2016
Ligtas na Paglapag sa Kabila ng Unos
Pebrero 2016


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ligtas na Paglapag sa Kabila ng Unos

Pangulong Dieter F. Uchtdorf
Product Shot from February 2015 Liahona
illustration of an airplane landing on a runway.

Imahe © iStock/Thinkstock

Hindi pa katagalan, kami ng asawa kong si Harriet ay nasa isang airport at minamasdan ang paglapag ng kagila-gilalas na mga eroplano. Mahangin noong araw na iyon, at malakas ang hagupit ng hangin sa paparating na eroplano, kaya bawat isa ay lumilihis at nanginginig habang lumalapag ito.

Habang minamasdan namin ang labanang ito ng kalikasan at ng eroplano, naalala ko ang sarili kong training sa pagpapalipad ng eroplano at ang mga alituntuning natutuhan ko roon—at kalaunan ay itinuro ko sa iba pang mga piloto sa training.

“Huwag ninyong labanan ang mga kontrol kapag may unos,” sabi ko noon sa kanila. “Manatiling mahinahon; huwag kayong masindak. Ituon ang inyong mga mata sa gitnang linya ng runway. Kung malihis kayo sa gusto ninyong paglapagan, agad ninyo itong itama nang buong ingat. Magtiwala sa kakayahan ng inyong eroplano. Ituloy lang ninyo ang paglipad hanggang sa malampasan ninyo ang unos.”

Nauunawaan ng mga bihasang piloto na hindi nila laging makokontrol ang mga bagay na nangyayari sa paligid nila. Hindi nila basta mapapatigil ang unos. Hindi nila mapaglalaho ang ulan o niyebe. Hindi nila mapapatigil ang ihip ng hangin o mababago ang direksyon nito.

Ngunit nauunawaan din nila na maling matakot sa unos o malalakas na hangin—at lalo na ang maparalisa nito. Ang paraan para ligtas na makalapag kapag mapanganib ang sitwasyon ay manatili sa tamang daanan ng eroplano hangga’t maaari.

Habang minamasdan ko ang paglapag ng bawat eroplano at magunita kong muli ang mga alituntuning natutuhan ko bilang piloto, inisip ko kung wala bang matututuhan dito para sa buhay natin araw-araw.

Hindi natin laging makokontrol ang mga bagyong humahadlang sa landas ng ating buhay. Kung minsa’y hindi talaga umaayon sa gusto natin ang mga bagay-bagay. Maaari tayong mayanig at matangay ng malakas na hangin ng kabiguan, pagdududa, takot, kalungkutan, o pagkabalisa.

Sa mga sandaling iyon, madaling matuon sa lahat ng bagay na mali at masentro ang ating isipan sa ating mga problema. Ang tukso ay ang magtuon sa mga pagsubok na kinakaharap natin sa halip na sa Tagapagligtas at sa ating patotoo tungkol sa katotohanan.

Ngunit hindi iyan ang pinakamabisang paraan para harapin ang ating mga hamon sa buhay.

Tulad ng isang bihasang piloto na hindi nakatuon sa bagyo kundi sa gitna ng runway at sa tamang paglalapagan, dapat din tayong manatiling nakatuon sa sentro ng ating pananampalataya—ang ating Tagapagligtas, ang Kanyang ebanghelyo, at ang plano ng ating Ama sa Langit—at sa ating pinakamimithi—ang makabalik nang ligtas sa ating patutunguhan sa langit. Dapat tayong magtiwala sa Diyos at ituon ang ating mga pagsisikap na manatili sa landas ng pagkadisipulo. Dapat nating ituon ang ating mga mata, puso, at isipan sa pamumuhay sa paraang alam nating nararapat.

Ang pagpapakita ng ating pananampalataya at tiwala sa Ama sa Langit sa masayang pagsunod sa Kanyang mga kautusan ay magdudulot sa atin ng kaligayahan at kaluwalhatian. At kung mananatili tayo sa landas, malalampasan natin ang anumang unos—gaano man ito kalakas—at ligtas tayong makakabalik sa ating tahanan sa langit.

Kung ang kalangitan man sa paligid natin ay maaliwalas o puno ng nagbabantang mga ulap, bilang mga disipulo ni Jesucristo, hanapin muna natin ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang kabutihan, batid na kung gagawin natin ito, lahat ng iba pa nating kailangan ay ipagkakaloob kalaunan (tingnan sa Mateo 6:33).

Napakahalagang aral sa buhay!

Kapag lalo nating iniisip ang ating mga paghihirap, pagpupunyagi, at pangamba, lalo lamang magiging mahirap ang mga bagay-bagay. Ngunit habang lalo tayong nakatuon sa ating huling patutunguhan sa langit at sa mga kagalakang dulot ng pagsunod sa landas ng pagkadisipulo—pagmamahal sa Diyos, paglilingkod sa ating kapwa—malamang na mas matagumpay nating malalampasan ang mga kaguluhan at unos.

Mahal na mga kaibigan, gaano man kalakas ang mga hagupit ng hangin sa ating buhay sa mundo, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay laging mag-aalok ng pinakamainam na landas tungo sa ligtas na paglapag sa kaharian ng ating Ama sa Langit.