2016
Tulong sa Pamamagitan ng Espiritu Santo
Pebrero 2016


Tulong sa Pamamagitan ng Espiritu Santo

Matutulungan kayo ng Espiritu Santo sa paaralan, pamilya, at trabaho gayundin sa mga espirituwal na bagay.

illustration of a young man writing with a window behind him.

Paglalarawan ni Red Hansen

Matutulungan tayo ng Espiritu Santo sa bawat aspeto ng ating buhay. Nalaman ko ito sa praktikal na paraan noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo sa Brigham Young University–Hawaii.

Noon, nagtatrabaho ako at puno ang iskedyul ko ng klase. May sanggol din kaming mag-asawa na inaalagaan. Sa lahat ng gawaing ito sa iskedyul ko, wala akong gaanong oras para mag-aral. Ipinagdasal ko araw-araw na patnubayan ako ng Espiritu Santo. Kinailangan ko ng patnubay para matulungan akong gawing makabuluhan ang oras ko. Kinailangan ko ng tulong na maunawaan ang materyal at maalala rin ito kalaunan sa mga pagsusulit.

Tulong ng Langit sa Isang Pagsusulit sa Paaralan

Isang araw sa klase, nagsusulat ang isang propesor ng mga set ng advanced equations sa whiteboard para ilarawan ang isang punto. Ang kumplikadong equations na ito ay walang kinalaman sa klaseng iyon, pero gusto niyang magsalita nang kaunti tungkol dito. Pagkaraan ng ilang minuto binura ng propesor ang pisara.

Ang sumunod kong klase ay computer science, at may pagsusulit kami noong araw na iyon. Nasa pagsusulit ang mismong equations na iyon mula sa pisara sa naunang klase ko! Ang talagang pambihira pa ay hindi pa namin napag-aralan iyon sa computer science class namin. Naalala kong lahat iyon mula sa naunang klaseng iyon, at nasagutan ko ang problema.

Nang markahan ng computer science professor ang mga pagsusulit, tiyak na tiyak niya na walang nakasagot nang tama sa partikular na problemang iyon kaya minalian niya iyon para sa bawat estudyante. Pero nang ibalik na sa akin ang papel ko, ipinakita ko sa kanya na tama ang sagot na isinulat ko sa papel. Kamangha-mangha iyon.

Tinulungan ako ng Espiritu Santo na maging makabuluhan ang lahat ng pagkakataon kong mag-aral sa kolehiyo. Matataas ang nakuha kong marka at nagtamo ng mga scholarship, na nakatulong sa akin sa pagbabayad ng matrikula.

Patnubay sa Buhay

Sa pagtatapos ng aking pag-aaral, nagplano ang marami sa mga kaibigan ko na magpatuloy ng pag-aaral at makatapos ng master’s degree. Gustung-gusto kong mag-aral at gawin din iyon, pero malinaw na sinabi sa akin ng Espiritu na tapos na ang misyon ko sa Hawaii. Oras na para umuwi ako sa Hong Kong.

Sinunod naming mag-asawa ang paramdam. Noon ay hindi ko maunawaan kung bakit may pumipigil sa aking magpatuloy sa pag-aaral. Pero kung minsa’y sinusunod natin ang Espiritu nang hindi nalalaman ang lahat ng detalye. Bagama’t hindi namin alam na mag-asawa kung ano ang aasahan nang maghanap kami ng trabaho at apartment, pinagpala kami at hindi naglaon ay nagtagumpay.

Habang ginugunita ko ito ngayon, nauunawaan ko kung bakit napakalakas ng paghihikayat sa amin ng Espiritu na umuwi sa Hong Kong. Napakahalaga sa amin ng aking pamilya na maging matatag sa Simbahan sa piling ng mga miyembro doon. Naglingkod ako bilang bishop, bilang tagapayo sa stake presidency, at bilang stake president bago ako tinawag bilang Area Seventy. Matapos magretiro mula sa aking propesyon, nakatapos ako ng master‘s degree. Lahat ng karanasang iyon ay naghanda sa akin para sa kasalukuyan kong tungkulin.

Pinatototohanan ko sa inyo na ang paghahangad at pagsunod sa patnubay ng Espiritu Santo palagi ang pinakamainam na paraan sa pagpaplano sa buhay at sa inyong pamumuhay. Ibinigay na sa inyo ang kaloob na Espiritu Santo nang kayo ay makumpirmang miyembro ng Simbahan, at kung gagamitin ninyo ang kaloob na iyan, malaking tulong iyan sa lahat ng ginagawa ninyo.