Mga Bakas ng Katapatan
Randolph Shankula, Utah, USA
Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark
Matagal-tagal ko nang gustong kunan ng retrato ang Temple Square sa Salt Lake City—pati na ang reflection pool, mga bukal, at mga bangketa—na natatakpan ng sariwang niyebe na walang makikitang anumang mga bakas ng paa. Para makunan ng retrato ang sariwang niyebe na walang mga bakas ng paa, alam kong kailangan kong makarating sa Temple Square nang maaga kinabukasan kasunod ng magdamagang pag-ulan ng niyebe.
Isang gabi matapos mabalitang uulan ng niyebe sa buong magdamag, inihanda ko ang aking sarili. Dahil sinisimulang linisin ng mga nangangalaga sa bakuran ng Temple Square ang mga bangketa nang alas-5:00 n.u., nag-set ako ng alarm sa alas-3:00 n.u. at inihanda ko ang mga gamit ko.
Nagmaneho ako ng kotse sa maniyebeng kalsada kinabukasan, at nakarating ako sa Temple Square nang alas-4:15 n.u. habang umuulan pa ng niyebe. Pagkatapos ay umikot ako sa temple square, at naghanap ng paparadahan na madali akong makakakuha ng retrato.
Sa una kong pagdaan sa Temple Square, napansin ko na ang daanan papunta sa pasukan ng Salt Lake Temple ay natatakpan ng sariwang niyebe—walang anumang mga bakas ng paa! Alam ko na makakakuha ako ng perpektong retrato. Tuwang-tuwang umikot akong muli sa blokeng iyon para maghanap ng paparadahan.
Nang papunta na ako sa gawing silangan ng North Temple Street, akala ko makakakita ako ng paparadahan na malapit sa daanan. Gayunman, bago ko namalayan, wala na pala akong paparadahan at naroon akong muli malapit sa bangketa papunta sa pasukan ng templo.
Habang nakahinto sa red light, tumingin ako sa kanan sa sariwang niyebeng hindi pa natatapakan. Pagtingin ko sa kaliwa sa Conference Center, napansin ko ang isang matandang babaeng nakasuot ng damit-pangsimba, na nakapaling ang ulo sa bumabagsak na niyebe habang patungo siya sa templo.
“Naku,” naisip ko. “Hindi ko na iyon makukunan ng retrato!”
Habang tumatawid ang babae sa harapan ko, lumingon ako at tumingin sa tatapakan niyang bangketa at nakita ko na naraanan na pala ito ng isa pang babae at paliko na ito sa pasukan ng templo. Pagkatapos ay minasdan ko ang babaeng naglalakad na ngayon sa daanan. May nakakapit na niyebe sa kanyang sapatos at bukung-bukong, at sinusundan niya ang mga bakas ng paa ng nauna, maingat ngunit sigurado ang paglakad niya sa daanan, papasok sa tarangkahan, at papunta sa pasukan ng templo.
Habang pinag-iisipan ko ang nakita ko, tiningnan ko ang orasan sa kotse ko: alas-4:20 n.u. Habang komportable akong nakaupo sa kotse at nakatingin sa mga bakas ng paa sa sariwang niyebe, napakumbaba ako sa katapatan ng dalawang babaeng iyon na magsasagawa ng kanilang nakatalagang mga tungkulin.
Umikot akong muli sa lugar na iyon, pumarada, kinuha ko ang aking kamera, at kinunan ng retrato ang mga bakas ng paa sa niyebe—isang mas magandang retrato kaysa una kong naisip.