Magpalaki ng Karapat-dapat na mga Anak ng Lalaki
Janness Johnson, California, USA
Ilang taon na ang nakararaan, noong single mother ako, na puno ng pag-aasikaso at pagsuporta sa apat na anak ko, isang bukas-palad na kaloob mula sa aking ina at kapatid na lalaki ang nagtulot sa akin na makabalik sa kolehiyo. Habang nagmamaneho ako papasok sa paaralan, iniisip ko ang aking mga inaasam at pinapangarap para sa aking mga anak. Ako ay isang convert sa Simbahan. Ang pinakamimithi ko ay magkaroon sila ng pagkakataong ituro ang ebanghelyo sa iba at mapaligaya silang katulad ko.
Isang umaga, habang nagmamaneho ako papasok sa paaralan, naisip ko ang aking dalawang panganay na anak na lalaki, na 22 buwan ang pagitan ng edad. Kung naglingkod sila, matatapos ng panganay ang kanyang misyon kasabay ng pagsisimula sa misyon ng kanyang kapatid. Nag-alala akong masyado tungkol dito at inisip ko kung paano ko sila matutulungang tustusan ang gastusin sa kanilang misyon. Hindi ko nga tiyak kung makakahanap ako ng pera para maipadala ang panganay, paano pa ang pangalawa.
Nagpatuloy ang pagkaligalig na ito nang apat na araw, habang nananalangin ako para sa sagot. Sa ikalimang araw dumating ang sagot: “Magpalaki ng karapat-dapat na mga anak na lalaki. Madaling makahanap ng pera; pero hindi madaling makahanap ng karapat-dapat na mga anak na lalaki.”
Napuspos ng pasasalamat ang puso ko. Napakalayo ng sagot sa mga alalahanin ko tungkol sa pera kaya nagulat ako. Ang trabaho ko ay magpalaki ng karapat-dapat na mga anak. Maaari akong magdaos ng family home evening, magsimba, padaluhin ang mga anak ko sa seminary, at tulungan ang mga anak ko sa mga aktibidad ng Young Men. Maaari kong gawing bahagi ng buhay ng aming pamilya ang pagdarasal, pag-aayuno, at pagbabasa ng banal na kasulatan. Alam ko na kung gagawin ko ang aking tungkulin, maaaring magkaroon ng pagkakataon ang mga anak ko na makapagmisyon.
Bukod sa aming pang-araw-araw na gawain, nagkaroon kami ng kahanga-hangang home teacher na minahal ang pamilya namin. Silang mag-asawa ay matapat na bumisita sa amin bawat buwan. Tinuruan niya ng mga lesson ang mga anak ko, binigyan sila ng mga basbas, at dumalo siya sa kanilang mga sports event. Isinama ng mga kaibigan namin ang mga anak ko sa mga stake priesthood meeting at magdamagang kamping. May mga miyembro ng stake na nagbigay sa kanila ng pagkakataong magtrabaho at kumita ng pera, mga kapitbahay na parang isa pang pares ng mga magulang, at mga guro sa paaralan na nagturo sa kanila ng disiplina at tiyaga sa pag-aaral, musika, at sports.
Nang mag-19 anyos ang panganay kong anak, sapat na ang pera para sa kanyang misyon. Ang kinalabasan, sapat na ang pera para makapagmisyon ang lahat ng apat na anak. Naglingkod sila sa Mexico at Brazil at sa South Carolina at Virginia, USA. Sabay pa ngang naglingkod ang dalawang bunso!
Dahil sa karanasang iyon madalas kong maisip ang mga salita ng Panginoon sa Isaias: “Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon” (Isaias 55:8).
Ang mga dalangin ay sinasagot kapag sinunod natin ang payo na ating natanggap, at kadalasan ay kasunod nito ang mga pagpapala. Alam ko na ang paglilingkod ng aking mga anak sa Panginoon ay nagpabago sa buhay nila at ng mga tinuruan nila. Napagpala ng kanilang paglilingkod ang aming tahanan at patuloy nilang gagawin iyon sa pagdaan ng mga henerasyon.