Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Kasal ay Inorden ng Diyos
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano mapag-iibayo ng pag-unawa sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang inyong pananampalataya sa Diyos at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang mga propeta, apostol, at lider ay patuloy na “taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha.”1
Sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pamilyang binuo ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos. …
“… Hindi natin mababago ni ng sinumang iba pang tao ang banal na orden na ito ng kasal.”2
Sabi ni Bonnie L. Oscarson, Young Women general president: “Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya. Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat iyon din ang plano natin!”3
Pagpapatuloy pa ni Elder Christofferson: “Ang ilan sa inyo ay hindi pinagpalang makapag-asawa sa ilang kadahilanan tulad ng kawalan ng mapupusuan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga kapansanan sa katawan o pag-iisip, o dahil lang sa takot na mabigo. … O maaaring nakapag-asawa kayo, ngunit nagwakas ang pagsasama. … Ang ilan sa inyo na may-asawa ay hindi magkaanak. …
“Gayon pa man, … lahat ay makakatulong sa pagpapahayag ng banal na plano sa bawat henerasyon.”4
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Genesis 2:18–24; I Mga Taga Corinto 11:11; Dokrina at mga Tipan 49:15–17
Mga Kuwento ng Buhay
Naalala ni Brother Larry M. Gibson, dating unang tagapayo sa Young Men general presidency, nang sabihin ni Shirley, na asawa na niya ngayon, na:
“‘Mahal kita dahil alam kong mahal mo ang Panginoon nang higit kaysa akin.’ …
“Tumimo sa puso ko ang sagot na iyon. …
“… [At] gusto kong lagi niyang madama na mahal ko ang Panginoon nang higit sa lahat.”5
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Panginoong Jesucristo ang sentro sa tipan ng kasal. … [Isipin na] nakaposisyon ang Tagapagligtas sa pinakaitaas ng [isang] tatsulok … , na ang babae at lalaki ay nasa magkabilang sulok sa ibaba. Isipin ngayon kung ano ang mangyayari sa pagsasama ng lalaki’t babae habang pareho silang unti-unting ‘lumalapit kay Cristo’ at nagsisikap na maging ‘ganap sa Kanya’ (Moroni 10:32). Dahil sa at sa pamamagitan ng Manunubos, nagkakalapit ang lalaki’t babae sa isa’t isa.”6