Pagdaraos ng Isang Mainam na Pangkatang Talakayan
Ang makabuluhang mga talakayan tungkol sa ebanghelyo ay parang pagkumpas sa magandang musika. Ang isa sa mahahalagang tungkulin ng guro ay pamahalaan ang talakayan para magkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na madama ang Espiritu at matuklasan ang mga katotohanan sa kanilang sarili.
Kapag namuno kayo sa isang talakayan tungkol sa ebanghelyo, maaaring makatulong na isipin ang inyong sarili bilang tagakumpas sa isang orkestra. Ang mga tinuturuan ninyo ay hindi ang mga tagapakinig sa konsiyerto. Sila ay nasa orkestra, tinutugtog ang kanilang bahagi upang makalikha ng musika. Ang tagakumpas ang nangangasiwa sa mga tumutugtog, na pinalalabas ang pinakamahusay na magagawa ng bawat isa, at tumutulong na maging sining na nagbibigay-inspirasyon ang kanilang musika.
Ang makabuluhang mga talakayan tungkol sa ebanghelyo ay parang magandang musika. Ang isang magandang talakayan ay nagbubunga ng mas malalim na pang-unawa sa mga doktrina ng ebanghelyo na tinatalakay at nagkakaroon sila ng tunay na hangaring ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Narito ang ilang alituntuning higit na magpapaganda sa mga talakayang pinamumunuan ninyo:
Magturo ng mga tao, hindi ng mga aralin. Ang mga tinuturuan ninyo ay magiging mas handang makibahagi sa mga talakayan kapag nadama nila na mas nagmamalasakit kayo sa kanila kaysa matapos lang ang aralin. Nais madama ng mga mag-aaral na naihanda ninyo ang inyong sarili na patatagin at palakasin ang kanilang pananampalataya sa Panginoon, sa halip na magbigay lamang ng impormasyon. Ang mga mag-aaral na nakadarama ng pagmamahal ng kanilang guro at ng iba nilang mga kaklase ay magiging mas handang magbahagi ng mga ideya at karanasan.
Mag-anyaya ng inspirasyon. Ang pagsasama-sama ay pagkakataon para tumanggap kayo at ang mga tinuturuan ninyo ng paghahayag, hindi lang basta pagkakataon para maibahagi ninyo ang inyong nalalaman. Ang isa sa mahahalagang tungkulin ng guro ay pamahalaan ang talakayan para magkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na madama ang Espiritu at matuklasan ang mga katotohanan sa kanilang sarili. Kapag dumaloy ang paghahayag, lahat ay sumisigla—kapwa ang guro at ang mga mag-aaral—at magkasama silang nagsasaya (tingnan sa D at T 50:22). Malalaman ninyo na ang inyong mga talakayan ay magpapasigla kapag natututo kayo mula sa Espiritu at nagtuturo kayo sa pamamagitan ng Espiritu.
Anyayahan ang lahat na makibahagi. Ang pakikibahagi ay hindi nangangahulugan na lahat ay kailangang sumagot nang malakas sa isang tanong. Mas gusto ng ilan na makibahagi sa pamamagitan lamang ng pakikinig o pagtatala. Ang iba ay handang magbahagi ng kanilang mga ideya basta’t nabigyan sila ng panahong mag-isip at maghanda. Maaari ninyong kontakin nang maaga ang ilan sa mga tinuturuan ninyo at paghandain silang magbahagi ng kanilang mga ideya tungkol sa isang partikular na paksa.
May iba pang mga paraan para matulungan ang mga mag-aaral na makilahok sa talakayan. Halimbawa, maaari ninyong:
-
Hilingin sa kanila na pagnilayan kung paano nila sasagutin ang isang tanong bago ninyo sila hingan ng sagot.
-
Hilingin sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa isang pirasong papel. Pagkatapos ay maaari ninyong tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi sa iba ang kanilang mga sagot.
-
Anyayahan silang sagutin ang mga tanong na may katabi sila sa upuan o sa maliliit na grupo.
Kung minsan maaari kayong magkaroon ng miyembro sa grupo na nangingibabaw sa talakayan. Kung mangyari ito, maaari ninyong sabihing, “Pakinggan naman natin ang hindi pa nakakapagbahagi.” Sa ilang pagkakataon maaaring kailangan ninyong kausapin ang taong ito nang sarilinan para pasalamatan siya sa pagbabahagi at ipaliwanag ang kahalagahan ng paghimok sa iba pang miyembro ng klase na magbahagi.
Huwag matakot sa katahimikan.Ang katahimikan ay maaaring ipalagay na paghupa sa inyong talakayan, ngunit para sa mga mag-aaral, ito ay mahalagang panahon para magnilay.
Magbigay ng makabuluhang mga tanong. Magbigay ng mga tanong na humihikayat sa mga mag-aaral na pag-isipan nang malalim ang kahulugan ng mga talata sa banal na kasulatan at mga alituntunin ng ebanghelyo. Habang naghahanda kayo ng inyong lesson, isipin ang mga tanong na tutulong sa inyong mga tinuturuan na maunawaan at maipamuhay ang mga katotohanang natututuhan nila. Ang ilang tanong na maganda ang pagkakasabi ay makakagawa ng malaking kaibhan.
Makinig na mabuti. Kadalasan ay lubhang nag-aalala ang mga guro sa susunod nilang sasabihin kaya hindi na nila pinakikinggang mabuti ang mga komento. Kung taos kayong makikinig sa mga tinuturuan ninyo, madarama nila na pinahahalagahan sila at mas malamang silang makibahagi. Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson: “[Lahat] ay may kuwento na naghihintay na maibahagi. Ang pakikinig ay isang mahalagang elemento habang tayo ay nagtuturo [at] natututo” (“Mga Halimbawa ng Magagaling na Guro,” Liahona, Hunyo 2007, 76).
Magbigay ng karugtong na mga tanong. Kapag nagbahagi ng mga ideya at karanasan ang mga mag-aaral, maaari ninyong madama na marami pa silang maibabahagi. Isiping ibigay ang karugtong na mga tanong na tulad nito: Bakit ito mahalaga sa iyo? Kailan mo nakitang nangyari ito sa buhay mo? Ano ang kahulugan nito sa buhay natin ngayon? Sino pa ang may gustong sabihin tungkol dito? Sino ang may kaugnay na ideya na gusto ninyong ibahagi? Anong iba pang mga talata sa banal na kasulatan ang nagtuturo ng katotohanang ito?
Pasalamatan ang mga sagot. Kapag sumagot ang isang tao, kailangan itong pahalagahan sa anumang paraan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa sagot o pagbibigay ng karugtong na tanong.
Panatilihing dalisay ang doktrina. Tandaan na ang pangunahing mithiin ng pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi lang basta magkaroon ng magandang talakayan. Bagkus, ito’y para matutuhan ang doktrina upang mabago ang ating puso at magbagong-loob tayo. Sa oras ng talakayan, bahagi ng inyong responsibilidad ang tiyakin na totoong doktrina ang itinuturo.
Kung may gustong magbahagi ng maling doktrina, responsibilidad ninyong ipahayag nang tama ang mga doktrina. Maaari ninyong gamitin ang tamang bahagi ng sagot, maaari kayong magbahagi ng isang talata sa banal na kasulatan o magturo mula sa pangkalahatang kumperensya, o magpatotoo.
Gamit ang mga ideyang ito, maaari kayong magkaroon ng magandang talakayan tungkol sa ebanghelyo. Hindi kayo gagamit ng mga talakayan para lang palipasin ang oras. Maaari kayong mamuno sa mga epektibong talakayan para makatanggap ng personal na paghahayag ang mga mag-aaral, para magkaisa sila, at para mapalalim ang pag-unawa nila tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.