Ang Pasukang Tinatawag na Binyag
Dalangin ko na mas lubos na maunawaan ng bawat isa sa atin ang ating pangangailangan sa binyag, sa pasukang laan nito sa atin tungo sa habambuhay na pagbabalik-loob, at sa maawain at nagbabayad-salang pagmamahal ng ating Tagapagligtas.
Ang buhay ni Glen (hindi niya tunay na pangalan) ay puno ng kaguluhan at labanan. Noong tinedyer siya nasangkot siya sa masasamang barkada, krimen, at karahasan. Nang makilala niya ang mga missionary, nadama niya na ang mga bagay na pinaniniwalaan nila ay mahirap maging totoo. Pero dumating ang oras na nalaman din niya na talagang totoo at mas mahalaga ang mga ito kaysa anupamang bagay na alam niya.
Matapos ayusin ang kanyang buhay, at sa taos-pusong pagsisisi at pamumuhay ng ebanghelyo, nagpabinyag si Glen. Natagpuan niya ang isang bagong buhay na puno ng liwanag at kapayapaan at kagalakan. Naging malinis siya sa harapan ng Panginoon.
Sabi ni Nephi:
“Kaya nga, gawin ninyo ang mga bagay na sinabi ko sa inyo na nakita kong gagawin ng inyong Panginoon at inyong Manunubos; sapagkat sa ganitong layunin ang mga yaon ay ipinakita sa akin, upang malaman ninyo ang pasukang inyong dapat pasukin. Sapagkat ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig; at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.
“At pagkatapos kayo ay nasa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan; oo, kayo ay nakapasok na sa pasukan” (2 Nephi 31:17–18).
Malinaw na itinuturo sa mga talatang ito na ang binyag, isang banal na tanda ng tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak, ay kailangan para sa ating kaligtasan (tingnan din sa Marcos 16:16; Ang mga Gawa 2:38; 2 Nephi 9:23–24). Tunay ngang napakahalaga at kailangang-kailangan ang ordenansang ito kaya si Jesus Mismo ay nagpabinyag upang “[ganapin ang] buong katuwiran” (Mateo 3:15).
Madaling maunawaan ang paliwanag ni Nephi tungkol dito: “At ngayon, kung ang Kordero ng Diyos, siya na isang banal, ay kinakailangang mabinyagan sa pamamagitan ng tubig, upang ganapin ang lahat ng katwiran, O gaano pa kaya higit na kinakailangan na tayong mga hindi banal ay mabinyagan, oo, maging sa pamamagitan ng tubig!” (2 Nephi 31:5).
Kapag nabinyagan tayo, pinatutunayan natin sa Ama na handa tayong makipagtipan “na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.
“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Mosias 18:8–9).
Pinaninibago natin ang tipang ito tuwing Linggo kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Ang mga salita ng tipan, tulad ng nakasaad sa mga panalangin sa sakramento, ay nag-aanyaya sa mga anak ng Ama sa Langit na patunayan “na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng [kanyang] Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (D at T 20:77).
Isang Panimulang Ordenansa
Bukod sa pinatutunayan natin na handa tayong sundin ang Diyos, ang binyag ay nagtutulot sa atin na makapasok sa kaharian ng Diyos, na siyang Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Sinasabi sa atin sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ng isang may karapatan ang panimulang ordenansa ng ebanghelyo at kinakailangan upang maging kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”1
Malinaw na ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang layunin ng binyag nang sabihin niya kay Nicodemo: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5).
Kailangan natin ang awtorisadong binyag para makapanirahan tayo sa piling ng Ama at ng Anak, ngunit natutuwa ako na ang binyag ay may isa pang pangunahing layunin. Ang binyag ay hindi lamang ang pasukan patungo sa Simbahan ng Panginoon at pagkaraan ay sa kahariang selestiyal; ito rin ang daan tungo sa napakahalaga, kailangang-kailangan, at patuloy na proseso sa pagiging “ganap kay Cristo” (Moroni 10:32, 33) na kailangan at nais ng bawat isa sa atin. Ang prosesong ito, tulad ng inilarawan sa ikaapat na saligan ng pananampalataya, ay nagsisimula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, na sinundan ng pagsisisi, pagkatapos ay ng “pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan,” at pagkaraan ay pagtanggap ng Espiritu Santo.
Sa madaling salita, matatawag natin ang patuloy na prosesong ito na pagbabalik-loob. Binanggit ito ni Jesus sa una Niyang sinabi kay Nicodemo. Bilang Dalubhasang Guro, sinagot Niya ang mahalagang tanong ni Nicodemo kung ano ang dapat niyang gawin upang maligtas, na sinasabing, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios” (Juan 3:3).
Ang ipanganak o isilang na muli ay nangangailangan ng higit pa sa binyag, paliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang espirituwal na pagsilang na muli na inilarawan sa [mga banal na kasulatan] ay karaniwang hindi nagaganap nang agaran o minsanan; ito ay patuloy na proseso—hindi lang minsanang nangyayari. …
“Sinisimulan natin ang proseso ng pagsilang na muli sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, pagsisisi sa ating mga kasalanan, at pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan na isinasagawa ng taong may awtoridad ng priesthood.” Ngunit kabilang sa iba pang “mahahalagang hakbang sa proseso ng pagsilang na muli” ang “lubusang paglubog at pagbabad sa ebanghelyo ng Tagapagligtas.”2
“Pagsilang na muli” ang isa pang tawag sa pagbabalik-loob. Ito ay pagkakaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu,” na sinabi ng Tagapagligtas na siyang tanging pag-aalay na tatanggapin Niya (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20). Tiyak na walang sinuman sa atin ang “makakakita” sa kaharian ng Diyos hangga’t hindi natin “na[ra]ranasan ang malaking pagbabagong ito sa [ating] puso” (Alma 5:14; tingnan din sa Mosias 5:2; Alma 5:26).
Ang prosesong ito, na humahantong sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, ay nagsisimula sa pananampalatayang sapat para magsisi at magpabinyag. Ipinaliwanag ni Mormon ang bagay na ito nang ituro niya na, “At ang mga unang bunga ng pagsisisi ay binyag; at ang binyag ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikatutupad ng mga kautusan; at ang pagtupad sa mga kautusan ay nagdadala ng kapatawaran ng mga kasalanan” (Moroni 8:25).
Gaya ng maraming miyembro ng Simbahan, hindi ako nagkaroon ng madulang karanasan sa pagbabalik-loob na katulad ni Glen at ng iba pa. Ako ay “isinilang sa butihing mga magulang” (1 Nephi 1:1; tingnan din sa Enos 1:1) at nabinyagan sa edad na walo. Paano mararanasan ng gayong tao ang pagbabalik-loob na naranasan ng mga taong sumapi sa Simbahan nang mas matanda pa sa walong taon?
Isang Pasukan tungo sa Matatag na Pagbabalik-Loob
Ito ay isa sa pinakamagagandang bagay na maaaring maunawaan ng bawat isa sa atin tungkol sa pasukang tinatawag na binyag. Ang binyag ay hindi ang destinasyon, kahit samahan pa ng mahalagang sangkap na kaloob na Espiritu Santo. Ang binyag ang pasukan tungo sa patuloy at habambuhay na proseso ng tunay at matatag na pagbabalik-loob.
Tulad ng iba pang bagong miyembro, nagsisimula ang proseso sa tapat na hangaring sundin ang kalooban ng Ama sa pamamagitan ng pagpapabinyag. Nagpapatuloy ito sa pagsusuri sa lahat ng nagawa nating kasalanan at sa tuluyang pagsisikap na itigil ito, ipagtapat ito, magsauli kung maaari, at huwag na itong balikan kailanman. Matapos mabinyagan, tatanggap tayo ng karapatang mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo, na maaaring mangyari kung lagi nating inaalala ang Tagapagligtas sa lahat ng ating iniisip, ginagawa, at buong pagkatao. At nalilinis tayo sa gayong paraan (tingnan sa 2 Nephi 31:17).
Pero paano kung magkasala tayong muli matapos mabinyagan? Mababalewala ba ang lahat? Maawaing nagplano ang ating Ama para sa ating mga kahinaan. Maaari tayong muling manampalataya at umasa kay Cristo at taos-pusong magsisi. Ngunit sa pagkakataong ito at sa sumunod na mga panahon, ang ordenansa ng binyag ay karaniwang hindi na kailangan. Sa halip ay inilaan ng Panginoon ang ordenansa ng sakramento. Binibigyan tayo nito ng lingguhang pagkakataong suriin ang ating sarili (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:28) at simbolikong ilagak ang ating mga kasalanan sa altar ng Panginoon kapag tayo ay taos-pusong nagsisi, muling naghangad ng Kanyang kapatawaran, at nagpatuloy sa isang panibagong buhay.
Ito ang prosesong sinabi ni Haring Benjamin nang magsalita siya tungkol sa “[paghuhubad ng] likas na tao at [pagiging] banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” (Mosias 3:19). Ito ang tinukoy ni Pablo na nagpapaginhawa at literal na nagpapadakilang proseso nang magsalita siya tungkol sa pagiging “nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay. …
“Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo’y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan” (Mga Taga Roma 6:4, 6).
Ito ang patuloy at pinagsama-samang proseso na nagtutulot sa atin na magalak na kasama ang mga anghel sa awa at tulong ni Cristo (tingnan sa Alma 5:26). Kabilang dito ang espirituwal na pag-unlad na matatamo natin sa pagtanggap sa mga ordenansa at pagtupad sa kaugnay na mga tipan na ibinibigay sa mga ordinasyon ng priesthood at sa templo.
Dalangin ko na lubos na maunawaan ng bawat isa sa atin ang pangangailangan nating mabinyagan, sa daan na inilalaan nito sa atin tungo sa habambuhay na proseso ng pagbabalik-loob, at sa maawain at nagbabayad-salang pagmamahal ng ating Tagapagligtas, na nakatayo “sa pintuan” (Apocalipsis 3:20) at inaanyayahan tayong pumasok at tumahan sa piling Niya at ng Ama magpakailanman.