2016
Dalawang Binyag Lang?
Pebrero 2016


Dalawang Binyag Lang?

Thomas R. Coleman, Kansas, USA

illustration of a family walking toward a meetinghouse

Paglalarawan ni Allen Garns

Habang naglilingkod ako bilang president ng Guatemala Guatemala City Mission, nakatanggap kami ng ilang bagong full-time missionary. Nang magpakilala ako sa mga missionary, ikinuwento ko sa kanila ang aking pagbabalik-loob at binyag.

Ikinuwento ko na itinuro sa akin nina Elder David Tree at Wayne Matthews ang ebanghelyo noong siyam na taong gulang ako at nakatira sa Glendive, Montana, USA. Dinala ako ng dalawang missionary at ng isang miyembro ng Glendive Branch sa Williston, North Dakota, USA, isang araw ng taglamig noong 1957 para binyagan sa bautismuhan ng isang meetinghouse doon.

Pagkatapos kong magkuwento at nang interbyuhin ko ang mga bagong missionary, sinabi sa akin ng isa sa kanila, si Elder Benjamin Pixton, na lolo niya si David Tree. Napakagandang sorpresa! Nabinyagan ni Elder Tree ang isang siyam-na-taong-gulang na batang lalaki sa Glendive, Montana, at pagkaraan ng halos 50 taon ay tinawag ang batang iyon bilang mission president ng kanyang apong lalaki.

Nang sunduin ng kanyang mga magulang at lolo’t lola si Elder Pixton pagkatapos ng kanyang misyon, nasiyahan akong makitang muli si David Tree. Sa aming pag-uusap, ipinakita ko sa kanya ang Aklat ni Mormon—na may mensahe at pangako na isinulat niya—na ibinigay niya sa akin sa araw ng binyag ko.

Sinabi sa kanya ng ina ni Elder Pixton na walang gaanong ikinuwento ang kanyang ama tungkol sa kanyang misyon. Pakiramdam niya ay hindi siya lubhang nagtagumpay dahil dalawa lang ang nabinyagan niya: isang dalaga at isang siyam-na-taong-gulang na batang lalaki.

Sa pagkilala ng utang-na-loob sinabi ko sa kanya na dahil sa kanyang mga pagsisikap, sumapi ang buong pamilya ko sa Simbahan kalaunan at na kami ng kapatid ko, pati na ang siyam na anak naming lalaki, ay naglingkod sa full-time mission. Dahil sa kanyang paglilingkod sa misyon, sabi ko, napakaraming taong naturuan ng ebanghelyo at sumapi sa Simbahan.

Maraming mabubuti, karapat-dapat, at dedikadong mayhawak ng priesthood ang nag-alaga sa akin noong bata pa ako at noong nagbibinata na ako, simula kay Elder Tree at sa kanyang kompanyon na si Elder Matthews. Lagi akong magpapasalamat na itinuro nila sa akin ang ebanghelyo ni Jesucristo at dinala ako sa kaharian ng Panginoon, kung saan Niya ako napagpala nang sobra-sobra.