Pinagpala ng Araw ng Sabbath
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay talagang tungkol sa pagsunod, pag-uugali, at pagpili.
Ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay naging hamon kay Annabelle Hyatt nang kunin siya sa internship sa isang amusement-park company. Dahil laki sa Texas, USA, si Annabelle ay tinuruang sumamba, magpahinga, at maglingkod sa iba sa araw ng Sabbath. Ngunit nang lumipat siya sa Florida para simulan ang kanyang internship, kinailangan niyang magtrabaho tuwing Linggo.
Ikinuwento niya, “Noong una masigasig akong pumasok sa trabaho, tulad ng iba. Makalipas ang ilang linggo, napansin ko kung gaano ako kalungkot sa buong linggo dahil hindi ako nakakabahagi ng sakramento o nakakarinig ng inspiradong mga salitang kailangang-kailangan ko.”
Isang araw humingi siya ng tulong sa panalangin at lakas-loob na kinausap ang kanyang supervisor tungkol sa hangarin niyang magsimba at hindi magtrabaho tuwing Linggo. Hindi naunawaan ng kanyang supervisor kung bakit napakahalaga niyon sa kanya. Ngunit nagpumilit si Annabelle. Tuwing makikita niya ang kanyang manager o scheduling supervisor, binabanggit niya na kailangan niyang mag-day off tuwing Linggo at handa siyang magtrabaho nang husto sa iba pang mga araw para magawa ito.
“Sa huli, himalang nangyari iyon!” sabi niya. “Ang mga day-off ko sa trabaho ay naging Sabado’t Linggo, na imposible para sa isang intern na halos isang buwan pa lang sa trabaho. Ang pribilehiyong makakuha ng mga day-off sa Sabado’t linggo ay karaniwang nakalaan sa mga nasa seniority.”
Pinatotohanan niya ang mga pagpapala: “Nang maibalik ko ang positibong impluwensya ng pagsisimba sa buhay ko, nakita at nadama ko ang malaking kaibhan. Nang tanungin ng mga katrabaho ko kung bakit ako nagsisimba o bakit napakahalaga niyon, sinabi ko sa kanila na sumama sila sa akin. Sinimulan kong isamang magsimba ang ilan sa mga katrabaho ko. Alam ko nang walang pag-aalinlangan na sulit na panindigan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang paggalang sa araw ng sabbath ay kailangan upang mapatnubayan ng Espiritu ang inyong buhay at maging mas mabuti kayong tao.”
Si Annabelle, tulad ng maraming young adult, ay pinagpala nang manatili siyang tapat sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Bagama’t maaaring mahirap labanan ang pamimilit na magtrabaho o makibahagi sa mga aktibidad na karaniwan nating ginagawa sa buong linggo, ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath sa huli ay tungkol sa pagsunod, pag-uugali, at pagpili. Darating ang malalaking pagpapala. Pinatotohanan ng tatlong young adult na ito na tinutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga anak na panatilihing banal ang Kanyang araw.
Naglaan ng Paraan ang Panginoon
Nang lisanin ni Katrin Schulze ng Germany ang kanilang tahanan para magkolehiyo sa malayo, biglang sinubukan ang kanyang determinasyon na panatilihing banal ang araw ng Sabbath. “Itinuro ng mga magulang ko sa aming magkakapatid ang kahalagahan ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath,” sabi niya. “Para sa amin, ibig sabihin niyan ay huwag magtrabaho, mamili, o maglaro sa araw ng Linggo. Wala akong maalalang anumang eksepsyon.
“Kinailangan sa kolehiyo ko na sumali ako sa isang seminar na laging ginaganap tuwing katapusan ng linggo—Sabado’t Linggo. Nahirapan akong magdesisyon—kung hindi ako sasali, hindi ako makakatapos sa pag-aaral; sa kabilang banda, gusto kong sundin ang lahat ng utos ng Panginoon. Nang pag-aralan ko ang sitwasyon, natanto ko na hindi ito isang problema na kakayanin kong lutasing mag-isa. Nagsumamo ako sa Panginoon at hiniling kong ipakita Niya sa akin ang paraan para maging masunurin at makatapos sa aking pag-aaral. Napayapa ang aking kalooban matapos ang panalanging iyon.
“Habang papalapit ang petsa ng seminar, kinabahan ako pero nanatili akong tiwala na maghahanda Siya ng paraan. Isang araw nakatayo ako sa pisara kung saan nakalista ang iskedyul ng mga seminar. Karamihan ay Sabado’t Linggo, pero may isang bahagi na nakaiskedyul nang mahigit tatlong araw, na hindi kasama ang Linggo. Natanto ko na tinutulungan ako ng Panginoon na panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Hindi pa nagkaroon at hindi na muling nagkaroon ng seminar sa anumang araw kundi Linggo, ngunit sa taon na kailangang-kailangan ko iyon, ginawang posible iyon ng Panginoon para sa akin. Lubos ang pasasalamat ko na naglaan ng paraan ang Panginoon para masunod ko ang Kanyang mga utos.”
Maghandang Sumamba sa Araw ng Linggo
Si Katherine Wilkinson, mula sa Utah, ay madalas abutin ng hatinggabi sa labas tuwing Sabado. Ikinuwento niya na isang araw ng Sabado, “Naghapunan kami ng mga kaibigan ko sa labas, nanood ng sine, at nagkuwentuhan hanggang umaga. Siguro pasado alas-2:00 n.u. na ako nakatulog.
“Kinaumagahan ng Linggo, kumapa ako sa dilim para patayin ang alarm ko nang alas-7:30 n.u. pero dahil alas-8:30 n.u. pa naman nagsisimula ang simba, at inaantok pa ako kaya ini-reset ko ang alarm sa alas-8:00 n.u. Pagkagising ko, kinailangan kong magmadali para hindi ako mahuli. Pagkaraan ng dalawang-minutong paligo at walang almusal, nagmadali akong lumabas ng pintuan.
“Parang ang tagal ng simba. Antok na antok ako sa mga pulong. Binantayan ko ang oras, at nainip akong makauwi para makaidlip na ako sa bahay. Nang magsimula ang Sunday School, saka ko lang natanto, sa pagmamadali ko, na nalimutan ko ang mga banal na kasulatan at manwal ko.”
Kalaunan nagpasiya si Katherine na gusto niyang magbago para masiyahan siya sa araw ng Sabbath at mapanatili niya itong banal. “Pinag-isipan ko ang pagsamba ko sa araw ng Sabbath,” sabi niya. “Tinanghali ako ng gising, nagmadali akong magsimba nang di-gaanong handa, nagtiis ako nang tatlong oras sa mga pulong (nang hindi nasisiyahan), at umuwi na para matulog. At hindi iyon ang unang pagkakataon na nagkagayon ang Linggo ko. Natanto ko na ipinagkakait ko sa aking sarili ang buong pagpapala ng pagsamba sa araw ng Sabbath, lalo na ang sakramento at ang ibinibigay nito sa akin.
“Higit pa sa pisikal na pagdalo sa mga pulong ng Simbahan ang paggalang sa Sabbath; nangangahulugan ito ng pagtutuon ng isipan at espiritu. Gusto kong gawin iyan. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), ‘Ang Sabbath ay nangangailangan ng makabuluhang pag-iisip at pagkilos, at kung patamad-tamad ang isang tao at walang ginagawa sa araw ng Sabbath, hindi niya ito pinananatiling banal. Para mapanatili itong banal, luluhod ang isang tao sa panalangin, maghahanda ng mga lesson, mag-aaral ng ebanghelyo, magninilay, bibisita sa maysakit at nagdurusa, matutulog, magbabasa ng mga makabuluhang materyal, at dadalo sa lahat ng pulong sa araw na iyon kung saan siya inaasahan’ (The Miracle of Forgiveness [1969], 96–97). Nang simulan kong magbago at igalang ang sagradong araw na ito, naramdaman ko ang mas malalaking pagpapala sa buhay ko.”