Ano ang Maituturo sa Atin ng Aklat ni Mormon tungkol sa Kaligayahan?
Itinuturo sa atin ng pitong alituntuning mahahango natin mula sa dalawang kabanata sa Aklat ni Mormon kung ano ang kailangang gawin para tunay na lumigaya.
Itinuro ni Lehi sa anak niyang si Jacob, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).
Nais nating lahat na lumigaya. Madalas nating panabikan ang katuwaan, kapayapaan, at kasiyahang nakikita natin sa ating mga kapamilya at kaibigan na ang buhay ay tila puspos ng kaligayahan. Lahat ay nakadama na ng kawalan ng kaligayahan sa kanilang buhay sa iba’t ibang pagkakataon. Maaari pang itanong ng ilan, “Liligaya kaya ako?”
Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Isinama rito ng Panginoon [sa Aklat ni Mormon] ang Kanyang mensahe sa inyo. Alam ito nina Nephi, Mormon at Moroni, at ang bumuo nito ay naglagay rito ng mga mensahe para sa inyo.”1 Dahil hangad ng Diyos na lumigaya ang lahat ng anak Niya sa buhay na ito, naglagay Siya ng walang-hanggang mga alituntunin ng kaligayahan sa Aklat ni Mormon. Bagama’t makikita ninyo ang mga alituntuning ito sa buong aklat, dalawang partikular na kabanata—2 Nephi 5 at 4 Nephi 1—ang naglalaman ng malilinaw na gabay na aakay sa atin sa ibayong kaligayahan kung handa tayong ipamuhay ang mga ito.
2 Nephi 5
Hindi nagtagal pagkamatay ni Lehi, binalaan ng Panginoon si Nephi na tatangkain siyang patayin nina Laman at Lemuel. Sinabi ng Panginoon kay Nephi na isama ang mga gustong sumama sa kanya at tumakas patungo sa ilang. Bagama’t tiyak na mahirap ang paglalakbay na ito at ang pagtatatag ng isang bagong komunidad, sa 2 Nephi 5:27, ipinaliwanag ni Nephi, “Ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya.” Ang kabanatang ito ay nagpapakita ng isang huwaran ng kaligayahan na masusundan natin sa ating sariling buhay.
Pagpapanatili ng Masasayang Pakikisalamuha
Sinabi sa atin ni Nephi na ang mga sumama sa kanya sa pagtakas patungong ilang ay ang mga “naniniwala sa mga babala at paghahayag ng Diyos” (talata 6). Ang isang mahalagang pinagmumulan ng kaligayahan ay ang mga taong kasalamuha natin. Mahalagang pag-ukulan natin ng oras ang ibang mga taong kapareho natin ang paniniwala at masayang kasama. Bukod pa sa pag-uukol ng oras sa piling ng mga kapamilya, maaari tayong magkaroon ng masasayang pakikisalamuha sa mga kaibigang nagpapalakas ng ating pananampalataya. Ang mga pakikipag-ugnayan at pakikisalamuhang iyon ay may malaking epekto sa ating kaligayahan. Isinulat ni Christine Carter, isang sociologist sa University of California, Berkeley, “Ang dami at kalidad ng pakikitungo ng isang tao sa iba—mga kaibigan, kapamilya, kapitbahay, atbp.—ay napakalaki ng kaugnayan sa kapakanan at personal na kaligayahan nilang dalawa.”2
Pag-aayon ng mga Kilos sa mga Paniniwala
Sa talata 10, isinulat ni Nephi na sinunod ng kanyang mga tao “ang mga kautusan ng Panginoon.” Ang pagsunod sa mga kautusan ay mahalagang bahagi ng maligayang pamumuhay. Hinikayat ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao na “isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos” (Mosias 2:41). Mahirap para sa atin ang lumigaya kapag naniniwala tayo sa mga utos ng Diyos pero hindi natin sinusunod ang mga ito. Ang pagsunod ay nagdudulot ng kapayapaan ng isipan at kapayapaan ng budhi. Isinulat daw ng Indian spiritual at political leader na si Mahatma Gandhi na, “Ang kaligayahan ay kapag ang iyong iniisip, sinasabi, at ginagawa ay magkakatugma.” Kapag hindi magkatugma ang ating mga paniniwala at kilos, pagsisisi ang susi para muling magkaroon ng pagtutugma sa ating buhay.
Pagsisipag
Sa mga talata 11 at 15 ng 2 Nephi 5, isinulat ni Nephi na ang kanyang mga tao ay nagtanim at umani ng mga pananim, nag-alaga ng mga hayop, nagtayo ng mga gusali, at nagtrabaho sa iba’t ibang minahan. Sabi niya, “Ako, si Nephi, ay pinapangyaring maging masisipag ang aking mga tao, at gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay” (talata 17). Mula sa mga talatang ito malinaw nating nakikita na ang pagtatrabaho ay mahalaga sa pagtatamo ng kaligayahan. Bawat araw ay naghahatid ng mga pagkakataong magtrabaho sa ating tahanan, sa paligid ng ating tahanan, sa ating komunidad, o sa ating trabaho. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Iniwan ng Diyos na hindi tapos ang mundo para magamit ng tao ang kanyang galing. Iniwan Niya ang kuryente sa ulap, ang langis sa lupa. Iniwan Niyang walang tulay ang mga ilog at walang tabas ang kagubatan at hindi nakatayo ang mga lungsod. Ibinigay ng Diyos sa tao ang hamon na lumikha ng mga bagay-bagay mula sa mga materyal na hindi pa gawa, hindi ang ginhawa ng mga bagay na nalikha na. Iniwan niyang walang kulay ang mga larawan at hindi naawit ang musika at hindi nalutas ang mga problema, para malaman ng tao ang mga kagalakan at kaluwalhatian ng paglikha.”3 Sa madaling salita, ang galak ng pagiging malikhain at pakiramdam ng pagsasakatuparan na kadalasa’y kaakibat ng kasipagan ay nagdudulot ng kaligayahan.
Pagtutuon sa Templo
Sinabi rin sa atin ni Nephi na siya at ang kanyang mga tao ay nag-ukol ng oras para magtayo ng templo (talata 16) nang itatag nila ang kanilang bagong komunidad. Ang mga pagpapala ng templo at kaligayahan ay hindi mapaghihiwalay. Itinuturo sa atin ng templo ang plano ng kaligtasan at ipinapaalala sa atin kung bakit tayo narito sa lupa. Nalalaman natin na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at ang ating buhay ay may dakilang layunin sa Kanyang plano. Sa templo mas napapalapit tayo sa Kanya; nadarama natin ang Kanyang presensya, Kanyang kapangyarihan, at Kanyang pagsang-ayon. Kahit hindi tayo makapunta nang regular sa templo, ang pagkakaroon ng current temple recommend at ng larawan ng templo sa ating tahanan ay maaaring magpaalala sa atin ng ating mga karanasan sa templo at ng mga katotohanang natutuhan natin doon.
4 Nephi 1
Sa 4 Nephi, ikinuwento sa atin ng propetang-mananalaysay na si Mormon ang nangyari sa mga tao matapos bisitahin ng Tagapagligtas ang mga tao ni Nephi. Sa paglalarawan niya sa mga taong ito, sinabi niya, “Wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16).
Pagbabahagi ng Ating Pinaniniwalaan
Sa talata 3, isinulat ni Mormon na ang mga taong ito ay “nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila” at “walang mayaman at mahirap.” Kapag naghangad tayo ng kaligayahan sa sarili nating buhay ngayon, mahalaga na matutuhan nating ibahagi sa iba ang ating pinaniniwalaan.
Nakita sa maraming pag-aaral na ang oras na ginugol sa paglilingkod at ang perang ginugol sa iba ay may tuwirang epekto sa ating kaligayahan.4 Hindi kataka-taka, kung gayon, na sinabi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, “Nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan” (Mosias 4:26). Marami tayong pagkakataong tumulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng paglilingkod, mga handog-ayuno, at iba’t iba pang pondong pinamamahalaan ng Simbahan.
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa kasaysayan ng mundo, ang karukhaan ay isa na sa pinakamabigat at pinakalaganap na mga hamon sa sangkatatuhan. Ang malinaw na resulta nito ay karaniwang pisikal, ngunit ang espirituwal at emosyonal na kapinsalaang dulot nito ay maaaring lalo pang makapanlupaypay. Sa lahat ng pagkakataon, patuloy na nananawagan sa atin ang dakilang Manunubos na makiisa sa Kanya sa pagpapagaan ng pasaning ito ng mga tao.”5 Habang lalo tayong nagsisikap, nag-uukol ng oras, at humahanap ng paraan para makatulong sa iba, makikita natin na nag-iibayo ang ating sariling kaligayahan.
Pagiging Kabilang sa Isang Pamilya
Sinabi sa atin ni Mormon na ang mga taong ito “ay nag-asawa, at ibinigay sa pag-aasawa” (4 Nephi 1:11). Ang pag-aasawa at pagpapalaki ng mga anak (tingnan sa talata 10) ay magandang pagmulan ng kaligayahan ng mga taong may ganitong mga pagkakataon. Sinabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang kaligayahan sa pag-aasawa at pagiging magulang ay maaaring humigit pa nang isang libong beses kaysa anupamang ibang kaligayahan.”6
Ngunit hindi tayo kailangang mag-asawa o magkaroon ng sarili nating mga anak para magkaroon ng kaugnayan sa mga kapamilya na nagdudulot ng kaligayahan. Ang mga binata’t dalaga, kabataan, at mga bata ay maaari ding makibahagi sa mga pagpapalang ito. Para maging maligaya sa buhay-pamilya, kailangan nating subukang handugan ang bawat miyembro ng pamilya ng ating pakikipagkaibigan, pag-unawa, at pagmamahal. Ang mga pamilya ay maaaring maglaan ng emosyonal at pisikal na kaligtasan at ng damdamin na sila ay kabilang, na mahalaga para makadama ng kaligayahan.
Pagiging Tagapamayapa
Apat na beses sa buong 4 Nephi, sinabi sa atin ni Mormon na ang mga taong ito ay “hindi nagkaroon ng alitan” sa kanila (tingnan sa mga talata 2, 13, 15, at 18) “dahil sa pag-ibig ng Diyos na nananahan sa mga puso ng [mga] tao” (talata 15). Ang pagtatalo at kaligayahan ay nasa magkabilang panig—ang isa ay lumalayo sa isa pa. Binalaan ng Tagapagligtas ang mga Nephita tungkol sa mga panganib ng pagtatalo nang sabihin Niya, “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo” (3 Nephi 11:29). Kailangan nating tiyakin na sinisikap nating mabuti na huwag gumawa o magsalita ng anumang bagay na naghahatid ng diwa ng pagtatalo sa ating pinagtatrabahuhan, paaralan, at tahanan. Sa halip kailangan nating gawin ang lahat para magkaroon ng pag-ibig ng Diyos sa ating sariling puso.
Madalas magsimula ang alitan sa kawalan ng pasensya. Sa tulong ng Espiritu, maaari nating baguhin ang likas nating pagkatao at maging mas mapagpasensya. Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang kawalan ng [pasensya] … ay sintomas ng pagkamakasarili. Ugali iyon ng taong sarili lang niya ang iniisip. Nagmumula iyon sa lubhang umiiral na sintomas na tinatawag na pinakamahalaga sa sansinukob, na umaakay sa mga tao na maniwala na ang mundo ay umiikot sa kanila at lahat ng iba pa ay suportang tauhan lang sa malaking teatro ng mortalidad kung saan sila lang ang bida.”7
May mas magandang paraan. Inanyayahan tayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na “ugaliing sumagot nang mahinahon. Pagpapalain nito ang inyong tahanan, pagpapalain nito ang inyong buhay.”8
Isang Paanyayang Maghanap ng Kaligayahan
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga alituntunin ng kaligayahan. Ang napag-usapan natin ay bahagi lamang ng matatagpuan sa dalawang kabanatang ito. Ano ang makikita natin sa nalalabing bahagi ng aklat? Makabubuting simulan ang personal nating pagsasaliksik sa Aklat ni Mormon para sa iba pang mga patnubay tungo sa mas masayang buhay. Nangako si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) sa mga Banal: “Sa sandaling simulan ninyo ang dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon … masusumpungan ninyo na mas lalong sasagana ang inyong buhay.”9 Ibinigay sa atin ng Panginoon ang pambihirang kasangkapang ito. Mapag-aaralan nating gamitin ito para mapagpala ang ating sariling buhay at ang buhay ng mga minamahal natin.