2015
Pagkakaroon ng Lakas sa Mabubuting Kaibigan
Pebrero 2015


Pagkakaroon ng Lakas sa Mabubuting Kaibigan

Ang pinipili ninyong mga kaibigan ay maaaring makaapekto nang malaki sa inyong buhay, tulad ng nagawa nito sa akin.

illustration of young men talking together

Paglalarawan ni Beth Jepson

Isinilang at lumaki ako sa isang maliit na lungsod sa Chile. Noong 12 taong gulang ako, nakakita ako ng mga missionary sa unang pagkakataon, at naging interesado ako. Pagkatapos isang araw sinabi ng kaklase ko na naging miyembro na sila ng kanyang pamilya sa Simbahan. Inanyayahan niya ako, at dumalo ako sa lahat ng miting tuwing Linggo at aktibidad tuwing Martes sa loob ng ilang buwan.

Bago lang ang branch namin, at dahil dumadalo na ako halos sa simula pa lang, inakala ng lahat na miyembro ako. Pagkaraan ng anim na buwan sinabi ko sa isa sa mga missionary na hindi ako miyembro, dahil akala ko ay interesado lamang ang mga missionary sa mga pamilya.

Sinikap ng mga missionary na maturuan ang pamilya ko, pero hindi interesado ang mga magulang at kapatid ko. Inanyayahan nila akong magpabinyag, pero dahil 12 taon ako, kailangan ko ang pahintulot ng mga magulang ko. Akala ko sasabihin ng tatay ko na kailangan kong maghintay hanggang mag-18 anyos ako, pero sabi niya, “Nakita kong gumigising tuwing Linggo ng umaga ang anak ko samantalang ang mga kapatid niya ay tulog pa rin, nagdadamit siya nang napakaayos, at naglalakad papunta sa chapel. Kung magiging responsable ang anak ko sa desisyong ito, payag ako.” Hindi ako makapaniwala. Para akong nasa langit nang sandaling iyon. Kaya’t nabinyagan ako kinabukasan.

Ang pagiging miyembro ko ng Simbahan ay nagbigay ng espirituwal na pagpapala sa akin, mangyari pa. At nagbigay din ito sa akin ng ilang mabubuting kaibigan. Noong binyagan ako, ilang kabataang kaedad ko ang nagsimulang magsimba, at naging magkakabarkada kami. Sinimulan naming dumalo sa bawat miting at aktibidad nang sama-sama.

illustration of young adult men talking together

Noong 17 anyos ako, nilisan ko ang aking lungsod para magkolehiyo. Nagpasiya ang tatlo sa mga kaibigan ko na magkolehiyo rin sa lungsod na tinirhan ko, at nagsama-sama kami sa isang tirahan. Malaking tulong ito dahil masusuportahan at mapapangalagaan namin ang isa’t isa. Hinikayat namin ang isa’t isa na magsimba. Nagdaos din kaming apat ng home evening, at kung minsan ay inaanyayahan namin ang iba pang mga estudyante na mga miyembro ng Simbahan. Sa mga taon na nag-aral kami sa unibersidad, pinalakas namin ang isa’t isa.

Apatnapu’t limang taon pagkaraan, matatalik na kaibigan ko pa rin ang mga kabataang lalaking iyon. Bagaman nakatira kami sa iba’t ibang panig ng mundo, palagi kaming nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Lahat kaming anim ay nagmisyon.

Kaya hinihikayat ko kayong magkaroon ng mabubuting kaibigan sa Simbahan sa inyong kabataan. Magtiwala sa kanila at tulungan sila. Ang isang mabuting kaibigan ay palaging handang tumulong sa inyo, iingatan ang pagtitiwala ninyo, at hindi kayo kailanman sasaktan. Hindi ko sinasabi na kailangang perpekto ang mga kaibigan ninyo, pero dapat nilang igalang ang inyong mga pamantayan at pinahahalagahan. Ang pagiging mabuting kaibigan ay hindi laging tungkol sa pagsasaya. Kailangan dito ang taos-pusong pagmamalasakit sa kapakanan ng inyong mga kaibigan at tapang na pagsabihan sila kapag mali ang kanilang ginagawa.

Hinahangaan ko kayong mga kabataan ng Simbahan. Malaki na ang ipinagbago ng panahon kumpara noong binatilyo pa ako. Napakasayang mabuhay sa panahong ito, ngunit mapanganib din. Upang mapagtagumpayan ito kailangan kayong “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal” (1 Nephi 8:30) at sumusunod sa payo at mungkahi ng inyong mga magulang at pinuno ng Simbahan. Makakatulong sa inyo ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan para magawa ito.

Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na nag-iisa kayo dahil kayo lang ang miyembro ng Simbahan sa inyong paaralan o klase. Ngunit hindi kayo nag-iisa. Itinuturing ng ating Panginoong Jesucristo at ng ating Ama sa Langit na mahalaga ang bawat isa sa inyo, at Sila ay sabik na tutulong sa inyo habambuhay. Susuportahan kayo ng mga tunay na kaibigan ninyo na mapalapit sa Kanila.

Sinasabi sa mga banal na kasulatan na “yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon [sa langit], lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian” (D at T 130:2). Nakikinita ko lang kung ano ang pakiramdam kapag nagkita tayo sa susunod na daigdig, napapaligiran ng kaluwalhatian, lubos na maligaya sa piling ng ating mga kaibigan at pamilya. Magiging napakasayang sandali niyan, at walang hanggan.