2015
‘Ang Panahon Ko’ sa mga Templo at Teknolohiya
Pebrero 2015


“Ang Panahon Ko” sa mga Templo at Teknolohiya

Mula sa mensaheng, “Find Our Cousins,” na ibinigay sa Family Day devotional para sa mga kabataan kasabay ng Roots Tech 2014 Family History Conference sa Salt Lake City, Utah, noong Peb. 8, 2014. Para malaman pa, bisitahin ang lds.org/go/Andersen215.

Ito ang panahon ninyo na mas lubos na ibaling ang inyong puso sa inyong mga ninuno at dalhin ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa milyun-milyon sa inyong angkan.

Couple sitting together on a bus.  They are looking at a tablet computer.

Hindi ba kayo nagtataka kung bakit kayo ipinadala sa mundo ngayon sa halip na sa ibang panahon sa kasaysayan? Ano kaya ang pakiramdam ng makatabi si Moises o maging kaibigan ni Maria, ang ina ni Jesus? Ano kaya ang pakiramdam ng manirahan sa Nauvoo noong nabubuhay pa si Propetang Joseph, o sumama sa iba pang mga tinedyer sa paghatak at pagtulak ng kanilang kariton nang isang libong milya papunta sa isang bagong tahanan sa Salt Lake Valley?

Kung minsa’y binabalikan natin ang mga unang panahon o ang iba’t ibang lugar at itinatanong, “Bakit hindi ako? Bakit ako narito sa lugar na ito, at bakit ngayon?”

Hindi kayo ang unang nagtanong tungkol sa panahon at lugar na kinagisnan ninyo. Itinanong din iyan ng isang propetang nabuhay noon sa mga lupain ng Amerika. Ang pangalan niya ay Nephi—hindi si Nephi sa pagsisimula ng Aklat ni Mormon kundi si Nephi na anak ni Helaman na pangalawa at apo-sa-tuhod ng propetang si Nakababatang Alma.

Sa mundo kung saan nanirahan si Nephi, pera, kapangyarihan, at popularidad ang mas mahalaga kaysa sa tama. Hayagang winalang-halaga ng marami sa mga tao ang mga kautusan. Nagsinungaling sila, kinuha nila ang hindi kanila, at binalewala nila ang batas ng kalinisang-puri. Ang mga taong sumusunod sa mga kautusan ay kinutya at pinakitunguhan nang hindi maganda (tingnan sa Helaman 7:4–5, 21; 8:2, 5, 7–8).

“Nang makita … ni Nephi [ang mga bagay na ito], napuspos ng kalungkutan ang kanyang puso … at siya ay napabulalas sa labis na paghihirap ng kanyang kaluluwa:

“O, na ang akin sanang mga araw ay nasa mga araw ng unang lisanin ng aking amang si Nephi ang lupain ng Jerusalem, sana’y nagalak akong kasama siya sa lupang pangako; noon ang kanyang mga tao ay madaling kausapin, matatag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at mabagal akaying gumawa ng kasamaan; at sila ay mabilis na nakikinig sa mga salita ng Panginoon—

“Oo, kung ang mga araw ko sana ay nasa mga araw na yaon, sa gayon ang kaluluwa ko ay nagkaroon sana ng kagalakan sa kabutihan ng aking mga kapatid” (Helaman 7:6–8).

Si Nephi ay isang kahanga-hangang propeta ng Diyos, subalit sumandali siyang nag-isip kung bakit nabuhay siya sa mundo sa kanyang panahon. Alam niya na hindi maglalaon ay isisilang sa mundo ang Tagapagligtas, ngunit sa sandaling iyon, ang tila magagandang kaganapan na malapit nang mangyari ay parang napakalayo pa.

Pagkaraan lamang ng 20 taon mula nang magsalita siya, lilipas ang isang gabi na walang kadiliman at isisilang si Jesus sa Betlehem. Pagkaraan ng 55 taon, ang Tagapagligtas, na nabuhay na mag-uli at niluwalhati, ay bababa mula sa langit sa mga Banal sa lupaing Masagana [Bountiful]. Ang anak ni Nephi ay paroroon, at ang Tagapagligtas mismo ang tatawag sa kanya at ioorden siya bilang isa sa labindalawang disipulo na napili sa Western Hemisphere. Maaari nating isipin na ang mga anak na babae at lalaki at mga apong babae at lalaki ni Nephi ay kasama sa 2,500 Banal na isa-isang inanyayahan ni Jesucristo na lumapit at personal na hipuin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Hindi magiging mahirap paniwalaan na kasama ang mga kaapu-apuhan ni Nephi sa maliliit na batang iyon na isa-isang binasbasan ng Tagapagligtas at naligiran ng apoy at pinaglingkuran ng mga anghel. Kung malinaw sanang nakita ni Nephi ang hinaharap ng kanyang matwid na pamilya at mga kaibigan, tiyak na hindi niya gugustuhing isilang sa ibang panahon.

Mabuti na lang at nanatiling matwid si Nephi, nagturo nang buong tapang sa mga tao, nagsagawa ng malalaking himala, at nagpropesiya kasama ng propetang si Samuel tungkol sa nalalapit na pagdating ng Tagapagligtas. Ang Panginoon sa Kanyang sariling mga salita ay nangako na pagpapalain Niya si Nephi magpakailanman (tingnan sa Helaman 10–11; 16).

Bagaman nag-isip siya kung bakit isinilang siya sa kanyang panahon at lugar, nagtapos siya sa nakaaantig na mga salitang: “Masdan, … ito ang aking [panahon]” (Helaman 7:9).

Youth at the Preston England Temple.

Mahal kong mga kapatid, ito ang inyong panahon. Napili kayong mabuhay sa mga huling taon bago bumalik ang Tagapagligtas sa lupa. Hindi natin alam ang eksaktong araw o taon ng Kanyang pagparito, ngunit madali nating makikita ang mga tanda bago Siya pumarito.1

Isang araw, tulad ni Nephi na naunawaan ang kanyang mahalagang tungkulin sa paghahanda para sa pagdating ng Tagapagligtas sa mga Nephita, lilingunin at makikita natin ang maluwalhating pagpapalang napasaatin na mabuhay sa ating panahon habang inihahanda natin ang mundo sa pagbalik ng Tagapagligtas. Sa halip na magtuon sa mga hirap at balakid na kinakaharap natin, tingnan natin ang ating mahahalagang layunin at ang maluwalhating panahong darating. Ipahayag nating muli ang ang mga salita ni Nephi: “Ito ang aking [panahon].”

Dahil ito ang panahon ninyo, ano ang hinihiling sa inyo ng Panginoon? Una, taglayin ninyo sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo. Matuto tungkol sa Kanya at sa Kanyang pagmamahal at di-masambit na kabutihan sa inyo at magpasiya na lagi ninyong susundin ang Kanyang mga utos. Sundin ninyo ang Tagapagligtas, ibigin ang Diyos, at paglingkuran ang mga nasa paligid ninyo. Lahat tayo ay maaaring magkaroon ng pribilehiyong mamuhay bilang mga disipulo ni Cristo, magabayan ng Kanyang Espiritu at mapasigla ang mga nasa paligid natin.

Isang Sagradong Tungkulin

Ang ilang karanasan ay inilalaan para sa partikular na mga henerasyon. Gusto kong magsalita tungkol sa isa sa inyong mga sagradong tungkulin na medyo naiiba sa anumang nakaraang henerasyon.

Iilang taon pa lang tayo nagkaroon ng mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo. Sa paglalaan ng Phoenix Arizona Temple noong Nobyembre 16, 2014, mayroon na tayo ngayong 144 na templong gumagana sa mundo. Noong bata pa ako, may 13 templo sa mundo.

Lumaki ang asawa kong si Sister Kathy Andersen sa estado ng Florida, USA. Noong siya ay limang taong gulang, dinala ng kanyang mga magulang ang kanilang pamilya sa templo para sama-sama silang mabuklod magpakailanman. Nagbiyahe sila nang anim na araw, 2,500 milya (4,023 km) sa Estados unidos patungo sa Salt Lake temple. Ngayon ay may 47 templo nang mas malapit sa kanyang tahanan sa Florida kaysa sa Salt Lake Temple.

Hinikayat ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga kabataan ng Simbahan na pumunta sa mga templo nang madalas para magpabinyag para sa mga patay. Sabi niya: “Ngayon, mga kaibigan kong kabataan na mga tinedyer na ngayon, laging ituon ang inyong tingin sa templo. Huwag gumawa ng anumang hahadlang sa pagpasok ninyo sa mga pintuan nito at sa pagtanggap ng sagrado at walang hanggang mga pagpapala roon. Pinupuri ko kayo na regular na pumapasok sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, na gumigising nang maaga upang makabahagi kayo sa gayong mga binyag bago magsimula ang klase sa eskuwela. Wala akong maisip na mas mabuting paraan para simulan ang araw ninyo.”2

Tumugon na kayo sa propeta ng Panginoon, at bawat taon milyun-milyon sa kabila ng tabing ang binibigyan ng pagkakataong tanggapin ang kanilang binyag. Walang henerasyong nabuhay sa mundong ito na nagkaroon ng gayon kalaking pribilehiyo na tulad ninyo nang pumasok kayo sa pintuan ng bahay ng Panginoon at tumulong sa kaligtasan ng mga taong naunang nabuhay sa inyo.

Tulad ng alam ninyo, may isang mahalagang unang hakbang na nagtutulot sa atin na isakatuparan ang sagradong gawain ng templo. Dapat nating saliksikin at hanapin ang mga miyembro ng ating pamilya na naunang nabuhay sa atin.

Nang unang bisitahin ni Moroni si Propetang Joseph Smith, sinabi niya kay Joseph na “ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (D at T 2:2). Kalaunan ay ipinaliwanag ni Propetang Joseph na ang mga miyembro ng Simbahan ay magiging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. … Subalit paano sila magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion?” tanong niya. “Sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga templo … at sa pagtanggap ng lahat ng ordenansa … para sa kanilang mga ninuno na namatay, … at narito ang tanikalang nagbibigkis sa puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa mga ama.”3

A man welding in the old days

Tinukoy ni Propetang Joseph ang gawaing ito bilang “isang pag-uugnay” na nagkokonekta sa mga pamilya sa bawat henerasyon (D at T 128:18). Ang pisikal na pag-uugnay noong panahon ni Joseph ay nagawa sa pamamagitan ng pagpapalambot at pagtutunaw ng dalawang pirasong metal sa isang nagniningas na hurno, at pagdurugtong sa mga ito habang malambot pa, at hinahayaan itong lumamig at tumigas hanggang sa maging isang matibay na kawing. Ang kahalagahan ng matibay at espirituwal na pagkakaugnay na nagbibigkis sa ating lahat magpakailanman ay malinaw na nakasaad sa mga banal na kasulatan: “Tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap” (D at T 128:18).

Noong araw ang naghahanap ng pangalan ng mga kapamilya, nagdodokumento nito, at nagdadala nito sa templo ay ang nakatatandang mga miyembro lamang ng Simbahan. Bakit kaya? Dahil kailangan dito ang maraming oras at pagsisikap. Madalas itong magsimula sa malalaking rolyong naglalaman ng mga talaang naka-microfilm. Nangahulugan ito ng napakaingat na pagpansin sa mga petsa at lugar, makakapal na aklat ng kasaysayan na kakaunti, at kung minsan ay mga sementeryo sa liblib ng bayan.

Ang kakayahan nating hanapin ang ating mga ninuno sa Internet ay nangyari lamang nitong nakalipas na ilang taon, na may napakalaking pagsulong nitong nakaraang ilang buwan. Madaragdagan pa ito sa mga darating na buwan.

Dahil naging lubhang masigasig ang inyong henerasyon sa pagpunta sa templo, magiging mahusay kayo sa mga darating na buwan at taon sa paghahanap at pagdadala ng mga pangalan sa templo.

Gusto kong hamunin ang bawat isa sa inyo na magtakda ng mga personal na mithiing tumulong sa paghahanda ng maraming pangalan para mapabinyagan ninyo sa templo. (Para simulan ang hamon, bisitahin ang templechallenge.lds.org.) May nakakaantig sa pagsasaliksik sa mga taong nangangailangan ng mga ordenansa sa templo, makilala sila, at pagkatapos ay maging bahagi sa pagtanggap nila ng mga sagradong ordenansang ito. Sa ganitong paraan kayo nagiging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion” (tingnan sa Obadias 1:21 at D at T 103:9). May kagalakan at kasiyahang nauunawaan lamang sa pamamagitan ng espirituwal na damdamin. Nakaugnay tayo sa ating mga ninuno magpakailanman.

Family working on genealogy

Ang ilan sa ating mga pamilya ay nasa Simbahan na sa loob ng maraming henerasyon, at karamihan sa gawain sa templo para sa mga ninunong direktang pinagmulan natin ay nagawa na. Noong 2013, sa unang pagkakataon, nakita ko ang aking mga ninuno sa isang fan chart online, pati na ang aking lolo-sa-tuhod na si Niels Andersen, kung kanino isinunod ang aking pangalan, at aking kalolo-lolohang si Moroni Stocks, ang unang miyembro ng pamilya na isinunod ang pangalan sa isang propeta sa Aklat ni Mormon. Nakita ko ang mga retrato ng napakaraming miyembro ng aking pamilya online. Alam ba ninyo ang hitsura ng inyong kanunu-nunuan?

Paghahanap sa Ating mga Pinsan

Kung ang chart ninyo ay hindi kasingkumpleto ng sa akin, ang unang responsibilidad ninyo ay punan ito hangga’t kaya ninyo. Parami nang parami ang impormasyong makukuha bawat buwan.

Kung ang inyong chart ay kasingkumpleto ng sa akin, may napakahalagang bagay pa kayong gagawin. Walang katapusan ang gawaing ito. Hindi ito makukumpleto kahit makabalik na ang Tagapagligtas. Kapag mukhang kumpleto na ang chart namin, tinutulungan namin ang iba na mahanap ang mga kaanak nila at nakikita namin ang malalapit na kaanak ng mga nasa family tree namin. Ang tawag namin dito ay “paghahanap sa ating mga pinsan.”

Paano natin hahanapin ang ating mga pinsan? Sa dalawang paraan.

Una, pumunta tayo sa ating chart, at makikita natin ang malalapit na kaanak ng ating mga kalola-lolahan o kalolo-lolohan. Halimbawa, puwede kong tingnan sa chart ko si Lola Frances Bowen Evans at tingnan pagkatapos ang mga pamilya ng mga kapatid ni Lola Evans. May lima siyang kapatid na babae at dalawang kapatid na lalaki. Sa ganitong paraan, matatagpuan ko ang mga pinsan ko.

Ang pangalawang paraan para makita ang ating mga pinsan ay tulungan ang mga nasa paligid natin. Magsisimula tayo sa espesyal na buklet na My Family. Kung bago ang inyong pamilya sa family history, punan ang buklet. O kung ang family tree ninyo ay kamukha ng sa akin, dalhin ang buklet sa isang bagong miyembro o sa isang taong hindi pa gaanong aktibo sa Simbahan na katulad ng inyong pamilya at tulungan silang saliksikin ang kanilang pamilya. Sa paggawa nito, matutulungan ninyo silang dalhin ang iba sa templo. Sila ay mga kapatid ninyo, pero gusto rin naming tawagin silang “mga pinsan” ninyo.

Lahat tayo ay magkakapatid sa pamilya ng ating Ama. Ang sarili nating pamilya ay hindi basta-basta nagkakasama-sama. Sabi ni Pangulong Monson, “Nakatutuklas tayo ng ilang bagay tungkol sa ating sarili kapag nakikilala natin ang ating mga ninuno.”4

Kapag nakita natin ang ating sarili sa pananaw ng ating pamilya, yaong mga naunang nabuhay sa atin at yaong mga taong sumunod sa atin, natatanto natin kung paano tayo naging bahagi ng isang kahanga-hangang ugnayang nagkokonekta sa ating lahat. Kapag sinaliksik natin sila at dinala ang kanilang mga pangalan sa templo, ibinibigay natin sa kanila ang isang bagay na hindi nila makukuha kung wala tayo. Sa paggawa nito, nakakonekta tayo sa kanila, at ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu ay pinagtitibay sa ating kaluluwa ang walang-hanggang kahalagahan ng ating ginagawa.

Sabi ni Pangulong Monson, “Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon.”5

Idaragdag ko sa kanyang mga salita na ang mga pagpapala at kapangyarihang nagmumula sa kaitaasan ay naghihintay sa ating mga kapamilya na naunang pumanaw sa atin kapag tinanggap nila ang mga ordenansang ginagawa natin para sa kanila sa mga banal na templo. Tapos na ang buhay nila sa lupa, ngunit patuloy silang nabubuhay. Tayo ang nagiging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion” at nakabigkis tayo sa kanila magpakailanman.

Kayo ay isinilang sa panahon ng mga templo at teknolohiya. Ito ang panahon ninyo na mas lubos na ibaling ang inyong puso sa inyong mga ama.

Sa pag-aambag ninyo sa sagradong gawaing ito, mag-iibayo ang inyong kaalaman at pananampalataya sa Tagapagligtas at tatanggap kayo ng mas tiyak na patotoo na patuloy ang buhay sa kabilang tabing. Tatanggap kayo ng proteksyon laban sa mga tukso na nakapaligid sa inyo, at maihahanda ninyo ang inyong sarili at ang daigdig na inyong ginagalawan para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Alam ko na patuloy ang buhay sa kabila ng tabing. Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Siya ay buhay. Ang Kanyang maluwalhating Pagbabayad-sala ay nagpapanatili sa mga ordenansang ito sa templo magpakailanman.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 7–10.

  2. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 93.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 555.

  4. Thomas S. Monson, “Mga Di-Nagbabagong Katotohanan sa Pabagu-bagong Panahon,” Liahona, Mayo 2005, 21.

  5. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” 92.