Mga Tanong at mga Sagot
“Iniisip ng ilan sa mga kaibigan ko na pagsasayang ng oras ang pagsisimba. Paano ko maipapakita sa kanila na maaari itong maging malaking pagpapala?”
Baka matulungan ng paghahambing ang mga kaibigan mo. Maipapaliwanag mo na tulad ng kailangan ng iyong katawan ang kumain at uminom at matulog at kailangan ng iyong isipan ang matuto, kailangan ding pakainin ang iyong espiritu. Tinutulungan ka ng pagsisimba na pakainin ang iyong espiritu.
Ginagawa mo ito sa pag-aaral ng ebanghelyo at pakikibahagi ng sakramento, na nagpapanibago ng mga sagradong pangako mo sa Ama sa Langit. Ang pagmumuni-muni at muling pangangako ay tinutulungan kang matanggap ang ipinangakong pagpapala na “sa tuwina ay mapasa[iyo] ang kanyang Espiritu” (D at T 20:77). Ang masamahan ng Kanyang Espiritu ay nagpapalakas sa iyong pananampalataya at tinutulungan kang maging higit na katulad ni Cristo.
Maaari mo ring banggitin sa mga kaibigan mo ang iba pang mga pagpapalang natatanggap mo. Maaari mong ikuwento sa kanila ang kapayapaang nadarama mo sa simbahan, ibahagi ang isang bagay na makakatulong na natutuhan mo sa simbahan, ikuwento ang isang pagkakataon mong makapaglingkod, o patotohanan na ang pagsisimba ay tumutulong na gawing kaluguran ang araw ng Sabbath (tingnan sa Isaias 58:13–14).
Marahil ang pinakamabisang paraan para matulungan ang mga kaibigan mo ay anyayahan silang sumama para makita nila ito mismo. Kapag sumama sila sa iyo sa sacrament meeting at sa iba pang mga miting, madarama nila ang kapangyarihan ng Espiritu Santo, matututuhan nila ang ebanghelyo, at makikita nila ang mga pagpapala nito sa buhay ng mga miyembro.
Hayaang Gabayan Ka ng Espiritu
Maaari kang magpatotoo tungkol sa pagsisimba. Maipapaliwanag mo kung gaano kaganda ang pakiramdam mo at gaano kaespesyal ang mga bagay na natutuhan mo. Kapag nagpapatotoo ka, ipapaalam sa iyo ng Espiritu kung ano ang sasabihin, at malalaman ng mga kaibigan mo na totoo ang sinasabi mo. Kapag mas marami silang alam, maaaring maging mas interesado sila. Maaari mo pa nga silang anyayahan na sumama sa iyong magsimba.
Mikelle M., edad 13, Utah, USA
Yayain Sila sa Simbahan
Mahirap magkaroon ng mga kaibigan na nag-iisip na pagsasayang ng oras ang pagsisimba, bagama’t maaari tayong maging masaya para sa kanila kapag tinulungan natin silang malaman kung ano ang inilaan ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa kanila. Matutulungan natin sila sa pag-anyaya sa kanilang magsimba para madama nila ang galak ng pagpunta sa isang nakalaang meetinghouse at pagsampalataya na madarama nila ang pagmamahal sa Ama sa Langit at malalaman nila ang mga pagpapalang natatanggap natin sa pagsisimba.
Oscar Y., edad 19, Monagas, Venezuela
Magtuon sa Sakramento
Mahalaga ang magpunta sa simbahan dahil iyon ang lugar kung saan natin mapapanibago ang ating mga tipan sa binyag at lahat ng ating tipan sa pamamagitan ng sakramento. Nangangako ang Panginoon na laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu kung marapat tayong makikibahagi ng sakramento at gagampanan natin ang ating bahagi sa tipan. Ang proteksyon, patnubay, at kapanatagang ibinibigay sa atin ng Espiritu ay mahalaga sa pang-araw-araw nating buhay. Ang kakaibang mga pagpapalang ito ay hindi matatanggap sa iba pang paraan bukod sa pagsisimba at pakikibahagi ng sakramento.
Diana R., edad 16, Oregon, USA
Maging Matapang
Maipauunawa mo ito sa kanila sa simpleng pagkausap sa kanila, pag-anyaya, pagbibigay ng mga banal na kasulatan, o pag-anyaya sa mga missionary sa bahay nila. Huwag mahiya. Maging maligaya dahil baka-sakaling sumapi sila sa Simbahan.
David H., edad 12, New Mexico, USA
Gawin ang Tungkulin Mo
Ang pagsisimba ay hindi pagsasayang ng oras kung aktibo kang makikibahagi at sisikapin mong matutuhan at maunawaan ang sinasabi o itinuturo. Madarama mo ang Espiritu, at kung minsa’y magkakaroon ka ng mga bagong kakilala.
Ethan H., edad 15, Utah, USA
Hayaang Magliwanag ang Iyong Ilaw
Bilang mga miyembro ng Simbahan, nagliliwanag tayo sa mga bagay na natutuhan natin sa ebanghelyo ni Jesucristo. Posibleng ang pagpapakita ng mabuting halimbawa at pagpapakita sa mga kaibigan mo na masaya ka sa mga pagpapalang natanggap mo dahil sa pagsisimba ay makapagturo sa kanila na sulit ang magsimba.
Johanna R., edad 20, Surigao del Sur, Philippines
Panatilihin ang Walang-Hanggang Pananaw
Batid na ang Simbahan ang kaharian ng Diyos sa lupa, nagsisimba tayo tuwing Linggo upang makagawa ng isang hakbang tungo sa pagiging sakdal at tungo sa kahariang selestiyal. Sa pamamagitan ng pagsisimba tuwing Linggo, mas napapalapit tayo sa Ama sa Langit sa pagpapanibago ng ating mga tipan (pakikibahagi ng sakramento), at sinusuri natin ang ating sarili para malaman ang ating espirituwalidad.
Esther M., edad 17, Kasai-Oriental Province, Democratic Republic of the Congo
ISANG ARAW NG KALUGURAN
“Ang mga ward at branch ng Simbahan ay may lingguhang pagtitipon para sa kapahingahan at pagpapanibago, ang oras at lugar para isantabi ang mga alalahanin ng mundo—ang araw ng Sabbath. Ito ay araw para ‘[malugod kayo] sa Panginoon’ [Isaias 58:14], madama ang espirituwal na pagpapagaling na dulot ng sakramento, at tanggapin ang pinanibagong pangako na makakasama natin ang Kanyang Espiritu.”
Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 109.
Susunod na Tanong
“Paano ko mabibigyan ng panahon ang mga lingguhang aktibidad ng mga kabataan, family home evening, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang personal at kasama ang pamilya samantalang malaking oras ang ginugugol ko sa paaralan at sa araling-pambahay?”
Ipadala ang iyong sagot at, kung nais mo, isang retrato na high-resolution bago sumapit ang Marso 1, 2016, sa liahona.lds.org, sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org, o sa pamamagitan ng koreo (tingnan ang address sa pahina 3).
Ang sumusunod na impormasyon at pahintulot ay dapat isama sa inyong e-mail o liham: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 anyos, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang e-mail) na ilathala ang iyong sagot at larawan.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.