2016
Ang Kinabukasan Mo: Kahanga-hanga ang Disenyo
Pebrero 2016


Ang Kinabukasan Mo: Kahanga-hanga ang Disenyo

Gusto mo ba ng magandang trabaho, pamilya, at patotoo? Maaari mong piliin ang landas tungo sa tagumpay ngayon!

Product Shot from February 2015 Liahona

Mga paglalarawan ni Adam Record

Ang pagpili ngayon na makamit ang iyong mga pangarap para sa hinaharap ay maaaring tila malaking hamon, ngunit masusulit ang mabubuting desisyon mo noong tinedyer ka pa. Ang paraang ito ay sumusunod sa payong ito mula sa isang propeta: “Ang ating araw-araw na pag-uugali at mga pasiya ay dapat umayon sa ating mga mithiin” (Quentin L. Cook, “Pumili nang May Katalinuhan,” Liahona, Nob. 2014, 49).

Ipinapakita ng apat na kuwentong ito na anuman ang partikular mong mga pansariling mithiin, makakamtan mo ang tagumpay sa hinaharap sa pamamagitan ng tapat na paghahanda ngayon.

Paglalarawan ng mga Superhero: Clint Taylor

Artist Clint Taylor at his computer drawing board

Si Clint ay lumaki sa Utah at kasalukuyang nagtatrabaho sa California, USA, sa Nickelodeon Studios bilang storyboard artist.

Ano ang ilang tagumpay na ipinagmamalaki mo?

Naging direktor ako sa Warner Brothers Animation, at nagtrabaho na ako para sa Disney, Warner Bros., DreamWorks Studios, Marvel Comics, at Sony Pictures Entertainment. Nakagawa na ako ng animated shows mula sa Teenage Mutant Ninja Turtles at X-Men hanggang sa Dora the Explorer.

Paano ka humusay sa ginagawa mo?

Noong bata pa ako, kinatuwaan kong magdrowing ng mga larawan ng anumang magustuhan ko. Gumugol ako ng maraming oras sa pagdodrowing ng mga sundalo o superhero o hayop o anumang magustuhan ko sa araw na iyon. Nang lalo akong nagsanay, lalo akong humusay. Nalaman ko na lumago ang talento ko sa pamamagitan ng kasigasigan, pagmamasid, at pagtitiyaga. Nadama ko na nabigyan ako ng Diyos ng napakagandang kaloob, at gusto kong maging napakahusay rito.

Paano ka inihanda ng misyon mo para magtagumpay sa trabaho?

Ang misyon ko sa Korea ay napakahalaga dahil natulungan ako nitong magkaroon ng pananampalataya, disiplina sa sarili, at katapatan sa kahusayan. Natapos ako sa aking misyon nang may higit na tiwala sa sarili. Nakagawa ako ng isang bagay na mahirap at nagtagumpay ako roon. Talagang tinulungan ako nitong maging mas mabuting estudyante sa kolehiyo.

Anong papel ang ginampanan ng pag-aaral mo sa iyong tagumpay?

Pagkatapos ng misyon ko nag-aral ako ng pagpinta at pagdodrowing sa University of Utah College of Fine Arts. Pagkatapos ay nag-aral ako ng isang semestre sa France ng sining at kultura sa Europa, na nagbukas sa aking mata at isipan sa iba pang mga gawang-sining.

Dahil sa mga karanasang ito, nagkaroon ako ng sarili kong malawak na portfolio ng gawang-sining. Nang makatapos ako sa unibersidad, inanyayahan ako ng isang lalaking naghahanap ng mga artist na gagawa sa Marvel Spider-Man and His Amazing Friends.

Pagiging Isang Computer Whiz: Ioana Schifirnet

photo of Ioana Schifirnet at computer desk

Si Ioana ay lumaki sa Romania at nagme-major sa information systems sa Brigham Young University.

Ano ang ginawa mo noong kabataan mo na naghanda sa iyo sa gawaing ito?

Walang sandali na bigla lang akong nagising at mahusay na ako sa programming o design, na ginagawa ko sa kasalukuyan. Alam ko na matatapos ko ang ginagawa ko dahil sa napakaraming maliliit na desisyon habang ginagawa ito.

Hindi ako natakot na kumuha ng mahihirap na klase, at gumugol ako ng panahon para saliksikin ang iba’t ibang larangan at ang mga taong sangkot doon. Humingi rin ako ng tulong sa mga propesyonal at pinayuhan nila ako. Alam nila ang mabuti at masamang bahagi ng trabaho at mabibigyan nila kayo ng kaunting patnubay.

Anong mga asignatura sa paaralan ang lubos na nakatulong?

Sa aking karanasan, ang mga asignatura sa high school na lubos na nakatulong, at lalo na sa kolehiyo, ay may kinalaman sa teknolohiya. Ang pag-aaral ng isang wikang banyaga (para sa akin, ang Ingles) ay nakatulong din dahil tinuruan ako nitong maging mas maunawain at magalang sa ibang mga tao at kultura. Ang wikang banyaga ay maaaring hindi tuwirang magdulot ng magandang trabaho, ngunit gustong malaman ng mga employer na marami kang alam sa mundo.

Ano ang ilang bagay na kinatatakutan mo?

Noong bata-bata pa ako, natakot ako na baka hindi na ako talaga makakita ng isang bagay na ikasisiya kong gawin. At nang may makita ako, natakot ako na baka wala akong kakayahang magtagumpay roon.

Normal namang masindak kapag sinisikap mong alamin kung ano ang nakasisiya sa iyo, pero huwag mong hayaang makahadlang ito sa iyo.

Paano mo nadaig ang mga kinatatakutan mo?

Ang pinakamagandang bagay na nakatulong sa akin ay ang lumabas at makibahagi sa mga makabuluhang aktibidad, gaya ng paggawa ng mga online tutorial at pagsapi sa mga samahan. Diyan nagmumula ang kalinawan, kaalaman, at tiwala sa sarili. Ang isang grupo ng mga kaibigan o isang samahan na ang mga miyembro ay kapareho mo ang mga interes ay maaaring makatulong nang malaki. Ang mundo ay laging nagbabago at laging may bago kang matututuhan, pero kung may matatag na grupong susuporta sa iyo at may magaganda kang kasanayan, maaaring masaya ang makisabay rito.

Pagkakaroon ng Pagmamahal para sa Ebanghelyo: Jess McSweeney

Jess McSweeney, a young Latter-day Saint from England.

Si Jess, isang dalaga mula sa England, ay nagkuwento tungkol sa mga pagsisikap niya noong tinedyer siya na manatiling matatag sa ebanghelyo.

Paano mo napalakas ang iyong patotoo?

Noong tinedyer ako pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan dahil pinayuhan ako ng mga lider na gawin iyon. Nang mag-aral ako nang may pananampalataya, na umaasang lalago ang aking patotoo, iyan mismo ang nangyari.

Ngayon, bilang isang dalaga, nalaman ko na ang hangarin kong matuto at lumago sa ebanghelyo ay nagmumula sa paraan na magagamit ko ito para impluwensyahan ang iba. Alam ko na lahat ng natututuhan ko ay makakatulong sa ibang tao at maging sa sarili ko.

Gumawa ka ba ng mga mithiin para makatulong sa iyo?

Noong nasa seminary ako, nagkaroon ako ng mithiing basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Gayunman, dahil nakagawian ko nang mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw, nagbago ang dahilan ko. Nagsimula akong magbasa hindi lamang para makamit ang isang mithiin kundi dahil mahal ko ang mga banal na kasulatan at gusto kong lumakas ang aking patotoo. Hindi nahahawakan ang gantimpalang iyon, pero isang bagay iyon na maaangkin ko magpakailanman.

Paano nakatulong sa buhay mo ang pagmamahal mo sa ebanghelyo?

Ang pagkakaroon ng pagmamahal sa pag-aaral ng ebanghelyo ay hindi lamang tungkol sa pagtatamo ng kaalaman; tungkol ito sa pag-unawa at pag-angkop ng buhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Nang makaugalian kong magtanong at maghanap ng mga sagot mula sa mga banal na kasulatan, nagtamo ako ng patotoo at gayundin ng tiwala na ibahagi sa iba ang mga bagay na natututuhan ko.

Gaano kahalaga ang kasipagan at kasigasigan?

Ang pagtatamo ng kaalaman sa anumang aspeto ng buhay ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Ngunit para sa akin, ang pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo ay isa sa pinakamahahalagang bagay na dapat pagsumikapan. Kailangan mong matuto tungkol kay Cristo para magtamo ng patotoo tungkol sa Kanya.

Pagpapalaki ng mga Batang Musmos: Han Lin

photo of Han Lin and his children

Si Han Lin ay ipinanganak at lumaki sa Taiwan. Nabuklod silang mag-asawa sa Laie Hawaii Temple, at naninirahan ngayon sa Hawaii, USA, kasama ang dalawa nilang anak.

Ano ang pakahulugan mo sa mabuting ama?

Ang isang mabuting ama ay hindi perpektong tao, kundi isang taong sapat na mapagpakumbaba para tumanggap ng payo mula sa iba at laging hangaring pagbutihin pa ang sarili. Ang mabuting ama ay inuuna ang kanyang pamilya at ang kanilang mga pangangailangan. Handa siyang isakripisyo ang kanyang panahon, sariling interes, at lahat ng iba pa upang mapabuti pa ang kanyang pamilya. Sinisikap niyang malaman kung paano tutulungan ang bawat kapamilya na lumago at maging katulad ni Cristo.

Ano ang ginawa mo noong kabataan mo na naghanda sa iyo sa katayuan mo ngayon?

Ginawa ko ang lahat para masunod ang lahat ng kautusan at makagawa ng mabubuting desisyon. Talagang nakatulong din ang pagdalo sa seminary. Mabigat na pangako iyon dahil kinailangan kong gumising nang alas-5:00 ng umaga. Gayunman, palagay ko nakatulong ang pagkakaroon ng mga kaibigan na kapareho ko ang mithiin dahil sinuportahan namin ang isa’t isa. Palagay ko lahat ng aktibidad na ginawa namin bilang mga kabataan at bilang isang grupo ng matalik na magkakaibigan sa Simbahan ay talagang nakatulong sa amin.

Anong mga mensahe ng lipunan ang kinailangan mong daigin para maging mabuting ama?

Sinasabi ng mundo sa mga tao na dapat ay mas magpakasaya sila at magbawas ng responsibilidad, pero mahalagang maging masipag para magtagumpay sa anumang ginagawa mo. Kailangan ang lahat ng maibibigay mo para maging mabuting ama; ang paglago hanggang sa maging sakdal ay habambuhay na proseso—lumalago ako kasabay ng aking pamilya.

Ano ang sasabihin mo sa sarili mo bilang tinedyer at sa iba pang mga tinedyer?

Lahat ay kailangan ng mga kaibigan, kaya magkaroon ng mabubuting kaibigan. Kaibiganin ang mga taong “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (D at T 58:27). Matuto mula sa mabubuting kaibigang ito, at maiimpluwensyahan kayo ng kanilang mga halimbawa at nanaisin ninyong maging katulad nila at paghusayin ang inyong sarili.

Gawin ang makakaya ninyo sa lahat ng bagay na gusto ninyong gawin—gawin ninyo ang lahat. Sa gayon ay hindi kayo manghihinayang kapag lumingon kayo.