Bago Matapos ang Ating Paglalakbay
Para sa mga taong nagtitiis na mabuti, lumalalim ang pananampalataya sa paglipas ng panahon.
Hindi ko na kailangang alalahanin kung saan ko matatagpuan ang aking 92-taong-gulang na ama, si Paul Romney, tuwing Linggo ng hapon. Siya ay nasa kanyang ward sa Salt Lake City, Utah, at naglilinis ng chapel. Mahigit isang oras niya itong ginagawa.
Nakahawak siya sa kanyang walker habang naglalakad sa gitna ng mga hanay ng upuan. Pagkatapos ay humahawak siya sa mahahabang upuan habang nagpapalipat-lipat ng hanay, pinupulot ang nakakalat na mga papel, inaayos ang mga himnaryo, at dinadampot ang cereal o breadcrumbs na nahulog sa karpet. Ginagawa niya ito tuwing Linggo, na may ilang eksepsyon, mula nang maorden siyang deacon noong 1934.
Paghahanda sa Pagsamba
“Ginagawa ko ito para ipakita na mahal ko ang Panginoon,” wika niya. “Ang pagkakaroon ng malinis na chapel ay tumutulong sa atin sa pagsamba sa Kanya.”
Bilang deacon, natutuhan ni Paul Romney na kasama sa kanyang mga tungkulin ang pangalagaan ang mga temporal na pangangailangan ng ward. “Ang isang paraang naisip ko para magawa iyan ay maglinis pagkatapos ng mga miting,” wika niya. “Kaya sinimulan kong gawin ito, at mula noon ay ginagawa ko na ito.” Hindi ito opisyal na gawain o tungkulin, bagama’t paminsan-minsan ay pumupunta siya sa araw ng Sabado upang tulungan ang iba na nakatalagang maglinis ng meetinghouse. Kung minsan ay tinutulungan siya ng kanyang mga anak. Ilang taon na ang nakararaan noong siya ay nasa bishopric, hinikayat niya ang mga deacon na makiisa.
Ngunit kadalasan hinihintay lang niyang matapos ang huling miting sa araw na iyon. At ngayon, nang walang anumang pagpapasikat, tumutulong siya sa maliit na paraan upang mapanatili ang bahay ng kaayusan. At tapat niya itong ginagawa, tuwing Linggo.
Ipinakita sa akin ng halimbawa ng aking ama na anuman ang ating sitwasyon, lagi tayong makakakita ng paraan para makapaglingkod. Tinuruan ako nito ng pagpipitagan at paghahanda sa pagsamba. At nakatulong ito sa akin na makita na tayong lahat ay maraming matututuhan mula sa mga taong nauna sa atin sa kanilang paglalakbay sa buhay na ito.
Pagpapalitan ng mga Tungkuling Ginagampanan
Natutuhan ko rin ang mga aral na iyon mula sa aking mga kapitbahay na di-kalayuan sa amin. Si Larry Morgan, 97, at ang kanyang asawang si Elizabeth, 94, ay matagumpay na nagampanan ang iba’t ibang tungkulin sa buhay sa kanilang pagsasama: bilang mag-asawa, ama at ina, senior missionary companions sa Holland. Noong 72 anyos si Larry, tinawag siya bilang tagapayo sa bishopric. Noong panahong iyon may 79 na balo sa aming lugar, at dahil sa tungkuling iniatas ng bishop, binisita nina Larry at Elizabeth ang bawat isa sa kanila.
Sa loob ng mahigit 40 taon, tuwing Linggo ng ayuno, ang mga anak nina Larry at Elizabeth, at ngayon ay ang kanilang mga apo at apo-sa-tuhod, ay nagtitipon sa gabi para tapusin ang kanilang ayuno. “Gusto naming masayang magkasama-sama ang aming pamilya, at lahat ay mahilig kumain,” sabi niya. “Marami kaming imbak na trigo, kaya naggigiling kami ng sarili naming harina at gumagawa ng waffles. Pagkatapos ay kumakain kami hanggang mabusog ang lahat.” Ang simple at pinagsaluhang pagkaing iyon ay nakapagpadama ng walang-hanggang pagsasama-sama ng pamilya.
Ngayon, ang mga anak at apo ang nagluluto. May dementia si Elizabeth ngunit alam niyang nariyan lang ang kanyang pamilya. Sa bawat taong naroon, paulit-ulit niyang sinasabing, “Mahal kita.” Kapag naubos na ang pagkain at nakaalis na ang lahat, nasisiyahan siyang makinig sa malakas na pagbasa ni Larry ng mga banal na kasulatan at mga artikulo sa magasin ng Simbahan at napapanatag dahil alam niyang nariyan lang siya.
Mga dalawang taon na ang nakararaan, nahulog si Larry at napinsala ang kanyang gulugod. Dahil dito, hindi na siya makalakad. “Hindi ako nagsasayang ng oras sa pagtatanong ng, ‘Bakit ako?’” wika niya. “Tumanggap ako ng basbas ng priesthood. Sinabihan ako na makakalakad akong muli, kahit hindi sa buhay na ito. Dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, alam kong mangyayari ito. Nalaman ko nang ang ating Ama sa Langit ang namamahala sa lahat. Kapag tinanggap natin ang Kanyang kalooban, makakaasa tayo sa Kanyang tulong.”
Lumalawak na Pananaw
Nakilala ko si Merle Christensen sa unang pagkakataon sa isang bahay-kalinga sa Brigham City, Utah. Lola siya ng isang kaibigan ng aming pamilya, at magdiriwang na noon ng kanyang ika-101 kaarawan. Sa kanyang silid, nakaupo si Merle na napapaligiran ng mga souvenir na aklat at retrato. Dalawang retratong ibinahagi niya ang talagang hinangaan ko.
Ang una, na kinunan maraming taon na ang nakararaan, ay isang grupo ng mga estudyante sa seminary, kabilang na ang mga anak na babae ni Merle. “Nakaupo sila sa harapan kasama ang kanilang gurong si Boyd K. Packer,” sabi ni Merle. “Talagang napakabata ng hitsura niya, pero mahusay siyang guro.” Ngayon ay siya ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Noong bata pa si Merle, nagkaroon siya ng polio. “Hindi madaling harapin iyon para sa isang tinedyer,” sabi niya. “Kinailangang lumakas ang pananampalataya ko para makayanan ko iyon. Ngunit tinulungan ako ng Panginoon noon, at tinutulungan Niya ako ngayon.” Ang mga taong nagkaroon ng polio sa kanilang kabataan ay madalas dumanas ng post-polio syndrome sa kanilang pagtanda, na nararamdaman ang mga sintomas na gaya ng panghihina ng kalamnan at pagkahapo. Ganyan si Merle.
Kapag napapagod siya, naaalala niya ang talata sa Alma 7:11–12 na nagsasabi kung paano “dadalhin [ng Tagapagligtas] sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao … upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.” Pagkatapos, sinabi niya, “nagtitiwala ka na alam ng Panginoon ang pinagdaraanan mo. Gawin ito araw-araw, manalangin, magsimba, at maging mabait sa iba. Ang maliliit na bagay ang tutulong sa iyo na malagpasan ito.”
Ang pangalawang retratong ipinakita sa akin ni Merle ay nasa isang scrapbook—isang retrato ng tatlo sa kanyang limang anak na babae. Lahat ng anak niya ay babae, at ang tatlo ay ipinanganak na triplets noong 1936, ang unang triplets na isinilang sa Brigham City. “Bihira ang nagkakaanak ng triplets noon,” sabi ni Merle. Hindi pa gaanong makabago ang medisina noon, at dalawa sa mga bata ang isinilang na may mga problema sa puso. Namatay si Sharon noong 1958 at si Diane noong 1972. Si Janice, na walang sakit sa puso, ay namatay sa kanser noong 1992.
“Mahal ko ang lahat ng anak ko, ang kanilang mga asawa, ang mga apo ko, at mga apo-sa-tuhod,” sabi ni Merle. Ngunit nangungulila siya sa kanyang asawang si DeVere, na 26 na taon nang yumao, at sa kanyang triplets, na magiging 79 na taong gulang sana ngayong Abril.
Muli siyang nagbasa sa Alma: “At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao” (Alma 7:12).
“Alam ko na nadaig ng Tagapagligtas ang kamatayan,” sabi ni Merle. “Dahil diyan, alam ko na makikita kong muli ang asawa ko at ang triplets ko at ang buong pamilya ko.” Ang paniniwalang iyan, sabi niya, ay lalong tumitindi araw-araw.
Pumanaw si Sister Christensen noong Setyembre 2014, matapos maisulat ang artikulong ito.
Pamamasyal nang Magkasama
Sina Alph at Lucette Passeraub ng Lausanne, Switzerland, ay mahilig mamasyal nang magkasama. Ang isa sa mga paborito nilang puntahan ay ang baybayin ng Lake Geneva, kung saan mas mataas ang Alps kaysa sa inland sea. Dalawang taon na ang nakararaan sa isang gayong pamamasyal, ginugol ng mag-asawang Passeraub ang gabi sa paggunita sa nakaraan.
“Kahit noong binatilyo ako, naghahanap ako ng katotohanan,” sabi ni Alph, edad 78. “Lagi kong sinasabi sa sarili ko, kung mayroong Diyos, dapat ay mayroon Siyang buhay na propeta sa mundo. Naiisip ko iyan palagi.”
Nang magsimula na si Alph sa pag-aaral sa kolehiyo, hinikayat siya ng isang kaibigan na dumalo sa libreng English class na itinuturo ng mga LDS missionary. Pagkatapos ng isa sa mga klase, inanyayahan siya ng mga missionary sa simbahan.
“Noong una akong dumalo, ang Sunday School lesson ay tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo bilang tatlong magkakahiwalay na nilalang,” paggunita ni Alph. “Sinabi ng guro na marami tayong nalalaman tungkol sa Diyos dahil sa mga turo ng isang makabagong propeta, si Joseph Smith, at na may mga buhay na propeta ngayon. Namangha ako. Pinag-uusapan nila ang matagal nang nasa puso ko.” Hindi nagtagal ay sumapi siya sa Simbahan, “at araw-araw mula noon, nagagalak ako na may mga propeta sa lupa.”
Si Lucette, edad 80, ay lumaki noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. “Kinailangan kong magtrabaho sa edad na 14 at hindi ako nakatapos ng pag-aaral kahit kailan,” sabi niya. “Pero binigyan ako ng Simbahan ng mga pagkakataon na patuloy na matuto.” Matapos maglingkod sa full-time mission, sinimulan niyang i-deyt si Alph. Ikinasal sila sa templo, nagkaroon ng pamilya, at ngayon ay ginugunita ang kanilang nakaraan kabilang na ang 14 na taon ni Lucette bilang ward Primary president, 32 taon ni Alph sa stake high council, regular na pagpunta sa templo, pagbisita sa mga anak at apo, at lagi-laging pasasalamat para sa katotohanang tinanggap nila noong mga bata pa sila.
“Mapalad kaming magkasama sa buhay,” sabi ni Lucette. “At sa bawat hakbang, mas lumalakas ang aming pananampalataya.”
Marami akong natutuhan mula sa mga kaibigang ito na mas matanda sa akin. Tinuruan ako nina Larry at Elizabeth na makipagpalitan ng mga tungkuling ginagampanan sa buhay nang may dangal at tulong mula sa Panginoon. Ipinakita ni Merle na ang pananampalatayang magtiis hanggang wakas ay dapat isalig sa pananampalataya sa Tagapagligtas ngayon. At nagagalak ang mga Passeraub sa ebanghelyo araw-araw. Lahat ng iyon ay mga aral na magpapalakas sa akin bago matapos ang aking paglalakbay.