2016
Bakit Mahalagang Maka-graduate sa Institute
Pebrero 2016


Bakit Mahalagang Maka-graduate sa Institute

Maaari mong paghusayin pa ang iyong pag-aaral ng ebanghelyo sa pag-aaral ng apat na bagong cornerstone institute classes.

Young adults socializing while sitting on stairs.

“Ang kailangan namin ngayon ay ang pinakadakilang henerasyon ng mga young adult sa kasaysayan ng Simbahan,” sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga young adult sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2015. “Kayong mga young adult ay dapat mag-enrol sa institute of religion. Ang mga klase sa … institute … ay maglalaan ng balanse sa inyong buhay at magdaragdag sa inyong sekular na edukasyon sa pagbibigay sa inyo ng isa pang oportunidad na mag-ukol ng oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta at apostol.”1

Para mapalalim ang pag-unawa ng mga young adult sa ebanghelyo, mapalakas ang kanilang patotoo at katapatan kay Jesucristo, at matagpuan ang personal na patnubay para sa kanilang buhay, binigyang-diin ng institute program ang pangangailangan na paghusayin pa ang pag-aaral ng bawat young adult. Ang pagpapahusay na ito ay makikita sa tatlong mahalagang paraan: sa pag-aalok ng apat na bagong cornerstone courses at sa higit na pagpapahalaga na maka-graduate sa institute, at sa pag-anyaya sa lahat ng estudyante na maging mas aktibo sa kanilang espirituwal na pagkatuto sa pagkumpleto ng iniatas na mga babasahin at mga learning assessment.

Ano ang apat na bagong cornerstone classes?

Habang patuloy na mag-aalok ng mga klase sa Lumang Tipan, Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan, ang apat na bagong cornerstone classes ang magsisilbi ngayong sentro ng institute coursework. Kabilang dito ang (1) Si Jesucristo at ang Walang-Hanggang Ebanghelyo, (2) Mga Pundasyon ng Panunumbalik, (3) Ang Walang-Hanggang Pamilya, at (4) Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan, tinatalakay sa mga cornerstone class na ito ang batayang doktrina, kasaysayan, at mga turo ng ebanghelyo, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta.

“[Ang bagong cornerstone classes na ito] ay maaaring humantong sa mas detalyadong pag-aaral ng mga banal na kasulatan kaysa sa dating malalawak na survey-type courses,” sabi ni Brent L. Top, dean ng religious education sa Brigham Young University. Dagdag pa ni Chad Webb, administrator para sa Seminaries and Institutes of Religion, “Ang mga banal na kasulatan ay magkakaugnay, at habang sabay-sabay silang lumalaki, may mga ideya at pag-unawa at lakas na nagmumula sa pag-aaral ng lahat ng pamantayang aklat.”2

Sang-ayon ang dalagang ito: “Inisip ko kung gaano talaga ang matututuhan ko tungkol sa Panunumbalik na hindi ko pa alam, pero natagpuan ko ang sarili ko na gumagawa ng mga pag-uugnay na hindi ko pa nagawa kahit kailan. Kabilang sa kurso ang mga paksang tulad ng pag-aasawa ng marami, priesthood sa lahat ng karapat-dapat na lalaki, at Mountain Meadows massacre. Ang mga talakayang ito sa klase ay nagbigay sa akin ng impormasyon na nakabatay sa pananampalataya sa halip na sa pagdududa. Iniugnay rin ng kurso ang Panunumbalik sa kasalukuyang mga pangyayari, kaya natanto ko na bahagi ako talaga ng Panunumbalik. Hindi lang pala sina Propetang Joseph Smith, Pangulong Brigham Young, at iba pang mga pioneer. Ako rin pala!

Bakit ko dapat mithiing maka-graduate sa institute?

Narito ang sabi ng iba pang mga estudyante tungkol sa pag-graduate sa institute:

“Minithi kong maka-graduate sa institute, at bagama’t marami akong isinakripisyo, ginantimpalaan ako ng pag-unawa, kaalaman, at mas malakas na patotoo.”

“Pagkatapos ng graduation mas tumatag ako at naging handa para sa mga bagong karanasan. Hihikayatin ko ang iba na mag-graduate din.”

“Ang graduation ay isang espirituwal na tagumpay na naghihikayat sa aking sumulong para makamit ang minimithi kong walang-hanggang kaligtasan.”

Kapag pinaghusay mo rin ang iyong pag-aaral sa pamamagitan ng pagsisikap na maka-graduate, matututo kang unahin ang pag-aaral ng ebanghelyo at paghusayin ang iyong karunungan tungkol sa ebanghelyo. Makikita mo ang mga katotohanang ito na pinagsama-sama upang palakasin ang iyong patotoo. Tutal, ang pag-graduate sa institute ay talagang tungkol sa pagpapatindi ng iyong espirituwalidad.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Young Adult,” Liahona, Mayo 2015, 68.

  2. Sa Marianne Holman Prescott, “Four New Classes Added to Curriculum for Church Schools,” Church News, Nob. 11, 2014.