama ng kaaliwan.

May mga kuwento sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga taong nakagawa ng mga maling pasiya at kung paano ito nakayanan ng mga miyembro ng pamilya. “Mabuti na lang hindi puno ng mga kuwento ang mga banal na kasulatan tungkol sa mga perpektong pamilya at kung hindi ay baka masyado tayong panghinaan ng loob para subukan man lang ito!” sabi ng isang magulang. Muling tiniyak sa atin ng kuwento ni Nakababatang Alma na dinirinig ang matwid na mga panalangin ng mga magulang (tingnan sa Mosias 27:14). Itinuturo sa atin ng talinghaga ng alibughang anak ang kagalakang nadarama natin kapag nagbalik ang isang taong naligaw ng landas (Lucas 15:20–24).

Matutulungan din tayo ng pagdalo sa templo na magkaroon ng kapaki-pakinabang na kaalaman sa pagharap sa mga problema ng pamilya. “Naniniwala ako na ang abalang tao … ay kayang lutasin … ang mga problema nang mas mahusay at mas mabilis sa bahay ng Panginoon kaysa sa ibang lugar,” sabi ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Sa mga sandaling talagang hindi inaasahan, sa loob o labas ng templo ay darating … bilang paghahayag, ang solusyon [sa] mga problemang nagpapahirap sa [ating buhay].”4 Kapag dumalo ang mga magulang sa templo, ang kanilang puso’t isipan ay mas tutuon sa kapayapaang hangad nila.

Patuloy na Magpakita ng Pagmamahal

Walang duda na minahal nina Lehi at Saria sina Laman at Lemuel gaya ng pagmamahal nila kina Sam, Nephi, Jacob, at Joseph. Bagama’t maaaring mas madaling makisama sa mga miyembro ng pamilya na kapareho natin ang paniniwala at pamumuhay, mahalaga pa rin na matutuhan nating mahalin ang ibang mga taong hindi marunong magmahal.

Ibinahagi ng isang babaeng bata pa ay hindi na nagsisimba ang sumusunod na karanasan kung paano siya patuloy na minahal ng kanyang pamilya. Sa kanyang malaking pamilyang LDS, ipinagdiriwang nang husto ang mga pagpunta sa misyon. Nakasabit ang mga retrato ng lahat ng missionary sa pamilya sa dingding ng salas ng kanyang lola. Iyon ay “napakahalaga sa aming pamilya,” wika niya. Alam niya na hindi na siya makapagmimisyon, at nadama niya na kahit ano pa ang kabutihang ginawa niya sa mundo, hindi kailanman magkakaroon ng lugar ang kanyang retrato sa dingding ng kanyang lola.

Sa edad na 30 nagdesisyon siyang maglingkod sa United States Peace Corps. Nagpunta siya sa Madagascar at inilaan ang buong lakas niya sa paglilingkod doon. Habang nasa serbisyo siya, nalaman niya na isinama ng lola niya ang kanyang retrato sa dingding. Nang matapos ang serbisyo niya sa Peace Corps, nagyakap ang maglola at napaluha. “Ang serbisyo ay paglilingkod,” paliwanag ng kanyang lola. Mayroon man tayong dingding para sa mga missionary sa ating tahanan o wala, marami pa ring paraan para maipakita sa lahat ng kapamilya natin na sila ay minamahal at pinahahalagahan.

illustration of a woman walking toward her parents.   There are trees in the background.

Patuloy na Umasa

Kapag patuloy nating minahal ang ating mga mahal sa buhay ngayon, maaari pa rin tayong umasa na babalik sila sa buhay na nakasentro sa ebanghelyo. Kadalasa’y bumabalik ang mga kapamilya matapos ang panahon ng pagkaligaw. Tulad ng alibughang anak, natatanto nila na ang dating buhay nila ay may hatid na magagandang mensahe at alituntunin, at muli nilang tatanggapin ang mga pinahahalagahang iyon. Sa katunayan, nangako ang mga propeta na madarama ng mga miyembro ng pamilya na ibinuklod sa mga magulang ang tulak ng mabuting pagpapalaki sa kanila at babalik sila balang-araw.5 Ang gayong mga pangako ay nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa para sa sarili nating mga mahal sa buhay.

Panatilihin ang Walang-Hanggang Pananaw

Kailangan nating tandaan na hindi talaga natin alam kung ano ang mangyayari sa ating mga mahal sa buhay. Ikinuwento ng isang ama ng suwail na mga tinedyer na natutuhan niya na kahit hindi matwid ang pamumuhay ng kanyang mga anak sa ngayon, hindi niya dapat ipalagay na mapapahamak ang mga ito. Iminungkahi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na kung minsan ay naniniwala tayo na naisulat na ang katapusan ng kuwento, samantalang ang totoo, nasa kalagitnaang mga kabanata pa lamang tayo.6 Ang pagbilang ng Diyos ng panahon ay lubhang kakaiba sa atin, at hindi natin alam kung paano magwawakas ang kuwento ng bawat tao.

Kung alam lang natin na kalaunan ay babalik ang ating mga kapamilya, mababago kaya nito ang mga kilos natin sa kuwento ng ating buhay ngayon? Naniniwala ako na maaari tayong mabuhay nang may higit na kapayapaan, pagmamahal, at pagtanggap. Habang sinisikap nating gawing maganda ang wakas ng ating kuwento, makakatulong ang alalahanin na maaari nating piliing lapitan ang mga mahal natin sa buhay nang may kapayapaan at pagmamahal sa halip na may galit at takot. Isinulat ni Pablo, “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng kahusayan” (II Kay Timoteo 1:7). Gaya ng sabi ni Elder Carmack: “Huwag sumuko kailanman. Kung parang hindi ninyo maabot ang inyong anak na babae o lalaki sa ngayon, maaari naman kayong patuloy na magsikap na lamang at patuloy silang mahalin. … Huwag patangay sa nakapaparalisang pangongonsiyensya at kawalan ng pag-asa. Humingi ng espirituwal na tulong at kapayapaan. Maging matatag at matapang. Malalampasan ninyo ito.”7

Hindi pa bumabalik sa simbahan ang anak ko. Pero malinaw ang aming mga mithiin; kapwa namin sinisikap na manatiling malapit sa isa’t isa. Madalas kaming magkausap, at alam ko na ang pagpapalaki sa kanya bilang LDS ay nakatulong sa kanya na maging mabait, disiplinado, at maalalahanin. Kahit hindi ko pipiliin para sa kanya na tahakin ang landas na kasalukuyan niyang tinatahak, nagpapasalamat ako sa mga aral na natututuhan namin habang daan. At napanatag ako nang tanggapin ko ang magkaiba naming katayuan sa paglalakbay namin pauwi.

Mga Tala

  1. David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1964, 5; sinipi mula sa J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization (1924), 42.

  2. John K. Carmack, “When Our Children Go Astray,” Ensign, Peb. 1997, 9.

  3. John K. Carmack, “When Our Children Go Astray,” 9.

  4. John A. Widtsoe, “Temple Worship,” The Utah Genealogical and Historical Magazine, tomo. 22 (1921), 63–64, sinipi sa David B. Haight, “Temples and Work Therein,” Ensign, Nob. 1990, 61.

  5. Tingnan sa “Hope for Parents of Wayward Children,” Ensign, Set. 2002, 11.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Makita ang Wakas Mula sa Simula,” Liahona, Mayo 2006, 42–45.

  7. John K. Carmack, “When Our Children Go Astray,” 10, 13.