Mga Kabataan
Pundasyon para sa Aking Patotoo
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Noong 16 anyos ako, isang kaibigan ang nagpunta sa bahay namin kasama ang mga missionary. Sa loob ng isang buwan ng unang talakayan, lahat ng tanong ko ay nasagot nang malinaw. Nadama ko na pinatototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga mensahe tungkol sa Panunumbalik. Hindi ko pa ito nadama noon, at alam ko na lahat ng ito ay totoo.
Gayunman, mas marami akong naranasang pagtanggi at oposisyon kaysa rati. Nadama kong nag-iisa ako, pagod, at nalilito. Kung tama ang ginagawa ko, bakit marami akong nararanasang paghihirap? Hindi ko maunawaan kung paano naging para sa ikabubuti ko ang aking mga pagsubok. Tinuruan ako ng mga missionary na mag-ayuno at manalangin, kahit sa kalagitnaan ng araw ng pasukan sa paaralan. Kapag hindi ko na makayanan ang mga bagay-bagay ibinubuhos ko ang nilalaman ng aking puso at agad kong nadarama ang kapanatagang hatid ng Espiritu.
Ang linggo ng binyag ko ay puno ng mga pagsubok. Binantaan ako ng boss ko na tatanggalin ako sa trabaho kung hindi ko palilipasin ang binyag ko para pumalit sa isang kasamahan sa trabaho, at bandang huli ay naospital ako dahil may mga bato ako sa kidney, at pinalayas ako ng mga magulang ko sa bahay namin. Dahil sa napakaraming bagay na hindi ko makontrol, ang tanging nagawa ko ay bumaling sa Panginoon.
Bawat isa sa mga pagsubok na iyon ay talagang lumabas na para sa aking ikabubuti. Tinulungan ako ng mga ito na matutuhan ang mga doktrina ng ebanghelyo, na nagbigay sa akin ng pundasyon para sa aking patotoo.