Ang Aking Recovery Room
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Si Inay ang maysakit, pero kailangan ko ring magpagaling.
Noong 17 anyos ako nalaman ni Inay na may kanser siya sa suso. Nanlambot sa pagkabigla ang pamilya ko at napaluhod ako sa taimtim na panalangin. Nagsumamo ako nang halos isang oras, sa pagtatanong sa Diyos kung bakit Niya ito tinulutang mangyari at kung pagagalingin Niya si Inay. Nakahinga ako nang maluwag makalipas ang ilang araw nang malaman ng mga miyembro ng aming ward, kamag-anak, kaibigan, at kapitbahay ang balita. Nagpuntahan sila para tulungan kami. Dinalhan nila kami ng pagkain, sinabihan ng magagandang salita at pinakitaan kami ng kabutihan, pag-aalala, at simpatiya. Ang pagmamahal na nadama namin mula sa kanila ay matindi.
Pero kahit tumanggap kami ng napakaraming tulong, nakadama ako ng napakatinding kalungkutan. Wala na akong pakialam kung anuman ang mangyari sa akin. Tumigil ako sa paggawa ng mga bagay na gustung-gusto ko. Naging tamad ako at walang-ingat sa mga gawain sa bahay, paaralan, at calling ko sa Simbahan. Itinuring kong mabigat na pasanin ang aking sitwasyon at ang dagdag na responsibilidad na ibinigay sa akin. Nadama ko na magagawa ko ang lahat nang mag-isa at hindi ko kailangan ang tulong ninuman.
Talagang tinutukan ako ni Satanas, na sinasabi sa akin na dapat akong mabigatan sa pasanin, na ginusto ng Diyos na malungkot ako, at na hindi ako espesyal. Ang malungkot, sandali kong pinaniwalaan iyon. Wala akong makitang anumang maganda sa paligid. Hindi ko madama na anak ako ng Diyos. Binulag ako ng pagkalito, at hindi ko makita ang maraming pagpapala sa akin. Ni hindi ako makatingin sa salamin. Nakadama ako ng pait at sama-ng-loob.
Mabuti na lang, isang malapit na kaibigan ang nag-ukol ng maraming oras sa pagtulong sa akin, at sinuportahan din ako ng aking mga kapatid. Naging mas tapat ako sa aking mga magulang, na naging mas tapat naman sa akin. Pero nahirapan pa rin ako.
Lagi akong pinapanatag ng nanay ko kapag nalulungkot ako. Kapag nadama ko na parang wala nang pag-asa, nakasisiyang magkaroon ng isang taong makakausap at tutulong sa akin. Umuuwi siya sa pagitan ng mga gamutan at nagpaplantsa ng aming mga damit, naghahanda ng pagkain, at pinapanatag at pinapayuhan kami. Namangha ako kung paano niya natitiis ang gayong mga pagsubok at sa kabila niyon ay isipin pa ang iba.
Nang ibahagi ko sa kanya isang araw ang aking kalungkutan, sinabi niya sa akin na hindi dahil sa umiyak ako at inamin kong kailangan ko ng tulong ay mahina na ako. Inalagaan niya ako samantalang ako ang dapat mag-alaga sa kanya.
Pagkatapos ng isa sa kanyang maraming operasyon, nasa recovery room si Inay. Sa oras na iyon, hindi ko maiwasang isipin na kailangan ko ng sariling recovery room. Wala akong kaalam-alam kung saan sisimulan ang proseso ng pagpapagaling, pero kinailangan kong kumilos.
Kaya sinimulan kong sariwain ang dati kong mga talento at kakayahan at magkaroon din ng mga bago. Nagluto ako at naglaba. Tinagalan ko ang paglalakad para makapag-isip. Kumanta ako ng mga solo. Tinagalan ko ang pagtugtog ng klarinete at piyano at hinusayan ko pa ang pagtugtog. Nagbasa ako ng mas maraming aklat. Nagsimula akong makinig sa mas nagpapasiglang musika. Humingi ako ng payo sa mga lider ng Simbahan at naghanap sa iba pang mahahalagang mapagkukunan nito. Naging mas malapit ako sa Diyos at sa aking Tagapagligtas sa personal na pagdarasal, pag-aayuno, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Magkagayunman parang panandalian pa rin ang kapayapaan ko. Mahirap noon kapag gusto kong maging mapayapa kung minsan, at sa halip ay nalulungkot ako. Naging mas mahirap pa ang pabagu-bagong damdamin. Parang kasisimula pa lang ng paglalakbay ko tungo sa kapayapaan.
Pagkatapos ay nagpunta ako sa templo upang magpabinyag para sa mga patay kasama ang buong klase namin sa Young Women. Pinag-isipan ko ang aking problema habang nasa templo at habang binubuklat ko ang mga pahina ng aking mga banal na kasulatan. Natagpuan ko ang aking sarili na nagbabasa tungkol sa Tagapagligtas sa Isaias 53:4, “Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan.”
Pagkaraan ng ilang minuto, lubos na napawi ang pagkalitong nakabulag at labis na nagbigay-pasakit sa akin. Pinawi ng Panginoon ang kadiliman at kalungkutan sa puso ko at sa halip ay iniwan ang kapayapaan ng Espiritu. Nagkaroon ako ng malinaw na pang-unawa at kaligayahan na hindi ko nadama sa mahabang panahon. Nakita ko kung gaano karami ang pagpapalang natanggap ko at gaano karami ang nagawa ng lahat para sa akin at sa aking pamilya. Nakita ko kung gaano kami naging malapit ng aking pamilya at mga kaibigan sa isa’t isa. Nakita ko na ako ay isang tunay na magandang anak ng Diyos.
Doon sa templo natagpuan ko ang aking recovery room.
Nang gunitain ko ang karanasang ito, natanto ko na mas malaki ang aking pakikiramay at habag ngayon sa mga taong di-gaanong mapalad kumpara sa akin. Alam ko kung saan ako magpapagaling. Ang pinakamahirap na taon sa buhay ko ay naging pinakamagandang taon sa buhay ko.