Notebook ng Kumperensya ng Oktubre 2014
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko; … maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38 ).
Habang nirerepaso ninyo ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2014, magagamit ninyo ang mga pahinang ito (at ang mga Notebook ng Kumperensya sa susunod na mga isyu) para matulungan kayong pag-aralan at ipamuhay ang mga itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta at apostol at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan.
Bawat kumperensya, ang mga propeta at apostol ay nagbibigay ng inspiradong mga sagot sa mga tanong ng mga miyembro ng Simbahan. Maaari ninyong gamitin ang inyong isyu ng Nobyembre 2014 o bisitahin ang conference.lds.org para makita ang mga sagot sa mga tanong na ito:
Paano natin higit na mauunawaan ang kahalagahan ng sakramento? Tingnan sa Cheryl A. Esplin, “Ang Sakramento—Isang Pagpapanibago ng Kaluluwa,” 12.
Ano ang kaugnayan ng kalayaan, katarungan, awa, pagsisisi, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Tingnan sa D. Todd Christofferson, “Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili,” 16.
Bakit ang tahanan ay napakagandang lugar para sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo? Tingnan sa Tad R. Callister, “Mga Magulang: Ang Pangunahing mga Guro ng Ebanghelyo sa Kanilang mga Anak,” 32.
Paano nagtutulungan ang mga magulang para makabuo ng walang-hanggang pamilya? Tingnan sa L. Tom Perry, “Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Kapayapaan at Pagbubuo ng mga Walang-Hanggang Pamilya,” 43.
Nagmungkahi si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ng dalawang paraan para ang mga kabataan ay “magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith”:
“Una, maghanap ng mga talata sa Aklat ni Mormon na nadarama at alam ninyong talagang totoo. At ibahagi ang mga ito sa pamilya at mga kaibigan … , na kinikilala na si Joseph ay kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Susunod, basahin sa Mahalagang Perlas ang patotoo ni Propetang Joseph Smith. … Isiping irekord ang patotoo ni Joseph Smith sa sarili ninyong tinig, pakinggan ito palagi, at ibahagi ito sa mga kaibigan.”
Mula sa “Si Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 30–31.
Bakit gusto ng mga Banal sa mga Huling Araw na ibahagi ang ebanghelyo?
“Ang matatapat na disipulo ni Jesucristo ay magigiting na missionary noon pa man at magpakailanman,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang missionary ay isang alagad ni Cristo na nagpapatotoo na Siya ang Manunubos at nagpapahayag ng mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo.
“Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang simbahang may mga missionary noon pa man at magpakailanman. …
“… Ang pagbabahagi sa ibang tao ng mga bagay na napakahalaga sa atin o nakatulong sa atin ay karaniwan lamang.
“Ang ganitong huwaran ay nakikita lalo na sa mga bagay na may espirituwal na kahalagahan at epekto.”
Ano ang maaari nating gawin kapag nagpakita ng interes ang mga tao sa ebanghelyo at sa Simbahan? Sinabi ni Elder Bednar na matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na “magsiparito kayo, at inyong makikita” (Juan 1:39).
Mula sa “Magsiparito Kayo, at Inyong Makikita” Liahona, Nob. 2014, 107, 109.
Para mabasa, mapanood, o mapakinggan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, bisitahin ang conference.lds.org .