2016
Pagpapatawad sa Dati Kong Asawa
Pebrero 2016


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Pagpapatawad sa Dati Kong Asawa

Ang pag-aaral sa halimbawa ng pag-ibig at pagpapatawad ni Cristo ay nakatulong sa akin na mawala ang sakit na nadama ko kasunod ng aking diborsyo.

Adult woman holding scriptures as she studies.  The background is black.

Nang matagpuan ko ang aking sarili sa di-inaasahang kalagayan, ang pagharap sa diborsyo na hindi ko gusto, naranasan ko ang sakit at di-pagtanggap na hindi ko pa nadama kailanman. Ako ay mga 45 anyos na noon, mag-isang tinatapos na itaguyod ang mga anak kong tinedyer, nagtatrabaho nang full-time, at nagbabayad ng sangla. Naguguluhan ako, pagod, at nag-aalala, ngunit karaniwa’y puspos ng pinamatinding pasakit na noon ko lang nadama.

Dahil ang ebanghelyo ang pundasyon ko at nais kong mamuhay nang matwid, alam ko na dapat kong patawarin ang dati kong asawa. Alam ko na mahalagang huwag siyang pintasan sa harap ng mga bata, pero paano ko maaalis ang damdamin ng hindi pagtanggap sa akin na siyang dahilan kaya ko gustong humagulgol sa matinding pagdurusa?

Araw-araw sa aking pagdadalamhati, bumaling ako sa mga banal na kasulatan, na naghahangad ng patnubay ng Espiritu. Masigasig akong nagsaliksik araw at gabi. Kinailangan kong malaman kung ano ang magagawa ko mismo sa di-pamilyar na mga sangandaang ito ng buhay ko para masundan ang halimbawa ng Tagapagligtas, at sundin ang Kanyang panawagang sumunod sa Kanya.

Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, isinulat ko ang bawat katangian ni Jesucristo na gusto kong taglayin sa sarili kong buhay. Itinala ko ang mga turo mula sa mga kuwento at talinghaga na ibinahagi Niya noong Kanyang mortal na ministeryo. Napansin ko ang mga bagay na nangusap sa puso ko tungkol sa pagpapatawad. Masigasig kong isinulat sa notebook ko ang mga hirap at pagsubok na dinanas ng Panginoon at kung paano Niya nalampasan ang mga ito.

Sa paglipas ng panahon natanto ko na ang pasakit na Kanyang dinanas ay mas malala pa sa dinanas ko, gayunma’y pinatawad Niya ang mga nanakit sa Kanya. Siya ay isang sakdal na halimbawa. Ang notebook na iyon, na puno ng mga aral mula sa buhay ng Panginoon, ang pinaghugutan ko ng lakas. Ito ang nagligtas sa akin. Sa pagsunod sa Kanyang halimbawa, nagpasiya akong tiisin ang pagsubok hangga’t kaya ko. Naging handa akong sumulong sa kabila ng aking pasakit.

Naging epektibo ito! Ngayon pagkaraan ng ilang taon, pinagpala akong magkaroon ng mabuting ugnayan sa dati kong asawa. Kahit muli siyang nag-asawa, ang relasyon namin bilang mga magulang ng aming mga anak ay matamis at walang halong pasakit. Sa pagsunod sa halimbawa ni Cristo na huwag siyang pintasan, nadaig ko ang negatibong damdaming masaktan at tanggihan. Kaya kong magmahal!

Napakahalaga ng aral na natutuhan ko sa matinding pagsubok na ito. Nagpapasalamat ako sa sakdal na halimbawa ng Tagapagligtas. Siya ang aking bato at aking pundasyon. At hindi ko kailanman nadarama na nag-iisa ako. Nasa akin ang Kanyang pagmamahal, Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang sakdal na halimbawa, at ang pagmamahal at mga pagpapala ng pinakamamahal na Ama sa Langit.