2015
Kapag Pinanghinaan ng Loob ang Mabubuting Kaibigan
Pebrero 2015


Kapag Pinanghinaan ng Loob ang Mabubuting Kaibigan

Kung ibinaba ng isang kaibigan ang dati’y mataas niyang mga pamantayan, ano ang dapat ninyong gawin?

Young woman looking sad.

“Matalik kaming magkaibigan, at pareho kami ng mga pamantayan noon. Pero ngayon …”

Pamilyar ba iyan sa inyo? Lahat tayo ay nakaranas o nakakita na ng ganitong pangyayari—sisimulang gumawa ng mali ang isang mabuting kaibigan at uudyukan pa ang iba na sumama. Ang ilan sa mahihirap na tanong na maaari ninyong kaharapin ay “Dapat ko bang kausapin ang kaibigan ko tungkol sa ugaling ito?” at “Dapat ba akong tumigil sa pagsama sa kaibigan ko kung patuloy pa rin ang ugali niyang ito?”

Walang iisang sagot na akma sa bawat sitwasyon, kaya ang paghahanap ng solusyon ay mangangailangan ng pananalig at tapang para masunod ang payo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Sa pagsisikap na makipagkaibigan sa iba, huwag ikompromiso ang inyong mga pamantayan. Kung inuudyukan kayo ng inyong mga kaibigan na gumawa ng masama, panindigan ang tama, kahit mag-isa lang kayong naninindigan. Maaaring kailanganin ninyong maghanap ng ibang kaibigan na tutulong sa inyo na masunod ang mga kautusan. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa paggawa ninyo ng mga pagpiling ito” ([2011], 16).

Narito ang dalawa lang sa mga halimbawa ng mga kabataan na nagkaroon ng mga kaibigang sinimulan silang udyukang tumahak sa maling landas.

Pag-iwas

“Nagkaroon ako ng isang kaibigan na sinimulan akong udyukan na balewalain ang aking mga pamantayan, at nakinig ako noong una. Sa huli nagpasiya ako na ayaw ko na at hindi ko na siya hahayaang impluwensyahan pa ako. Ipinagdasal kong magkaroon ako ng lakas at patnubay, at dahil namuhay akong muli sa paraang alam kong nararapat, natanggap ko ang patnubay na hiniling ko. Sa huli ay tumigil na ako sa pagsama sa kanya, at sa nakalipas na mga buwan, lumakas nang husto ang aking patotoo. Ang sinasamahan ninyong mga kaibigan ay talagang nakakaapekto nang malaki sa kakayahan ninyong ipamuhay ang itinuturo ng ebanghelyo.”

Margaret Denise K., 17, Utah, USA

Manatiling Umaasa

“Sa simula ng middle school, nakilala ko ang isa pang miyembro ng Simbahan na napakalakas ng espirituwalidad. Isa siyang Aaronic Priesthood holder at mukha namang isang mabuting halimbawa ng isang tao na ipinamumuhay ang ebanghelyo. Naging mabuti kaming magkaibigan at marami kaming napag-usapan tungkol sa Simbahan. Habang tumatanda kami, ang pagpapahalaga niya sa sarili at kakayahan niyang manindigan sa kanyang mga pamantayan ay nagsimulang manghina. Kahit magkaibigan pa rin kami, nakisama siya sa iba na hindi gaanong mabuti ang impluwensya. Madalas ko siyang marinig na magmura at magbiro tungkol sa mga bagay na imoral at iba pang mga bagay na hindi angkop. May ilan siyang kaibigang ateista at walang-pakundangang magsalita tungkol sa ‘Mormonismo.’ Kalaunan, nalulong siya sa pag-inom ng tsaa at nagkanobya sa edad na 13.

“Hindi ko alam ang gagawin. Ilang beses kong sinikap na sabihan siya sa magiliw na paraan na nag-aalala ako sa kanya, pero hindi niya ako pinansin. Hindi pa rin ako sumuko. Pinanindigan ko ang aking mga pamantayan at sinikap kong maging mabuting halimbawa sa kanya. Ayaw kong tumigil sa pakikipagkaibigan sa kanya, pero nang lumala na ang lahat, mukhang mas makakabuting gawin ko nga iyon. Sa huli, ilang beses akong lumuhod para ipagdasal na maging ligtas siya.

“Pagkatapos ay nagkatrabaho ang tatay niya sa ibang estado. Dahil dito nabuksan ang mga mata ng kaibigan ko sa lahat ng nagawa niya. Lahat ng sinikap kong sabihin sa kanya sa loob ng tatlong taon ay bigla niyang naunawaan. Sa sumunod na ilang linggo, pinagsikapan niyang baguhin ang kanyang nakaraan hangga’t kaya niya. Nang kausapin ko siya, pinasalamatan niya ako sa aking halimbawa at kahandaang huwag siyang isuko. Iyon ang pinakamasaya niyang sandali sa loob ng maraming taon at talagang naunawaan niya ang kahulugan ng maging Banal sa mga Huling Araw.

“Para sa sinumang kaibigang nagkakamali, palagay ko pinakamainam na paalalahanan siya sa kanyang mga ginagawa. Pero kung hindi siya nakikinig, tulad ng kaibigan ko, huwag sumuko. Baka ito ang panahon na talagang kakailanganin niya ang isang tunay na kaibigan. Panindigan ang inyong mga pamantayan, kahit tinutukso niya kayong balewalain ito. Ipagdasal siya. Alam ko na maaari kayong magkaroon ng lakas sa pamamagitan nito, at na hindi kayo mag-iisa sa inyong mga pagsisikap. Madaling manghina at maisip na wala tayong kaibigan kapag nanindigan tayo para sa kabutihan. Ngunit sa pamamagitan ng mahihina, gagawa ng makapangyarihang gawa ang Panginoon.”

Collin Z., 16, Wyoming, USA

Young pretty black woman with her hands folded over the top of a table. She is praying.

Muli, walang iisang sagot sa tanong na “Dapat ba akong tumigil sa pagsama sa kaibigan ko?” Ngunit isang bagay ang tiyak: laging manalangin para sa patnubay ng Espiritu at maging handang sundin ito. Dapat ninyong unahing magmalasakit. Magmalasakit sa espirituwal na kapakanan ninyo at ng inyong kaibigan. Magmalasakit sa halimbawa at impluwensyang ipinapakita ninyo sa inyong kaibigan. Magmalasakit sa impluwensya ng kaibigan ninyo sa inyo. At kapag nanalig kayo sa pangangalaga ng mapagmahal na Ama sa Langit, makikita ninyo ang mga sagot na hinahanap ninyo.