Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Tunay na Kadakilaan
Hindi natin kailangang maghanap sa malayo para makita ang hindi napapansin at nalimutang mga bayani sa pang-araw-araw na buhay.
Dahil lagi tayong nakalantad sa pakahulugan ng mundo sa tagumpay at kadakilaan, maliwanag na maaaring madalas tayong magkumpara sa pagitan ng kung ano tayo at ano ang iba, o mukhang ano sa tingin natin, at gayundin kung ano ang mayroon tayo at mayroon ang iba. … Madalas ay pinapayagan natin ang di-makatwiran at di-wastong mga pagkukumpara na sirain ang ating kaligayahan kapag ito ang dahilan kaya tayo hindi masaya o may kakulangan o hindi tagumpay. Kung minsan, dahil sa damdaming ito, nagkakamali tayo, at nagtutuon tayo sa ating mga kabiguan habang binabalewala natin ang mga aspeto ng ating buhay na maaaring may mga elemento ng tunay na kadakilaan. …
… Tiyak na kasama rito ang mga bagay na kailangang gawin para maging mabuting ama o mabuting ina, pero, sa pangkalahatan, ito rin ang libu-libong maliliit na gawa at paglilingkod at sakripisyo na bumubuo sa pagbibigay o pagkawala ng buhay ng isang tao para sa iba at para sa Panginoon. Kabilang dito ang pagtatamo ng kaalaman tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang ebanghelyo. Kabilang dito ang paghikayat sa iba na manampalataya at mapabilang sa Kanyang kaharian. Ang mga bagay na ito ay hindi karaniwang pinapansin o pinupuri ng mundo. …
Tiyak na hindi natin kailangang maghanap sa malayo para makita ang hindi napapansin at nalimutang mga bayani sa pang-araw-araw na buhay. Ang tinutukoy ko ay ang mga kakilala ninyo at kakilala ko na tahimik at palaging ginagawa ang mga bagay na kailangan nilang gawin. Ang tinutukoy ko ay ang mga tao na laging nariyan at laging handa. Tinutukoy ko ang pambihirang kagitingan ng ina na nagbabantay at nag-aalaga—oras-oras, gabi’t araw—sa isang anak na maysakit, o ng lumpong nahihirapan at nagdurusa nang walang reklamo. Pati na ang mga tao na laging nagboboluntaryong magbigay ng dugo. … Iniisip ko ang mga taong maaaring walang anak ngunit gayunpaman ay naging “ina” sa mga bata sa mundo. Tinutukoy ko ang mga tao na laging nariyan para magmahal at mangalaga.
Tinutukoy ko rin ang mga guro at narses at magsasaka at iba pa na gumagawa ng mabuting gawain sa mundo, na tinuturuan at pinakakain at dinadamitan ang iba, ngunit bukod dito ay ginagawa ang gawain ng Panginoon—ang mga tao na nagpapasigla at nagmamahal. Tinutukoy ko ang mga tao na tapat at mabait at masipag sa kanilang pang-araw-araw na tungkulin, ngunit mga lingkod din ng Panginoon at mga pastol ng Kanyang mga tupa. …
Sa mga taong gumagawa ng karaniwang gawain sa mundo ngunit iniisip ang kahalagahan ng kanilang mga nagawa; sa masisipag sa Simbahang ito, na nagsusulong sa gawain ng Panginoon sa napakaraming tahimik ngunit mahalagang paraan; sa mga asin ng lupa at lakas ng mundo at suporta ng bawat bansa—sa inyo namin ipinapahayag ang aming paghanga. Kung magtitiis kayo hanggang wakas, at matatag ang inyong patotoo kay Jesus, makakamtan ninyo ang tunay na kadakilaan at mabubuhay kayo sa piling ng ating Ama sa Langit.